Pagdating sa hotel room niya ay nakaramdam siya ng pagod. Pagod ang utak sa kakaisip sa sitwasyon nilang tatlo. Paano nagagawang talunin ni Xian ang kaibigan na si Joe kung utang nito ang buhay sa kaibigan.
Muling sumingit sa isipan ang pangyayari noong binatilyo pa lamang sila. Tuwing hapon pagkatapos ng klase nila ay napagkakatuwaan nilang pumunta sa may ilog at maligo. Dahil matatakutin siya sa malalalim na bagay gaya ng ilog ay lagi siyang nasa gilid habang si Xian naman ay tila kiti-kiting hindi mapirme at gusto pa ang mas malalim na bahagi.
"Xian, saan ka pupunta? Bro, malalim na sa dulo. Bumalik ka rito," tinig niyang sigaw ni Joe upang awatin ito sa nais gawin.
"Yoohooo!" natatawang sabad lang ni Xian na tila enjoy na enjoy sa paglayo nito.
Nalingat lang silang pareho ni Joe nang muling tanawin ni Zeus ang kaibigan at nakita niya na itong nahingi ng tulong. Taas-baba ang ulo nito na tila ba may humihila rito pailalim ng tubig.
"Xiannnnn!" malakas na tawag niya. Nakitang tumingin si Joe sa kinaroroonan nito. Naalerto ito nang makitang kumakampay na lamang ang kaibigan. Nagitla si Zeus sa nakikita. Nais tulungan ang kaibigan pero natatakot siyang lumangoy nang maya-maya ay palahaw ng tubig ang narinig. Si Joe habang mabilis na sinaklolohan si Xian. Hinila ito hanggang makarating sa kinaroroonan niya.
Mabilis na nag-perform ng CPR ang kaibigan upang habulin ang hininga nito. Nanginginig silang pareho at kabado. "Please, Xian, gising! Gising!" paulit-ulit na sambit nilang dalawa ni Joe habang paulit-ulit din sa pag-pump sa dibdib nito. Hanggang sa bumulwak ang tubig sa bibig nito at naubo. Halos yakapin nilang dalawa ang kaibigan nang makaligtas ito.
"Sabi ko na kasing huwag kang lumayo!" naiinis at naiiyak na turan ni Joe na batid niyang nasabi dahil sa takot kanina.
"Sorry, Pare, 'di ko akalaing pupulikatin ako," hinging paumanhin naman ni Xian.
Muli ay napahiga siya sa kama. Pinikit ang mga mata at nilaro sa balintataw ang maganda at nakangiting mukha ni Kikay. Hindi niya namalayang nakangiti na pala siya. Maganda si Kikay at sa ugali ay mabait naman ito. Masyado lang itong magaslaw at palabiro siguro ay dahil sa kinalakihan nitong pamilya. Mukhang masiyahin din kasi ang Inay at Itay nito.
Samantala, nababagot na si Kikay dahil wala masyado siyang ginagawa sa bahay. Nasa business trip din kasi ang mag-asawa at si Zeus ay nasa Pilipinas. Si Kelly at ang anak nito ay hindi pa rin nadalaw doon kaya wala siyang makausap.
Matapos magligpit konti ay pumasok siya sa silid at kinalikot ang iPad niya. Hindi online ang kaniyang ina kaya wala siyang makausap.
"Makipag-chat kaya ako?" aniya sa isipan. Napangiti pa siya. Maghahanap na sana siya ng ka-chat nang makitang mag-pop-up at nakitang online si Zeus. Mas lalong lumaki ang ngiti sa labi niya. Agad itong tinawagan. Ilang segundo rin iyon bago ito sumagot. Nakita ang guwapo nitong mukha. Mas lalo siyang napangiti.
"Yes?" anito na nakakunot-noo.
"Wala lang, wala ako makausap. Pwede ka ba?" ngiting-ngiting turan dito.
"Hindi pwede," masungit nitong turan.
"Hoy, Mr. Sungit. Kung ayaw mo, 'di patayin mo,!" inis na rin niya.
"Ayoko nga, ikaw tumawag 'di ikaw ang pumatay," pakikipagmatigasan nito.
Napatawa nang malakas si Kikay, hindi niya alam na may kakulitan din pala si Zeus. Ayaw niyang patayin dahil natutuwa siyang pagmasdan ang guwapo nitong mukha. Nang mapansin nito na tintititigan niya ito ay tumitig din. Siya tuloy ang na-conscious.
Kapwa sila magkatitigan sa webcam, walang nais magbaling ng tingin. Hindi maunawaan ni Zeus kung bakit tila namamagneto siya sa magandang mukha ni Kikay. Tinitignan ang bawat sulok ng mukha nito pero lahat ay perpekto, tugma sa mukha ng babaeng mapapangasawa ni Joe. Nang mapadako siya sa mapupulang labi ni Kikay ay hindi niya maiwasang mapangiti.
Ngiting hindi naman nakatago kay Kikay. 'Lokong lalaki ito ah, may pangisi-ngisi pa.' aniya sa isipan.
