"Xian, nasaan ang kapatid mo---Xyril..." hindi naituloy ni Emma ang tanong sa anak niyang lalaki at tila nagimbal siya nang makita ang hinahanap nito sa labas ng kanilang tahanan. Pakiramdam ni Emma ay may pumukpok na martilyo sa kanyang ulo dahil sa nasaksihang ginagawa ni Xyril. "Xyril, bakit nandiyan ka?" Nangangambang pasigaw na tanong ni Emma nang dumukwang siya sa nakabukas na pinto. Malakas na humalakhak ang batang babae na para bang kinikiliti. "Naliligo po sa ulan, Nanay. 'Di mo ba nakikita?" Patanong na sagot nito kay Emma. Kapagkuwan ay muli itong humalakhak nang buhusan niya ng tubig ang maliit na katawan mula sa malaking drum kung saan naiipon ang tubig ng ulan. Napasapo na lang sa noo si Emma sa naging sagot ni Xyril. Gusto pa sana niyang pagalitan ang anak na babae