KABANATA 47: TATLONG ARAW LANG ang inilagi ni Dalee sa hospital. Sa dalawang araw na iyon ay walang palya ang pagbisita ni Caro ngunit sa mismong oras kung kailan siya dapat umuwi, saka naman ito nawala. Pinagtatabuyan niya si Caro sa tuwing bibisita ito pero ngayong hindi siya kasamang sumundo, naiinis naman siya. “Napaka-inconsistent,” bulong niya sa kanyang sarili. “Ha? Ang alin?” takang tanong ng Mama niya. Mabilis naman siyang nag-angat ng tingin. “Ah, ano Ma… wala.” Kasalukuyan silang nasa kotse ng Papa niya, pauwi sa may apartment. Pinipilit siya ng mga ito na sa bahay na muna nila umuwi ngunit hindi siya pumayag. Alam niya kasing gagawin lang siyang baby roon. “Nakasimangot ka ba dahil wala si Andres?” tanong ng Papa niya. Namilog ang kanyang mga mata. “A-ano? H-hindi, ah!”

