KABANATA 2:
“ANDRES? ANDRES!”
Unti-unting iminulat ni Caro ang kanyang mga mata. Sa umpisa’y nanlalabo pa ang kanyang paningin hanggang sa tuluyan itong naging malinaw. Malinaw pa sa sikat ng araw, nang makita niya ang mukha ng isang babaeng may masungit na mukha. Naka-uniporme ito na kulay asul, at nang mapansin ang disenyo nito, nalaman niya kaagad na isa itong pulis sa Pilipinas.
“Bakit nandito ako? Sino ka?”
Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig maging ang sariling boses at wika. Kailan pa siya naging tuwid manalita ng Tagalog?
“M-may a-amnesia ka?” Hindi makapaniwalang tanong ng babae sa kanya. Itinuro pa nito ang sarili. “Ako ‘to, si Dalee! Andres, huwag mo akong pinagloloko!”
“A-andres?” Kinakabahang tanong niya.
Agad siyang napabangon mula sa kanyang kinahihigaan. Naramdaman niya ang sakit ng kanyang katawan, kirot ng mga sugat at kung ano-ano pang parte ng kanyang katawan ngunit para kay Caro, hindi iyon ganoon kasakit lalo pa’t sanay naman siya.
“Andres! Ano ka ba? Kagigising mo lang, bakit bumangon ka na kaagad?!” natatarantang napatayo si Dalee sa kanyang kinauupuan saka siya inalalayan.
“Pahingi ako ng salamin, salamin!” Kabadong utos niya kay Dalee.
Bakit ganito? Bakit iba ang boses ko? Bakit nakakapagtagalog ako kahit sa isip ko? Paano nangyari ‘to?! Pagka-usap ni Caro sa kanyang sarili. Hindi niya maintindihan. Ang huli niyang naaalala ay maayos naman na naipaliwanag sa kanya ng lalaking nasa cheating well ang mangyayari sa kanya. Hindi kaya may nakaligtaan siya?
Iyong balon na napuntahan niya ay tinawag ng lalaki na cheating well. Anito, kaya siyang pabalikin sa mundo ng mga buhay kapalit ang isang bagay, at iyon ang susunod niyang buhay. At dahil wala naman siyang pakialam sa susunod niya buhay, mas importante sa kanya ang buhay niya ngayon, nakipagkasundo siya sa lalaking nasa purgatoryo. Ang pagkabuhay niyang muli, kapalit ang susunod niyang buhay. Hindi na siya muling ma-re-reincarnate.
“Ito!”
Nang makahanap ng salamin ang babaeng kasama niya, kaagad nitong iniabot sa kanya. Nanginginig man ang kanyang mga kamay, kaagad siyang tumingin sa salamin. At halos magimbal siya nang makita ang sarili niyang mukha.
Wala na ang hanggang balikat niyang kulot na buhok, maayos na itong nagupit. Ang mga mata niyang kulay berde ay napalitan ng kulay itim at ang kulay kayumanggi niyang balat ay napalitan ng maputla. Pakiramdam niya rin ay mas tumaas siya nang bahagya.
“Merda!” galit na galit siyang bumunghalit ng mura.
Tila tinakasan siya ng bait nang madiskubreng naloko lamang siya ng lalaking nasa purgatoryo. Kaagad niyang binitiwan ang salamin pagkatapos ay nilingon ang babaeng kasama niya.
“Sino ako? Ilang taon na ako? Anong trabaho ko?!” mabilis at sunod-sunod na tanong niya.
“Teka lang isa-isa lang!” awat ng babae sa kanya. “Siguro dahil lang ‘yan sa mga gamot na tinurok sa ‘yo, ‘di ba? Sige, pagbibigyan kita.”
“Sino ako?”
Bumuntonghininga ang babaeng nasa harap niya saka muling naupo sa silya na kaharap niya. Hindi niya kailanman naisip na maloloko siya nang ganito.
“Andres De Leon, 29 years old. Isa kang police-detective na may dalawang taon nang serbisyo.”
“A-ano?” hindi makapaniwalang tanong niya. “P-police-detective?”
Tumango ang babae. “Oo, may problema ba?”
Nanginig ang labi niya at inis na napamura nang ilang beses sa kanyang isip. Gusto niyang maluha sa sobrang inis. Merda! Merda! Merda!
Paano niya mahahanap ang taong pumatay sa kanya kung isa lamang siyang hamak na pulis detective? Anong magagawa niya sa pagiging alagad ng gobyerno? Alam niya ang katiwalian ng mga nasa gobyerno kaya imposibleng mahanap niya ang pumatay sa kanya. Isa pa, bakit sa Pilipinas? Ang layo niya sa Italia! May pera ba ang Andres De Leon na ito papuntang Italia? Makikilala ba siya ni Clemente?
“Aaahh!” galit na galit na sigaw niya.
Wala siyang pakialam kahit nakatitig na sa kanya ang babae na para bang tuluyan na nga talaga siyang tinakasan ng bait. Sino ba naman ang hindi tatakasan ng bait sa ganitong sitwasyon? Buong akala niya ay maayos siyang makababalik sa sarili niyang katawan.
Galit na pinagtatanggal niya iyong mga swerong nakakabit sa kanya. Wala siyang pakialam kahit dumugo man ang mga iyon. Kailangan niyang mahanap iyong lalaking nakasundo niya para ibalik siya sa buhay. Hindi pwedeng hayaan niya na lang ang nangyari!
“Andres! Nasisiraan ka na ba?! Hoy!”
Ngunit nang bababa na sana siya sa kama, nagulantang siya nang bumagsak ang nanghihina niyang katawan sa sahig. Doon pa lang niya naramdaman ang lahat ng sakit na nararamdaman ng kanyang katawan.
“Ahhh!” pumalahaw siya dahil sa sakit ng kanyang buong katawan.
“Tanga, tanga naman kasi!” ani Dalee na dali-dali rin siyang tinulungan para makatayo.
Wala siyang nagawa kundi ang hayaan na lamang ang babae na tulungan siyang makabalik sa kama. Sa kaloob-looban niya, gusto niyang magwala sa sobrang inis. Pero anong magagawa ng mahina niyang katawan? Hindi niya ito katawan kaya wala siyang magawa kung lampa ito.
Police detective? Ang tanging magagawa niya lamang ay ang malayang makapag-imbestiga dahil detective siya. Pero paanong dito sa Pilipinas? Sa Italia siya namatay, malamang na naroon ang pumatay sa kanya.
Hinayaan niya na lamang ang kanyang sarili na manatili sa hospital habang nagpapagaling ng mga sugat habang nag-iisip ng paraan sa kung paano siya makapupunta sa Itali at makausap si Clemente. Ngunit tila may napapansin siya sa pagdaan ng mga araw na lumilipas na nasa loob siya ng hospital.
“Nasaan ang nanay ko? O ang tatay ko?” takang tanong niya kay Dalee na kararating lang.
Ilang kasamahang pulis detective sa team nila ang pabalik-balik na dumalaw sa kanya ngunit wala manlang nagpakilalang nanay niya. O kahit na kamag-anak.
“A-ano, n-nasa probinsya nila,” tila kinakabahang sagot ni Dalee.
Kaagad nitong isinara ang pinto pagkatapos ay tuluyang pumasok. Bitbit ang plastic na may lamang pagkain.
Tumango lamang siya at saka muling humiga sa kama. Wala siyang magawa kundi ang magpanggap na may amnesia. Iyon ang nangyari hanggang sa tuluyan siyang nakalabas sa hospital.
Kahit iika-ika pa ang paa niya at may benda pa maging ang braso, mag-isa siyang lumabas ng hospital bitbit ang bag niyang halos mapunit na sa sobrang luma.
Sinuot niya ang lumang cap na pag-aari ni Andres saka marahang lumakad palayo ng hospital. Ngunit habang naglalakad sa gilid ng mausok na kalsada, napansin niya ang isang pamilyar na mukha. . .
“Luna?” bulong niya sa kanyang sarili.
Sinundan niya pa ito hanggang sa tuluyan niyang makumpirmang si Luna nga iyon, isa sa mga kasapi ng grupo nila.