Busog na busog ako kagabi, pero paggising ko, grabe naman ang pagkalam ng aking tiyan. Napatulala ako sa kisame, habang iniisip kung paano ko mairaraos ang pagkain ko sa araw na 'to.
Lumabas ng banyo si Ate Jovelyn. Papasok na siya sa trabaho.
"Good morning," bati niya sa akin habang pinapatuyo ang buhok gamit ang tuwalya.
"Good morning, Ate."
"Oo nga pala, be..."
Napatingin siya sa akin. Ilang sandaling nag-isip. Bumuntong hininga siya at ngumiti.
"Mag-l-live in na kami ng boyfriend ko."
Ibig sabihin lilipat na siya ng boarding house?
Matagal na din sila ng kaniyang boyfriend. Maglilimang taon na. Parehas na din naman na silang nasa late twenty's nila, kaya hindi na ako dapat magtaka na napagplanuhan na nilang magsama.
Tumango ako at ngumiti. "Masaya ako para sa'yo, Ate." Ang tagal din nilang LDR. Nasa Lucena kasi ang kaniyang nobyo, doon ito nakadestino ng ilang taon.
"Nalipat na kasi siya sa Las Piñas. Nakahanap din ako ng work doon, kaya..."
Tumango ako. Malungkot.
"Nagpaalam na ako sa landlady natin, aalis na ako mamayang gabi." Mamayang gabi na agad?
"Sige po, Ate. Mag-iingat ka lagi. Thank you sa mga naitulong mo sa akin."
"Ikaw din. Mag-aral kang mabuti. Tatlong sem na lang, magtatapos ka na."
Tumango-tango ako. Tatlong sem pa, pero hindi tatlong sem na lang. Problema ko kung paano ko iraraos ang tatlong sem.
Nagmamadali nang magbihis si Ate dahil baka ma-late siya. Bumangon na din ako. Niluto ko iyong noodles sa rice cooker hindi para kainin. Para to mamayang gabi. Wala akong lutuan. Wala ng laman iyong super kalan ko, kaya nakikiluto na lang ako sa rice cooker ni Ate.
Aalis na siya. Hindi ko alam kung paano pa ako magpapakulo ng tubig para makahigop ng kape sa umaga.
Nakaramdam na naman ako ng awa sa aking sarili. Naiiyak ako.
Nagbihis na din ako pagkatapos kong maligo at magkape. Hindi puwedeng panghinaan. Kailangan ko pa ding iraos ang sem na 'to. Kailangan ko ng presence of mind para sa nalalapit na exam. Dalawang linggo pa.
Ayaw ko na sanang dumaan pa ng mall dahil doon sa lalake, pero mas mahalaga ang kumakalam kong sikmura.
Magbabakasakali ako na naroon pa ang mga nag-s-sampling. Sana nandoon pa sila. Pero wala sila.
Bagsak ang aking balikat. Pakiramdam ko wala na talaga akong pag-asa. Maluha-luha ako habang nag-iikot sa loob ng supermarket.
Tiningnan ko ang laman ng aking wallet. Iyong two dollars ko. Ipapalit ko na ba 'to para may maipambili ako ng pagkain?
Lumabas ako ng mall. Sa gilid ay may maliit na puwesto ng nag-aayos ng relo. Nagpapalit din siya ng dollar.
"Magpapaayos ka ng relo, ineng?" tanong ng matanda. Ilang minuto na kasi akong nakatayo sa gilid, patingin-tingin sa kaniya.
Huminga ako nang malalim at nilabas ko mula sa aking wallet ang two dollars.
Naglabas din naman siya ng isandaang piso mula sa kaniyang pitaka. Wala na iyong dollars ko. Bigay lang 'to ni Tita nang huling uwi niya.
Uuwi na lang ako agad. Wala na din naman na iyong nagsa-sampling. Iyong noodles sa boarding, sana hindi pa panis.
Nagsimula na akong humakbang paalis nang may kumalabit sa akin.
"Miss..." Tiningnan ko ang babae kumalabit sa akin. Mukhang nagtatrabaho siya dito sa mall, base na din sa suot niyang uniform.
"Estudyante ka ba?"
Kumunot ang noo ko sa kaniyang tanong. Pero tumango na lang din ako kahit na hindi ko alam kung bakit niya natanong ang bagay na iyon.
"May namimigay ng groceries doon para sa mga estudyante. Pumila ka, dali... Basta ipakita mo lang iyong ID mo."
Talaga? Hindi kaya scam 'tong sinasabi ng babae sa akin?
Tiningnan ko kung saan nakaturo ang kaniyang kamay.
"Dali na! Bago ka pa maubusan."
Nag-aalangan man, humakbang na ako papunta sa sinasabi ng babae.
Malapit sa terminal ng jeep ay may mga taong nagkakagulo. May van doon na pinagkakaguluhan ng ilang mga estudyante.
