Chapter 7

2414 Words
Point of view - Ailana Martinez - "Nanay, tingnan mo 'to, ang ganda." Sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang mamasdan ko ang inosenteng mukha ng aking anak na si Ivan. Kasalukuyan siyang naglalaro rito sa dalampasigan habang pumupulot ng iba't ibang hugis na kabibe. Ako naman ay nakaupo lang sa buhangin at nakatingin sa kanya. Tila nanunumbalik ang alaala ng nakaraan sa tuwing tinitingnan ko ang kanyang mukha. Ganitong ganito kasi ako noong bata pa ako, mahilig akong mangolekta ng kabibe. Kung minsan, inuuwi ko pa ang mga ito. "'Wag ka masiyadong lumayo, Ivan. Dito ka lang sa malapit." "Opo nanay, dito lang ako." Ang katigasan ng kanyang ulo ay parehong pareho sa akin. Sa tuwing sasawayin mo, lalo lamang sisige. Habang tinititigan ko ang masayang ngiti sa labi ng aking anak, hindi ko maiwasang maisip ang bagay na inaalok sa akin ni Kenji. Kung makikipagsapalaran ako sa maynila, kailangan kong iwan ang aking anak pati na ang aking mga magulang. Ngunit paano ko iiwan ang batang ito? Ni minsan ay hindi sumagi sa aking isip na darating ang araw na kami ay maghihiwalay. Hindi ko kailanman pinangarap na lumayo sa aking pamilya at makipagsapalaran sa maynila, ngunit may kung ano sa aking isip ang nais sumugal sa lugar na iyon. Sa tingin ko, hindi na kakailanganin pa ni tatay pumalaot kung magkakaroon ako ng trabahong may malaking sahod doon. "Nanay, may problema ka po ba?" Bumalik sa reyalidad ang aking isip nang makita ko ang malapit na mukha ni Ivan sa aking mukha. At dahil sa lapit na iyon, bigla kong nakita ang hitsura ni Miggi sa kanya. Mabilis kong niyakap nang mahigpit ang aking anak dahil ayoko nang makita pa ang mukhang iyon — ang mukha ng isang lalaking walang isang salita. Ang nais ko lang ay kalimutan na siya nang habambuhay at ituon ang lahat ng aking atensyon sa aking anak. "Nanay," malungkot na saad ni Ivan na may halong pagtataka. "Yana! Yana!" Sunod-sunod na sigaw ang aming narinig. Ang aming kapit bahay na si Aling Merci ay pagod na pagod sa pagtakbo nang lumapit ito sa amin. Mabilis akong napatayo nang makita ko ang halos namumutla niyang mukha. Hindi ko alam kung bakit, ngunit nakaramdam ako ng matinding kaba sa aking puso. "M-May problema po ba, Aling Merci?" nauutal kong tanong. Isang malalim na hinga muna ang kanyang ginawa bago tumugon sa aking sinabi. "'Yong tatay mo, sinugod sa ospital." "P-Po?!" Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ko ang balitang iyon. Nagmamadali kong binuhat si Ivan sa aking bisig saka kami mabilis na tumakbo pabalik sa bahay. Ibinilin ko muna si Ivan kay aling Merci, saka ako mabilis na sumakay sa tricycle at nagtungo sa ospital. Nang ako ay makarating, hinanap ko agad kung saan naroroon si tatay. Mabuti na lang at nakita ko agad si nanay, kalalabas lang niya sa isang silid at sa tingin ko ay nandoon si tatay. "Nay! Kumusta si tatay? Anong nangyari," sunod-sunod kong tanong sa kanya. "Maayos naman ang lagay ng tatay mo, Yana. Pero ang sabi ng doktor, highblood daw ang tatay mo," tugon sa aking ni nanay na may halong lungkot. "Sandali lang, Yana. Bibili lang ako ng mga niresetang gamot." Tumango na lang ako bilang tugon kay nanay. Nababakas sa kanyang mukha na mayroon siyang malalim na iniisip. Marahan akong lumakad palapit sa pinto, saka ako pumasok sa loob ng silid kung saan naroon si tatay. Nakita ko siyang nakahiga sa isang puting kama. Sa loob ng silid na ito ay may iba ring pasiyente, ngunit madali ko lang nakita si tatay. Sinimulan kong ihakbang ang aking paa at nagtungo sa kanyang