Veronica's POV INILAPAG ko ang hawak na cutter sa mesang katabi ng aking kama at nagsimulang mag-scroll down sa f*******: account ko. Alas-dose na ng hatinggabi pero abala pa rin ako sa pag-i-stalk sa page ng kompanyang binabalak naming kausapin upang kuhaing supplier ng mga bulaklak. Nasa kalagitnaan ako ng aking ginagawa nang bigla kong marinig ang mga kaluskos mula sa bintana ng aking kuwarto. May kumakalikot doon na para bang sinusubukan itong buksan mula sa labas. Mabilis akong pinanayuan ng mga balahibo sa katawan. Imposible namang may tao sa labas ng bintana ko, nasa pangalawang palapag kaya ng bahay ang kuwarto ko. Agad akong bumangon at kinuha ang cutter sa ibabaw ng aking bedside table. Marahan akong lumapit sa bintana at maingat na hinawi ang puting kurtinang tumatabon dito.