"Hay, buhay! Parang life!" Itinaas ko ang mga kamay sa ulo habang naghihikab. Antok na antok ako. Gusto ko nang itapon ang sarili sa kama at matulog.
"Bakit ba kasi ako nagyaya na mag-kala kami. Ayan tuloy, hanggang ngayon, may hangover pa ako." Ako kasi ang nag-initiate na mag-inuman kami habang naka-OT pa ang papa ni Pariah. Doon na rin kami natulog ni Sheki at Barbie dahil halos hindi na kami makabangon dahil sa kalasingan. Ikaw ba naman ang tumira ng The Bar at Bacardi, magpa-pass out ka talaga.
Iginala ko ang tingin sa labas ng university, naghahanap ng masasakyan.
"Tingnan mo 'tong mga 'to. Kapag wala kang pera pamasahe, ang dami nila na nagkalat pero ngayong gusto mo namang sumakay, hindi mo sila mahagilap. Eto namang si Pierce, kung kailan kailangang-kailangan ko ang kaniyang pagka-stalker saka naman nawala nang parang bula. Maglalakad na naman ako." Hinapit ko ang jacket sa katawan at tinawid ang daan. Marahan akong naglakad habang pinipilit na ibuka ang aandap-andap na mata. Sinampal ko ang mukha.
"Ayan kasi, alam ng may pasok kinabukasan, uminom pa talaga. Hindi ka naman masyadong affected no. Si Charles lang iyon. 'Di mo naman iyon mahal. Nag-care ka lang ng slight."
Huminto ako sa paglalakad nang humilab ang tiyan ko. Napaluhod ako sa kalsada at nagsuka ng laway. Nanghihinang tumayo ako at pinunasan ang luha at laway sa mukha. Inilibot ko ang tingin sa tahimik na daan. Wala ng mga tao.
"Badtrip naman, o. Bat ngayon pa."
Bumalik ako sa paglalakad at dinukot ang cellphone sa bulsa. Magpapasundo na lang ako kay Dean sa kanto. Alam kong gising pa iyon sa mga oras na 'to dahil sa kakareview. Hinanap ko ang number ni Dean at pipindutin na sana ang call button nang manayo ang mga balahibo ko sa batok. Ibinaba ko ang cellphone at nagpalinga-linga sa paligid.
Hindi ako naniniwala sa multo pero meron akong naaaninag na naka-puti sa unahan. Hilo pa rin ako dahil sa hangover kaya kinuskos ko ang mata at pinagsino ito. Kumurap ako para mas malinaw kong makita ang kung sino mang nilalang pero nangilabot ako sa sunod na nakita. Hindi ito nag-iisa. Dalawa silang papalapit at nakatingin sa akin na puno ng malisya ang mga mata. Napaatras ako nang makita ang hinihithit ng isang lalaki. m*******a. Pamilyar na ako sa itsura nito dahil nagbebenta ng ganun ang kapitbahay namin sa looban.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa at agad na tumalilis ng takbo. Muntik na akong mapaiyak nang marinig ko rin ang paghabol ng mga lalaki sa akin.
"Tulong! Tulong!" sigaw ko sa kadiliman ng gabi pero wala akong nakitang ni isang tao sa daan.
"Tulong! Tulungan niyo ako!" Pinalis ko ang tumulong luha gamit ang nanlalamig at nanginginig na kamay. Tumingin ako sa likuran at mas lalong nag-panic nang makitang malapit na nila akong maabutan. Binilisan ko pa ang pagtakbo kahit halos hindi ko na maaninag ang dinadaanan dahil sa mga luha.
"Tulungan niyo ako, parang-awa niyo na!" Pinahid ko ang luha at muling tumingin sa likod. Muntik na akong mawalan ng pag-asa nang makitang gadali na lang ang pagitan namin. Mas binilisan ko ang pagtakbo habang takot na takot na nililingon ang mga lalaki. Sa sobrang focus ko sa mga humahabol sa akin ay hindi ko na napansin ang lalaking nakaharang sa daan. Bumangga ako sa dibdib nito at napasigaw. Bigla naman niya akong niyakap at isinubsob ang mukha ko sa kaniya. Bigla ang dagsa ng kaba sa dibdib ko.
"Bitiwan mo ako!" Nanlaban ako pero napakalakas ng lalaki. Ni hindi man lang ito natinag sa sipa at suntok ko.
"Xylca, huminahon ka. Si Pierce ito," sabi nito sa boses na nakapagpakalma sa akin. Tiningala ko ito. May nadama akong ginhawa na malamang ito ang nakatagpo sa akin. Habang nakatitig ako sa nag-aalalang mukha nito ay tumimo ang katotohanan sa akin. Muntik na akong ma-rape at kung mas malalasin ay mapatay ng mga hayop kung hindi dumating si Pierce. Nanginig ako sa isiping iyon.
Walang pag-aalinlangan na niyakap ko si Pierce nang buong higpit at umiyak sa mga bisig nito.
"Salamat, dumating ka. Salamat talaga," hinihingal na sabi ko sa pagitan ng pagsinghot.
Humigpit ang yakap niya sa akin. "It's okay. I'm here," anas nito sa punong tenga ko at hinagod ng mga palad nito ang likod ko.
"Balong, pare. 'Di ba binalaan na kita na wag mong lalapitan itong syota ko?" mariing sabi ni Pierce sa galit na tinig. "Bangag ka na naman. Tsk, tsk. Alam mo wag ka nang magtaka kung ma-tokhang ka na lang bigla at bumulagta isa sa mga araw ngayon. Mainit na ang mga mata sa iyo ni hepe. Isa pa, kapag nireport to ni Xylca ang ginawa mo ngayon, mukhang mabubulok ka na talaga sa loob."
"Tangina. Pakialamero ka talaga kahit kailan, Pierce. Kabago-bago mo pa lang dito tapos nakadiskarte ka na agad diyan sa matagal ko nang inaabangan. Tangina."
Napakislot ako sa sinabi ng Balong. Matagal na niya akong minamanmanan? Nangilabot ako sa mga senaryong naisip.
"Joseph, ihatid mo na pauwi iyang kaibigan mo. Baka saan pa kayo damputin kapag hindi ako nakapagtimpi," saad nito sa mapanganib na tinig.
"Tara na Balong," wika ng tinawag na Joseph.
Nagpakawala ako ng hininga nang marinig ko ang mga papalayong yabag nila. Umurong na rin ang mga luha ko pero naiwan ang malamig at nanginginig na katawan bunsod ng mga pangyayari. Marahang kinabig ako ni Pierce.
"Okay na. Ligtas ka na."
"Oo, salamat. Wait, wag mo muna akong bitawan. Nanghihina pa ang mga kalamnan ko. Yung tuhod ko parang ice cream sa lambot. Mapapaaga yata ang Skelan ko ngayon, a."
"I see you're still in shock."
Tumango ako. "Oo. Ang smooth mo palang mag-English ano? Nakakabilib."
Huminga ng malalim si Pierce bago ako marahang hinawakan sa balikat at inilayo ng kaunti sa katawan nito. Pinagmasdan niya ako, tumingin sa gilid na para bang hindi niya ako kayang makita sa ganitong kondisyon saka pinunasan ang luha ko gamit ang t-shirt nito.
"Malinis iyan. Kakabihis ko lang saka basa na rin naman iyan kaya sulitin na natin," sabi nito nang makitang nakatingin ako sa t-shirt niya.
"Wala akong sinasabing ganiyan," agad na sabi nito.
"Mahirap na. Baka i-judge mo ang damit ko. Hindi! Ang ibig kong sabihin..wag ka nang umiyak. Pinapatawa lang kita." Pinunasan niya uli ang bagong batch ng luha ko.
"Kaya mo na bang maglakad?" Hinawakan niya ang kamay ko at ikiniskis sa sariling kamay. "Ang lamig mo pa rin."
"Dito muna tayo. Parang hindi ko maihakbang iyong mga paa ko." Kumapit ako sa braso nito para kumuha ng suporta.
"Those scums," angil nito. "Wag kang mag-alala. Sa kulungan na agad ang bagsak ng dalawang iyon. May entrapment operation na ikinakasa sa kanila ngayon. Kaya hindi ko na rin binigwasan dahil ayokong makialam sa operation nila chief."
"Salamat naman. Iba na talaga ang maganda 'no. Habulin ng mga masasamang loob," tumawa ako ng bahaw.
"Ibang klase. Nakakapagbiro ka pa talaga. Halika na." Ibinaba nito ang sarili sa kalsada.
