Sabi ni Kamielle, gamitin ko na lang daw ang rice cooker. Idamay ko na lang daw siya sa pagsaing. Kapag magluluto daw ako ng ulam, ay gamitin ko na lang din ang kaniyang mga lutuan.
Sana hindi siya magbago. Sana kagaya ni Ate Jovelyn ay consistent ang kaniyang kabaitan. Hindi pakitang tao lang.
Nagsaing ako sa kaniyang rice cooker. Dinamihan ko na para bukas ng umaga ay hindi na ako magsaing.
Habang hinihintay ko na maluto ang kanin ay nagre-review naman ako. Si Kamielle ay busy pa din sa pag-aayos ng kaniyang mga gamit. Ang dami niyang damit. Magaganda at karamihan ay mga sexy na damit.
Bagay naman sa kaniya dahil sexy talaga siya at maganda. Mukha siyang high maintenance. Ubod ng kinis at puti, na para bang regular na nagpupunta sa derma clinic.
Nginitian niya ako nang mapansin niya na nakatingin ako sa kaniya. Nahihiya naman akong ngumiti. Sana hindi niya maisip na jina-judge ko siya.
"Saan ang probinsya mo, Lynette?" tanong niya sa akin.
"Olongapo..."
Tumango-tango siya. "Ikaw?" tanong ko naman.
"Sa Leyte ako."
Muli niyang pinagpatuloy ang ginagawa. Parang na-stress pa siya. Hindi alam kung saan isisiksik ang ibang gamit niya.
"Ang dami mong mga damit," hindi ko na napigilang sambit. Isang maleta lang ang damit ko at mga luma na din. Hindi ko na matandaan kung kailan ang huling beses na bumili ako.
"Kailangan, e. Saka karamihan naman dito mga bigay lang."
Napatingin siya sa nakasabit kong mga damit. Nahiya ako. May nakasabit pa akong lumang panty doon. Sobrang nipis na at maluwag na din ang garter.
Wala naman siyang sinabi. Ngumiti lang siya. Iyong ngiting mabait.
"Huwag ka ng magluto ng ulam, ha... um-order ako sa pasa-buy group," aniya. Naawa ata sa akin. Baka alam niya na wala akong pambili ng pagkain?
"S-Sige... Salamat, Kamielle." Nakalibre pa ako ng masarap na ulam.
"You're welcome. Pakiramdam ko naman, e. Magkakasundo tayo," nakangiting sambit niya ngunit sa kaniyang magulong mga gamit siya nakatingin.
Ngumiti ako. Gusto ko din na magkasundo kami palagi. Sana hindi niya maisip na jina-judge ko siya, dabil sa work nya. Hindi naman ako ganoon na tao.
Um-order siya ng tatlong klase ng ulam. Nilagang baka, sinigang na isda at pakbet. Pagkatapos ng ilang araw, ngayon lang ako ulit nakakain ng maayos dito sa boarding house.
"Bakit ka pala umupa dito? I mean, tingin ko ay afford mo naman umupa ng solo room o kaya ay apartment," pang-uusisa ko. Feeling close na agad.
Tumawa siya. "Pinalayas ako n'ong Koreano kong ex sa inuupahan niyang condo. Kailangan kong mag-ipon kaya nag- bed space na lang muna ako."
Nagkamot siya ng ulo. "Wow! Pogi ba iyong boyfriend mo?" Ako namang si usyusera. Mahilig kasi ako sa mga kdrama. Gusto ko din ng afam na boyfriend. Kaya siguro wala akong interes sa mga boys na nagpaparamdam sa akin sa school.
Tumawa siya. "Oo naman. Kaso masama ugali."
Mas okay ng naghiwalay sila kung masama ang ugali. Hindi niya iyon deserve.
"Pahinga na muna ako sa boyfriend. Ikaw, may boyfriend ka na ba?"
Umiling ako. "NBSB."
"Hmmm. Good! At kapag magb-boyfriend ka, piliin mo iyong guwapo, mayaman at hindi madamot. Huwag kang pipili ng guwapo at walang pera, tapos sasaktan ka lang."
