Limelight
AiTenshi
April 7, 2017
Part 8
Kinabukasan, alas 9 ng umaga dumagsa ang tao sa studio 8 kung saan gaganapin ang aming live prescon. Ngayon ay binuksan na ito sa publiko upang mas makilala ang mga tauhan sa pelikula. Ayon sa balita halos 60% daw ng taong manonood ay miyembro ng gay community at ang ilan sa kanila ay may hawak pang mga banner at cards na nakalagay ay "JeKo" short Jevan at Kiko Love tandem.
Kakaiba ang konsepto ng naturang prescon dahil hindi lang miyembro ng media ang mag tatanong kundi ang mga audience mula dito kaya naman ibayong kaba ang aking nararamdaman habang inaayusan sa back stage. "Chillax ka lang Kiko, basta ha gawin nyo yung napag usapan natin kahapon. Trust me, magiging bongga ang outcome na prescon na ito!!" ang excited na wika ni Pam na manager ni Jevan.
"Kinakabahan ka?" tanong ko naman kay Jevan na noon ay nag lalaro ng games sa kanyang cellphone, naka taas pa ang paa nito at nakapatong sa lamesa. "Hindi naman, sila ang kabahan sa atin." naka ngising sagot nito bagamat wala naman sa akin ang kanyang atensyon.
"Galingan nyo ha, dapat maging epektib ang palabas natin ngayong araw." ang paalala ni Dada.
Maya maya ay bumukas na ang pinto ng aming dressing room at mula dito ay lumabas na ang staff ng programa. "Sir mag sstart na po tayo. Ready na tayo doon sa back stage." wika nito kaya naman huminga ako ng malalim at tumayo.
Sabay kaming lumakad ni Jevan patungo sa entrance at mula dito ay naririnig na namin ang hiyawan ng mga taong nanonood.
EMCEE: Handa na ba kayo?!! Please welcome Mr. Mark Kiko Peralta and Mr. Jevan Monsuni.
Hiyawan ang mga tao..
Lumabas kami ni Jevan mula sa likod na kumakaway at abot tenga ang ngiti. Sinalubong kami ng host at pinaupo sa sofa paharap sa mga tao. Wala pa ring patid ang ingay ng palakpak at halos karamihan sa audience ay fans ni Jevan. Puro yata pangalan niya ang nakikita ko at mangilan-ngilan lang ang sa akin.
"Hi Jevan, Hi Kiko. Good morning sa inyong dalawa. Kamusta ang tulog ninyo kagabi?" ang tanong nito.
"Maganda umaga tito Luis at magandang umaga rin po sa mga manonood." bati ko naman sa kanila. "Maayos naman yung tulog ko, nag pray din ako na sana ay maging maayos ang araw na ito." naka ngiti kong sagot.
"Ikaw naman Jevan, kamusta ang tulog mo kagabi?" ang tanong din ng host.
Kumaway lang si Jevan sa mga tao ngunit grabe ang hiyawan ng mga ito. Halos magiba ang buong studio sa ingay. "Maayos naman ang tulog ko tito Luis. Medyo badtrip lang kasi katxt ko itong si Kiko kagabi tapos hindi na siya nag reply." ang kunwaring pag mamaktol nito pero hindi naman talaga kami mag kausap. Mukhang sanay na sanay na tong si mokong sa publicity.
Hiyawan yung mga tao..
"Hahahaha, ganon? Hay naku Kiko bakit hindi mo naman nireplyan itong leading man mo? Parang napuyat tuloy." ang paninita kunwari ng host.
Natawa rin ako kunwari. Napatingin ako kay Jevan at parang sinasabi na "bakit may ganon?". Maya maya sumagot nalang ako, bahala na. "Napagod kasi ako sa gym tito Luis, saka mag hapon naman kaming mag katxt e nag tatampo pa siya."
"Bakit ba kasi, gusto ko nga lagi kang kausap eh." masungit na sagot naman ni Jevan.
