KABANATA 4:
PUTING SANDO NA halata ang binder bra sa loob ang suot nito. Ngunit kahit naka-binder bra na ay halata pa rin ang laki ng dibdib nito. Napalunok si Caro, hindi dapat siya maakit sa kahit na sinong babae dahil katawan ito ni Andres. Noong siya pa si Caro, iba’t ibang babae ang dinadala niya sa kanyang mansyon at saka ikinakama. Pero ngayon, hangga’t maaari ay kailangan niyang tiisin ang tawag ng laman dahil hindi niya naman ito katawan!
“Bakit? Ganito naman palagi ang suot ko, ‘di ka pa rin ba sanay?” Napakamot si Dalee sa likod ng kanyang ulo. “Oo nga pala! May temporary amnesia ka pala ano? Nakapagtataka talaga kung paano ka nagka-amnesia, nagpapanggap ka lang siguro ‘no?”
Kumunot pa lalo ang noo niya sa mga pinagsasabi nito. Imbes na sagutin ang mga paratang nito ay dumampot na lamang siya ng isang drumstick part ng fried chicken. Bahala na kung may allergy siya rito, madali lang naman sigurong patakbuhin itong si Dalee kung sakaling magkaroon siya ng allergic reaction.
“Hindi mo favorite iyang part na ‘yan, ito ang favorite mo.” Iniabot sa kanya ni Dalee ang breast part ng fried chicken na mas lalong nagpainit ng kanyang pisngi. Muli siyang napasulyap sa dibdib nito.
“I-ito na lang ang kakainin ko,” aniya saka nag-iwas ng tingin. Kaagad niyang kinagat ang balat ng drumstick. Marahan, kinakabahan at tahimik pa siyang napaisip na sana’y walang allergic reaction na maganap. Nang tuluyan niyang manguya ang manok, binilisan niya ang pagnguya saka nilunok at huminto sa pagkagat.
“Masarap ba? Hindi ko alam kung masarap ‘yan kasi bagong tindahan lang ang pinagbilhan ko.”
Marahan siyang tumango. “O-oo,” sagot niya sa hindi siguradong tono dahil hindi niya halos nalasahan ang manok. Paano niya malalasahan e busy siya sa kahihintay kung may lalabas bang pulang rashes sa kanyang balat.
Inangat niya ang kanyang mga kamay saka tiningnan ang mga iyon, hinintay niya ring makaramdam siya ng hirap sa paghinga ngunit minuto na ang nakalipas ay walang nangyayari.
Nag-angat siya ng tingin kay Dalee nang kumata ito sa breast part na kinuha nito. Kaagad itong ngumiti saka tumango. “Masarap nga! Dapat pala bumili na rin ako ng beer, perfect ‘to!”
Napalunok siya ng laway saka itinuloy ang pag-kain sa manok, mukhang hindi nga siya tatablan ng allergy kasi ibang katawan ito. Tutal ay matagal na rin noong huli siyang nakatikim ng manok, bata pa siya noon kaya hindi niya na halos maalala. Huling beses kasi ay na-hospital siya at kamuntikan nang mamatay dahil sa dami ng kanyang nakain.
Kung ano-ano ang ikinukwento ni Dalee sa kanya. Mga bagay na dapat daw ay maalala niya dahil kailangan niya nang bumalik sa trabaho as soon as possible. May iniimbestigahan kasi silang kaso na dapat ay matapos na nila. Kung hindi niya pa raw maaalala, malamang na matetengga ang kaso.
“Let me see the case, do you have the documents?” tanong niya kay Dalee habang abala sila sa pagkain ng fried chicken. Buto na lang ay sinisimot niya pa, mukhang magiging paborito niya yata ang manok.
Agad na napalingon si Dalee sa kanya. Nanlalaki ang mga mata nito na para bang hindi makapaniwala.
“Ulitin mo nga!”
Nilingon niya rin naman ito. “Ang alin?”
“‘Yong sinabi mo! Nag-inglish ka, e.”
“What’s wrong with talking in English?” kunot-noong tanong niya.
“Tangina, Andres! Nagka-amnesia ka lang, natuto ka nang mag-ingles?”
