KABALIGTARAN ng kaniyang abuela, hindi mahilig sa bata si Ahtisa. Ni hindi nga niya nakikita ang kaniyang sarili na magpapamilya. Literal na wala iyon sa kaniyang plano. Kaya sa edad niyang twenty-six, kahit ang pumasok sa isang relasyon ay hindi niya naiisip.
Hindi dahil wala siyang manliligaw, sa katunayan, pila ang naghahangad na ligawan at mapangasawa siya. Bakit hindi? Isa siyang Lopez at nananalaytay sa kaniya ang dugo ng kaniyang lola na si Donya Alejandra Lopez.
Pagdating sa high society, isa ang kanilang angkan sa tinitingala at iginagalang.
Ipinanganak na mayroong gintong kutsara si Ahtisa. Ni minsan din, hindi pa nababahiran ng gawaing bahay ang kaniyang magaganda at malalambot na kamay.
Kung sa mata ng ibang tao, ipinanganak siyang isang prinsesa na nasa kaniya na ang lahat. Lalo na pagdating sa usaping yaman.
Pero hanggang doon lang naman ang alam ng lahat. Na mukha siyang masuwerte.
Mariing ipinikit ni Ahtisa ang kaniyang mga mata.
Baka naman puwede pang magbago ang isip ng kaniyang lola. Susubukan niyang kausapin itong muli.
Abala si Donya Alejandra sa pag-a-arrange ng bulaklak sa babasaging vase sa may hardin nang makita ito roon ni Ahtisa.
“Hi, Mamita,” nakangiti pang wika ni Ahtisa sa kaniyang abuela. Yumakap pa siya sa may tagiliran nito. Naglalambing.
Ibinaba naman ni Donya Alejandra ang hawak nitong stem ng peach rose at binalingan siya ng tingin.
“Bakit parang tunog kakaiba ‘yang boses mo?” tila dudang tanong ng donya sa kaniya.
Nakangiti pa rin si Ahtisa habang nakatingin sa kaniyang abuela. “Baka naman po puwedeng hayaan na lang ninyo akong maging matandang dalaga?” nakangiti pa niyang tanong. Baka sakaling pumayag ito.
“Maria Ahtisa!”
Napabitiw si Ahtisa sa pagkakayakap sa kaniyang lola dahil sa malakas nitong boses. Napahawak pa siya sa kaniyang tainga.
“Mamita!” reklamo naman niya. “Parang pati ang eardrums ko ay napunit sa pagsigaw mo.”
“Gusto mo talaga akong high-blood-in na bata ka?” halos manlaki pa ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya.
Napalabi siya. “Mamita naman kasi. Ayaw ko pong magkaroon ng anak para lang alagaan.”
“Bakit? Nagreklamo ba kami ng lolo mo na alagaan ka?” balik nito sa kaniya na ikinatahimik niya. “‘Di ba at hindi naman? Kung ano man ang utos ko ay ‘yon ang sundin mo kung gusto mong magkaroon ng magandang hinaharap at hindi pulutin sa lansangan. Hindi ka makikinabang ni singkong-duling kapag wala kang sinunod sa huling utos ko sa iyo.”
“Mamita, ang hirap naman kasi ng gusto ninyong mangyari.”
“Walang mahirap basta bukal sa puso mo. Ang mabuti pa, pumunta ka na sa San Roque at ng makapag-isip-isip ka na,” pagtataboy na nito sa kaniya bago muling dinampot ang dalawang stem ng rosas. “Bukas, ipapahatid kita sa driver natin. Nakausap ko na naman ang caretaker natin doon kaya siguradong malinis na sa tutuluyan mong bahay. Nagpabili na rin ako ng mga kakailanganin mo habang naroon ka.”
Napabuntong-hininga na lamang si Ahtisa. Hindi na talaga magbabago ang gusto ng kaniyang lola.
“Pero mas gusto ko pa rin na makapag-asawa ka sana. Malay mo naman.”
Asawa?
Umasim ang timplada ng mukha ni Ahtisa. “Mamita, wala po ‘yan sa bucket list ko.”
“‘Wag kang magsalita ng hindi pa tapos, apo.”
“Pare-pareho lang naman po ang mga lalaki, Mamita,” mahina pa niyang wika habang nakatitig sa mga bulaklak na nasa vase.
Napahinto sa paglalagay ng bulaklak sa vase si Donya Alejandra. Kapagkuwan ay binalingan ng tingin si Ahtisa. Bumuntong-hininga ito.
“Apo, hindi lahat,” kontra naman nito. “Isipin mo na lang ang Lolo Francis mo. Napaka-ideal niyang lalaki.” Napangiti pa ito pagkaalala sa asawang sumakabilang buhay na rin.
