"Ayan, napakaganda mo nang lalo, Ma'am Hannah!" humahangang bulalas ng make up artist na si Dali, matapos ayusan ang dalaga.
"Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan ko pang mag-ayos ng ganito, tama na sa akin ang liptint at polbo, kakain lang naman kami ni Lolo sa labas," wika ni Hannah, habang pinagmamasdan ang sarili sa vanity mirror.
"Iyon ang kabilin-bilinan ng senyor, kailangan ayusan ka raw namin para lalo kang maging maganda at kaakit-akit," ani naman ng kaniyang Yaya Dimples, kapapasok lang nito sa kaniyang walk-in closet kung saan sila nag-aayos at narinig nito ang mga sinabi niya.
Aminado naman si Hannah na malaki ang ipinagbago ng itsura niya ng maayusan, nagmukha siyang glamorosa at sopistikada. Ang mamahaling puting bestida na suot niya ay lalo pang nagpatingkad sa kagandahan niya. Dagdag pa ang makikinang niyang mga alahas na ang halaga ay maaari nang makabili ng bahay at lupa.
"Isuot mo na itong sapatos mo, Ma'am Hannah," ani nang stylist na nagdamit sa kaniya. Hawak nito ang may kataasang takong ng gold na sandals.
"Huh! Masyado namang mataas 'yan, hindi ba ako matatapilok niyan? Pwede naman sigurong flat shoes na lang," reklamo ng dalaga. Hindi naman sa nag-iinarte siya, hindi lang talaga siya sanay sa mga ganuong kasuotan, lalo na sa sapatos na may mataas na takong. Sa tuwing lalabas kasi siya ay kung hindi rubber shoes ay sneaker ang suot niya, mas komportable siya sa ganun.
"Oo nga naman, Zara, masyadong mataas 'yan, baka mabalian pa ng paa ang alaga ko. Wala bang mababa lang ang takong para kahit papaano ay komportable siyang maglalakad?" Sinipat pa ni Dimples ang hawak na sapatos ng stylist.
Bumuntong hininga nang malalim si Zara sabay pilit na ngumiti. "Ano pa nga ba? Ito na nga, madam! Maghahanap na nga, oh. Tsh! Sinubukan ko lang naman, baka lang kasi makalusot sa'yo. Kung baga sa mga pagawaan ikaw yung quality control, laging may reject sa'yo, napakahigpit, hmp!" inis na sabi nito sabay irap kay Dimples.
"Naku... ikaw talaga Zara, kilala mo naman ang alaga ko, matagal ka ng stylist niya hanggang ngayon ay hindi mo pa ba kabisado ang mga hilig niya?"
"Nagbabago rin naman ang mga tao, Dimples. Ang tagal ko nang hindi nabibihisan si Ms. Hannah, malay ko ba kung nag-iba na ang taste niya sa pananamit."
"Tsh! Huwag ka nang mangatwiran, sundin mo na lang ang gusto ng alaga ko." Nanunulis ang nguso ni Dimples.
Natatawa na lamang si Hannah sa pag-babangayan ng dalawa. Kahit kailan talaga ay mainit ang ulo ng mga ito sa isa't-isa.
Bukod sa sapatos na talaga namang hindi siya magiging komportable kung kaniyang susuutin ay wala naman na siyang pinapalitan pa sa make up, ayos ng buhok, mga alahas at damit na suot niya.
Wala siyang ideya kung ano ang plano ng kaniyang Lolo, nang tumawag ito kanina sa kaniya ay sinabing maghanda siya para sa dinner nila ng alas siyete ng gabi.
Na-excite nga siya dahil matagal na rin silang hindi kumakain sa labas ng kaniyang lolo. Lagi itong busy sa trabaho kaya kapag gusto niyang kumain sa labas ay si Yaya Dimples at mga body guard na lang ang pinapasama sa kaniya.
_
"Yaya, ako lang ba talaga ang aalis? Bakit hindi ka kasama?" naguguluhang tanong ng dalaga nang ihatid siya ng kaniyang tagapag-alaga sa sasakyan na naghihintay sa kaniya.
"May gagawin pa'ko. Okay lang 'yon, lolo mo naman ang kasama mo at saka nandiyan naman sina Val at Veron, hindi ka naman papabayaan ng mga 'yan. Siguradong makakarating ka ng safe sa pupuntahan mo."
Ang totoo ay gusto nga sanang sumama ni Dimples, kaya lang ang kabilin-bilinan sa kaniya ng senyor ay hayaan na muna niyang bumiyahe nang mag-isa ang kaniyang alaga. Nakuha naman niya ang gustong mangyari ng kaniyang amo. Ang ibig sabihin lang nito ay huwag na niyang samahan si Hannah, kaya hindi na niya ipinilit ang sarili. Para sa kaniya ay kakaiba iyon.
Nang buksan ng bodyguard na si Val ang pinto ng sasakyan ay napilitan ng pumasok sa loob si Hannah. Sumilip siya sa bintana at alanganing kumaway sa kaniyang yaya.
Nalulungkot siya na hindi ito kasama, nakakapagtaka talaga dahil tuwing kakain naman sila sa labas ng kaniyang Lolo George ay laging kasama ang kaniyang tagapag-alaga, kaya parang napapaisip siya.
Katulad ng kaniyang alaga, napapaisip din si Dimples. Wala siyang ideya sa pinaplano ng kaniyang amo. Kung ano man iyon ay sigurado siyang para sa kabutihan ni Hannah ang gagawin ng senyor.
