Chapter 03

1821 Words
NAKARAMDAM bigla ng inip si Ahtisa sa probinsiya kahit na dadalawang araw pa lang siya roong nananatili. Sanay naman siyang mag-detox sa social media. Tipong kahit isang buwan pa siyang hindi mag-scroll sa kaniyang cellphone ay walang kaso sa kaniya. Maganda naman sa Casa Mariana, ang lupain ng kaniyang abuela. Very province feels. Malayo sa polusyon, sa mga maiingay na tao at sasakyan. Tahimik. Halos ang maririnig mo lang na maingay ay ang mga insekto at mga ibon. Minsan, tilaok ng mga manok sa paligid. Napabangon si Ahtisa buhat sa kaniyang pagkakahiga. Mukhang hindi na siya makakatagal pa sa lugar na iyon katulad noong una. Isipin pa lang ang mga kundisyon sa kaniya ng kaniyang abuela ay parang mababaliw na siya. Hindi nakakatulong ang katahimikan sa paligid. Parang mas tamang sabihin na ikababaliw pa niya iyong lalo. Lumabas siya ng kaniyang silid at bumaba sa unang palapag ng ancestral house. Naabutan pa niya si Ayrah, anak ng caretaker nila, na mukhang paalis. Nakasuot lang ito ng simpleng kasuotan. Lumang t-shirt, kupas na pantalon at nakasuot din ng lumang sapatos. May salakot pa ito sa ulo kung tawagin. “Magandang umaga po, Señorita,” magalang pang bati sa kaniya ni Ayrah. Matanda lang siya rito ng tatlong taon. “Saan ka pupunta?” sa halip ay tanong niya. “Sa ubasan po. Anihan po kasi ngayon. Makiki-extra ho ako para may pandagdag ipon.” “Ubasan?” Parang wala naman silang tanim na mga ubas sa lugar na iyon. “May ubasan ba si Mamita?” “Ah, wala ho. Sa ibang farm po ‘yong tinutukoy ko, Señorita. Doon po ako e-ekstra ng trabaho ngayong linggo.” Naglakad siya palapit kay Ayrah. “Hindi ba mahirap ‘yong pag-aani ng ubas?” “Hindi po. May gamit naman pong gunting.” Mukhang interesante ang trabahong gagawin ni Ayrah. Ngumiti siya rito. “Puwedeng sumama? Kapag umekstra din ba ako ng trabaho, may kikitain din ako?” Napanganga si Ayrah sa kaniyang sinabi. Para bang hindi ito makapaniwala sa kaniyang sinasabi. “S-Señorita, hindi po kayo pwede sa ubasan.” “Bakit? Tingin mo ba, hindi ko kakayanin ang trabaho doon? ‘Wag kang mag-alala dahil ibibigay ko sa iyo ‘yong sasahurin ko kung sakali man. At saka, naiinip na ako rito, Ayrah. Gusto kong may gawin. Kaya parang awa mo na, bago pa ako mabaliw ng tuluyan sa bahay na ‘to, bigyan mo ako ng paglilibangan.” “Señorita,” may pag-aalalang wika ni Ayrah. “Malilintikan po ako kung magtatrabaho kayo. At saka… at saka, baka masira ang kuko ninyo doon.” Napatingin si Ahtisa sa kaniyang mga kuko sa kamay. Mahahaba iyon at mayroon pang magandang design ng nail polish. “Pahiram ng nail cutter,” ani Ahtisa kay Ayrah na mas ikinanganga nito. NAPANGITI PA SI AHTISA nang makita niya ang kaniyang sarili sa harap ng salamin. Habang si Ayrah naman ay puno ng pag-aalala ang mukha. Nang mga sandaling iyon ay nakasuot na rin siya ng simple. Tipong pangbukid. May jacket din siyang checkered ang design na kulay pula. Pinahiram din siya ng salakot sa ulo ni Ayrah para hindi rin siya mainitan. Putol na rin ang mahahaba niyang kuko sa kamay. “Okay na ba?” tanong pa niya kay Ayrah nang balingan ito ng tingin. Napakamot sa ulo si Ayrah. “Señorita—” “Maria,” putol niya sa sasabihin ni Ayrah. “Maria ang itatawag mo sa akin para naman bumagay sa new looks ko ngayon,” nakangiti pa niyang wika. “Sigurado po ba talaga kayo?” “Kaysa mamatay ako sa inip dito sa bahay. Tara na? Sabi mo, bawal