Nagtutulakan pa ang iba.
Nakatayo lang ako sa gilid. Kamuntik pa akong matumba nang may tumulak sa akin na grupo.
"Ang gulo!" reklamo n'ong babae na nasa bintana ng van.
"Nasaan na ang pila?" may inis sa boses nito dahil sa mga estudyante na tila nakalimutan na ang manners kung saan.
"Hangga't hindi kayo umaayos hindi tayo magsisimula!"
May dalawang taong tumayo sa harapan ng mga nagkakagulong estudyante.
"Dito ang pila. Dalawang pila. Pumila ng maayos." Mabuti naman ang hangarin nila sa pagbibigay ng groceries para sa estudyante pero nababahiran na ng inis at init ng ulo dahil sa magugulong mga estudyante. Tahimik akong nakatayo sa gilid.
"Nauna ako sa'yo!"
"Ate, nakita kita kanina. Kararating mo lang, huwag kang sumingit."
Ako, tamang tayo lang sa gilid. Umaasa na maaambunan ako ng aguinaldo.
Bumuntong hininga ako. Tahimik na nagdasal na sana mabigyan ako. Biscuits, kape, noodles at delata. Sana ganoon ang ipamigay nila.
"Oh, Ate!" Tinuro ako nung babae na kasama nung namimigay.
Ako ba? Kinabahan pa ako.
"Ate, estudyante ka?"
Ako nga yata.
Tumango ako. Halos walang boses na lumabas sa aking bibig.
"O-Opo..."
May kinuha ito mula sa loob ng van. Maya-maya pa ay lumapit na ito sa akin. May bitbit siyang dalawang ecobag ng groceries. Pakiramdam ko tumalon ang aking puso.
"Saang school ka?" tanong niya sa akin.
"A-Adamson po..."
Inabot ko ang aking ID. Nanginginig pa.
"Lynette," basa niya sa aking pangalan.
"Oh, heto... Dahil behave ka lang, ikaw na ang una kong bibigyan. Mag-aral ka ng mabuti, okay?"
Naiyak ako. Niyakap ko ang babae.
"Thank you po, Ma'am. God bless you po. Malaking tulong po ito sa akin."
Tinapik niya ang likod ko. Mabigat man ang dala ko, masaya at maliksi pa din akong naglakad. Kahit wala akong kain sa maghapon, mabilis at matatag ang bawat hakbang ko pauwi.
Gabi na ako nakauwi. Nangangalay at masakit ang braso. Pero iyong pagod at masakit na katawan ko ay sulit na sulit.
Mangiyak-ngiyak ako nang makita ko ang laman ng ecobag. Hindi ako magugutom ng ilang araw nito.
May dalawang dosena ng kape. Malaking pack ng gatas at milo. May tatlong kilong bigas. Ilang balot ng biscuit, palaman at dalawang loaf bread. May noodles din at mga delata.
Kaso, wala pala akong lutuan. Walang laman ang superkalan ko. Wala na ang mga gamit ni Ate Jovelyn. Nakaalis na siya. May text siya sa akin pero hindi ko naman magawang reply-an dahil wala akong load.
Di bale na nga lang. Bago maubos ang tinapay at mga biscuit, dapat magkalaman na din ang aking gasul.
Paano ba ako magkakapera? Kung mamalimos na lang din kaya ako? Natawa ako sa naisip ko. Desperada na talaga ako.
Maaga akong gumising kinaumagahan. Maglakakad-lakad ako malapit sa school, maghahanap ako ng work. Kahit crew lang ng isang coffee or milk tea shop. Maliit lang ang sahod sa ganito pero atleast may aasahang pera.
Mag-iinarte pa ba ako?
Pumasok ako sa shop na mayroong nakapaskil na hiring, kaso ang kailangan nila ay day shift kaya lumabas akong bigo.
Naglakad-lakad pa ulit ako, hanggang sa makakita ako ng hiring. Dish washer sa isang malaking kainan.
Pumasok ako para lang matigilan dahil nakita ko iyong mga kaklase ko na nag-w-work bilang escort.
Nginitian ako ng isa sa kanila. Nang ngumiti ako pabalik ay kinawayan niya ako. Kumaway din ako ng kaunti.
Akala siguro nila nagpunta ako dito para kumain.
Naglakad ako papunta sa kahera para magtanong sa kanilang hiring.
"Naghahanap po kayo ng dishwasher?" Tumango ang babae.
"Two pm hanggang hatinggabi ang shift. Estudyante ka ba?" Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.
"Opo, e."
Nanahimik siya ng ilang sandali. "Kaya ba ng schedule mo iyong oras ng trabaho?"
Hindi ako agad nakasagot. Hindi ako makakapag-review at lagi din akong puyat. Kapag napuyat ako, manghihina ako. May mga araw din na male-late ako ng isang oras. Mukhang mahigpit pa man din sila dito.