_
Sa harapan ng isang sikat na five star hotel tumigil ang sasakyan ni Hannah. Inalalayan siyang makababa ng kaniyang bodyguard na si Veron, pagkatapos ay hinatid siya nito hanggang sa loob ng hotel. Naiwan naman sa sasakyan ang bodyguard na si Val kasama ang driver na si Mang Anton.
Alam niya kung saan siya tutungo. Kabisado na niya ang daan papunta sa restaurant ng hotel. Ilang beses na rin kasi silang nakakain doon ng kaniyang Lolo George.
"Good Evening, Ma'am!" nakangiting bati sa kaniya ng babaeng staff ng hotel na naka-assign sa entrance door.
"Good Evening! I have a reservation from Mr. George Crisostomo," pahayag niya
"Ms. Hannah Crisostomo?" patanong na banggit ng staff sa kaniyang pangalan.
"Yes!" tugon naman niya sabay tango.
"This way, Ma'am. Please follow my lead."
Sumunod siya sa babae, dinala siya nito sa VIP room, maraming private room ang naroon, tumigil ang babae sa pinakagitna kaya naman napahinto rin siya. Binuksan nito ang pinto.
"He's inside, waiting for you."
Nilakihan ng babae ang pagkakabukas ng pinto para magkasya siya.
Nginitian niya ito sabay sabing, "Thank you!"
Tumango naman ang babae at tinugon rin ng ngiti ang ngiti niya. Pumasok na siya sa loob at ang bodyguard naman niya ay nagpaiwan sa labas ng pinto.
Ang maganda niyang pagkakangiti ay bigla na lamang napawi ng masilayan niya ang hindi pamilyar na lalaki sa loob. Agad itong tumayo ng makita siya.
Ang inaasahan niya ay ang kaniyang Lolo George ang kaniyang madadatnan doon, kaya naman labis ang pagtataka niya ng ibang tao ang naroroon.
Imbes na umabante ay napaatras tuloy siya. Tatalikod na sana siya para lumabas. Sa tingin kasi niya ay nagkamali ang babaeng nag-assist sa kaniya. Hindi ito ang silid na ipina-reserve ng kaniyang Lolo George.
"I'm sorry, nagkamali yata ako ng kwarto na pinasukan," paumanhin niya bago tuluyang tinalikuran ang nagmamadaling lalaki.
"Wa-wait! You're not mistaken, ito talaga ang kwarto na ipina-reserve sa atin ni Sir George."
Natigilan siya at napapihit paharap, umangat ang mukha niya at tumingin ng diretso sa lalaki. Noon lang niya napansin na bata pa pala ito, halos ka-edaran lang niya. Hindi niya maitatanggi na maganda itong lalaki, matikas ang pangangatawan. Magandang ngumiti, pantay-pantay ang mapuputi nitong mga ngipin.
"Huh! Ipina-reserve sa atin?" naguguluhang tanong niya.
Hindi niya maintindihan kung bakit may estrangherong lalaki sa harap niya ngayon? Hindi niya napansin na hindi lang naman pala sila ang naroon, may dalawang waiter na nakatayo sa gilid ng lamesa at naghihintay lang ng signal para mag-serve sa kanila.
"I guess you don't know yet," anang lalaki.
Nangunot ang noo niya. "Ang alin?" alanganin niyang tanong.
"Your Lolo George set us up on a date."
"Huh! What?!"
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Ayaw niyang paniwalaan ang sinasabi ng estrangherong lalaki, kaya lang nung una pa lang, sa bahay pa lang ay marami na siyang napansin na hindi tama.
"Seriously, your grandfather spoke to me himself and asked whether I’d be open to meeting you."
Nakita ni Hannah ang sinseridad sa mukha ng lalaki kaya naman, naniwala na siya na kagagawan nga ng Lolo George niya ang nangyayari ngayon.
Huminga siya ng malalim. Mukha namang disente at propesyonal ang lalaking kaharap niya. Malaking kabastusan kung basta na lamang niya itong iiwan. Isapa, ang lolo niya ang nakiusap dito. Siguradong busy na tao ang lalaking ito, ang mag-effort at maglaan ng oras para sa kaniya ay dapat lang naman niyang ikonsidera at pahalagahan.
"My name is Miguel— Miguel Aguilar," pagpapakilala nito sa sarili.
Maganda ang pagkakangiting inilahad nito ang kanang kamay para makipag shake hands.
Nag-aatubiling tinanggap naman iyon ng dalaga.
"I'm Hannah— Hannah Crisostomo," pagpapakilala niya.
Naramdaman niya ang mainit na kamay ng lalaki ng magdaupang palad sila. Agad din nitong binitawan ang kamay niya.
"Please, let’s take a seat. Your grandfather has generously paid for all our food today — it would be a waste not to eat. I insisted on covering the bill, but he was firm in his decision. Your grandfather is a highly respectable man, and it’s truly an honor to be recognized by him in this way."
Humanga si Hannah sa paraan ng pananalita ni Miguel at kung paano nito hangaan kaniyang Lolo George. Pinaunlakan niya ang alok nito na maupo. Wala namang mawawala kung susubukan niyang makipag-date. Mukhang mabait at marespeto naman ang kaniyang kaharap.
Sa kabuuan ay na-enjoy niya ang gabi na kasama si Miguel. Sa totoo lang ay masarap itong kausap. Sa buong pag-uusap nila ay marami siyang natutunan dito. Matalino ito at komportable siya na kasama ito ngunit kung pag-uusapan ay tungkol sa pag-ibig, kahit perpekto na si Miguel sa paningin niya ay tila ba may iba pa siyang hinahanap sa isang lalaki na kaniyang magugustuhan at iyon ay hindi niya maipaliwanag kung ano.