MATAPOS magpakain ng mga koi fish ay ipinasya muna ni Chrislynn na maupo sa bench na nasa gilid lang ng fishpond. Mag-isa lang uli siya nang umagang iyon. Hinahayaan lang naman siya nina Maryey na mag-solo dahil ang purpose naman niya kaya siya naroon ay para makapag-relax. At hindi naman siya maliligaw dahil sa mismong main road ng UHB Leisure Club ay may mga e-jeepney na padaan-daan na puwede niyang sakyan. Pinagmasdan niya ang fishpond matapos sumandal sa back rest ng bench. Malawak din iyon at maraming koi fish na nagkukumpulan kapag may magpapakain sa mga ito. At isa iyon sa ikinatutuwa niya. Ipinikit niya ang mga mata at sinikap na kalmahin ang buong sistema. Sinubukan niyang mag-meditate nang mga sandaling iyon. Wala namang mga batang nag-iingay sa paligid kaya tahimik doon. Hayo