Itinawa ko na lang ang sinabi niya. Wala pa sa isip ko iyang boyfriend na iyan. Kung may dumating, eh, sana afam na hindi madamot at mabait, para LDR kami at hindi naaapektuhan ang pag-aaral ko. Gusto kong ang buong oras ko ay nakalaan sa pag-aaral.
Natulog siya pagkatapos naming kumain. Ako na ang nagligpit ng mga pinagkainan namin, pagkatapos ay nag-review na. Nang makaramdam ako ng antok ay nagdasal muna ako bago nahiga. Sana good sign na 'to na maging maayos na ang lahat.
Kasabay ko lang sa pag-alis si Kamielle. May kikitain daw siya. Hindi ko na lang inusisa pa ang babae. Baka hindi ko din naman kayanin ang maririnig kong sasabihin niya.
"I-save mo ang number ko. Kapag natanong ko ang boss ko mamayang hapon kung kailangan pa namin ng waitress, tawagan kita agad," bilin niya.
"Salamat, Kamielle."
Dahil doon, maya't maya akong tumitingin sa aking celphone.
Break time na namin at wala pa ding message si Kamielle. Sana naman may um-absent ngayon, para maisingit ako mamaya.
Kaso kung malaki ang kitaan, baka malabo na absent-an pa ng waitress ang trabaho niya.
Pauwi na ako. Wala talagang text si Kamielle. Umasa pa man din ako kaya ganoon na lang ang bigat ng aking loob.
Dumaan na muna ako ng mall. Magtatanong ako sa mga nagbibigay ng flyer's kung saan puwedeng mag-apply. Madali lang ang trabaho na 'to, e. May oras lang din. Puwede sa kagaya ko na estudyante.
Pumasok ako sa mall. Palinga-linga. Hinahanap iyong tambayan ng mga namimigay ng mga flyers at mga ahente na nag-aalok ng bahay, insurance at mga credit card. Baka puwede akong mag-apply doon.
Pero iba ang nakita ko. Iyong guwapong lalake. Nandito na naman siya. May kausap ito habang naglalakad sa may kabilang bahagi ng corridor. Matangkad iyong babae, mukhang modelo. Bagay sila.
Mag-iiwas na sana ako ng tingin nang nagsalubong pa ang aming mga mata.
Ang riin ng kaniyang titig. Hindi ko malaman kung bakit ganoon na lang siya kung tumingin sa akin.
Nabalik ako sa wisyo dahil sa tawag sa aking celphone. Si Kamielle, tumatawag siya.
"Kamielle?"
"Girl, tapos na ba ang klase mo?"
"Oo. Dumaan lang ako dito sa mall, titingin sana ako ng hiring. Bakit?"
"Nagsabi si boss na kulang daw kami ng tao ngayon. Hintayin kita dito sa boarding. Dalian mo na."
Kinakabahan ako pero nakaramdam ako ng saya sa magandang balita ni Kamielle. Nagmamadali na akong umuwi.
Naligo na ako agad, dahil mag-m-make up at ayos pa daw kami ng buhok.
Pinahiram ako ng uniform ni Kamielle. Parehas lang pala kami ng katawan. Ibig sabihin, sexy din ako kagaya niya?
"Ikaw na muna ang ayusan ko," aniya habang hinahalungkat iyong ilang pouch ng make up niya sa ilalim ng kaniyang kama.
Ang galing niyang mag-make up. Nag-aral daw talaga siya sa pag-m-make up. Dati daw, ginagawa niya itong hanap buhay nang nasa probinsya pa siya.
"Tapos na. Ganda mo. Mag-ayos lang ako. Mga eight pm na tayo papasok..."
Tahimik ako habang naghihintay. Kinakabahan ako. Sana hindi ako pumalpak. Nakaramdam din ako ng takot dahil baka may bumastos sa akin.
"Relax ka lang," nakangising sambit ni Kamielle nang mapansin ang kaba sa aking mukha.
