KAMUNTIK nang mawalan ng balanse si Charie nang mamataan niya si Rafael na nakatayo sa tapat ng pintuan. Hindi niya namalayan ang pagdating nito. Posible kayang kanina pa ito naroon at nakamasid lang sa kanya? Tipid itong ngumiti. “Are you done?” tanong nito. Tumango siya. “M-magbibihis lang ako sandali,” aniya. “Sige. Maghihintay ako rito.” Pumasok na siya sa banyo. Hindi naman nakaporma si Rafael kaya mini skirt lang ang isinuot niya na kulay itim at puting blouse. Flat sandals nga lang ang sapin niya sa mga paa. Magdi-dinner lang naman sila nito. Paglabas niya’y namataan niya si Rafael na nakatayo sa tapat ng salaming dingding. Nakatanaw ito sa labas. “Tayo na,” yaya niya rito. Humarap naman ito saka lumapit sa kanya. Kinuha nito ang kanang kamay niya saka sila sabay na naglakad.