Napakurap siya sa sinabi nito. Ibig bang sabihin ay hindi marunon magsalita ng ingles itong si Andres? Marahas na napalunok siya saka dinilaan ang kanyang labi. “B-bakit?”
“Sa huling pagkakaalala ko, baluktot kang magsalita ng ingles, kaya paano?”
Imbes na pahabain pa ang usapan tungkol sa pagsasalita niya ng English ay tumikhim siya. “Nasaan na ang file tungkol sa kaso, babasahin ko at baka maalala ko.”
“Oy! Iniiba ang usapan.”
“Tama na, hindi na nakakatuwa.” Nag-uumpisa na siyang mairita. Ang daldal pala ng babaeng ito. Nakakainis!
“Easy! Ito naman galit kaagad. Bukas na bukas pagdating ko galing sa police station ibibigay ko sa ‘yo. Baka nga kapag nabasa mo ay maalala mong tatlong kaso ang iimbestigahan natin.”
Matapos nilang kumain, balak pa sanang makitulog ni Dalee sa bahay ni Andres ngunit hindi na siya pumayag pa. Aba’t kung matutulog ito kasama siya, baka hindi siya makatiis at bigla niya itong gapangin. Marupok pa naman siya pagdating sa mga babae!
“That woman is killing me, f**k!” reklamo niya matapos isara ang pinto at sinigurong naka-double lock. Baka mamaya ay bumalik pa ito at mangulit.
Hindi niya alam kung ano ba talaga ang tunay na relasyon ni Andres at Dalee ngunit mukhang malapit ito sa isa’t isa. Kung kasintahan man ito ni Andres, mas lalong kailangan niyang mag-ingat. Hindi pwedeng malaman nito na hindi si Andres ang nasa katawang ito lalo na kung hiram lang pala at babalik din ang totoong may-ari. Kaya sa lalong madaling panahon, kailangan niya nang mapatay kung sino man ang pumatay sa kanya dahil kailangan nilang magsama sa impyerno.
–
HINDI MALAMAN NI Dalee kung maniniwala ba siya o hindi sa amnesia ni Andres. Iba ang pakiramdam niya rito, parang hindi ito si Andres kung kumilos. Mula pagkabata ay magkasama na sila ni Andres kaya alam na niya ni kahit ang amoy ng utot nito. Pero sa pagkakataong ito ay iba, hindi niya talaga maramdaman ang presensya ng kanyang kaibigan. Ewan niya kung dahil lang ba iyon sa amnesia nito o talagang sinaniban na ito ng masamang espiritu? Isa pa, sa tagal niyang nagsusuot ng sando, ngayon lang ito nagreklamo. Kahit kailan ay hindi niya nakitaan ng pagkakagusto sa kanya si Andres lalo pa at lalaki ang tingin nito sa kanya. Pero kanina, babaeng-babae ang tingin nito sa kanya na hindi niya nagustuhan dahil ayaw niyang magkagustuhan sila ni Andres. Mag-bestfriend lang silang dalawa, period.
Imbes na isipin pa si Andres ay minabuti na lamang ni Dalee na magbihis ng damit pantulog. Pagkatapos ay diretso na siya ng higa sa kama niya. Ilang saglit lang mula nang siya ay pumikit, nakatulog na agad siya nang mahimbing…
Isang malakas na kalabog sa pinto ang gumising sa kanya umagang-umaga. Sinubukan niya iyong ignorahin, kinuha niya ang isa pang unan saka itinakip sa kanyang ulo ngunit hindi iyon sapat, talagang gusto yatang wasakin ang pinto niya sa lakas ng pagkatok.
“Teka lang!” bulyaw niya.
Pikit-mata pa siya bumangon mula sa kama saka naglakad palabas ng kwarto. Dali-dali niyang binuksan ang pinto nang makalapit. Nakangiting mukha ni COP Niel ang bumungad sa kanya. Kaagad itong sumaludo sa kanya.
“Magandang umaga, Dalee! Rise and shine!” Bumaba ang tingin nito sa dibdib niya.
“Niel!”
Agad naman itong nag-angat ng tingin sa kanya. “Ano?! Bakit ang aga-aga mong nangatok dito sa bahay?” reklamo niya.
Nagkibit-balikat ito. “Ngayong hindi ako naaalala ni Andres, hindi niya siguro alam na masugid mo ‘kong manliligaw. Maaga akong pumunta rito para ibigay ito sa ‘yo.”
Iniabot ni Niel ang isang envelop. Nang aabutin niya na iyon ay kaagad rin naman itong binawi. Mas lalong nairita si Dalee kay Niel.
“Oops!” Inayos pa nito ang dumulas na salamin sa kanyang ilong. “Go on a date with me, ibibigay ko sa ‘yo ‘to.”
“Huh! Edi sa ‘yo na!” Pagsasarhan na sana niya iyon ng pinto nang bigla itong nagsalita.
“Sayang, mahalagang detalye pa naman sana ‘to para sa hindi n’yo mabuo-buong kaso.”
“Gia Laparan’s murder case?”
Nagkibit-balikat si Niel. “Well, kung makikita mo ang laman nito. Paniguradong solve na ang kaso mo.”
Ngumisi si Dalee. “Sa ‘yo na ‘yan, isaksak mo sa baga mo.”
Hindi na niya hinintay na magdagdag pa ng hirit ang COP ng police station nila. Si Niel Valdez, siya ay ang nag-train sa kanila noong baguhan pa lamang sila ni Andres. Mabait ito noon, ngunit sa tagal ng panahon ay unti-unting lumabas ang maitim na kulay nito. Sa edad na 35 years old ay si Niel Valdez ang tinaguriang pinakabatang umupo bilang chief of police. Dapat ay mag-te-take pa lamang ng exam sa ganitong edad ngunit dahil advanced si Niel Valdez sa lahat, lalo na sa kinakapitan nito, ang initial test nito last year ay naipasa kaagad at siya na ang naupo ura-urada.
Pilit niyang iwinaksi sa isip niya ang nakakainis na chief-of-police na iyon saka dumiretso sa banyo. Kailangang maaga siyang pumunta sa huling destinasyon na pwedeng puntahan ng suspect sa krimen. Wala siyang pinagsabihan ng napag-usapan nila ni Andres. Sila lang dalawa ang nag-i-imbestiga sa kaso ni Gia Laparan dahil masyadong kumplikado.
Si Gia Laparan, pinatay siya nang walang awa. Walang bakas ng pangmomolestiya, basta sinaksak lang ito nang paulit-ulit, halos tatlumpong saksak ang natamo nito. Ang witness na si Abigail lang ang nakakita sa katawan nito. Paulit-ulit nila iyong inimbestigahan ngunit wala sa pinaghinalaan nilang suspect ang tunay na salarin. Sa pagkakataong ito, lihim na iniimbestigahan nila si Abigail Paez na siyang kapitbahay ni Gia Laparan. Iyon na ang last resort nila ni Andres. Kung hindi pa rin si Abigail ang salarin, baka sukuan na nila ang kaso…
Matapos niyang maligo ay kaagad siyang nagbihis ng damit. Maong pants at loose shirt na kulay itim ang suot niya saka ipinuyod ang mahabang buhok. Nang maisuot niya na ang sapatos ay kinuha niya ang folder na naglalaman ng crime report ni Gia Laparan.
Nagmamadali siyang lumabas ng bahay. Lakad-takbo dahil baka maunahan pa siya kung hindi magmamadali. Pababa na siya ng hagdan nang maabutan niya si Andres, may bitbit itong plastic, mukhang pagkain yata ang laman.
“Andres!” tawag niya rito.
Napakurap siya sa nakita. Hindi niya maintindihan… bakit gano’n? Hindi siya nito pinansin. Dire-diretso lang itong naglakad paakyat. Nasa kabilang dulo siya ng hagdan kaya kung hindi nga ito lilingon, hindi siya nito makikita.
“Andres! Hoy bingi!”
Pero hindi pa rin ito lumingon. Nagsimula na siyang kutuban. Muli niya itong sinigawan.
“Andres De Leon!”
Sa pagkakataong iyon ay nilingon na siya nito.
“Bakit?”
Subalit ang hindi niya maintindihan ay kung bakit parang… hindi si Andres ang nakatingin sa kanya.