tanghaliin.” Madali naman siyang matuto dahil willing din naman siyang pag-aralan ang isang bagay. “Baka malintikan po ako nina Donya Alejandra,” nababahala pa ring wika ni Ayrah nang makalabas sila sa kaniyang silid na gamit. “Hindi ‘yan. Sagot kita.” Nang makarating sila sa may salas, maging ang mukha ng kaniyang mga personal maid ay mayroong pag-aalala. “Señorita, gusto ho ba ninyo ng kasama?” tanong pa ni Iviang. “Hindi na. Mag-relax lang kayo habang wala ako rito.” “Pero—” “Hindi na ako fifteen years old, Ate Iviang. Sige na at baka ma-late pa kami ni Ayrah. Walang maingay sa inyo kina Mamita, ha? What happens in San Roque stays in San Roque,” bilin pa niya sa mga maid niya na wala na ring nagawa pa sa kaniyang gustong gawin. Nang makalabas sila sa ancestral house ay natigilan pa si Ahtisa nang makita ang isang motorsiklo na tila naghihintay sa kanila ni Ayrah. Ang Kuya David nito ang driver niyon. “Kasama si Señorita?” gulat pa nitong tanong. Tumango si Ayrah sa kapatid. Ngumiti naman si Ahtisa. “Sandali, ‘yong pickup ang dadalhin ko,” ani David na kaagad ibinalik sa garahe ang motorsiklo nito at ang lumang pickup naman ang pinaandar. Sira ang aircon niyon kaya bukas lang ang mga bintana. Mukhang kakain sila ng alikabok bago makarating sa kanilang pupuntahan. Sa isip-isip na lamang ni Ahtisa. Kung kanina, para siyang mababaliw. Ngayon naman ay hindi na. Parang nagkaroon ng extra excitement ang kaniyang buhay dahil mayroon siyang paglilibangan habang naroon siya sa San Roque. Buong akala ni Ahtisa, sobrang layo ng kanilang pupuntahan. Hindi naman masyado. Sakto lang. Inihatid lang sila roon ni David at umalis na rin ito dahil may trabaho pa ito sa lupain ng kaniyang abuela. Namangha pa siya sa sobrang lawak ng ubasan. Ekta-ektarya iyon. “Wow, ang gandang pagmasdan, Ayrah. Pangbenta ba sa market ang mga ubas dito?” “Hindi po. May gawaan po ng alak ang may-ari nitong taniman ng ubas.” “Ah, kaya pala. Drop the po, Ayrah,” bulong pa niya rito. “S-sige.” Hindi naman nagtagal ay lumapit sila sa isang matandang babae at nagpalista doon ng pangalan para sa isang linggo na trabaho sa ubasan. Sa weekend daw ang sahuran. Sana lang, matapos niya ang isang linggo. Natitiyak niya, malaking bagay kay Ayrah ang kikitain nila roon dahil mukhang mayroon itong pinag-iipunan. Hindi naman nahirapan si Ahtisa sa pamimitas ng ubas. Palihim pa siyang tumitikim. “Puwede bang mag-uwi?” nangingiti pa niyang tanong kay Ayrah. “Naku, hindi. Malilintikan tayo.” “Sa ibang bansa, puwede.” “Nasa Pilipinas po tayo.” Nangingiti na lamang si Ahtisa at hindi na nakipagtalo pa. Mayroon silang basket na kailangang punuin. Kapag puno na ay mayroon namang taga kuha para tuloy-tuloy ang kanilang trabaho. Sa sobrang engross ni Ahtisa sa ginagawang pamimitas ng ubas, ni hindi niya namalayan na breaktime na pala. Nagtaka siya ng makitang wala na ang mga kasamahan niya. Kung kailan nasa may lampas tao siyang parte ng helera ng tanim na ubas. “Ayrah?” tawag pa niya rito. Pero wala ito sa paligid. Sumilip pa siya sa kaliwa at kanan niya. Pati sa may kabilang side ng ubasan. Walang tao. Naglakad-lakad siya. Hanggang sa may makita siyang isang matangkad na lalaking pumitas ng ubas at deretsong kinain ng sunod-sunod ang mga butil ng ubas. “Hoy, bawal ‘yan!” sita pa niya rito. Nang lumingon iyon sa kaniyang dereksiyon ay sandali pang natigilan si Ahtisa nang makita ang guwapo