ALAS-TRES pa lang ng hapon ay handa na kami ni Lea para pumasok sa klase. Pinakiusapan ko siya kung puwede bang mas maaga kaming pumasok dahil hanggang ngayon, natatakot pa rin ako.
Isa pa, may nabasa ako noon na ang three AM daw ay devil's hour habang ang three PM naman ay oras ng Diyos. Ewan ko, medyo nalito ako. Basta laging payapa ang pakiramdam ko sa tuwing alas-tres ng hapon kaya ganitong oras ko naisipan na pumasok.
Mabuti na lamang habang nasa daan kami ay medyo marami-rami ang mga taong naglalakad. May mga pulis din kaya kahit papaano, nabawasan ang kaba ko.
"Narinig mo na ba? May natagpuan na namang bangkay!"
Bahagyang bumagal ang mga hakbang ko nang marinig iyon. Nagkatinginan kami ni Lea. Mula iyon sa matandang babae na naglalakad sa harap namin.
Agad akong napakapit sa braso ni Lea bilang suporta dahil pakiramdam ko, nanlambot bigla ang mga tuhod ko.
"Talaga ba? Katulad pa rin ba ng dati?" usiyoso naman ng isang babae na sa tingin ko, nasa tatlumpung taong gulang.
Nasa likod lang nila kami kaya rinig na rinig namin ang pinag-uusapan nila.
"Oo! Wakwak na naman ang dibdib at tiyan! Tapos, babae ulit at hubo't hubad na naman!" napapailing pang salaysay ng matansa.
Sa pagkakataong ito ay naramdaman ko na ang panginginig ng mga kamay ko. Ako dapat `yon, ako dapat ang patay ngayon.
Naramdaman ko ang mahigpit na paghawak ni Lea sa aking kamay. Nang lingunin ko siya ay isang mabining ngiti ang ibinigay niya sa akin. Tumango ako bago humugot ng malalim na paghinga.
Ang isa kong kamay ay malaya kong naipapasok sa loob ng bulsa ng aking uniform. Kinapa ko roon ang ilang bawang at isang supot ng asin na dinala ko bago umalis ng boarding house. Medyo nakahinga ako nang maluwag nang makapa iyon. Hinawakan ko ito nang mahigpit, sobrang higpit na para bang nakasalalay roon ang buhay ko.
Nang marating ang eskuwelahan ay saktong alas kuwatro y medya na. Nagtitipon ang ilang mga estudyante na maaga rin pumasok sa gitna ng basketball court kaya nagdesisiyon kaming makihalubilo sa mga ito. Bigla naman nahagip ng mga mata ko si Anzo sa may hindi kalayuan mula sa kinatatayuan namin. Agad akong nagpaalam kay Lea para puntahan ito.
Patakbo ko itong nilapitan.
"Kailangan natin mag-usap," bulong ko sa kaniya.
"If it's about last night," anito habang umiiling. "Please, Nica. Let's not talk about it."
"What?" nangunot bigla ang noo ko sa narinig mula sa kaniya. "Seryoso ka ba?"
"Nica," bulong nito sa pangalan ko bago luminga sa paligid. "Malakas ang pang-amoy at pandinig ng mga . . . aswang. Alam ko `yon dahil maraming alam ang nanay ko tungkol sa kanila."
Umiling na naman ito ng ilang beses na para bang ang laki-laki ng problem. Which is totoo naman, malaki naman talaga ang problema dahil kamuntikan na rin itong maging ulam ng aswang, nang dahil sa akin.
"Huwag na natin `to pag-usapan. Baka makursunadahan pa tayo at mapahamak."
Napairap ako sa mga narinig mula sa kaniya. Alam kong nakakatakot ang pinagdaanan namin kagabi, pero magpapadala na lang ba kami sa takot?
"Parang kagabi lang ang tapang mo, anong nangyayari sa `yo ngayon? Pinagmumura mo pa nga `yong aswang kagabi!"
"Ssshh!" Bigla ako nitong hinila sa braso palapit sa kaniya. "Huwag kang maingay!"
Binawi ko agad ang braso ko na hawak nito bago ito tinitigan nang mariin.
"Nababahag na naman ang buntot mo. Sabagay, what can I expect from someone like you? Lagi ka naman ganiyan, Anzo! Sa una lang magaling!"
Akmang tatalikuran ko na ito nang bigla niya akong pigilan sa braso, pero marahas ko ring pinalis ang kamay niya at nagmamadaling bumalik kay Lea.
"What happened?" tanong ng huli habang nakataas ang isang kilay nito.
"Wala," tanging nasagot ko na ikinairap niya.
"Hindi na maipinta ang mukha mo, `tapos wala?"
"E, sa wala nga!" asik ko bago binaling ang atensiyon sa malayo.
Naiinis lang ako, e. Paano pala kung totoong aswang ang sumunod sa amin kagabi? So, wala kaming gagawin, ganoon? Hahayaan na lang namin ang aswang na patuloy na pumatay or worst, baka kami pa ang isunod nitong patayin!
Isang malalim na paghinga ang ginawa ko nang bigla akong makaramdam ng matinding pangingilabot. Mabilis akong napahawak sa sariling batok nang maramdaman ang pananaas ng balahibo ko roon. Luminga ako sa paligid dahil pakiramdam ko ay may dalawang pares ng mga mata ang nakatingin sa akin.
Alam mo iyong pakiramdam na hindi ka mapakali dahil parang may nakatitig sa `yo?
Mas tumindi ang pangingilabot na nararamdaman ko nang magawi sa puno ng balete ang mga mata ko. Bale, ang eskuwelahan kasi namin ay pabilog ang istilo. Sa pinakagitna nito ay may malaking puno ng balete, ang masama pa, patay na ang puno na ito. Pero sobrang laki at tangkad pa rin. Ang sabi ng iba ay may nagbigti raw sa puno noon kaya kahit patay na ay nakatayo pa rin ito na parang buhay na buhay.
Natuon ang atensiyon ko sa lalaking nakatayo sa tabi ng puno. Nakasuot ito ng itim na hoodie at nakatago ang mukha dahil sa pagkakasaklob ng hoodie nito. Hindi ko alam kung bakit mas lalo akong kinikilabutan habang nakatitit ako sa kaniya. Hindi ko rin mawari kung sa iba ba o sa akin ito nakatingin.
Bakit parang . . . nakatingin siya sa akin?
"Mic test! 1, 2, 3, mic test!"
Naagaw ang atensiyon ko nang biglang marinig ang dean namin gamit ang isang microphone. Kaya siguro nasa basketball court ang mga estudiyante ngayon ay dahil may mahalaga silang ia-anunsiyo sila.
Nang muli kong ibalik ang mga mata sa lalaking nakatayo sa tabi ng balete ay wala na ito roon. Nagsalubong ang dalawa kong kilay nang kahit saan ako luminga ay hindi ko na ito mahagilap. Imposible naman na nakalayo agad iyon dahil sandaling oras lang ako nalingap. Isa pa, madali siyang mahahanap dahil ito lang yata ang naka-hoodie ng kulay itim sa mga estudyante na narito ngayon.
"Kaya pinapayuhan namin ang lahat na pagkatapos ng klase ay dumiretso nang uwi. Inuulit ko, we are now alert. Stay safe everyone!"
"Ano `yon? Alert pero hanggang alas-otso pa rin ang klase?" iritableng saad ni Lea.
Kasalukuyan kami magbabarkadang naglalakad patungo sa aming classroom.
"Oo nga, e. Hasula," sang-ayon naman ni Rico.
"Maaga tayong makakauwi mamaya, don't worry," biglang singit Rosa na may kasama pang kindat. May dala-dala itong mga papel sa kamay na may iba't ibang disenyo na gagamitin para sa nalalapit na naman nilang party.
"Bakit mo naman nasabi `yan?" nagtatakang tanong ni Angel.
"Ang gusto kasi ng mayor ay hanggang six o'clock na lang ang klase natin dahil nga sa gumagalang serial killer ngayon. Pinakausap na niya sa mga pulis ang Dean ng eskuwelahan natin kaso ayaw naman maniwala ni ma'am na aswang ang gumagawa ng mga krimen kaya hindi ito pumayag na maaga tayong i-dismissed," mahabang salaysay ni Rosa.
"Ano naman ang hindi namin dapat ika-worry doon?" rinig kong tanong ni Sam.
"Kasi nagdesisyon ang mga pulis na tuwing alas sais ng hapon ay iwawala ang kuryente ng buong barangay, para no choice raw ang mga teachers kundi pauwiin tayo." Napalingon ako sa kaniya dahil sa narinig.
Sabagay, walang generator ang eskuwelahan namin dahil kulang sa pondo kaya no choice nga ang mga titser kung sakaling mag-brownout kundi pauwiin kami.
Pero bakit ba ganoon ang dean ng eskuwelahan na ito? Kesiyo adik, serial killer o aswang, may gumagala pa ring mamamatay tao tuwing gabi. Hindi pa rin safe ang lahat.
"Tama! `Tapos makakapaglakwatsa na tayo!" masaya at energetic na turan ni Rico na ikinainis ko.
Nang magtagpo ang mga mata namin ni Anzo ay inirapan ko ito bago sila iniwan at nagtuloy na sa classroom namin. Habang nagkaklase naman ay nasa aswang pa rin at sa mangyayari mamaya ang isip ko. At kung mamalasin ka nga naman, may pa-surprise quiz pa sa amin si Ma'am Chavez kaya ang resulta, nganga. Itlog.
Pero kagaya nga ng sinabi ni Rosa, eksaktong alas sais ng gabi ay nawalan na ng kuryente ang school namin. Hiyawan at tawanan naman ang naging eksena sa loob ng klase. Kahit sa mga katabing classroom namin ay ganoon din ang naririnig ko, nagsasaya ang mga ito dahil panigurado, pauuwiin na kami.
Wala pang sampung minuto nang magdesisyon ang titser namin na maaari na raw kaming umuwi. Agad naman akong tumayo at pinuntahan si Lea. Nakaupo ako malayo sa kanila dahil ayokong magpa-istorbo sa mga iniisip ko.
"Paano ba `yan, partey-partey na!" masiglang wika ni Rico.
Natatawa naman na sumang-ayon ang iba maliban sa akin at sa girlfriend nitong si Angel. Habang si Anzo ay tahimik lang sa tabi.
"Lea, umuwi na tayo," bulong ko rito. Sinulyapan niya ako at tumango.
"Hoy, sa susunod na tayo gumala kapag wala nang killer aswang."
Niyugyog ko naman ang braso nito sa narinig. Naisip ko rin kasi ang sinabi ni Anzo kanina. Ayon din sa naging research ko, talagang malakas ang pandinig ng mga aswang lalo na sa gabi. Delikado nang pag-usapan ang mga ito. Ni ayaw ko na nga silang isipin pa dahil natatakot na ako.
Noon, lagi kaming magkasabay ni Anzo umuwi, pero simula nang maging girlfriend nito si Sam ay kay Sam na ito laging sumasabay. At hindi kagaya kagabi, ngayon ay marami nang estudyante kaming kasabay. At dahil wala ngang kuryente, tanging ang flashlight sa kani-kaniyang cell phone ang pang-ilaw namin sa daan.
"Hoy, nanginginig ka na naman," dinig kong bulong ni Lea habang naglalakad kami.
Kinuha ko naman ang bawang at asin sa loob ng bulsa ng uniform ko at parang tanga na nagsaboy ng kaunting asin sa bawat sementong dinaraanan namin.
Napaigtad pa ako nang marinig ang sunod-sunod na tahol ng mga aso mula sa loob ng gubat. Agad akong lumayo sa gilid ng daan at pumwesto sa may gitna ng kalsada.
"Nakakatakot naman `yang tahol ng mga aso," rinig ko pang kumento ng isang estudyante na nakasabay namin. Nasa likod lang namin ito at ang mga kasama nito.
"Alam n'yo ba, kapag tumatahol ang mga aso, ibig sabihin may nakikita silang multo," sabi ng isa pang estudyante na kasama rin ng babaeng narinig namin kanina.
"Depende," sagot ng isa pa nilang kasama. "Aalulong ang mga aso kung may nakikita silang multo o kung may mamamatay. Tatahol naman ang mga ito kung may nakikita silang mga kahina-hinalang tao o mga magnanakaw."
"O aswang."
Kamuntikan pa akong mapaigtad nang marinig ang baritono at malalim na boses ng isang lalaki sa tabi ko. Naka-hoodie ito ng kulay pula at nakasaklob ang hood sa mukha niya. Nakaramdam ako ng kakaibang kilabot nang dahan-dahan nitong nilingon ang ulo sa gawi ko. Kasunod niyon ang mas malakas na alulong ng mga aso sa kagubatan.
Bigla ko na lang naramdaman na hinila ako ng isang kamay mula sa aking kaliwa. Si Lea pala, hindi ko na napansin na nahuhuli na ito sa paglalakad.
"Oh my gosh! Bespren, it's Chronos!" bulong nito sa akin habang parang namimilipit sa kilig ang katawan.
Muli kong binalingan ng tingin ang lalaki at nakitang mabilis na itong naglalakad palayo sa amin.
Chronos? Ah, ang kinukuwento sa akin noon ni Lea.
Agad na nagsalubong ang mga kilay ko. "Paano mo nalaman?"
Umiling si Lea habang nakatanaw pa rin sa lalaki. "Hello? Siya lang naman ang laging naka-hoodie sa school natin. And look around you," utos nito na sinunod ko naman.
Nang luminga ako sa paligid ay napansin kong nasa lalaki rin ang atensiyon ng halos lahat ng kababaihan sa paligid namin.
"Kung ganiyan ka rin sana kagaling sa paghula ng mga surprise quizzes, e `di sana hindi tayo nganga kanina," biro ko kay Lea upang kahit papaano ay mabawasan ang kilabot na naramdaman ko.
Pero mabilis din akong natigilan nang may napagtanto. Hindi kaya itong si Chronos ang naka-hoodie na nakita ko kanina sa tabi ng puno ng balete? Pero mukha ring hindi, e. Nakaitim na hoodie ang lalaking nakita ko kanina, habang iyong si Chronos ay nakapula.
Laking pasalamat ko sa Diyos nang makarating kami sa boarding house nang humihinga pa rin at buhay na buhay.
Sa tuwing sasapit ang gabi, gagala na naman sa dilim ang aswang at panigurado, may bibiktimahin na naman ito. May mamamatay uli. Bukas, may panibagong bangkay ang matatagpuan. May panibagong paglalamayan.
EKSAKTONG alas-otso ng gabi nang bumalik ang kuryente kaya mabilis akong dumiretso sa kuwarto ni Lea dahil may ikukunsulta ako sa kaniya.
"Lea, ayaw mo bang may gawin man lang?"
"Gawing ano?" takang tanong nito habang abala sa pagpapahid ng cream sa mukha.
Pinag-isipan ko uli kung sasabihin ko ba sa kaniya ang binabalak kong gawin. Kanina ay nag-research uli ako tungkol sa mga aswang. Nakaaasar lang kasi, hindi naman ako matatakutin, pero bakit pagdating sa aswang na gumagala sa barangay namin ay nababahag ang buntot ko? Gusto kong malaman kung ano ang kahinaan nila, kung paano sila mapapatay at kung anu-ano pang impormasyon, basta tungkol sa kanila.
"Napaghahalataan ang kuryente, ah," dinig kong saad ni Lea habang tumatawa ito nang bahagya. Nakataas pa ang isang kilay nito at nakatutok sa salamin ang atensiyon. "Sinakto talaga na eight o'clock sa gabi bago binalik ang kuryente. Oras ng uwian natin."
Hindi ko na nabigyan ng atensiyon ang kung anong sinabi nito dahil naging abala na ako sa nababasa ko. Agad na napukaw ang pansin ko nang mabasa ang salitang 'albularyo'.
"Hintura is a kind of oil made by albularyos. It is used to detect if an aswang is near," basa ko sa nakasulat.
Nasa wikipedia page ako nakatambay at naghahanap ng kahit na anong impormasyon.
"Albularyo?" kunot-noong tanong ni Lea. Napatingin naman ako sa kaniya.
"Yeah. They are witch doctors. Kung sa tagalog pa, albularyo o manggagamot," paliwanag ko pa. "Lea, ayaw ng mga aswang sa hintura. Kapag kasi may hintura na malapit sa kanila, naiirita sila. Saka, malalaman agad natin na may aswang sa paligid kung mayro'n tayong hintura."
Nakita ko siyang tumango-tango.
"Oo, I've heard about that boiling oil-boiling oil na `yan before, pero seryoso ka talaga d'yan?" nakabusangot ang mukha nito habang tinatanong iyon. Abala pa rin sa paglalagay ng mga pampakinis sa mukha.
Tinitigan ko siya nang mariin. "Yes," diretso kong tugon dito. "At kung totoo nga na baka balikan kami ng aswang, mamayang gabi, hintayin mong may maglakad sa bubungan. Para maniwala ka na."
Natigilan sa ginagawa nito si Lea at umarko muli ang isang kilay.
"Ah, talaga ba?" walang gana nitong saad na ikinainis ko.
Napansin naman niya ang naging reaksiyon ko kaya bahagya siyang natawa.
"Okay, ganito . . . maniniwala na ako sa `yo and I will even help you, only! Only if that aswang visits you tonight," saad nito bago umupo sa kama at tumitig sa akin nang mariin. "Pero kapag walang bumisita sa `yo, please, Nica, tigilan mo na ang pagri-research tungkol sa kanila, okay? You're being paranoid na."