Kumunot ang noo ko. "Mamaya na, kuya. Tambay muna tayo rito. Shock pa kaya ako."
"Hindi pwede. Sigurado akong may putukang magaganap maya-maya lang dito. Gusto mo bang masaksihan iyon?" pananakot nito.
"Siyempre hindi. Halika na. Hawakan mo ako dahil ang lambot pa rin talaga ng pakiramdam ko e. Magbabayad na lang ako sa iyo ng pamasahe."
Nilingon ako ni Pierce. May konting inis sa mukha nito. Tinapik nito ang likod.
"Sakay ka sa likod ko para mas madali tayong makarating ng kanto."
Napamulagat ako. "S-seryoso ka?"
"Mukha bang nagbibiro ang mukhang ito? Bilisan mo na, Xylca. Kailangan ko ring matulog," masungit na sabi nito.
"Okay. Eto na." Sumampa ako sa likod ni Pierce at ipinagsalikop ang mga kamay sa leeg nito at ang mga paa sa bewang nito.
"Akina ang bag mo."
"Okay na. Ako na ang bahala dito."
"Bilisan mo na."
Hinubad ko ang bag at ibinigay rito na isinukbit nito sa harapan. Hinawakan niya ang binti ko pagkatayo niya. Mahina akong napaigik.
"Okay ka lang?"
"Oo. Okay lang. Medyo nabigla lang." Tinapik ko ang kaniyang ulo. "Sige na. Abante na."
Inayos muna ni Pierce ang pagkakakapit ko bago naglakad uli. Namangha ako sa lakas nito. Parang balewala lang sa kaniya ang bigat ko. Sinilip ko siya mula sa likod. Seryoso ang mukha ng lalaki.
"Mabigat ba ako?"
Umiling ito. "Ang gaan mo. Kumakain ka pa ba?"
"It's in the genes." Inihilig ko ang ulo sa likod ng leeg nito at pumikit. Bumabalik na naman ang nakakahilong pakiramdam.
"Amoy suka ka," untag nito.
Dumilat ako at umismid. Mokong talaga. "Alam mo talaga ang mga sasabihin para mapahiya ako no? Oo, alam kong amoy suka ako. Nagsuka kasi ako kanina."
"Bakit?" may himig pag-aalala sa boses nito.
"Wala. Gutom lang siguro."
Tumigil ito sa paglalakad at nilingon ako. "Alas diyes na ng gabi tapos hindi ka pa naghahapunan?" pangangastigo nito.
"Hindi. Kumain ako. Nakulangan lang. Sige na. Magpatuloy ka na. May naririnig na akong mga putukan."
Iiling-iling na naglakad na uli ito.
"Pierce?"
"Himala, tinawag mo ako sa pangalan."
"Ito naman. Bati na tayo. Kung anuman ang mga sinabi ko sa iyo noon, pwede bang kalimutan mo na? Sorry na. Hindi ko naman kasi alam na mabait ka pala, na magiging knight in shining armor pa pala kita."
"Binola pa ako."
"Pero may tanong kasi ako."
"Hm?"
"Paano mo nalaman na nandoon ako? Napadaan ka lang ba o sinusundan mo pa rin ako?"
"Bakit ka ba kasi naglalakad ng dis oras ng gabi sa lugar na alam mong mapanganib? Wala ka ring kasama. Saan na ba si Barbie?"
Hinampas ko siya sa balikat. "Segway ka agad e. Sagutin mo muna tanong ko."
"Naalala mo iyong gabing napagkamalan mo akong adik? Hindi mo alam pero tinitiktikan ka na nun nina Balong. Binato nila ang poste ng ilaw para masira. Kaya sinundan agad kita nang tumakbo ka dahil narinig ko ang usapan nila Balong ng tanghali na may sisibakin daw silang magandang babae."
Nanayo ang mga balahibo ko sa huling sinabi ni Pierce. "Yung parte lang na maganda ang nagustuhan ko sa sinabi mo."
"Tsk. Iba ka talaga."
Kinagat ko ang dila sa loob nang may tumimo sa akin. "So, hindi mo talaga ako gusto? Sinasabi mo lang iyon para layuan na ako nina Balong?"
"Hindi ko kailanman sinabi na gusto kita."
Dinutdot ko ang pisngi ng lalaki. "Hoy! Di ako bingi. May sinabi ka kayang tuturuan mo ako kung paano magmahal. Something like that. Ano iyon, ha?"
"Wag kang malikot."
"Sagutin mo kasi ako."
"It was just an act."
"An act? Wait, ang galing ng pronunciation mo, ah. Sure ka bang tricycle driver ka? Wait, undercover ka ba?Nagpapapanggap ka lang na driver para buwagin ang sindikato dito sa lugar namin tapos ang totoo pala ay bilyonaryo ka na philanthropist tapos sadyang napakabusilak lang ng iyong kalooban kaya gusto mong ibuwis ang buhay mo sa ngalan ng katarungan."
Umalog ang mga balikat nito at umalingawngaw ang malakas na halakhak sa katahimikan ng gabi.
"Malala ka na. Ano ba ang tinira mo?" ani nito at pinunasan ang pawis sa mukha.
"Answer the damn question, char." Nilagyan ko pa ng fake accent ang sinabi.
Tumawa uli ang lalaki pero bakas na ang kaseryosohan sa tinig nito nang magsalita.
"Di mo lang siguro napansin pero andoon si Balong sa gilid nang tanghaling iyon, nakatitig sa iyo ng kakaiba. Kuha ko na agad ang sinasabi ng kaniyang mata kaya hinayaan kong ibuyo ka nina Chupapi sa akin para isipin ni Balong na may karibal siya sa iyo. Gago kasi talaga ang lalaking iyon. Ilang estudyante na ang nagrereklamo na nahipuan sila ng gago. Gago talaga."
Tinapik ko ang ulo ni Pierce. "O, relax ka na. Matotokhang na iyon."
Umiling uli ang lalaki, bahagyang inadjust ang pagkakapasan sa akin.
"Binabawi ko na. Mabigat ka pala."
"Oo, medyo nag-gain ako ng isang guhit sa timbangan. Masakit na ba katawan mo? Pagod ka na? Ibaba mo na ako."
"Bakit ang bait mo yata ngayon?"
"Luh, siyempre, iniligtas mo ako. Alangan namang sungitan pa kita. Hello? Common sense! At karga mo ako ngayon kaya mabait talaga ako sa iyo. Baka bigla mo na lang akong ihagis e. Mahirap na. Mapingasan pa ang nakakabaliw kong alindog."
"Hindi ko ugaling bitawan ang mga bagay na pinaghirapan kong pasanin. Sinisigurado kong mahahatid ko sila sa destinasyon nila."
"Tama naman. Bilang isang driver, tungkulin mo iyon." Tiningnan ko ang daanan. Isang kanto na lang at aabot na kami sa sakayan ng jeep.
"Ibaba mo na ako. Kaya ko nang maglakad."
Umiling ito. "Malapit na tayo. Ilang hakbang na lang kaya sulitin mo na ang pagsakay sa likod ko."
"Akala mo talaga nag-e-enjoy ako no."
"Bakit, hindi ba?"
"Oo naman. Enjoy na enjoy ako. Free ride, e. Anything that is free is welcome for Filipinos."
Tumawa nang pagak ang lalaki bago nagpakawala ng hininga. "Right. I've experienced it."
Ibinaba nito ang sarili nang dumating kami sa waiting area ng jeep station. Bumaba ako sa kaniyang likod at naupo sa kalsada, hinagilap ang cellphone at nagpipindot. Tiningala ko si Pierce na nakatingin din sa akin.
"Okay na ako dito. Umuwi ka na. Safe naman ang paligid kasi may police station sa unahan tsaka may mga tao namang naglalakad. Sisigaw ako kapag kinailangan ko nang tulong. Dito ko na rin hihintayin ang mga kaibigan ko na susundo sa akin." Nginitian ko ng buong pasasalamat ang lalaki na nagligtas sa akin. "Uy, thank you nang marami ha. Kung di ka dumating kanina, baka ginawa na nila akong pulutan o kaya naman ay hinarvest na ang mga laman-loob ko sa tiyan. Salamat talaga, Pierce. Friends na tayo, ha. Bukas, ililibre kita ng breakfast or lunch pwede ring dinner. Ano? Free ka ba bukas? Pero let me be clear, it's not a date okidoki yo, okay?"
Nakamata lang sa akin ang lalaki, walang ekspresyon ang mukha. Pagkuwan ay namulsa ito.
"Ang daldal mo," sabi nito at agad binirahan ako ng alis.
