Napailing ako habang inaayos ko ang aking blouse dito sa jeep. Pinagtitinginan kasi ako ng mga kasama kong pasahero. Dahil basa ang blouse ko, naaaninag tuloy ang aking itim na bra. Tingin ko ay medyo kita din ang aking balat. Maaaninag ang aking dibdib.
Tinakip ko na lang ang aking bag. Naalala ko iyong lalake na salarin sa basa kong blouse. Pero kahit na ganoon, hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko magawang mainis sa kaniya.
Kinagat ko ang aking labi upang itago ang mga ngiti sa aking labi dahil magmumukha lang akong tanga.
Tsk! Kung ano-ano na naman ang iniisip mo, Lynette. Alalahanin mo, ang laki ng problema mo. Iyon dapat ang iniisip mo at hindi kung sinong lalake diyan. At kailan ka pa nagkainteres sa lalake, huh? Nandito ka para sa isang goal. Ang magtapos ng pag-aaral, dahil ang edukasyon ay magbibigay sa'yo ng madami at mas malalaking oportunidad sa buhay.
Nakarating na ako sa boarding. "Oh, bakit basa ka?" tanong ni Jovelyn, ang aking boardmate na madaming raket.
"May nakabanggaan ako sa mall kanina, e." Napangiti ako nang maalala ko na naman ang kaniyang mukha. Tsk! Para akong tanga. Ako na nga 'tong naperwisyo niya dahil sa pagkabasa ko, bakit napapatulala at ngiti pa ako kapag naiisip ko siya?
"Tsk! Magbihis ka na," utos niya sa akin. Nag-m-make up na siya ngayon.
Nagmamadali na din akong maghanap ng aking susuotin, para makaalis na kami agad.
May kakilalang event coordinator si Age Jovelyn. At kapag nangangailangan sila ng tao, kino-contact nito si Ate. Tutulong kami sa mga mag-aayos ng event. Malaki ang venue kaya kailangan din nila ng madaming tao. Tumulong kami sa mga nag-de-decorate ng event.
Nakakapagod, pero malaki naman ang bigay pagkatapos ng event, kaya ayos lang.
"Madam, may event ka ulit bukas?" tanong ni Ate Jovelyn sa event coordinator.
"Titingnan ko pa," maarte namang sagot ng matanda. Tiningnan ako ng matanda mula ulo hanggang baba.
"Isama mo na ding mag-serve ng pagkain itong kaibigan mo mamaya."
"Mas gusto ko ang itsura niya kaysa doon sa nirekomenda ni Mark." Napangiwi pa ito.
Napangiti naman si Ate Jovelyn. "Ayun! Salamat, madam!"
"Ayusin mo lang ang trabaho mo, okay?" Tumango-tango naman ako.
"Hindi basta-basta ang ikakasal, ganoon din ang mga bisita niya. Gusto ko, perpekto ang lahat."
"Opo, madam. Pagbubutihin ko po ang trabaho ko."
Nagpahinga lang kami saglit ni Ate. After one hour, nagbihis na kami. Provided naman ng catering ang uniform namin. Para kaming waitress sa mga mamahaling mga restaurant.
Nag-ayos kami at nag-make up. Required daw iyon sabi nila.
Pagod na ang aking katawan, ngunit hindi puwedeng hindian ang trabaho, lalo na at nangangailangan ako ng malaking pera.
Nagsimula na ang kasal sa labas. Garden wedding kasi ang theme ng kasal. Tapos ang reception ay dito sa loob. Nakaabang na kami, dahil mabilis lang daw matapos ang ceremony.
At pagkatapos nga ng isang oras, nagsimula ng pumasok ang mga bisita. Tama nga si Madam, hindi basta-basta ang mga kinasal. Ilan sa mga bisita ay kilalang mga politiko ng bansa.
Iyong iba pa nga ay kilalang mga negosyante. Naging alerto ako at agad na din akong kumilos. Hindi puwedeng tutunga-tunganga. Kailangan kong magpakitang gilas kay madam, para kunin niya ulit ako sa susunod.
Nakakapagod, pero kailangang magtiyaga. Kaunting oras na lang ay matatapos na din ang trabaho ko.