Sumimangot ako bago tumango. Though, nagdadalawang-isip ako kung pupunta nga ba ang aswang dito ngayon gabi. It's either kasi na maghanap na ito ng ibang bibiktimahin o sasadyain nitong hindi pumunta dahil malakas ang pandinig nila. Malay ba namin kung naririnig pala ng aswang na `yon ngayon ang pag-uusap namin ni Lea.
Makalipas ng mahabang katahimikan, maagap akong sumandal sa pader malapit sa nakasarang bintana ng kuwarto ni Lea. Abala naman siya sa pagpapalit ng damit na pantulog.
Humugot ako ng hangin bago nagsalita. "Binabalak kong hanapin `yong matandang lalaki na nakatagpo ko sa daan."
Mabilis na kumunot ang noo nito at bumaling sa akin. "Matandang lalaki?"
Tumango ako. "Oo. Kahapon kasi, nakasalubong ko `yong pamilya ng babaeng biktima. May lumapit sa kanila na isang matandang lalaki, nag-abot ito ng isang maliit na babasaging bote, `yon siguro ang hintura. Ang dinig ko ay kukulo `yon kung may aswang na malapit. I need to find him and ask for help," matapos kong sabihin iyon ay bigla na lang uli nawalan ng kuryente.
Napasigaw pa si Lea nang mag-brownout. Natawa naman ako dahil natatakot na siguro ito.
Nang gabing iyon ay nagdesisiyon kaming matulog nang maaga. Siyempre, hindi kami magpupuyat para lang maghintay sa aswang. At sana nga, walang aswang na bibisita sa akin sa gabing iyon. Pero sinigurado ko naman na napaliligiran ng asin at bawang ang bintana namin. Asar pa nga dahil sa mismong tabi ng bintana ang kama ko. Maliit lang kasi ang espasiyo ng bawat kuwarto kaya wala kaming pagpipilian.
Nakasanayan ko na rin na magkandado ng pinto kahit ilang beses na akong napagagalitan ni Aling Puring dahil ayaw nito na nagkakandado kami. Baka raw kasi may hindi magandang mangyari tulad nang magkasunog pagkatapos nakakandado pala ang mga pinto namin, e `dii ang uwi na-letchon kami.
Pero ngayong gabi, talagang hindi ko kinandado ang kuwarto ko dahil baka nga dumating ang aswang, atleast, malaya akong makakatakbo palabas.
Bago natulog ay nagdasal muna ako habang may hawak na isang bawang sa kabilang kamay. Matapos niyon ay hindi pa rin ako magawang dalawin ng antok. Ilang oras din akong nagpaikot-ikot sa kama dahil hindi ako makatulog. Kung anu-anong senaryo ang naiisip ko dahil sa takot kaya parang sinasaklob ng matinding pangingilabot ang buo kong katawan.
Sa katagalan ay unti-unti nang hinihila ng antok ang kamalayan ko hanggang sa tuluyan na akong nakatulog.
Isang malakas na tili ng babae ang nagpabalik sa aking diwa. Sumasakit ang aking ulo at nanlalabo ang mga mata nang pinilit ko ang sarili na bumangon. Kumurap-kurap pa ako nang ilang beses bago tuluyang naging malinaw ang paningin ko.
Bumungad sa akin ang takot na takot na mukha ni Beatrice. Nakaupo ito sa sahig sa harap ng nakabukas na pinto ng aking kuwarto. Umiiyak na rin ito na ikinabahala ko.
Napatayo ako nang mabilis at agad itong dinaluhan. "Anong nangyari? Bakit?"
Humahagulhol ito habang nanginginig. Bigla naman dumating sina Lea at ang dalawa pa naming mga kasama na pumasok na rin sa loob ng silid ko.
"Anong nangyayari dito?" halos sabay-sabay nilang tanong.
"H-Hindi ko alam. Nagising na lang ako sa sigaw niya," pagpapaliwanag ko sa kanila.
Bigla naman lumapit si Ate Michelle, ang pinakamatanda sa amin. Inalog nito si Beatrice sa magkabilang balikat at tinanong kung ano ba ang problema nito.
Iyak naman nang iyak si Beatrice kaya mas lalo kaming nabahala. Bigla nitong itinaas ang hintuturo at may itinuro sa likuran ko. Nang lingunin ko ang bagay na itinuro nito ay namilog bigla ang mga mata ko.
Bukas na ang isang bintana sa tabi ng aking kama, sa may uluhan. Puti ang pinta ng buong kuwarto ko kaya mas naging kapansin-pansin sa amin ang parang kulay pulang likido na naroon ngayon na wala naman kanina.
Malangsa rin ang amoy ng paligid, doon namin napagtanto na dugo ang pulang likidong nasa bintana.