Prologue
LORABEL
May mga bisita ngayon si Uncle Zarex dito sa kaniyang bahay, kaya abala ang lahat ng kasambahay.
Kahit gabi na, pumunta pa rin ang kaniyang mga kaibigan dahil inimbitahan sila ni Uncle Zarex. Mga guwapo, mayayaman, at matagumpay sila sa buhay, katulad ng lalaking sumagip sa akin noong mga panahong wala akong mapuntahan.
Ilang buwan na rin ang nakalipas simula nang sumama ako kay Uncle Zarex at dinala niya ako dito sa kaniyang bahay. Hanggang ngayon, hindi ko pa masabi sa mga kaibigan ko kung saan ako nakatira at lumipat ng bahay na tinutuluyan dahil nahihiya ako sa kanila.
Kaarawan ngayon ni Uncle Zarex, kaya nag-iinuman sila ng kaniyang mga kaibigan sa veranda. Iniwan niya ako sa loob ng silid matapos akong angkinin dahil biglang sumama ang pakiramdam ko kanina. Pero dahil ilang ulit kong narinig na tumatawag sa kaniya ang asawa ni Faye, nagpasya akong bumaba para ibigay sa kaniya ang kaniyang cellphone.
Naglalakad ako sa hallway papunta sa veranda nang marinig ko ang malakas na tinig ng kaibigan ni Uncle Zarex.
"You won, Zarex! You made Lorabel fall for you!”
Nagulat ako sa narinig ko. Biglang bumilis ang pintig ng aking puso, pero minabuti kong balewalain ito dahil baka nagkamali lamang ako ng pang-unawa o baka nagbibiruan lang silang lahat.
Hahakbang na sana ako nang marinig kong nagsalita ang isa pa niyang kaibigan.
“Such a lucky bastard! Easy lang sa iyo ang tig-isang milyon mula sa aming lahat!” narinig kong malakas na sabi ng lalaking katabi ni Uncle Zarex.
“Yeah, walang kahirap-hirap na nagustuhan ka ni Lorabel, Zarex,” natatawang sabi rin ng isa pang lalaki.
Hindi ko narinig na nagsalita agad si Uncle Zarex, pero nang sumilip ako, nakita kong itinaas niya ang hawak na cellphone.
“I won. We have a deal,” sabi niya sa mga kaibigan. “Just transfer my money to my bank account!”
Pabirong sinuntok siya ng katabi sa balikat, at pagkatapos ay narinig ko silang nagtawanan ng malakas.
Nangilid ang luha sa aking mga mata habang nakatayo at nagtatago sa likod ng pader na pinagkukublihan ko.
Isang milyon pala ang pusta ng bawat isa sa pustahan nila ni Uncle Zarex. Ibig sabihin, nanalo siya ng siyam na milyon dahil napaibig niya ako.
Tinakpan ko ang aking bibig para huwag kumawala ang kahit anong ingay mula sa aking mga labi.
Ramdam ko ang sakit na gumuhit sa aking puso, kaya napaiyak ako. Ang akala ko'y totoo ang lahat ng ipinakitang kabutihan sa akin ni Uncle Zarex, pero lahat pala iyon ay pagpapanggap lamang at bahagi ng kanilang pustahan ng kaniyang mga kaibigan.
Naniwala ako sa kaniya. Nagtiwala ako na mabuti siyang tao at hindi niya ako sasaktan, pero ngayon ay napatunayan ko na katulad rin pala siya ng tatay ko.
Mga manloloko sila, mga makasarili. Wala silang pakialam kahit makasakit sila ng damdamin ng taong maging mabuti sa kanila, basta makuha lang nila ang kanilang gusto. Kaya nagsisisi ako na pinagkatiwalaan ko si Uncle Zarex at ibinigay ko ang aking sarili sa kaniya dahil ang akala ko'y mahal niya ako.
Lahat ng kabaitan at kabutihan na ipinakita ni Uncle Zarex ay pagkukunwari lamang pala.
Isa lamang iyon sa kaniyang mga kasinungalingan para maniwala ako sa kaniya. Pero ang totoo ay pinaglalaruan at pinaikot lamang pala ako ni Uncle Zarex sa kaniyang mga palad para manalo siya sa pustahan nila ng kaniyang mga kaibigan.