Josh,
I know we're too young and it's too early to say this. But I hope you are the one...
Hyacinth
Lulan na kami ng sasakyan namin papunta sa hotel na pagdadausan ng debut ni Ate Cassandra. Pumunta si Josh sa bahay namin kanina, para isabay ako pero hindi pumayag si Daddy.
"Kid... magkikita din naman kayo doon ng baby mo..." sabi ni Daddy.
"Ah sige, ‘Nong... baka lang kasi masikip kayo sa sasakyan n’yo..." sagot ni Josh.
"Saka wag mong masyadong titigan. Baka matunaw," seryosong sabi ni Daddy.
Napakamot na lang sa batok niya si Josh habang nahihiyang nakangiti.
Ewan ko ba! Kanina pa siya titig na titig sa akin. Para namang ngayon lang niya ako nakitang naka-make up! Eh ilang events at celebrations na ang pinagsamahan ng mga pamilya namin.
"Sige po, Ninong! Kita-kits na lang po tayo doon," sabi na lang ni Josh, at saka sumaludo pa kay Daddy bago sumakay sa sasakyan nila.
Napangiti ako sa naging usapan nila kanina. Akala niya lagi siyang makakalusot kay Daddy.
Pagdating namin sa venue ay agad din akong sinalubong ni Josh.
"Ninong, kailangan na po kami sa backstage ni Blaire," paalam nito kay Daddy.
Nakita kong tumaas ang isang kilay ni Daddy. Saktong lumingon din si Mommy sa kanya, at hindi nito napigilang mapangiti sa itsura ni Daddy.
"Hindi ka talaga makatiis ano, Josh?" sagot nito kay Josh.
"Promise, Ninong! Hinahanap na po kami nung choreographer," sabay taas pa ng kamay nito na tila nanununumpa.
"Sige na. Umalis na kayong dalawa. Kumain muna kayo ha..." pagtataboy ni Mommy sa amin, bago pa makapag-react si Daddy.
"Baby??" reklamo ni Daddy kay Mommy.
"Hayaan mo nang mag-enjoy ang mga bata..." nakangiting sabi ni Mommy sa kanya.
Hinila na ako ni Josh paalis, pero nakailang hakbang pa lang kami nang tinawag ito ni Daddy.
"Josh!"
Sabay kaming lumingon ni Josh dito.
"I'm watching you," sabi ni Daddy, sabay turo pa niya sa mata niya tapos ay kay Josh.
Si Daddy talaga! Gumaganun pa!
Nakita ko namang napabunghalit ng tawa si Mommy.
"No worries, Ninong!" sagot naman ni Josh, na nakangiti at saka ako uli hinila.
[Josh]
"Wait, Josh. Kukuha lang ako tubig. Nauuhaw na ko," sabi ni Blaire.
Nasa tapat na kami ng isang pinto sa gilid ng stage na magsisilbing pansamantalang holding place ng mga dancers.
"Ako na’ng kukuha baby. Pasok ka na diyan," sagot ko sa kanya, at saka ko binuksan ang pinto para makapasok siya.
Pagkapasok ni Blaire ay pumunta na ako sa pinaka-venue. Dumerecho ako sa booth ng mga drinks, at saka humingi sa waiter na naka-assign dun ng isang basong tubig.
Paalis na ako nang bigla akong mapahinto nang marinig ko ang pangalan ko kasabay ng pagkadinig ko ng mga pamilyar na boses.
"Judd, ngayon pa lang paghandaan mo na ang gagastusin mo sa kasal ni Josh, ha..." boses ni Ninang Hannah.
Nagpalinga-linga ako, at nakita ko sila sa may bandang gilid sa may booth ng mga alak.
Hindi nila ako napapansin dahil medyo natatago ang lugar ko sa malaking posteng andito.
"Baby..." pagrereklamo ni Ninong Adam.
"What??" natatawang tanong ni Ninang Hannah sa kanya.
"Yeah... as if naman hindi ko kilala ang pagiging playboy ng Tatay ni Josh..." reklamo ni Ninong Adam, na umirap pa kay Daddy.
