LOREBEL
“Miss Lorebel Lozano, nakikinig ka ba sa sinasabi ko?”
Nangingilid ang luha sa aking mga mata nang mag-angat ako ng ulo at tiningnan ang representative ng bangko.
“Ano po ang ibig sabihin nito, Sir?” tanong ko sa kanya at ipinakita ang puting papel na hawak ko.
“Nailit na ang bahay na ito ng bangko. Lahat ng gamit at pag-aari n'yo dito ay hindi mo puwedeng galawin at ilabas, maliban sa personal mong gamit, gaya ng damit at sapatos,” paliwanag sa akin ng may edad na lalaking kaharap ko.
“Paano po ako? Wala po akong ibang mapupuntahan, Sir?” kinakabahan na tanong ko.
“Pasensya na, Miss Lozano, pero wala na akong magagawa pa. Please, kunin ko na ang mga gamit mo para matapos na tayo at nang makaalis na kami,” utos sa akin ng empleyado ng bangkong pinagsanglaan ng aking ina.
Alam kong darating ang araw na ito dahil nalaman kong naisangla ni Mama itong bahay noon, pero hindi ko inaasahan na mangyayari ito agad at darating sila matapos ang dalawang araw simula nang ilibing ang aking ina.
Nagluluksa pa ako sa pagkamatay ni Mama at magulo pa ang aking isipan dahil hindi ko alam kung ano na ang mangyayari sa akin ngayong nag-iisa na lang ako, pero hindi man lang ako nabigyan ng sapat na panahon para makabangon.
“Miss Lozano, huwag mo nang hintayin na paalisin ka namin. Please cooperate with us para hindi tayo magkakaroon ng problema,” sabi ng lalaking kaharap ko, kaya kahit masakit sa akin ang nangyayari, ay kailangan kong sundin ang sinabi niya.
“Sandali lang po, kukunin ko muna ang mga gamit ko,” naluluhang sagot ko.
“Please, huwag sanang matagal. Kailangan naming makabalik sa bangko bago mag-alas-kwatro.”
“Sige po.”
Tumalikod ako at mabilis na umakyat ng hagdan para pumunta sa silid ko. Binuksan ko ang cabinet at kinuha ang traveling bag na ginamit ko noong pumunta kami ni Mama sa Singapore para mag-celebrate ng ikalabing-pitong kaarawan ko.
Masaya pa kami noong mga panahong iyon. Ilang buwan lang ang lumipas, pero napakalaki na ng pagbabago sa aking buhay.
Pinahid ko ang butil ng luha na bumagsak sa aking mga pisngi at sinimulang kunin ang personal kong mga gamit. Kinuha ko na ang backpack na gamit ko sa paaralan, pati na rin ang ilang libro, at mabilis itong isinilid sa loob ng maletang nasa harap ko.
Mabigat man sa aking dibdib, humakbang ako palabas ng aking silid at pumunta sa master bedroom. Ilang sandali akong nanatili sa silid ng aking mga magulang bago nagpasyang lumabas.
Naabutan kong nakaupo sa sala ang tatlong lalaking pumunta dito sa bahay para paalisin ako. Tumayo agad sila nang makita ako at sinabihan akong lumabas na ng bahay dahil kailangan na raw nilang umalis.
Lulugo-lugo akong humakbang palapit sa pintuan, hatak ang aking maleta. Nakita ko kung paano nila ni-lock ang pinto, at pagkatapos naming lumabas sa garahe, ganoon din ang ginawa nila sa gate.
Naiwan akong nakatayo at nakasunod ang tingin sa papalayong sasakyan ng mga lalaking pumunta dito sa bahay hanggang sa nawala sila sa paningin ko.
Pakiramdam ko'y gumuho ang mundo ko habang nakatingin sa bahay na dati ay masayang naging bahagi ng buhay ko. Hindi ko inaasahan na hahantong ang lahat sa ganito dahil maayos naman ang pagsasama ng mga magulang ko.
They both look good together, pero ang hindi ko alam, matagal na palang may lamat ang kanilang relasyon.
May babae si Papa at nabuntis niya. Bata pa ang kabit niya, at batay sa narinig kong away nilang dalawa ng aking ina, halos kasing edad ko lang ang babaeng iyon.
Tumulo ang aking luha habang nakatayo ako sa harap ng gate at hindi malaman kung anong gagawin. Baon pala sa utang ang aking ina dahil nalulong sa sugal sa casino, kaya lahat ng naipundar nila ni Papa ay naglahong lahat.
Ang masakit pa, nagpakamatay ang aking ina matapos ilitin ng bangko ang aming ari-arian. Tinakasan niya ang problema at nawalan siya ng pakialam sa akin dahil sarili lang niya ang kanyang iniisip.