"Ano po bang sasabihin mo, Sir?" 'di makatiis na tanong.
Nabigla si Zeus dahil hindi niya namalayang napatitig pala siya sa mukha ni Kikay at naglakbay ang diwa niya ngunit sa pagbalik niya ng mukha ni Kikay ay may isang bagay siyang napansin. Walang nunal si Kikay sa ilalalim ng labi nito.
"Ah! Kikay. Nag-make up ka ba?" nasaad na lamang para hindi halatang natulala siya.
"Make up? Hindi ah, natural lang talagang maganda ako!" proud na proud na sagot nito.
Napangiti siya sa sagot nito na dinaig ang Miss Universe sa confidence nitong nagsabi. "Wala kang nunal sa ilalim ng labi mo?" untag dito.
Hinaplos nito iyon. "May nakita ka bang nunal? Makinis, malinis at walang bahid ang kahit anong nunal," anito naman na tila nasa isang commercial ad sa TV.
Napatawa na lamang siya. Confirm, ibang tao si Althea at iba naman si Kikay pero ano ang kaugnayan nila ay bakit maliban sa nunal ay magkawangis na sila.
"Tignan mo ito, natulala na naman? Hoy! Sir Zeus, may problema ka ba?" untag dito.
"Ha?! Ah-wala naman. Pwede ba, stop calling me, Sir?! Sure ka wala kang kakambal?" 'di napigilang tanong kay Kikay.
Tumawa ng malakas si Kikay. "Wala, bakit may nakita ka bang kamukha ko?" untag dito na natatawa.
Napatigil si Zeus. Sasabihin na ba niya rito o hihintaying personal na sabihin at ipakita ang ebidensiyang larawan nila.
"Ah, wala naman, natanong ko lang," kaila niya. Maya-maya ay kapwa sila natigil. "Kikay, boyfriend mo na ba si Segundo?" Maya-maya na tanong niya rito.
"Boyfriend?" anito sabay hagalpak ng malakas. "Sir, talaga, lakas mang trip." Halos sapuhin ang tiyan sa kakatawa habang si Zeus naman ay nakamaang lamang at nagsalubong ang kilay.
Agad na napatigil si Kikay at nagseryoso dahil mukhang sasabog na sa inis ang amo at kitang-kita na nagpipigil na lamang ito. "Hindi pa po, Sir-"
"Hindi pa!" agad na sabad ni Zeus. "Means may pag-asa?"
"Oo naman po, lahat tayo may pag-asa. Mabait naman siya, gaya ng sabi ko ay magbago lamang siya. Baka may pag-asa pa," aniyang nakangiti. Gusto niyang malaman ang reaksyon ng amo kung sasabihin niyang ganoon.
Tumango-tango lamang si Zeus sa sinabing iyon ni Kikay. Kaya buo na rin ang pasyang gawin ang isang bagay pag-uwi niya. Ang ligawan ito.
"Bakit mo naman natanong,Sir?" dinig na tanong ni Kikay.
Nagulat siya sa follow-up na tanong nito. "Ah, wala naman. Well, mukhang masigasig naman at malapit sa magulang mo," aniya rito.
Ngumiti lang si Kikay na muling kinalugod ng puso niya. Hindi naman masamang umibig siya rito kahit kamukha pa ng babaeng pinag-aagawan ng kaibigan. At least siya ay solo niya si Kikay.
Maya-maya ay nagpaalam na si Kikay dahil magluluto na raw ito ng dinner niya. Wala na siyang nagawa kundi ang kumaway dito.
"Oh, siya Sir. Basta don't forget to bring my pasalubong," turan kasabay ng masiglang kaway nito.
"Sure," aniya. Hindi pa nito napapatay ang tawag ay tumakbo na ito. Nagtaka siya dahil tila hindi naman palabas sa silid nito ang tungo. Tutal ay hindi nito pinatay ang tawag ay hindi pa niya ito pinatay.
Tawag ni Xian ang gumambala sa kaniya. Agad iyong sinagot.
"Hey, Bro, may gagawin ka ba bukas?" tanong nito. Batid niyang iimbitahan siya ulit nito.
"Wala naman, Bro," tugon.
"Good. Okay I'll pick you up tomorrow. May gusto ako sa'yong ipakita," anito na tila excited ang kaibigan. Pagkakataon na rin siguro iyon na kausapin ito tungkol kay Althea. Ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nilang tatlo. Higit sa lahat ay utang nito ang buhay kay Joe.
"Okay, mukhang masyado kang excited sa ipapakita mo ah," untag rito.
Tumawa si Xian sa kabilang linya. "Oo, Bro at sana ay ikaw din," anito.
Kinukuha ba nito ang simpatya niya at siya ang panigan niya kapag nagkataon. "Ano ba kasi iyon at pati ako ay napapaisip," tanong pa rin dito.
Mas lalong tumawa si Xian. "Basta, bukas ay malalaman mo," saad nito.
Nagkibit balikat na lamang siya. Nang mapabaling siya sa screen ng laptop na naiwang nakabukas pa rin. Ganoon na lamang ang gulat niya nang makita si Kikay. "Holy molly," usal niya sa mahinang tinig. Ngunit dinig pala iyon ni Xian.