niyong hitsura. Bigla, para bang sandali ring tumigil sa pag-inog ang mundo niya. Sandali nga! Bakit mayroon siyang ganoon na naramdaman sa isang lalaking nangungupit ng ubas? Sa kabila ng simple niyong suot, nag-uumapaw naman ang kaguwapuhan niyon. Medyo tan din ang kulay ng balat nito. Matangos ang ilong, medyo mahaba ng kaunti ang buhok na nakasuklay papunta sa likurang bahagi ng ulo nito. Bagay rito ang hairdo nito. Mukha itong mabango. Hindi katulad ng mga lalaking palagi niyang nakikita na nakakulong sa airconditioned na lugar. Itong lalaki na nasa harapan niya ngayon, tila sanay na sanay sa labas. Kay tikas din ng katawan kahit na mayroon din itong suot na kupas na jacket. Ito pa lang din ang nakikita niyang pinakaangat ang hitsura sa lugar na iyon. At kung bibihisan lang ito ng maayos na kasuotan, puwede itong ihanay sa pinsan niyang si Val Lopez. Sandali nga, ang layo na kaagad ng tinatakbo ng kaniyang isipan. “‘Yang ubas, bawal ‘yang kainin,” muli ay wika niya nang lapitan ang lalaki. “Gusto mong mawalan ng trabaho?” dagdag pa niya. Pero para bang hindi man lang ito natinag sa kaniyang sinabi. “Narinig mo ba ‘yong sinabi ko? Kapag nahuli ka riyan ng may-ari, tatawanan lang kita.” “Hindi mo ba kilala kung sinong kinakausap mo?” walang kangiti-ngiti niyong tanong sa kaniya. “Hindi,” wala namang gatol na sagot niya. “Bukod sa nangungupit ka ng ubas.” “Ano’ng mayroon diyan?” anang boses buhat sa likuran ni Ahtisa kaya napalingon siya roon. Isang lalaki na maganda ang bihis ang kaniyang nakita na palapit. Napatingin pa iyon sa lalaking sinita niya. “A-Ah.” Kung magsusumbong siya baka hindi na siya umabot pa ng hapon sa lugar na iyon dahil mayroon na kaagad siyang kaaway. “Wala, Sir,” anang lalaking sinita ni Ahtisa. “Sir?” taka pang ulit ng lalaking bagong dating. “Ah, okay. Breaktime ngayon, bakit narito pa kayo? Ikaw,” baling nito kay Ahtisa. “Mukhang first timer ka rito, ah.” “Kasisimula ko lang ho kanina,” tugon ni Ahtisa. “Sige na. Bumalik ka na lang mamaya,” pagtataboy naman niyon kay Ahtisa. “Sige ho.” Hindi na nilingon ni Ahtisa ang sinita niya kanina at nagmamadali ng naglakad palayo. “MATA MO,” sita pa ni Kieran sa kanang kamay niya na habol pa rin ng tingin ang babaeng palayo. “Sino ‘yon?” tanong pa ni Bert kay Kieran nang pumihit na ito paharap sa kaniya. “Malay ko,” aniya na muling itinuon ang tingin sa pagpitas ng ubas. Naengganyo siyang tumikim. At sa ganoong akto siya kanina naabutan ng babaeng napagbintangan pa siyang nangungupit ng ubas sa sarili niyang ubasan. Napapailing tuloy si Kieran nang maalala ang eksenang iyon. Sabagay, bibihira naman ang nakakakita sa kaniya. Lalo na kung seasonal lang ang tauhan na nag-aani sa napakalawak na taniman ng ubas. Si Bert kasi ang palaging humaharap sa lahat ng tauhan nila sa farm. Puwera na lang sa mga tauhan sa mansiyon, kilala siya ng mga naroon bilang may-ari. Pero sa tagal na niya roon, ngayon lang niya nakita ang mukha ng babaeng nanita sa kaniya kanina. Nang sumubo siya ng ubas ay napatingin pa siya sa dinaanan ng babae kanina. Nakasuot lang iyon ng simpleng kasuotan pero kaya niyong dalhin. Siguro, dahil maputi ang babae at kita ang natural niyong ganda sa maliit nitong mukha. Kaya kahit na anong isuot niyon ay bagay rito. Ano ba ang pakialam ko sa hitsura niya? angil naman ni Kieran sa kaniyang isipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD