Pagdating nila Kikay sa kanilang bahay ay saka lang niya naalala ang kaniyang boss. Agad siyang lumingon sa kanilang likuran sa pag-asang makikita ito roon. Ngunit mas lalong nangunot ang noo dahil ni anino ng boss ay wala.
"Inay, nakita mo ba si Sir Zeus?" maang na tanong dito.
"Bakit, anak? May nakikita ka ba?"
"Wala," mabilis na tugon.
"Wala naman pala, 'di wala rin akong nakikita," gilalas nito. "Hindi ba't magkasama tayong naglakad pauwi?" dagdag pa nito.
Napatapik siya ng ulo. Baka kung saan na nakarating ang boss lalo pa at hindi matandain sa lugar. Kanina nga ay sa kabilang baryo ito tutungo.
Magpapaalam sana siya upang balikan ito nang makitang parating ang tricycle ni Segundo at mabilis na umibis buhat doon ang boss.
Napakunot-noo siya kung bakit magkasama ang mga ito. 'Aba, mukhang magkasundo ah,' aniya sa isipan nang makitang tila close ang dalawang lalaki.
"Kikay, hinatid ko na itong boss mo. Hindi alam kung paano paparito," malakas na turan ni Segundo sa kaniya.
"Okay, salamat!" tugon dito at nang papaandarin nito ang sasakyan ay agad itong sinutsutan.
"Oy! Pst! Bakit nga pala magkasama?" tanong nang makalapit dito.
"Hindi ba't kasama ko ang Itay mo kanina?" anito.
"I know-"
"Wow! English-era ka na talaga, Kikay," palatak na saad nito.
Agad itong binatukan. "Sabi ko, bakit kayo magkasama? Hindi ba't halos magpaligsahan kayo kanina?" maang na tanong dito.
Naiinis si Zeus nang makitang halos idikit ni Kikay ang mukha kay Segundo. Lalo pa nang makitang may binulong din pabalik ang lalaki na kinangiti ng mukha ni Kikay.
"Ano, Kikay? Mauna na ako, mukhang nagseselos na ang boss mo. Nakabusangot na eh," dinig na sambit ni Segundo kaya mabilis na nilingon ang kinatatayuan ni Zeus at nakitang matiim na nakatitig sa kaniya.
'Aysus! Umamin na kasi bossing. Type mo akp noh,' bunyi sa isipan.
"Hoy! Kikay!" malakas na tinig ng ina ang nagpabalik sa kaniyang kamalayan. Doon ay napagtantong nakaalis na pala si Segundo at maging ang boss ay iniwan siya sa gitna ng daan na nakangiti.
"Inay?!" bulalas na sambit sa kabiglaan.
"Oh, nabigla ka ba sa lagay na iyan, Kikay? Ano bang nangyayari sa'yo at mukhang kanina ka pa nakatulala na nakangiti diyan? Kaya nga pinuntahan na kita bago pa isipin ng mga makakakita sa'yong napapanawan ka na ng bait," seryosong wika ng ina.
"Inay naman," angil dito.
"Totoo naman ah," giit pa rin ng ina. "At sabi ko na nga bang may hinihimas na namang manok ang Itay mo!" gilalas nito nang makita ang amang pabungad na may hawak na manok.
Mukhang susugurin na naman ng ina nang mabilis itong awatin. "Inay, hindi pa po naghihilom ang sugat ni Itay," paalala sa ina.
"Huwag mo akong pigilan, Kikay dahil malilintikan talaga ang Itay mo nito," tila ayaw papigil na sambit ng ina. Nang makawala ito sa pagkakahawak niya ay napatigil ito.
"Kikay, pigilan mo ako. Pigilan mo ako, kundi ay mapapatay ko ang Itay mo," maya-maya ay bawi ng ina. Hindi niya alam kung matatawa ba o maiinis sa ina.
"Itay, takbo na," turan sa ama at doon ay nakita ang inang nag-aala-tigre.
Mabilis na kumaripas ng takbo ang ama papasok sa kanilang munting dampa.
"Ikaw na matanda ka, puro na lang manok ang inaatupag mo!" palatak na sermon ng ina papasok sa kanilang bahay.
"Mahal naman, kumuha lang ako ng uulamin natin," lambing ng ama rito.
"Ako ba'y pinagloloko mo, Karyo? Kauulam lang natin ng manok ah?" gagad ng ina.
"Oo, ano bang ginawa mo sa manok?"
"Tinola," mabilis na wika ng ina.
"Ngayon, gagawin mo itong adobo," ani ng ama nang bigla itong batukan ng ina.
"Darling naman," angil ng ina.
"Anong darling ka diyan?" Pandidilat ng mata ng ina sa ama.
Naiiling na lamang si Kikay saka naalala ang boss at nakita itong nakatingin sa kanilang mag-anak mula sa maliit nilang kusina. May hawak itong baso kaya tiyak na nauhaw ito.
Agad siyang lumapit dito. "Ganyan lang sila maglambingan," aniya.
"Ang cute nga eh," anito.
Napatigil siya sa akmang pagpasok sana sa silid upang kumuha ng pamalit. "Anong cute doon? Para silang aso't pusa," gagad rito.
Napangiti si Zeus nang makita ang nagsisimula na namang mainis na si Kikay. "Magpalit ka na bago ka pa tuluyang matuyuan," anito. Tinignan lang ito saka muling humakbang.
'Oy, concern ang gago,' aniya sa kabilang isipan. 'Kinikilig ka naman,' tudyo naman ng kabila nang marinig ang huling hirit nito.
"Ng dugo," dugtong ni Zeus nang makitang napahinto si Kikay. Hudyat na iyon para mabilis na pumasok bago pa bumuga ng apoy ang bibig nito.
"Impakto?!" malakas na turan sa pintuhang kasasara lamang ng lalaki.
Aalis na sana at papasok sa silid ng magulang nang marinig ng pagtugon buhat sa kaniyang silid na ginagamit ng boss.
"Guwapo naman," sigaw pabalik ni Zeus kay Kikay. Hindi niya aakalaing kikiligin siya kay Kikay. Para tuloy siyang nagbalik sa pagiging teenager.
"Gwapo raw? Bakulaw kamo?! Hmmmp!" inis na sambit.
Tawa nang tawa si Zeus sa loob ng silid. Dinig na dinig pa rin kasi niya ang pabulong-bulong ni Kikay.
"Aminin mo na, na guwapo ako," giit dito.
"Sir, iligo mo na iyan para kilabutan ka naman. May guwapo bang takot sa butiki," tugon ni Kikay na kinatigil niya ng pagtawa.
Nagbunyi si Kikay nang mapansing napatigil ang lalaki sa pagtawa. 'Akala mo ah, marami pa akong panlaban sa'yo. Sige mang-asar ka pa!' gagad sa napipipilang lalaki.
Hanggang sa nakarinig siya ng sunod-sunod na kalabog mula sa silid nito. Siya naman ang natigilan lalo pa at kung anu-ano na ang pumasok sa isipan kung ano ang dahilan ng malakas na kalabog.
"S-Sir?" alanganing tawag dito. "Sir?" mas malakas na ulit na tawag dito. Ngunit wala siyang narinig na pagtugon. Mabilis na kumuha ng tuyong damit upang isuot nang marinig ang pag-ingit ng kung anong bagay buhat sa silid.
Agad siyang napasugod. Kumatok sabay tulak nang makitang nasa sahig ang boss at hubad baro. Mabilis itong dinaluhan.
"Sir, ayos ka lang po ba?" agad na tanong dito dahil kita sa mukha ang pananakit ng pang-upo nitong bumagsak sa sahig. Mabilis niya itong dinaluhan. "Sir, ayos ka lang ba?" aniya sabay alalay rito.
Pagtayo nito ay nakaalalay siya. Sinampay ang braso nito sa kaniyang balikat upang tulungang patayuin ito. "Ah-aray!" palahaw ni Zeus. Tila nabugbog ang pang-upo niya. "Ahh! Ahh!"
"Ano ba kasing nangyari? Iyan kasi sa katatawa mo!" sermon dito na tila ba asawa ito.
"Medyo nahilo ako, akala ko ay uupo ako sa kama. Hindi ko akalaing lalagapak ako sa sahig," turan ni Zeus.
Gusto pa sana niyang pagalitan ito pero kita niya sa mukha nito ang pananakit ng katawan nito kaya pinigil ang bibig. Dahil hamak na mas malaki ito at mas mabigat ay nahirapan siya. Dahil din doon ay nawalan siya ng balanse at halos sumubsob dito sa pagkakaupo nito sa kama ngunit naagaw ng pansin niya ang muling pagpalahaw nito.
"A-aray!" malakas nitong turan dahilan upang sumugod ang kaniyang ina at nabungaran siyang nasa ibabaw ng amo.
"K-Kikaaaaay?!" mala-serena ng bomberong boses ng ina sa lakas.
"Lumen, anong nangyayari?" nagkukumahog namang turan ng ama na patakbong lumapit sa kaniyang ina. Mabilis sa alas kuwatrong tumayo buhat sa pagkakadapa sa ibabaw ng boss sa kama niya.
"Inay, wala po kaming ginagawang masama," agad na awat sa ina na kita ang malisyosa nitong titig sa kaniya. "Maniwala po kayo, Inay. Wala po kaming gina-"
"Walang ginagawa? At bakit nasa ibabaw ka ng lalaking ito at hubad baro pa, ha?" gigil na sambit nito.
"Ah-eh, tinulungan ko lang po siya," turan sabay lingon sa lalaking nasa tabi.
Mas lalong naging mapanghinala ang tingin ng ina sa kanila. "Tinulungan? Sa laki nito tutulungan mo pa?" giit ng ina.
"Inay, masakit po talaga ang pang-upo ni Sir Zeus," giit dito sabay tapik sa balikat nito.
"Ah-ray!"
"Akala ko ba pang-upo?" ani ng ina.
"Buong katawan pala, Inay," bawi rito.
"Ako ba'y pinagloloko mo, Kikay?" muling angil ng ina.
"Hindi po, Inay. Nahilo po kasi si Sir Zeus at bumagsak sa sahig," paliwanag dito.
"Ayon naman pala, mahal. Masakit nga talaga ang katawan nitong si Sir Zeus," agaw pansin ng ama.
"Zeus na lang po, Itay," ani naman ni Zeus.
"Oh, siya. Ikaw, Kikay. Sumama ka sa akin sa kusina upang matapos na tayong magluto. Aba, mukhang nahilo na sa gutom itong boss mo," ani ng ina bago lumabas ng silid.
Agad siyang lumapit sa boss upang alamin kung ayos lang ba ito ngunit hindi pa man nakakalapit at mahabang tikhim ng ama ang gumambala sa kanila.
"Ahemmmm! Baka gusto mong sumama na sa Inay mo at ako na ang magmamasahe sa nabugbog na pang-upo ng boss mo anak," wika ng ama.
Napatingin siya kay Zeus at nakitang blangko ang mukha nito.
Ilang segundo na ang nakakalipas nang muli siyang untagin ng ama. "Baka gusto mong makipagtitigan na lamang hanggang umaga, anak?" pasaring ng ama.
"Itay naman?" Kamot niya sa batok.
"Anong Itay naman? Aba, sundan mo na ang Inay mo at tiyak na babalik iyon kung hindi ka pa sumunod. No worries, I will masahe your boss," nakangising wika nito na kinangiwi niya habang nakatitig sa mukha ni Zeus.