Kaya ang ending tuloy, naging tampulan sila ng tukso dahil sila daw ang magiging soulmates!
“Excuse me! Hindi ako naniniwala diyan sa soulmate soulmate na yan, no!” Protesta ni Cath sabay pinatahimik na silang lahat. “Shhh...tama na, masyado na tayong maingay. Baka magising ang mama ni Grace, lagot tayo dun, sobrang sungit ‘nun!”
Nagsitahimik naman silang lahat at nag-inuman na lang uli. Tuloy pa din pati ang landian at harutan ng mga magpa-partner. Napapailing-iling na lang si Cath sa mga kaibigan niyang naglilingkisan na parang mga sawa. Biglang nakaisip ng kalokohan itong si Cath dala na din siguro ng medyo may kalasingan na.
“Simon, gusto mo bang makipag-pustahan?”
“Tungkol saan?” Curious na tanong ni Simon na titig na titig kay Cath. Napansin niya na mamula mula na ang pisngi ni Cath dahil sa tama ng alak, pero lalo itong gumaganda sa paningin niya. Mukhang tinamaan na nga talaga si Simon kay Cath.
“Isa sa kanila, hindi na makakatuntong ng 2nd sem sa college, kasi magbubuntis!” Nginuso ni Cath ang mga kasama nilang babae.
“Seryoso ka ba?”
“Oo naman, no! Ano, isang libo?”
“Cheap naman nun!”
“O e ano? Magkano?”
“Iba ang gusto ko, eh. Pwede ba hindi pera?” Ngumisi pa ng nakakaasar si Simon dahil sa naisip niya.
Napataas ang kilay ni Cath at humaba ang nguso. “O e ano nga?”
“Ikaw. Magiging tayo kapag nanalo ako. Ang pusta ko walang mabubuntis at lahat sila ay tutuntong ng 2nd sem college.” Hindi naman ito biro kay Simon dahil kanina pa talaga niya nararamdaman na humahanga na siya kay Cath. Parang naging instant crush niya ito dahil maganda, sexy, at ang lakas ng sense of humor. Astig nga lang kumilos pero keri na.
Medyo napaismid si Cath pero game na game namang sumagot. “Sus, yun lang pala. Sure! Game!” Huh, hindi naman seryong usapan ‘to no. Usapang lasing lang. Naisip ni Cath. At sigurado akong mananalo ako! Sa loob loob naman ni Catherine, kung matalo siya at maging sila ni Simon, madali lang namang makipag-break. Wala naman sa usapan na kailangang matagal silang maging on.
“Okay!” Napasigaw si Simon sa tuwa at iniabot pa ang kalingkingan kay Cath para sa pinky swear.
“O ano yan?” Kunot ang noong tinignan ni Cath ang kamay ni Simon.
“Pinky swear. Wala kasi tayong kasulatan, so ito na ang magla-lock ng deal natin.” Hindi pa din ibinababa ang kamay na nakausli ang kalingkingan.
“Okay.” Pumayag na si Cath at ikinabit ang sariling kalingkingan sa kalingkingan ni Simon.
“Excited na ako! Five months from now ay magkaka-gf pala ako dito.” Sambit ni Simon.
“Wow! E paano kung manalo ako? Ano naman ang premyo ko?”
“Isang libo! ‘Di ba ‘yun ang gusto mo kanina?”
Napaismid si Catherine at nag-isip nang matagal bago sumagot.
“Hmm. May iba din akong gusto. Pwede hindi na lang din pera?”
Kinilig si Simon nang kaunti at namula ang tenga sa pagkakasabi ni Cath. Ang buong akala niya ay siya din ang gustong premyo ni Catherine.
“Ano yun?” Abot tenga ang ngiti ni Simon.
“’Wag kang excited! Wala kang kinalaman dito!” Inirapan pa ni Catherine si Simon.
“Ganun ba...e ano ba yun?”
“Tutulungan mo ako na mapalapit sa crush ko!”
“Ha? Sino ba yun? Paano kita tutulungan?” Bahagyang nakaramdam ng lungkot si Simon. Napagtanto niyang kahit pala sisiga-siga ito at parang lalaki kung magsalita at kumilos, nagkaka-crush din naman pala ito.
“Basta kapag nanalo na ako saka ko sasabihin sa ‘yo.” Ang tinutukoy kasi ni Catherine ay si Grace na pinsan ni Simon. Nito lang graduating na sila sa high school naging matindi ang pagkakagusto ni Cath kay Grace. Magandang babae kasi si Grace. Maputi. Pantay pantay ang ngipin na lalong nagpapaganda dito kapag ngumingiti. Dagdag pa ang malalalim na dimples at mapupulang labi. Yun nga lang ay mas maganda talaga si Catherine at mas matangkad.
