LUNA MAAGA kaming namalengke ni Mayang para sa mga lulutuin namin mamaya. Naibigay na rin nito ang regalo ko pero ang sabi niya ay mamaya ko na lamang daw buksan. Excited ako dahil nangako si Reagan na darating mamayang gabi para makasama ko siya sa espesyal na araw na ito. Sinigurado niya iyon sa akin nang makausap ko siya sa telepono kagabi. "Bes, ito pala ang unang birthday mo bilang Mrs. De Alba 'no? Kumusta naman ang feeling? Doble ba ang saya?" sabi ni Mayang habang naglalakad na kami papasok ng palengke. "Hindi lang doble ang saya, Mayang. Higit pa sa triple. Wala na akong hahanapin at hihilingin pa bilang birthday wish dahil masayang-masaya at kuntento na ako sa buhay ko ngayon." "Wow naman! 'Yan ang gusto ko sa 'yo, e. Mababaw at masayahin ka talaga kaya hindi ako sanay kapag