"Excuse me? At least ako, one woman man na lang when I found my true love. Eh, iyung iba diyan? Hirap na hirap mag-decide noon kung sino ang pipiliin..." sagot naman ni Daddy.
Nakita ko namang hinapit ni Ninong Adam si Ninang Hannah, na parang binibigyan niya ito ng assurance.
"Tumigil na nga kayong dalawa diyan. Mga bata pa naman sila. Hayaan na lang natin silang i-enjoy ang kabataan nila. Ang importante, andito tayo para i-guide sila," sabat naman ni Mommy.
"I agree," segunda pa ni Ninang Hannah.
Nakita ko namang tumango-tango si Daddy.
"Eh, lagi na ngang nakadikit si Josh kay Hyacinth, eh!" reklamo ni Ninong.
Nagtawanan naman iyung iba.
"Wala na tayong magagawa dun. Naaalala mo ba, na baby pa lang si Hyacinth, as in one year old lang, attracted na agad si Josh sa kanya?" sabi ni Ninang.
"Oo nga! Sa binyag… Hindi na niya hiniwalayan si Hyacinth nun... and Adam... sorry... but I think si Josh ang first kiss ni Hyacinth! As in!" sabay tawa ni Mommy at Daddy.
"What??" namimilog ang mga matang sagot ni Ninong Adam.
Natatawang tumango-tango si Ninang.
"Yes. Kalong-kalong ko si Hyacinth noon after ng binyag niya. When Josh approached us, nila Clover. Pagkakita niya kay Hyacinth parang natuwa siya dito, and then he kissed her on her lips!" kuwento ni Ninang.
Hearing that story made me smile. Ilang beses nang naikwento sa akin ‘yun ni Mommy.
"Baby, why did you allow that boy?"
Tsk! Wala na atang gagawin si Ninong kung hindi magreklamo sa akin.
"Malay ko ba?? Hindi naman siya nagpaalam na iki-kiss niya sa lips. Akala ko sa pisngi lang!” natatawa pa ring sagot ni Ninang Hannah.
“At seconds din iyun, ha…” dagdag pa ni Mommy.
Tila amaze na amaze silang dalawa ni Ninang Hannah sa reaksiyon ni Ninong.
"Pano ‘yan, bro? Kaya namang panindigan ng anak ko si Hyacinth. Ibibigay ko sa kanila ‘yung isang dealer. Okay na ba ‘yun?" nang-aasar namang sabi ni Daddy.
"No way! Ang dami pang ibang pwedeng manligaw sa anak ko. Ang ganda yata ng Hyacinth ko," sagot ni Ninong.
Tumawa naman si Mommy at Ninang.
"Ay naku, Adam. Just accept the fact na mga fetus pa lang iyung dalawang ‘yun, they are already meant for each other," sabi naman ni Mommy.
Tumalikod na ako. Masyado na akong matagal. Baka nauuhaw na si Blaire. Siguro I need to have a heart-to-heart talk with Ninong Adam. Akala ko pa naman I have gained his trust all over the years, hindi pa pala. Or kung meron man, it's not enough.
Pero Mommy's right. I think, yes. Fetus pa lang ako, I was already destined to love and take care of Hyacinth Blaire.
Pagpasok ko sa holding room ay agad hinanap ng mga mata ko si Blaire. Nakita ko itong masayang nakikipagkuwentuhan sa isang kasama din naming dancer na lalaki. I think, classmate o friend iyon ni Ate Cassandra.
"Blaire!" tawag ko dito.
Lumingon siya sa akin, at saka ngumiti. Para namang nawala agad ang inis ko nang ngitian niya ako. Naglakad na ako palapit sa kanila ng kausap niya.
"Blaire? I thought it's Hyacinth?" kunot-noong tanong nung kausap niya, habang salitan kaming tiningnan ni Blaire.
"My full name is Hyacinth Blaire," sagot ni Blaire.
"Ah, okay. Sige, Hyacinth. Balik na ko dun. Nice meeting you," paalam ng kausap niya.
"Ah sige, Neil. Nice meeting din..." nakangiting sagot ni Blaire.