Lalong nagulo ang studio, pati mga cameraman at host ay napapatalon sa tuwa na para kaming mag kasintahang nag aaway.
Syempre tuwang tuwa rin si Dada at Pam dahil plano nila ito. At bentang benta naman sa publiko. Idea raw kasi ni Direk Limas na maging sweet kami para sa pelikulang gagawin naman sa susunod na buwan.
"Jevan, noong nalaman mo na si Kiko ang makakapareha mo, ano ang iyong nareaksyon?" tanong ng host.
"Tito Luis, syempre masaya ako dahil alam kong mahusay na aktor itong si Kiko at alam ko iyon dahil matagal ko nang panood yung ilang movie niya saka nandoon ako noong audition nya para sa role. Tuwang tuwa sa kanya si Direk dahil lahat ng emosyon nya talaga eksakto sa hinihingi ng script. Saka mas bagay kaming dalawa." ang naka ngiti nitong sagot na hindi ko malaman kung totoo ba talaga o pakulo lang. Sana totoo nalang yung sinasabi nya pero hindi e, dahil scripted na nila ni Pam ang lahat ng mga sinasabi niya. Katulad ng mga sinasabi ko na itinuro naman ni Dada.
"Wow, talaga naman palang deserve na deserve ni Kiko ang role. Eh ikaw naman Kiko, anong masasabi mo na si Jevan ang leading man mo?" tanong ng host
"Proud ako, magaling na aktor si Jevan at idol na idol sya ni mama. Parati nga kaming bumibili ng cd album nya para pakinggan. Hindi lang ako makapaniwala na ang isang icon na tinitingala ko ay makakasama ko sa isang pelikula. Seryoso po ako at walang halong biro." ang wika ko habang naka tingin kanyang mata. Panandaliang nag tama ang aming paningin ngunit agad rin niya itong binawi.
"Alam namin seryoso ka Kiko, grabe ang titigan niyo ni Jevan. Nakaka dala!" ang wika ng host at nag palakpakan ang mga manonood. "At ngayon naman ibibigay natin sa mga audience ang power para mag tanong. Mas mainam na alam natin ang opinyon nila sa inyong tambalan." ang dagdag pa niya at doon ay lumakad siya sa mga audience para kumuha ng nais mag tanong.
Audience 1: Ako po si Joselito sa umaga at Josephine sa gabi. Nais ko lang po itanong kay Jevan kung may posibility bang mainlove siya kay Kiko?
Hiyawan ulit..
Natingin si Jevan sa akin at ako naman ay napangiwi ng bahagya. Maya maya ay hinawakan ni Jevan ang mic at sumagot "Ang tao ay binibigyan ng walang limitasyong posibilidad. Hindi naman mahirap mahalin si Kiko. Mabait na anak siya at masipag sa career."
Audience 2: Para kay papa Jevan po. Gagamitin po ba kayo ng double sa mga bed scene?
"Depende iyon kung anong gusto ni Direk Limas. Propesyonal naman tayo kaya't kahit anong ipagawa niya para sa ikagaganda ng pelikula ay makikipag tulungan kami." sagot ni Jevan.
Audience 3: Para naman po kay Kiko. Sabi po ng mga suporters ni Albert ay bubuhusan daw ng asido ang mukha mo dahil sinulot mo raw yun role at katakot takot raw na pintas ang inabot mo sa audition. Hindi ka naman daw deserving para dito. Ano po ang masasabi mo?
Ngumiti ako at sumagot. "Hindi ko naman inagaw yung role. Ang totoo nun ay nag tatanong nga rin ako kung bakit sa akin ibinigay eh pwede naman kay Niko o sa iba. Siguro ay talagang kagustuhan lang ng Panginoon na mapunta ito sa akin. Tungkol naman doon sa audition, hindi naman ako perpekto at natutunan kong yakapin yung mga puna ng tao sa akin, dito ako nagiging malakas at nagiging matapang. Kaya nga sana ay..
Plak!