"Hello, Bro! Anong nangyayari?" tanong pa nito. Hindi tuloy siya makapag-concentrate at mabilis na pinagpawisan.
Mabilis ang ginawang paliligo ni Kikay. Paano ba naman kasi at nakatanggap siya mensahe buhat kay Kelly darating daw silang mag-ina dahil umalis ang asawa at doon daw sila mag-dinner. Request pa itong magluto siya ng pansit at caldereta kaya kahit sarap na sarap siyang makipagkulitan kay Zeus ay nagmadali na siyang tinungo ang banyo at malibis na naligo.
Paglabas sa banyo ay nakatapis lang siya. Habang tinutuyo ng maliit na tuwalya ang buhok. Nakatalikod siya sa iniwanang laptop. Habang tinutuyo ng mabilis ng buhok ay hindi maiwasang makalas ang pagkakabuhol ng tuwalya malalalaglag na iyon ng maagap niya itong hinawakan. Mabuti at nahabol pa iyon bago siya mahubaran. Mabilis na inayos ang tuwalya sa pagkakabuhol nito at nilagay na ang maliit na tuwalya paikot sa ulo. Paglingon sa screen ng laptop ay nakitang nakabukas pa iyon at mabuti na lamang at wala na roon si Zeus.
Sa kabilang panig naman ay pinagpawisan si Zeus nang tumambad sa kaniya ang malinis na likuran ni Kikay. Tama nga ito, malinis, makinis ang kutis nito. Nang maibalik nito ang tuwalya sa pagkakabalot sa katawan nito ay napalingon ito kaya agad siyang gumilid. Kabado siya dahil baka nakita siya nito. Maya-maya ay nawala ang chat box nila dahilan para malamang pinatay na pala niya iyon.
"Bro, okay ka lang ba? Mukhang nahingal ka ah," untag ni Xian na tila may pilyong naiisip. "Sorry, mukhang nagambala pa kita," anito.
"Okay lang. Mag-isa lang ako. May nakita lang akong butiki," aniya rito na kinatawa nito. "Hindi ka pa rin nagbabago. Hanggang ngayon ba eh, takot ka pa rin sa butiki," tawa nito.
Naalala noong bata pa siya. Nasa garden sila noon ng eskuwelahan nila nang may makita siyang orkidyas na napakaganda. Mahilig kasi siya noon sa bulaklak dahil iyon ang kinahiligang gawin ng mga magulang nila noong binalikan ang mga ito ng mga lalaking nakabuntis sa kanila. Kung noon ay puro pananahi ang ginagawa para buhayin sila. Ngunit nang bumalik ang kani-kanilang mga ama ay naging maalwan ang buhay nila at dahil walang magawa ang magkakaibigan ay pagtatanim ng halaman ang kinagiliwan.
Doon ay nawili rin siya na siyang tinutukso sa kaniya nila Joe at Xian. Aminin lang daw niya kung bakla siya dahil tanggap pa rin naman siya ng mga ito. Purke ba mahilig sa bulaklak ay bakla na. Idagdag pa kasing gusto niyang laging malinis at presentable siya kaya nga ginusto niyang maging doctor dahil napakalinis tignan ang isang doctor.
Very prim and proper din siya noong magsuot ng uniporme at nadala niya iyon hanggang magbinata siya. Kahit sikat na sikat noon ang banda nilang The Shadow ay ganoon pa rin siya manamit. Until Alexis came to his life, binago niya ang sarili para manatili ito. Ang dating maayos na maayos na buhok na hindi makusot ay nagawa niyang maguhin. Ang pananamit ay sinunuot sa kung ano ang uso sa publiko pero iiwan din pala siya.
"Ang gandang orkids oh!" turo sa sanga ng malaking acacia. Dahil sa kagustuhan niyang makuha ang orkids na iyon ay inakyat ito at sa pag-akyat ay hindi niya alam na may malaking butiki rin pala sa puno. Sa takot niya sa butiki ay nahulog siya at mabuti na lamang at mababa lamang iyon.
"Zeus, okay ka lang ba?" ang kinakabahang tanong ni Joe sa kaniya.
"Oh, siya bro, see you tomorrow," paalam ni Xian sa kaniya. Doon ay bumalik ang kamalayan.
Habang sa kabilang dako ay panay ang tawa ni Kikay. Paglabas kasi niya ng banyo ay napansin niya agad na bukas pa ang chat nila ni Zeus at nasilip pang naroroon ang lalaki at abala sa kausap nito sa cellphone nito. Kaya gumana muli ang kapilyahan. Sinadya niyang kalasin ang tuwalya upang tumambad ang kaniyang likuran sa lalaki. Batid niyang nakita iyon ng lalaki.
Tawa siya nang tawa sa kagagahang ginagawa. Ngunit nabatid rin niyang apektado rin pala ito sa kaniyang alindog. "Tinablan ka noh," aniya sa sarili habang nagbibihis. Pagtingin sa orasan ay agad siyang natigil at mabilis na lumabas ng silid.