higaan. Nakita ko ang nakapikit niyang mata na animoy nagpapahinga. Tila may kung anong bagay ang tumusok sa aking puso nang mapagtanto ko kung gaano na katanda ang aking ama. Pakiramdam ko ay sa tanang buhay niya, hindi pa siya nagkaroon ng isang payapang araw. Halos araw-araw siya pumapalaot para sa amin ni nanay. Hindi alintana ang panganib na haharapin niya roon. Ngayon pumasok sa aking isip ang mga posibilidad na mangyari sa kanya. Mas tumindi ang aking pagnanais na makahanap ng trabaho na sasapat para sa aking mga magulang at anak, isang trabaho na hindi na kakailanganin pa ni tatay pumalaot. Marahan akong umupo sa silya na kalapit ng kanyang higaan, saka ko kinuha ang kanyang kamay. Nangungulubot na rin ang kamay ni tatay, halata na ang katandaan. "Tay, pahinga po muna kayo. Ako na po ang bahala sa lahat," mahina kong saad kay tatay. Kahit na alam kong hindi niya ako naririnig, nais kong ipaalam sa kanya ang aking desisyon. Nais kong sumugal para sa kapakanan ng aking pamilya. *** No'ng araw ding iyon, pumunta ako sa isang tindahan kung saan mayroong telepono na maaari mong bayaran kada minuto. At habang hawak ko ang calling card na binigay sa akin ni Kenji, tinawagan ko ang kanyang tita na nasa maynila. "Hello, sino 'to?" pagsagot ng tita ni Kenji. "H-Hello, ako po si Ailana Martinez. Kaibigan po ni Kenji." "Ayon! Sa wakas at tumawag ka na rin, hija. Matagal ko nang hinihintay ang tawag mo." "G-Gusto ko po sanang mag-apply ng —" "Oo, oo. Sinabi na sa akin ng pamangkin ko, hinihintay lang talaga kitang tumawag. Pwede ka nang pumunta rito, ipapasundo na lang kita kay Kenji sa bus terminal. Magdala ka na lang ng ID, resume, birth certificate. Hindi naman importante kung nakapag-aral o hindi ang mahalaga, masipag ka." "O-Opo, masipag po ako!" mabilis kong tugon. "Very good, may cell phone ka ba, hija? Para mabilis tayong magkatawagan." "Manghihiram na lang po ako," tugon ko. "Okay, sige sige. Tawagin mo akong Mamita, ha?" "O-Opo, Mamita." "Oh. Paano? Tawagan mo na lang ulit ako kapag kumpleto na ang dokumento mo at papunta ka na rito sa maynila." "Sige po, Mamita. Salamat po." Matapos ang tawag na iyon binaba ko na ang hawak kong telepono. Sa buong oras na kami ay magkausap, malakas ang t***k ng aking puso, tila kinakabahan ako sa gagawin kong desisyon ngunit kailangan. *** Makalipas ang dalawang araw, sa wakas ay gumaling na rin si tatay at nakauwi kaming muli sa bahay. Sa mga araw na dumaan, palihim kong inayos ang mga dokumento na kakailanganin para sa pagpunta ko ng maynila. At sa loob ng ilang araw na iyon, patuloy pa rin akong kumukuha ng lakas ng loob kung paano ako magpapaalam kanila tatay at nanay. Nanghiram na rin ako ng cell phone sa aming kapit bahay, ngunit imbes na hiram, binigay na lang din nila sa akin ito dahil luma na rin daw at may bago naman silang bili. Labis ang pasasalamat ko sa mga taong tumulong sa akin upang makapag-apply ako ng trabaho. *** "Sa tingin ko pwede na ulit akong pumalaot, hindi ba? Ma-ayos naman na ang pakiramdam ko." Natigilan ako sa pagkain nang marinig ko ang sinabing iyon ni tatay. Napatingin ako sa kanya dahil dito. "Babalik agad kayo sa pangingisda, tatay? Hindi ba sabi ng doktor ay magpahinga muna kayo?" sunod-sunod kong saad sa aking ama. "Yana, kailangan kong magtrabaho," mahinahong tugon ni tatay. Kasalukuyan kaming nasa hapagkainan ngayon at kumakain ng pananghalian. Nang marinig ko ang sinabing iyon ni tatay, tila nais ko nang sabihin sa kanila ang plano kong pag-alis. Isang buntonghininga ang aking ginawa, saka ako nagsimulang