MAHIMBING ang tulog ni Janna. Nang magising siya ay wala na siyang katabi sa kama. Hindi niya alam kung anong oras na pero maliwanag na sa labas nang sumilip siya sa bilog na bintana. Mga ulap ang nakikita niya. Umaalog ang eroplano dahil sa mga ulap. Bumangon na siya at pumasok sa banyo. Nagtataka siya bakit nagkalat sa sahig ang hinubad na damit ni Jin pati underwear nito. Isa-isa niyang pinulot ang mga ito at ipinatong sa nakasarang inidoro. Malaki ang banyo, may salaming pinto na siyang harang sa shower room. Iniisip niya na baka nakalimutan lang ni Jin iligpit ang mga damit nito, o maaring nagmadaling lumabas pagkatapos naligo. Naghubad na siya ng damit upang maligo. Kailangan mabango siya bago lalabas ng kuwarto. Nakakahiya naman sa bisita nila kung makisalamuha siya na amoy kama.