Veronica's POV HUMARAP ako sa salamin habang namumugto ang mga mata. Mula nang sabihin ni Lea na wala na si Anzo ay hindi ko magawang pigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Para itong gripo na patuloy lang sa pagbuhos. Ang sana'y dalaw lang namin kay Anzo upang kumustahin ang pakiramdam niya ay naging dalaw na ngayon dahil wala na siya. Matapos suklayin ang mahaba kong buhok ay hinayaan ko na itong nakalugay. Hindi na ako nag-abalang mag-ipit o magtali. Pakiramdam ko ay wala na akong lakas upang gawin iyon. "Nica," nakuha ni Lea ang atensiyon ko nang bigla itong dumungaw sa bukana ng pintuan ng aking kuwarto. "Nandiyan na sila. Hinihintay na nila tayo." Malungkot akong tumango. Muli kong pinagmasdan ang sarili ko sa salamin at huminga nang malalim. Bawat hakbang na ginagawa ko palabas n