Si Papa naman, ako ang pinagbuntunan niya ng galit. Para bang isang napakalaking kasalanan na nabuhay ako dahil ramdam ko ang galit niya sa akin.
He despises me. Nagawa akong itakwil ni Papa nang sumbatan ko siya sa ginawa niyang pagsira sa aming masayang pamilya dahil naging makasarili siya. Pinili niyang mawasak ang dati'y matibay nilang pagsasama ng aking ina dahil lamang sa babaeng ngayo'y kinababaliwan niya.
"Hindi kita anak, Lorebel! Ampon ka lang namin ni Cresilda! Kaya wala kang karapatan na sumbatan ako!"
Napapikit ako at muli ay umalingawngaw sa isipan ko ang sinabi ng aking ama.
Hindi ko matanggap ang lahat, pero ano pa ba ang magagawa ko? Nasira na ang pamilya ko, lumabas na rin ang totoo sa pagkatao ko, at namatay na rin ang aking ina, kaya wala na talagang pag-asa na mabuo pa kami at muling bumalik sa dati.
“Miss, kailangan mo nang umalis dito. Hindi ka na puwedeng pumasok sa bahay na iyan at pag-aari na iyan ng bangko,” sabi sa akin ng may edad na lalaki.
Siya ang lalaking kasama ng manager ng bangko. Naiwan pala siya dito para magbantay at siguraduhin na hindi na ako muling babalik sa loob ng bahay.
Tumulo ang aking luha, kaya mabilis ko itong pinahid at dinampot ang handle ng maletang nasa paa ko.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Wala rin akong pera dahil kulang pa ang nabenta kong mga gamit para pambayad sa burol ng aking ina.
Tanging ang cellphone na nasa bulsa ko ang meron ako, pero hindi ko na alam kung sino ang tatawagan ko para hingan ng tulong.
Ulila na si Mama, habang si Papa naman ay hindi ko malapitan ang kanyang mga kamag-anak dahil basura ang tingin nila sa akin.
Napaiyak ako at nanghihinang umupo sa gilid ng kalsada. Gulong-gulo ang aking isipan at hindi ko malaman ang gagawin ngayon para magbago ang kalagayan ko dahil wala akong ideya kung saan puwedeng tumuloy.
Nahihiya na ako sa dalawang kaibigan ko. Tanging si Faye at Brando ang karamay ko noong nakaburol si Mama, pero hindi ako puwedeng umasa sa kanila dahil alam kong may sarili rin silang pasan na problema.
Napatingala ako sa kalangitan nang may pumatak na malalaking butil ng ulan sa aking braso at mukha.
Madilim ang kalangitan at mukhang uulan pa, kaya kahit nanlalambot ang aking pakiramdam ay agad akong bumangon para maghanap ng masisilungan.
Tanging isang puno sa gilid ng kalsada ang nakita ko. Sarado rin ang gate at bahay ng mga kapitbahay namin. Nakakahiyang kumatok sa kanila para pansamantalang makituloy dahil hindi naman sila malapit sa aking pamilya.
Ganito siguro kapag middle class. Dati, hindi ko ito pinapansin dahil nakapokus ako sa aking pag-aaral, kaya hindi ko nakita ang kakulangan sa aking pamilya.
Biglang lumakas ang buhos ng ulan. Niyakap ko ang backpack na dala ko at nagsumiksik sa katawan ng punong pinagkublihan ko, pero nabasa pa rin ako.
Magulo ang isipan ko, at kahit anong pag-iisip ko, wala akong mahanap na solusyon sa problema ko. Hindi ko rin kasi kayang maghanap ng paupahang silid kahit maliit lang dahil wala akong pera.
Walang natira sa pagbenta ko sa mga gamit ko. Hindi tumulong si Papa sa pagpapalibing kay Mama dahil abot hanggang langit ang galit niya sa aking ina matapos niyang malaman na nilustay ni Mama ang lahat ng pera at ari-arian na meron kami sa sugal.
Napapikit ako dahil narinig ko ang malakas na kulog na sinundan ng kidlat. Nakaramdam ako ng takot, kaya napaiyak ako dahil hindi ko na talaga alam ang gagawin ko para magbago ang sitwasyon ko.
Dinukot ko ang aking cellphone sa loob ng bulsa ng suot kong maong na pantalon para tawagan sana ang kaibigan kong si Faye, pero naka-off pala ito at hindi ko na mabuksan.
Na-lowbat ang cellphone ko kagabi, at dahil nasira ang charger, hindi na ako nakapag-charge hanggang sa palayasin ako ng dumating na lalaki na sinabing representative siya ng bangkong pinagkakautangan ng aking ina at kukunin niya ang bahay na siyang natira sa akin.