“One in a million lang po si lolo, Mamita,” kontra naman niya.
Bumaba ang tingin ni Ahtisa sa kaniyang kamay nang mahigpit iyong hawakan ng kaniyang abuela.
“Naniniwala ako na mayroon pang katulad niya sa mundong ito. ‘Yong lalaking hindi magloloko at ikaw lang ang mamahalin hanggang sa mamatay kayong pareho.”
Umiling si Ahtisa. “Huwag na po tayong umasa, Mamita. Sana lang, may makita akong lalaki na puwedeng magbigay sa akin ng anak. ‘Yon lang ho ang kaya kong ibigay sa inyo.”
“I revoke. Doon ako sa first option,” nakangiti pa ring wika ni Donya Alejandra sa apo. Wala namang masama na umasa.
“Aasa ka lang po, Mamita.”
“Mag-empake ka na ng mga kakailanganin mong dalhin,” pagtataboy na nito sa kaniya. “Iviang, tulungan mo na si Ahtisa sa kaniyang pag-eempake.”
“Masusunod po,” wika ng kanilang kasambahay.
“Mamita—”
“Lipas na lipas ka na sa edad mong ‘yan, Ahtisa. Magmadali ka na bago pa magsara ang bahay-bata mo!”
“Ang harsh ninyo sa akin, Mamita. Napaka-fresh ko pa.”
“Mag-e-empake ka ba o ako na ang kakaladkad sa iyo sa simbahan para makapag-asawa ka?”
“Mag-eempake na po.”
Wala ng nagawa si Ahtisa kung ‘di ang iwan na ang kaniyang abuela sa may hardin. Para bang hindi talaga ito nagbibiro sa sinabi nito. Baka bigla pa nitong totohanin at makapag-asawa pa siya ng wala sa oras. Ayaw naman niyang mangyari iyon.
NAKATULALA LANG SI Ahtisa sa may harapan ng malaki nilang ancestral house nang sa wakas ay makarating doon makalipas ang walong oras na tuloy-tuloy na pagbiyahe.
Parang sa isang iglap, parang bigla siyang dinala sa lumang panahon dahil na rin sa pagiging old fashioned ng kanilang ancestral house. Para iyong sinaunang mansiyon sa panahon ng Kastila. Palibhasa, may lahing Kastila ang kaniyang lola. Dito rin niya namana ang pagiging maputi at makinis ng kaniyang kutis. Higit sa lahat, ang kaniyang kagandahan.
“Maligayang pagdating, Señorita,” nakangiti pang bati kay Ahtisa ng mag-anak na siyang caretaker sa naturang ancestral house.
May edad na rin ang mag-asawang siyang pinaka-caretaker sa lupain na iyon. Naroon din ang dalawa niyong anak na babae at tatlong anak na lalaki na siyang kasa-kasama ng mag-asawang mamahala sa lugar na iyon.
Ilang ektarya rin ang lupain ng kaniyang lola sa San Roque.
Ilang beses na rin siya roong inaaya ng kaniyang mga pinsan na magbakasyon, pero ni minsan, hindi siya sumama.
Ngayon, mag-isa siyang nagtungo roon.
Ang kasama niyang driver, bukas ay nakatakda na ring bumalik sa Maynila. At ang dalawang personal maid niya, na sina Iviang at Margie ay maiiwan doon para mag-asikaso sa mga kailangan niya sa kagustuhan na rin ng kaniyang abuela.
Gusto pa nga nitong magpadala rin ng ilang bodyguard niya para masiguro ang kaniyang proteksiyon sa lugar na iyon. Tingin naman niya ay sobra na kung magsasama pa siya ng bodyguard. Baka magmukha lalo siyang kapansin-pansin. At ayaw naman niyang mangyari iyon.
“Sigurado pong napagod kayo sa mahabang biyahe, Señorita,” ani Manang Aida na kaagad iminuwestra ang entrada ng ancestral house. “Magpahinga na po muna kayo sa loob.”
“Tara na sa loob, Señorita,” pag-aaya na rin sa kaniya ni Iviang, isa sa kasama niyang personal maid.
Wala ng salita na sumunod siya papasok sa loob ng ancestral house. Kailangan talaga muna niyang magpahinga dahil nahihilo pa ang pakiramdam niya sa mahabang biyahe kahit wala naman siyang ibang pinaggagawa kung ‘di ang matulog at kumain. Bukas na lang siya babawi.
Hindi man niya isatinig, pero ang lakas ng nostalgia na idinudulot ng lugar na iyon sa buong pagkatao ni Ahtisa. Lalo na habang umaakyat siya sa may hagdanan. Para siyang hinihila sa nakaraan.