"Ako ang bahala sa'yo." Ngumiti ako pero mas lalo lang akong nagmukhang ewan dahil sa matinding kaba.
Nag-book ng grab si Kamielle. Ayaw daw niyang pumasok na haggard.
Hinila niya ako pababa ng sasakyan nang makarating kami sa labas ng bar. Napalinga ako sa paligid at nakita ko ang maraming mga nakahilerang bar dito. Hindi lang basta bar, mamahaling bar na tanging mayayaman lang ang kayang pumasok.
"Mielle, kanina ka pa hinahanap ni boss!"
Nilingon ko ang lalakeng lumapit sa amin. Nakasuot din siya ng pang-waiter.
"Naiinip na."
"Tss! Relax lang siya."
Hinila ako ni Kamielle. "Si Nette nga pala. Siya muna ang papalit kay Roda," pakilala niya sa akin habang tuloy-tuloy ang lakad namin papasok ng bar.
"Maganda!" sabi ng boss ni Kamielle nang makita ako.
"Syempre, boss! Kukuha ba ako ng hindi?" tumatawang sagot naman ni Kamielle.
"Pero waitress lang siya boss."
Ngumuso si boss. Sinipat niya pa ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Ganoon? Puwede sana siyang pumalit sa'yo."
"Naku, hindi puwede!" Namutla naman ako sa sinabi ni boss. Kahit hindi direktang sabihin sa akin, parang alam ko na ang tinutukoy niya. Pumalit kay Kamielle bilang dancer ba ang tinutukoy niya?
"Tara na, Nette. Work na tayo."
Tinuruan muna ako ni Kamielle. Sumasama ako sa kaniya sa bawat pag-serve niya ng order.
"Bago?" tanong nung lalake. May edad na pero matikas pa ito.
Malandi itong nakangiti sa amin ni Kamielle.
"Ay hindi, luma na. Luma..." sarkastiko namang sagot ni Kamielle. Buti at puwede niyang sagutin ng ganoon ang customer?
"Ikaw talaga, Mielle. Nagselos ka na naman. Syempre, sa'yo lang ako. Sa'yo lang—"
"Heh!" singhal naman ni Kamielle.
"Tara na doon," aya sa akin ni Kamielle sa dulo. May bagong customer kasi na dumating kaya kukunin namin ang order.
Tatlong oras kaming paikot-ikot para kumuha at mag-serve ng order ng mga customer. Nakakapagod pero sabi ni Kamielle ay mas madami pa daw tao bukas. Byernes kasi bukas.
"Bukas, mas madami ding malanding customer."
Tumango ako. Kaya ko 'to. Kakayanin.
Bandang ala-una, lumabas ang mga dancer. Nakasuot lang sila ng bra at panty na kumikinang. Naging maingay ang mga lalake. Punong-puno ng kamunduhan ang kanilang mga mata. No judgement sabi ko, pero napapailing na lang ako, dahil naiisip ko na baka may mga asawa pa ang mga ito na sa mga oras na ito ay naghihintay sa kanila sa kanilang mga bahay.
"Miss, isang bote pa nito!"
Tumango ako sa customer na tumawag sa aking pansin. Kinuha ko ang kaniyang card bago ako nagpunta sa counter upang kunin ang alak na order niya.
Nang ibigay ko ang order sa kanila ay kinindatan pa niya ako. Hinawakan niya ang kamay ko. Kamuntik ko pa siyang maitulak sa gulat ko.
Hinaplos niya ito bago nilagay sa aking palad ang limandaang piso. Ngumiti na lang ako kahit pakiramdam ko binastos niya ako.
Nagpasalamat ako bago tumalikod.
Nakita pala iyon ni Kamielle. "Basta hindi ka hinahawakan sa maselang parte, huwag ka na lang papalag."
Tumango-tango ako. "Ayos ka lang?" tanong niya.
"Oo. Ayos lang." Dito lang tutugma ang schedule ko, e. Ayos lang.