Pagkatapos ng kulang tatlong oras, puwede ng magpahinga sa gilid. Ang sakit na ng binti ko. Medyo masikip itong sapatos na suot ko.
"Kumusta?" natatawang tanong ni Ate Jovelyn na nakatayo na sa sulok.
Ngumiti ako bago bumulong. "Gutom na ako, Ate."
"Ako nga din, e. Maya-maya matatapos na din daw ang kasal. Hanggang alas-onse lang ang bayad nila sa venue."
Alas-nuebe pa lang, pero kaya ko pa namang tiisin ang gutom ko.
Nagpunta na lang ako sa likod, upang uminom ng tubig. Kaso sa kamalas-malasan, may bumangga pa sa akin. Nabasa ang damit ko.
"Sorry..."
Pumikit ako bago huminga nang malalim. Relax lang, Lynette. Hindi puwedeng sungitan ang lampang lalakeng 'to, dahil guest sila ng kinasal.
"Pangalawang beses na 'to ngayong araw," bulong ko.
Dahan-dahan akong humarap sa kaniya. May plastik na ngiti sa mga labi.
Nagsalubong ang kaniyang mga kilay nang makita niya ang mukha ko. Nakilala ko din siya. Siya iyong nakabanggaan ko sa mall kanina na dahilan ng pagkabasa ng damit ko. Lampa talaga!
Pangalawang beses mo na akong pinerwisyo ngayong araw!
Nakita kong parating si Madam, kaya tinalikuran ko na din ang lalake. Baka mapagalitan ako kapag nakita akong nakikipag-usap habang oras ng trabaho.
"Oh, Lynette. Bakit basa ang damit mo? Ano ba iyan?!" medyo masungit na sambit ni madam.
"Ah..." Nagkamot ako ng ulo. Baka pauwiin pa ako at hindi ko makuha ng buo ang sahod ko para ngayong araw. Kailangang-kailangan ko pa man din ng pera.
"Sorry, it's my fault..."
Natigilan kami parehas ni Madam, nang magsalita ang lalake sa likuran ko.
"Nabangga ko siya, sorry..."
"Ah..." Pekeng tumawa si Madam.
"Ganoon po ba."
"Please don't get mad at your employee."
Nanlaki ang mga mata ni Madam. "Ah, no, no, Sir... Akala ko kung bakit nabasa."
Tumawa ulit ito.
"Tingnan mo sa likod kung may extra pang polo doon," utos ni madam sa akin. Nagmamadali na din akong humakbang paalis dahil magsisimula na kaming magligpit ng mga plato sa mga tables.
Pagbalik ko sa loob ng venue, hinanap ng aking mga mata iyong lalake. Nakita ko siya sa dulo, may mga kausap na mga lalake. Mga guwapo ding katulad niya. Nagtatawanan ang mga kasama pero siya, nakangiti lang. Para bang mahirap siyang patawanin.
Para akong ewan. Ilang beses na akong pinerwisyo ng lalake, pero hindi ko man lang magawang mainis sa kaniya.
Ayan tayo, Lynette, e. Siguro kung pangit, malamang sininghalan mo siya. Pero dahil sobrang guwapo, okay lang?
Natatawa na lang ako sa aking sarili. Nagsimula na kaming magligpit, kaya tinuon ko na ang buong atensyon sa trabaho.
Tapos na ang programa. Napatingin ako sa mga bisita na nagsimula nang umuwi. Sakto namang nagkatinginan kami n'ong lalake.
Hindi ko malaman kung ngingitian ko ba siya o ano. Ang seryoso kasi ng itsura. Walang kangiti-ngiti. Basta nakatitig lang sa akin. Sa akin ba o masyado lang akong assuming?
Luminga pa ako sa gilid ko baka may tinitingnan siya doon, pero wala naman. Napanguso ako. Binalik ko ang tingin ko sa kaniya, pero hindi na siya nakatingin sa akin. May kausap siya na mag-asawang matanda. May lumapit din sa kaniya na babae, humalik ito sa pisngi niya bago lumingkis na parang linta. Ay, taken na pala. Sabagay, sobrang guwapo ba naman.