Down na down na ang pakiramdam ko pero pakiramdam ko, binagsak pa ako lalo.
Sinabi ko sa babae iyong schedule ko. Napangiwi ito. Tagilid ako. Ang goal ko din ay maging magna cumlaude, kaya hindi puwede.
Hindi ako puwede sa ganitong trabaho. Kung tumanggap na lang kaya ako ng labada?
Sumakit ang ulo ko. Mabuti na lang at nakakain ako kanina, baka kung hindi nahimatay na ako sa pinagsama-samang stress at kahirapan ng buhay ko.
Tumalikod na ako at nagsimulang humakbang. Mabagal at mabigat ang bawat hakbang ng aking mga paa.
Nakatingin na ang grupo ng mga escort kong kaklase. Wala naman akong nakikitang panghuhusga sa kanilang mga mukha. Just sympathy.
"Lynette," tawag sa akin ng isa sa kanila nang makalabas ako.
"Naghahanap ka ng trabaho?" Tumango ako.
"Hindi na kasi ako kayang pag-aralin ng nagpapaaral sa akin, kaya kailangan ko ng trabaho."
Naglabas siya ng ballpen at papel mula sa kaniyang bag.
"Number ko," sabi niya, sabay abot ng papel sa akin.
"Kung wala kang mahanap na trabaho, text me..."
Nagkatitigan kami ng ilang sandali. She's dead serious. Hindi ko naman magawang husgahan siya sa kung ano siya.
Tinanggap ko iyong papel at nilagay sa aking bag.
"Sige." She smiled and then went back to her friends.
Naghanap-hanap pa ako pero bigo ako. Mangiyak-ngiyak ako nang pumasok ako sa school. Hindi gaanong makapag-focus. I can't be like this.
"Ayos ka lang, Lynette?" tanong ng kaibigan ko after our second class.
"Yeah," matamlay kong sagot.
"Wala na akong pera..."
"Wala na akong gasul..." Hindi ko naman planong sabihin sa kanila iyong buong sitwasyon ko. Gusto ko lang bawasan iyong bigat sa aking dibdib.
Nagkatinginan sila. Maya-maya pa ay nilabas nila ang kanilang mga wallet.
"May one fifty pa ako. Sobra to sa allowance ko last week."
"Ako, one twenty lang..."
"Hiramin mo na muna. Delay ba ang padala ng tita mo?"
Um-oo na lang ako. I promised that I'll pay them back as soon as I receive my allowance.
May pambili na ako ng gas. Makakapagluto na din ako sa wakas.
After school, naghanap-hanap ulit ako ng trabaho. Badtrip pa ako nang harangin ako nung mga nag-ne-networking. Sinabihan ko sila ng scammer. Trabaho kailangan ko. Hindi naman trabaho ang ino-offer nila. They're just scamming people, most specially the naive one.
Hindi na ako dumaan pa ng mall, dahil wala naman ng sampling. Uuwi na lang ako para makapaglaba, mapakargahan ang gas at makapag-review.
Pagdating ko ng boarding, nagulat ako nang madatnan ko ang isang sexy na babae na nag-aayos ng mga gamit.
May kapalit na agad si Ate Jovelyn. Madaming gamit ang babae. Mukhang may kaya. May induction cooker, rice cooker, at water heater. Nasa apat na maleta din ang damit niya.
"Hi!" masaya niyang bati nang mapansin ako.
Ngumiti naman ako. "Hello."
Tinigil niya muna ang kaniyang ginagawa.
"I'm Kamielle!" pakilala niya sa kaniyang sarili.
"Lynette..."
"Estudyante?" she asked.
"Oo. Ikaw?"
Umiling siya. "Working. Nag-w-work ako sa Apollo..."
Apollo. Apollo. Parang familiar.
Oh... I managed to hide my amusement when I recall what Apollo was.
Ngumiti ako.
Isang bar iyon.
"Sana hindi ka ma-awkward dahil nag-w-work ako sa Apollo."
She laughed. Ngumiti naman ako.
"No. No judgement. Believe me."
She smiled.
"Malaki ba ang kitaan doon? Sorry kung masyadong personal ang tanong, huwag mo na lang sagutin."
She chuckled. "Malaki." She smirked.
"Interested ka ba?" Ngumiti ako.
"Waitress ako doon. Minsan dancer. Minsan..." She smirked.
Tumango na lang ako. "Ano'ng shift ng waitress na panggabi sa inyo."
"Two shifts iyong panghapon at panggabi namin."
"Magkano ang sahod?"
"Five hundred. Pero minsan, mas malaki pa ang tip kaysa sa sahod."
"Hiring kayo?"
"Itatanong ko." Tumango-tango siya. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko. Siguro dahil desperada na ako. Mas okay naman na kasi iyon kaysa sa offer ng mga kaklase kong escort.
Wala naman sigurong masama kung mag-work ako sa bar, di ba? As a waitress lang naman.