Pinanood namin iyong mga dancer. Nakatutok lang ang mga mata ko sa star dancer. Sobrang sexy niya at nakasuot ng half na maskara. Hinahagisan siya ng tag-iisandaan. May nilapitan siyang lalake at sinuksukan naman ng lalake ng ilang libong piso ang kaniyang bra.
Napasinghap ako. Masasanay din ako. Basta hindi ako sasayaw. Hanggang waitress lang ako at hindi ako magpapa-take out sa customer.
Natapos na ang shift namin. Nagbibilang na kami ng mga tips. Kung hindi lang ako hinarot-harot at hinaplusan ng kamay at braso ng customer, baka maiyak pa ako sa one thousand eight hundred kong tip.
"Nakamagkano ka, Nette?" tanong ni Lerma, kasamahan din namin na waitress.
"One eight... Ikaw?"
Ngumiti siya. Proud na proud na pinakita ang kaniyang tips ngayong gabi.
"Two eight..."
"Wow!" Siguro matagal na siya dito at kilala na din siya ng mga regular customers.
Nagyabangan na sila ng mga tips. Ako ang pinakamaliit pero ayos lang. Masaya na ako dito.
Nag-aaya ang mga kasamahan namin na mag-inon kaso may klase pa ako bukas. Buti na nga lang din at hindi sumama si Kamielle. Hindi ko alam paano umuwi. At nakakatakot umuwi ng ganitong oras.
"Ayaw kong gumastos," sabi niya.
Nasa labas na ang grab taxi na naghihintay sa amin pero hindi pa kami agad sumakay.
Nagkuwentuhan pa si Kamielle at iyong bartender. Parang importante dahil hinayaan niya na maghintay ang taxi sa amin.
Napatingin-tingin ako sa kabilang bar. May mga lumalabas na customer. Mga lasing na at may mga kasamang sexy na babae.
The perks of being a rich man, right? Kahit ilang babae, afford. Tsk!
Kumunot ang aking noo nang mapansin ko ang isang grupo ng lalake na lumabas sa Nocturne club. Namumukhaan ko ang isa sa kanila. Kumalabog ang puso ko nang makita ko siya.
Siya nga iyon! At pamilyar din ang mukha n'ong dalawang lalake na kasama niya.
Diyan pala sila naglilibang? Hindi ba sila nagpupunta dito sa Apollo? Tsk! Kung ano-ano ang iniisip ko. Baka kung magpunta sila, puro ako kapalpakan. Baka uuwi akong basa dahil paulit-ulit akong matatapilok, mababangga at matatapunan ng alak.
"May kilala ka doon?" tanong ni Kamielle. Tapos na silang mag-usap ng bartender.
"Ah, wala. Napatingin lang ako."
"Daming guwapo at galante diyan. May naging customer ako dati diyan."
Tumawa siya at inakbayan ako.
"Tara na. Umuwi na tayo. Kailangan mong makatulog agad pag-uwi."
Kaya nga, e. Alas-nuebe pa naman ang unang klase ko. Kaya may ilang oras pa akong itutulog. Maninibago ako, malamang pero kailangan kong masanay. Okay naman dito, e. Malaki ang kitaan at sigurado akong hindi na ako magugutom. Hindi na ako magppromisory note, makapag-exam lang.
Laban lang, Lynette.
Bago kami pumasok ng taxi, dumaan sa harapan namin ang tatlong magkakasunod na convertible car. Napatingin kami doon ni Kamielle. Namamangha. At napasinghap nang makita ko ang lalake na lulan sa pangatlong sasakyan. Napatingin pa siya sa akin na para bang nakilala niya ako. Bumagal ang takbo ng tatlong sasakyan. Napatingin na din sa gawi namin ni Kamielle iyong ibang mga kasama niya.
Nag-iwas ako ng tingin. Namumula ang pisngi at tila kinikilig. Para akong tanga.
Taas kilay na tumingin sa akin si Kamielle.
"Kilala mo sila?"
"Huh? Hindi..."
"Bakit parang kilala mo? Namumula ka pa sa kilig, oh."
Natawa ako. "Hindi ko nga kilala." Hindi naman talaga, dahil hindi ko alam ang pangalan niya.