“Deal!” Sang-ayon naman ni Simon na walang kamalay malay na babae din ang gusto ni Cath, at pinsan pa niya. “Pero ngayon pa lang sinasabi ko na sa ‘yo. Sa loob ng limang buwan, mababaling na sa akin ang attention mo at ako na ang magiging crush mo.”
Sa sobrang tawa ni Cath sa sinabi ni Simon ay napapahawak pa ito sa tiyan niya. In your dreams. Kapal din ng lalaking ‘to. Sa loob loob ni Cath. Hmp. Guwapo sana mahangin lang. Guwapong guwapo sa sarili.
Si Simon naman ay nag-iisip din. Ang ganda ganda naman nitong babaeng ‘to kahit walang finesse tumawa. Bukang buka ang bibig. Grrr..sarap halikan! Nanggigil si Simon at gustong gusto na talagang halikan si Cath. Napansin tuloy ni Cath na titig na titig si Simon sa kanya.
“Ano namang tinitingin tingin mo?” Siga ang pagkakatanong ni Cath. Pero may naramdaman siyang kakaiba sa dibdib niya na hindi niya maipaliwanag. Ahh, naparami na yata ang nainom ko ah, kinakabog ang puso ko.
“Alam mo, kahit ang siga mo, ang ganda mo pa din.” Seryosong sabi ni Simon kay Cath.
“Laki ka nga sa America. Alam mo ba na wala pa tayong isang araw na magkakilala pero ginawa mo nang bola ang ulo ko? Chill lang, baka tumalbog.” Lalong natuwa sa kanya si Simon dahil sa lakas talaga ng sense of humor nito.
Pasimple namang tiningnan ni Cath si Simon mula ulo hanggang paa. Hmm...guwapo din naman ‘tong lalaking ‘to. Papasang artista kaya lang nakakatawang magsalita. Palibhasa ay laki sa US si Simon, marunong nga siyang magtagalog ay sobrang slang naman.
Hmp, e ano naman kung guwapo siya? Pakialam ko naman sa itsura niya. Basta magkaibigan na kami, ok na yun, mapapalapit akong lalo kay Grace. Natuwa si Cath sa naisip niya.
NANG MAKAUWI NA ANG LAHAT at mag-isa na lang si Simon sa veranda, hindi na mawala sa isip niya ang magandang mukha ni Catherine. Parang naririnig pa niya ang mga halakhak nito sa tenga niya. Kakatapos lang ni Simon maglinis ng mga naiwan nilang kalat, siya naman ang naupo sa pasimano at napatitig sa kalangitan.
“Hindi siya naniniwala sa soulmates? Walang bilib sa meteor shower? Puwes, ako meron. I’ll make it happen.” At napapikit pa si Simon at di mapigil na mapangiti.
Napansin siya ni Grace nang lumabas ito dahil may hinahanap sa veranda.
“Uy pinsan, ngiting ngiti ka dyan, ah.”
“O, Grace, ikaw pala. Bakit di ka pa natutulog?”
“May naiwan lang ako. Napansin mo ba ang air dots ko dito?” Sabay naghanap sa ilalim ng mesa at nakita naman agad ang hinahanap. “O ayun lang pala.”
“Grace, kilala mo ba ang crush ni Cath?” Bigla namang naisipang itanong ni Simon.
“Huh? Si Cath may crush? Ang labo naman nun. Hindi magkaka-crush yun kasi sobrang man-hater yun. Wala ngang makalapit na lalaki dun tsaka mas siga pa siya sa lahat ng tambay dito.”
“Yung ganda at sexy niyang yun, siga dito?” Takang taka naman si Simon na namimilog pa ang mga mata.
“Oo cuz. Yang pamilya nina Cath mga siga dito. May tatlo siyang kuya at bunso si Cath. Kasama pa nila ang nanay nila diyan sa bahay nila pero wala na ang tatay nila.”
“Kawawa naman. Maaga bang namatay?”
“Anong namatay? Hindi no! Sumakabilang bahay! Sumama sa kalaguyo kaya ayun, apektadong apektado si Cath. Malapit kasi siya sa tatay nila, palibhasa nag-iisang babae. Kaya nung iwan sila, sobrang nasaktan si Cath. Magmula nun naging man-hater na siya. Wala nang makalapit na lalaki sa kanya.”
“Aba e ang swerte ko pala.”
“Tama ka, cuz. Ang swerte mo at mukhang naging close agad kayo ni Cath.”
Hindi na kumibo si Simon at napangiti na lang.
SI CATHERINE NAMAN habang nakahiga na sa kama niya ay natutuwang isipin na naging close niya agad si Simon.