magsalita. "Nay, Tay. May sasabihin po ako." Nakita ko ang seryosong mukha ng aking mga magulang. Nababakas sa kanila ang pagtataka at tanong sa kanilang isip. "Nagdesisyon po akong magtrabaho sa maynila." Narinig ko ang sabay na pagsinghap ng aking ama't ina, tila nagulat sila sa aking sinabi. "S-Sandali, saan ka naman magtatrabaho roon, anak? May kilala ka ba sa maynila?" nag-aalalang tanong ni nanay. "Opo, Nay. Si Kenji po, 'yong lalaking kababata ko noon, alam kong kilala nyo siya," tugon ko sabay bigay ng ngiti upang matakpan ang lungkot sa aking mata. Nagkatinginan naman sina nanay at tatay dahil sa aking sinabi, saka sila tumingin kay Ivan na ngayon ay masayang kumakain sa aking tabi. "Paano si Ivan, iiwan mo siya?" Mapait akong ngumiti dahil sa sinabi ng aking ina, saka ako tumingin sa aking anak. Hinawakan ko ang kanyang ulo at dahil sa aking ginawa, tumingin siya sa akin na may halong pagtataka. Nang makita ko ang mukha ni Ivan na nakatingin sa akin, pakiramdam ko ay unti-unting nadudurog ang aking puso. Ayokong iwan ang aking anak, ngunit kailangan. Mabilis kong pinikit-pikit ang aking mata upang mapigil ang luha na nais bumagsak, saka ko binalik ang tingin sa aking ama't ina upang hindi ako tuluyang maiyak. "Opo, Nay. Kailangan po, eh. Saka, kapag nakaluwag-luwag na tayo, babalik ako rito." "Ano namang trabaho mo roon, Yana?" "Ang sabi po ni Kenji ay may ahensya po raw ng katulong doon." "Mangangatulong ka?" Tumango na lang ako sa tanong ni nanay. "Yana, hindi mo naman kailangan gawin ito," malungkot na pagsingit ni tatay sa amin. Bahagya kong tinaas ang aking kamay saka inabot ang kamay ng aking ama. Hinawakan ko ito nang mahigpit na animoy hindi ko na balak pakawalan. "Tay, buong buhay nyo po, inaalagaan nyo na ako. Panahon naman po upang ako naman ang mag-alaga sa inyo, sana po ay maintindihan nyo ang desisyon ko," paliwanag ko kay tatay. Matapos ang pag-uusap na iyon, tahimik kaming bumalik sa pagkain, ngunit sa pagkakataong ito, nabalot ng lungkot ang hapagkainan. *** Kahit na tutol ang aking mga magulang, sinuportahan pa rin nila ang desisyon ko at tinulungan ako sa mga bagay na dapat kong gawin. Pinaliwanag ko rin kay Ivan na aalis ako ngunit babalik din naman. Alam kong sa mura niyang edad ay hindi pa niya maiintindihan ang lahat, ngunit kahit ganoon, pinili ko pa ring magpaliwanag sa kanya kaysa iwan siya nang parang bula. Lumipas ang araw, dumating si Kenji sa aming bahay upang ako ay sunduin. Ang akala ko nga ay sa bus terminal na niya ako susundoin, ngunit heto siya ngayon at nasa aming bahay. Pinahiram niya rin ako ng perang magagamit ko sa panggastos. Ang sabi niya ay sa kanila muna ako tumuloy habang wala pang pag-de-deployan sa akin. Pumayag ako dahil kilala ko naman siya. Pinahiram din ni Kenji ng cell phone si nanay para raw makumusta ko sila. At nang tanghali na iyon, kailangan ko nang magpaalam sa aking mga magulang at sa aking anak. Nasa dalampasigan na ang bangkang maghahatid sa akin sa kabilang isla kung saan nandoon ang mga bus patungong maynila. Ngayon, kasalukuyan na akong hinihintay ng bangka. Humingi ako ng kauntinh minuto upang magpaalam muna sa aking magulang at kay Ivan. "Anak, hindi ka na ba talaga mapipigilan?" saad ni nanay na may malungkot na tinig. Hinawakan ko ang kanyang kamay saka hinimas-himas ito. "Nay, 'di ba napagusapan na natin ito?" "Pero, kasi..." Mabilis akong umiling at ngumiti sa kanya. "Babalik din po ako, nanay. Madalas din akong tatawag sa inyo." Tumango na lang si nanay kahit nakikita ko ang nangingilid niyang luha. "Anak, mag-iingat ka sa maynila, ha? Maraming siraulo roon. Masiyadong magulo." Impit akong tumawa dahil sa sinabi ni tatay, saka ako nagbigay ng malaking ngiti. "Opo, tatay," tugon ko. Sa pagkakataong ito, marahan kong niluhod ang aking tuhod upang kami ay magpantay ng batang lalaki na ngayon ay nakatayo sa aking harapan. Hinawakan ko ang magkabilang balikat ni Ivan saka ko siya tiningnan nang diretso sa mata. "Ivan, anak. 