"Tsk! Hanggang ngayon ay hindi talaga ako makapaniwala na natalo tayo ng isang batang paslit lang sa unggoy-ungguyan. Waaahh... tinangay niya ang lahat ng chocolate natin!" mangiyak-ngiyak na sabi ni Olive, ang isa sa mga kasambahay ng Montoya na may kulot na buhok. "Sinabi mo pa! Bakit kaya ang galing ng batang 'yon eh first time lang naman niyang maglaro ng unggoy-ungguyan?" napapaisip na tanong ni Monica ang kasambahay na may mahabang buhok. "Hindi kaya nabudol tayo ng paslit na 'yon?" tanong naman ni Tin ang kasambahay na kinulang sa timbang dahil may kanipisan ang katawan nito. "Hay, panghimagas na nga, napurnada pa," hinayang na sabi ni Olive. "Halika na kayo, bumalik na tayo sa trabaho. Wala na tayong magagawa, isipin na lang natin na tinangay ng bubwit ang mga tsokolate natin