“Josh... ang tagal mo naman! Nanunuyo na ang lalamunan ko," sabi niya nang makalapit na ako.
Inabot ko sa kanya ang basong may tubig.
"Why need to explain?" inis kong sabi.
Iinom na sana ito, pero napahinto siya sa tanong ko.
"Ang alin?" kunot-noong tanong ni Blaire.
"You don't have to explain to him kung bakit iba ang tawag ko sa’yo."
"Ang sungit mo naman! Para pangalan lang naman," at saka nito itinuloy ang pag-inom ng tubig.
"By the way, bakit nga pala ang tagal mo?" tanong uli nito.
"Uhm... napakuwento pa kasi ako kila Mommy, Daddy saka kila Ninong," pagsisinungaling ko.
Nakakahiya namang sabihin na nakinig ako ng kuwentuhan nila. Uminom uli si Blaire. Hindi ko mapigilang hindi mapatitig sa kanya. Gandang-ganda ako sa make up niya. Light lang pero lalong nailabas nito ang features ng mukha niya. Tanging iyung red lipstick niya ang kapansin-pansin. Pero okay lang naman kasi bumagay sa kanya. Iyong nakataas niyang ayos ng buhok ay bumagay din sa kanya. Sabagay, ano bang hindi bagay sa baby ko?
"Ano palang pinag-usapan n;yo?" tanong uli ni Blaire, saka biglang tumingin sa akin.
Alam kong huli niya ang ginawa kong pagtitig sa mukha niya. Kinuha ko na lang iyung wala nang laman na baso mula sa kanya, para ma-divert ang atensiyon niya.
"Ah, wala... wala lang ‘yun. Nasaan na pala sila Jett at Athena?" pagbubukas ko ng ibang topic.
"Andiyan lang kanina, eh..." sagot nito na nagpalinga-linga sa kuwarto.
"Palibhasa, busy ka kasi sa iba," mahina kong sabi.
Lumingon pabalik sa akin si Blaire. "Ano ‘yun, Josh?"
"Wala... sabi ko, saan na naman kaya nagpunta iyung dalawa..."
"Pinagsasasabi mong busy dyan," mataray na sabi nito.
Tsk! Narinig pala ako.
"Sa akin lang kasi ang atensiyon mo, baby," sabi ko.
"Hoy, Josh! Baka akala mo, okay na tayo ha. Hindi pa kita nasisita sa mga kasalanan mo sa’kin," sagot nito.
Napalunok ako.
"Wala akong kasalanan sa’yo, ha. Suportado kaya lahat ni Ninong ‘yung mga ginawa ko... Pasalamat ka nga riyan at concern ako sa’yo."
Ang galing mo talaga, Josh! Sana nga malusutan mo...
"Concern... Concern-in mong mukha mo!" sagot naman nito.
"Okay, boys and girls! Be ready... start na ng program!" sigaw ni Tita Lou, iyung Senior Staff ni Tita Beron, na Ninang ni Ate Ysa, ang event planner ng debut ni Ate Cass.
Palihim akong nagbuga ng hangin. Saved by the bell ka na naman, Josh...
Nagsipuwesto na kaming lahat. Iisa ang style ng suit naming mga lalaki. Ganun din ang gown ng mga babae. Medyo iniba nga lang ang tabas nung kay Ate Cassandra. Siyempre, siya ang bida ngayong gabi. Lahat ng babae ay naka-baby blue na kulay ng gown. Samantalang magkahalong itim at baby blue naman ang suot naming mga lalaki. Siyempre sagot nila Daddy at Mommy ang patahi sa lahat ng suot naming dancers.
Mayamaya lang ay tinawag na kami, kaya naglakad na kaming lahat patungo sa gitna ng ballroom. Hindi kami ni Blaire ang magkapartner sa mga unang steps kaya pasimple kong binilinan ito bago pa kami magkahiwalay.
"Baby, huwag kang titingin sa mata ng unang ka-partner mo, ha. Sa akin lang. Ako lang ang titingnan mo mamaya. Pag hindi mo ko sinunod, sige ka, magwo-walk-out ako!"
***