Ayos. Madali na akong makakalapit palagi kay Grace. Tiyak na magagamit ko iyong si Simon. Yung gunggong na yun mukha din namang uto-uto. Balikbayan na mukhang madaling maloko. Tatawa tawa pa si Cath sa sarili niya dahil alam niya na mapapasunod niya si Simon sa mga sasabihin niya. Nakatulog na si Cath na may ngiti pa sa mga labi.
Pero nang gabing iyon ay nanaginip ng hindi maganda si Cath. Sa panaginip niya ay kitang kita niya na may humahabol sa kaniya pero hindi niya maaninag ang mukha. Sa tabi niya ay akay akay niya ang nanay niya na tumatakbo din at may dugo sa mukha. Sinasabihan niya ito na bilisan pa ang pagtakbo.
“Naaaay! Takbooo!” Pagkasigaw ni Cath ay napabalikwas siya ng bangon. Narinig pa niya ang sarili niyang pagsigaw. Pawis na pawis siya. Saglit lang na napatulala si Cath bago bumangon at lumabas ng kuwarto para uminom ng tubig. Nang makakuha na siya ng tubig, naupo siya sa may dining table at pilit na iniisip ang ibig sabihin ng panaginip niya.
Palagi na lang akong nananaginip na may humahabol sa amin ni nanay. Ano kaya ang ibig sabihin nun? At may nanakit kay nanay. Si tatay kaya yun? Wala namang makuhang sagot si Cath. Bumalik na lang siya sa kama at pinilit na makatulog uli.
KINABUKASAN AY maagang tumawag si Grace sa cellphone ni Cath. Mapikit-pikit pa ang mata ni Cath nang damputin ang cellphone at tingnan kung sino ang tumatawag. Agad na napangiti si Cath nang makita ang pangalan ni Grace.
“Cath, dito ka na daw magtanghalian. Yayain daw kita sabi ni Simon.”
“Wow, ano’ng okasyon?”
“Wala naman. Nagpapa-cute lang ‘tong pinsan ko, pagbigyan mo na.”
“Ganun ba. Sige, punta ako. Paalam lang muna ako ha. Alam mo naman, walang pasok ngayon. Kumpleto ang mga guwardiya sibil sa bahay.”
Sabay pang nagtawanan ang dalawa at mayamaya ay nagbaba na ng telepono.
Dahil malapit lang naman sa bahay nila, hindi na masyadong nagbihis si Catherine. The usual shirt and shorts na litaw na litaw ang makikinis na hita at binti. Pati sa suot na tshirt nito ay halata ang laki ng mga dibdib niya. Isa iyon sa problema ni Cath. Ayaw kasi niya na malalaki ang dibdib niya kaya lang ay wala siyang magawa dahil iyon ang pinagkaloob ng Diyos sa kaniya.
“Tao po! Tao po!” Sumisigaw si Cath sa labas ng gate nina Grace.
“Hi, Cath!”
“Oy, tol!” Bati ni Cath kay Simon dahil ito ang lumapit papunta sa gate. “Late na ba ako sa lunch?”
“Sakto lang, naghahain pa si Grace.” Sabay napatingin si Simon sa mga hita ni Cath. “Wow naman, ang taas ng sikat ng araw e sinabayan mo pa ng pagpapakita niyang kaputian mo, muntik na ‘kong mabulag.” Kunyari ay nagtakip ng mukha si Simon.
“Tol, binti lang ‘yan. Tsaka sanay na ang mga tao dito ganito talaga ako manamit dito sa street natin.”
Hindi na umimik si Simon at inalalayan pa sa siko si Cath. Medyo nailang si Cath at agad na hinila ang braso niya. “Okay lang ako, tol.” Saway nito kay Simon.
Sa loob loob naman ni Simon ay hindi okay ang nakikita niyang suot ni Catherine. Humanda ka, limang buwan mula ngayon, pagbabawalan na kitang magsuot ng ganyan. Bubulong bulong si Simon habang nakasunod kay Cath.
“May sinasabi ka ba, tol?”
“Ah, wala. Sabi ko mainam nga naman ang naka-shorts dahil ang init talaga dito sa Pilipinas.” Pagsisinungaling ni Simon.
“Ayan, tama ‘yan ‘tol.” Sang-ayon naman ni Cath.
Habang nagla-lunch na sila, kasama ang pamilya ni Grace, biglang nag-usisa ang mama nito.
“Kumusta na nga pala ang tatay mo Cath?”
Tinignan ni Simon si Cath at kitang kita niya na parang nagdilim ang mukha nito at mukhang ayaw sumagot. “Ah tita, tingin ko, kailangan nating pakainin muna si Cath kasi baka hindi po matunawan.”
“Oo nga naman, ma...huwag na po ninyong alamin yun.” Sang-ayon ni Grace.
Halatang halata naman ni Cath na tinutulungan siya ng mga ito kaya nagpasalamat siya sa isipan niya.