May tumamang itlog sa aking mukha at sumabog ito na siyang ikinagulat ng lahat..
"What the fu.. Ano to?!!!" ang sigaw ni Jevan noong makitang binalibag ako ng itlog ng isang audience.
Nag kagulo sa buong studio. At ako naman ay nanatili lang na naka upo habang humuhulas ang malansang itlog sa aking mukha. Agad namang tumakbo si Dada at si Pam para tulungan ako.
"Okay ka lang ba Kiko?" ang tanong ni Dada sabay kuha ng tissue at mabilis itong ipinunas sa mukha ko.
Nag off din ang airing show matapos ang insidenteng ginawa ng manonood na nag tatakbo sa labas ng studio.
Natahimik ako at nakaramdam ng pag kahiya. Mabilis akong dinala sa backstage upang mag palit ng damit at muling ayusan. "Kiko, ayos ka lang? Im sorry naka lusot sa security yung audience kaya nakapasok ito. Dont worry at pananagutin natin yung nanghiya sa iyo." ang wika ni Pam
"A-ayoko nang lumabas. Pwede bang umuwi na lang?" ang wika ko naman.
"May extra akong polo dito, eto nalang gamitin mo." alok ni Jevan.
"Uuwi nalang ako." ang sagot ko naman.
"Kiko, no.. Tapusin mo ang show at ipakita sa kanila na matatag ka. Hindi tayo uuwi. 20mins nalang. Kayanin mo." ang wika ni Dada sabay suot sa akin ng polo ni Jevan.
"Airing na ulit tayo.. Okay na ba si Kiko?" tanong ng mga staff. Wala naman akong nagawa kundi ang bumalik doon at itago ang aking nararamdaman sa pamamagitan ng pag ngiti na parang walang nangyari.
Tuloy ang show..
Patuloy rin ang tanungan at sa pag kakataong ito ay reporter naman ang nag tanong sa akin. "Kiko anong mensahe mo sa nagbato ng itlog sa iyong mukha on national television. Ito na ang pag kakataon mo upang sabihin ang iyong saloobin tungkol sa mga taong hindi naniniwala sa kakayahan mo."
Ngumiti ako at kinuha ang mikropono. "Sumagi sa isip ko na huwag na ituloy ang pag labas dito dahil sa naganap kanina ngunit hindi naman yata tama na sirain ko ang kasiyahan nang dahil lang sa isang pirasong itlog na tumama sa aking mukha. Madali lang para sa lahat ang mang husga at mag bitiw ng masakit na salita laban sa ating kapwa. Hindi naman masakit ang manakit unless kung tayo ang mismo ang sasaktan, doon pa lamang natin mararamdaman kung gaano ito ka sakit. Hindi naman sa isang pirasong itlog nakadepende ang lahat dahil ang talento ko ay hindi mapapantayan. Kahit sabuyan nyo ako ng asido o ilubog sa kumukulong tubig ay hindi mababago ang paniniwala ko at sa huli mananatili pa rin akong si Kiko sa mata ng mga taong tunay na nag mamahal at naniniwala sa akin." ang sagot ko at doon ay nag simulang pumalakpak ang mga manonood. Si Jevan naman ay umakbay sa akin at bumulong. "Nice".
Bago matapos ang show ay kumanta pa si Jevan at nag pasalamat sa kanyang mga suporters. Ako naman ay naka ngiti lang bagamat gustong gusto ko na umiyak.
Nag karoon man ng aberya ang aming prescon ay naging maayos naman ng feedback ng tao. Halos trending topic sa social media yung aktong pag sabog ng itlog sa mukha. Yung iba ginawa itong katatawanan, yung iba naman ay kinaawaan ako. Yung iba ay nabilib at ang iba ay walang paki alam.
Sa huli, mas kinakailangan ko pang tatagan ang aking loob dahil napag tanto ko na marami pa akong dapat patunayan sa mga taong hindi naniniwala sa akin.
itutuloy..