'Wag kang magpapasaway kanila lolo at lola mo, ha? Maging mabait na bata ka at masunurin." "Pasalubong ko nanay, ha?" Ngumiti ako sa kanya. Gamit ang aking kamay, marahan kong ginulo ang kanyang buhok. "Oo, pagbalik ko —" Naputol ang aking sasabihin nang mapagtanto ko na hindi ko alam kung kailan ako babalik, na baka sa pagbalik ko, binata na ang aking anak." Mahigpit at mainit kong niyakap ang maliit na katawan ni Ivan, isang yakap na tila ayaw ko na siyang bitiwan. Nagsimulang mamuo ang luha sa aking mga mata at hindi nagtagal, tuluyan na itong pumatak. Ganito pala kasakit ang isiping matagal kayong maghihiwalay ng iyong anak. Iyong hindi mo na masusubaybayan ang kanyang pagtangkad. Iyong darating ang mga kaarawan niyang wala ka sa kanyang tabi. Maging ang mga awarding sa school na ikaw sana ang magsasabit sa kanya ng medalya ay hindi mo magagawa. Ganito pala, ganito pala kasakit. Parang ayaw mo nang umalis. Marahan kong nilayo ang aking katawan sa kanya, saka ako nagbigay ng malaking ngiti. "Mahal na mahal ka ni nanay, Ivan," saad ko sabay mariin na pinahiran ang aking luha. Mukhang napagtatanto na rin ng aking anak ang mga nangyayari. Mukhang nalilinawan na rin siya na ako ay aalis na dahil naramdaman ko ang paghila niya sa aking kamay. "Nanay, 'wag kang umalis," wika niya na dumurog sa aking puso. Tinakpan ko ang aking labi upang huwag lumabas ang malakas na hikbi. "Yana! Halika na, aalis na ang bangka!" sigaw ni Kenji habang nakasakay sa bangka. Napalingon ako rito at muling lumingon sa aking anak. "Kailangan ko nang umalis, Anak," saad ko habang kinukuha ang aking kamay na kanyang hawak. "Sige na, Yana. Hinihintay ka na ng bangka," pagsingit ni nanay sabay hawak sa balikat ni Ivan upang huwag itong sumunod sa akin. Mabilis naman akong tumayo at tinanggal ang kamay ni Ivan sa kanyang pagkakahawak. Umiiyak akong tumakbo patungo sa bangka na naghihintay sa akin at hindi ako lumingon. "Nanay! Nanay!" sunod-sunod na pagtawag sa akin ni Ivan. Ramdam ko ang sakit sa kaniyang pagsigaw at ang malakas niyang pag-iyak habang nagpupumiglas sa kapit ng kanyang lola. Mabilis akong sumakay sa naghihintay na bangka saka umupo sa gitna at nakaharap kanila nanay. Tinaas ko ang aking kamay at winagayway ito bilang paalam sa kanila. Kitang-kita ko pa rin ang sunod-sunod na pag-iyak ni Ivan habang hawak siya ng aking ina. Hanggang sa makatakas siya sa pagkakakapit ni nanay. Mabilis siyang tumakbo patungo sa aking kinaroroonan habang patuloy sa paghagulgol. Ngunit hindi na niya mahahabol ang bangka dahil kami ay tuluyan nang pumalaot. Nanlaki ang aking mga mata at napatayo sa bangka nang makita kong madapa ang anak kong si Ivan. Tila nadurog ang aking puso dahil sa pagdapa niyang iyon, wala ako upang siya ay itayo, ang tangi ko lang nagawa ay ang tingnan siya habang inaalalayan siya ng aking ina. Sunod-sunod ang paglagaslas ng aking luha dahil sa aking mga nakikita. Pakiramdam ko ay napakasikip ng aking dibdib at ano mang oras, bibigay na ang aking isip. Ngunit kailangan kong labanan ang lungkot na ito, para sa aking magulang at para sa aking anak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD