HINAWI ko ang makapal na kurtinang nakasabit sa bintana ng kwarto. Mula roon ay natatanaw ang malawak na playground na isang beses ko pa lang nakita nang itinuro ‘yon sa akin ni Jelo. Naalala ko pang nag-request ang anak ko na dalhin ko siya roon. Gusto ko sana, pero natanaw ko ang iilang batang residente ng complex kasama ang mga yaya at bantay. Nag-alala akong baka tanungin ako ng mga ito kung sino kami ni Jelo at saang unit umookupa. Mula kasi ng mapatira kami kay Israel ay wala naman kaming nakakasalamuhang ibang residente ng complex. Kapag nga aalis ako sa gabi at uuwi sa umaga ay wala akong nakikitang ibang tao maliban sa mga gwardiya. Sobrang tahimik at pribado ng mga nakatira roon kaya hindi ko maiwasang isipin na may ilan sa mga kalapit na unit ang nakarinig ng pag-aaway namin kan