Nakangiting sinundan ko ng tingin ang lalaki. "Hoy, bukas, ha. Kainin kita este kain tayo. Salamat Pierce!" sigaw ko pero walang tugon mula rito. Ngiting-ngiti pa rin ako nang ibalik ang atensiyon sa cellphone. On the way na raw si Dean at Pariah. Kinapa ko ang bag sa likod para kunin ang panyo. Napaigtad ako ng may mainit na dumaiti sa pisngi ko. Si Pierce na idinidikit ang cup noodles sa mukha ko. Bumili lang pala ito sa sidewalk vendor mula sa di-kalayuan.
"O, kunin mo." Tumabi ito ng upo sa akin sa kalsada habang nakapagkit pa rin sa akin ang kaniyang tingin.
"Salamat." Inabot ko ang cup noodles at hinalo gamit ang kutsarang plastic. Humigop ako sa mainit na sabaw.
"Hay, heaven!" Sunud-sunod na ang higop at subo ko sa noodles. Pinansin ko lang ang katabi nang may naalala.
"Yung bag ko."
Tumawa ang lalaki na parang may narinig na joke, hinubad ang bag sa likod at maingat na inabot sa akin.
"Salamat!" Nginitian ko ito saka bumalik sa maingay na pagkain.
"Naghapunan ka ba talaga? Para kang ilang araw na di nakakain," untag nito.
Nag-angat ako ng tingin mula sa kinakain, pinapaypayan ang bibig ng kamay. "May tubig ka ba? Ang anghang e."
May kinuha sa gilid nito ang lalaki. Isang bottled water. Binuksan niya muna ito bago ibinigay sa akin. "O."
"Thank you." Halos maubos ko ang laman nito nang ibalik ko kay Pierce. "Umuwi ka na. Matutulog ka pa di ba?"
Tumingala ito sa madilim na kalangitan. "Nawala na ang antok ko."
Hindi na ako sumagot at tahimik na tinapos ang pagkain.
"Xylc?"
"Bakit?" tanong ko kahit puno pa ang bibig.
"Hindi mo na sila makikita pa kahit kailanman."
Natigilan ako sa sinabi ng lalaki pero dagli ko ring ipinaskil ang mapaklang ngiti sa mga labi.
"Actually hindi naman ito ang unang pagkakataong nangyari to sa akin. Maraming beses na. Ang kaibahan nga lang, may laban ako noong mga una. Balwarte ko e. Ewan ko ba, sobrang desensitized na ba ako para masanay na lang? Naroon pa rin ang takot syempre kasi hindi mo hawak ang mangyayari pero basta di ko ma-explain. Basta, nakakasuka ang ma-experience yung kanina."
Tumunog ang cellphone ko na pumutol sa mga sinasabi ko. Binasa ko ang text bago lumipat ang tingin kay Pierce na nakatingin sa mga sasakyang nagpaparoo't parito.
"Nasa stoplight na daw sila."
Bumalik ang tingin niya sa akin saka tumayo.
"Aalis ka na?"
"Oo, bumalik na ang antok ko."
"Sige, sana mahimbing ang tulog mo knowing na may iniligtas kang kasingganda ko. Uy, kita tayo bukas, a. Pakakainin kita para lumaki iyang mga muscles mo. Teka, kunin ko number mo."
Idinikta nito ang numero sa akin at nagpaalam uli. Wala na ang lalaki pero naiwan pa rin sa akin ang ngiti. Maya-maya pa ay may pumarada ng taxi. Umibis sina Pariah at Dean na kababakasan ng pag-aalala ang mukha.
"Ikaw na bruha ka, alam mong lasing ka na tapos pumasok ka pa talaga! Halika na nga," sermon sa akin ni Pariah.
Inalalayan naman ako ni Dean pasakay.
"Ano ba ang nangyari?" tanong nito.
"Nahilo lang ako ng very slight. Very slight lang naman."
"Ayan kasi. Inom pa. Kawawa atay mo sa iyo. Sa akin ka na matulog. Wala si papa," alok ni Pariah. Isinara nito ang pinto sa back seat. Si Dean naman ay nasa front seat. Umandar na ang sasakyan.
"Gusto ko yan." Humilig na ako sa balikat ni Pariah at pumikit. Ang huling rumehistro sa gunita ko ay ang mukha ni Pierce.