Josh,
I am the girl that would do anything to be your everything...
Hyacinth
Hindi ko alam kung saan ako natulala - sa amoy ng ramen o sa ka-sweet-an na ipinapakita ni Josh.
"Bangon na. Susubuan kita," sabi pa niya.
Wala sa sariling napabangon naman ako na tila namamalik-mata. Sumalok si Josh ng sabaw sa bowl, at saka bahagyang hinipan ito.
"Mainit ha...." sabi niya, at saka inilapit sa akin ang kutsara na may sabaw ng ramen.
May sariling isip ang mga labi ko na tinanggap naman ang isinusubo sa akin ni Josh. Ramdam ko ang pagguhit nito sa lalamunan ko. Hindi ko alam kung alin ang masarap - iyung lasa ng sabaw o iyung ginagawang pagsisilbi ni Josh sa akin.
Nakailang subo pa siya ng sabaw at noodles sa akin nang ibaba niya ang bowl sa side table ko. Pagkatapos ay may kinuha siya sa bulsa niya. Inilabas niya ang iba't ibang klase ng gamot.
"Hindi ko kasi alam kung alin ang pwede mong inumin dito. Kaya nagdala na ako ng iba-iba. Don't worry. Si Mommy naman ang nagbigay sa akin ng mga ito."
Oh no! Hindi naman talaga masakit ang ulo ko kanina! Iyong puso ko ang masakit…
"Uhm... mamaya na lang ako iinom niyan..." palusot ko.
"Dapat ngayon na, para may laman ang tiyan mo..." sabi naman niya.
"Ano... uubusin ko muna iyung ramen..."
God... hindi ko na po uuliting magsinungaling... sana po ma-convince ko si Josh sa hindi muna pag-inom nung gamot.
"Sige. Hintayin kong maubos mo ito, tapos uminom ka na ng gamot," sabi niya, sabay dampot uli sa bowl ng ramen.
Habang sinusubuan niya ako ay abot-abot ang dasal ko. Hindi ko lubos-maisip kung paano ko matatakasan ang pag-inom ng gamot.
"Bu-Busog na ko..." reklamo ko.
"Kalahati pa lang ‘to, ah!" sabi naman ni Josh.
"Ang laki kaya ng bowl na binili mo!"
Ngumiti si Josh. "Siyempre. Alam ko namang hindi mo kayang ubusin ‘to, kaya hati tayo," at saka siya sumubo gamit ang kutsarang ginamit ko.
Ihhh... kilig ako!
"Ehem! Okay na ba ang pasyente mo?"
Kapwa kami napatingin sa pintuan.
"Oh! Bakit ikaw ang kumakain ng dala mo, Josh?" nakangiting tanong ni Mommy kay Josh.
"Eh busog na daw siya, Ninang..." sabi naman ni Josh, na napakamot pa sa ulo niya.
Napailing si Mommy. "Kayong dalawa talaga... hala! Ubusin mo na ‘yan Josh, at hinahanap ka na ng Mommy mo. Hindi daw sila magdi-dinner hanggang wala ka dun."
"Sige po, Ninang. Paiinumin ko lang ng gamot si Blaire..."
Napatingin ako kay Mommy. Tinging nagpapasaklolo.
"Don't worry. Ako na ang magpapainom ng gamot sa baby mo. Uwi na. Bago ka pa pagbawalan ng Mommy mo na pumunta-punta dito," sabi ni Mommy sa kanya sa tonong nananakot.
Napansin ko lang. Bakit ba halos lahat sila, ang hilig nilang lagyan ng diin iyung salitang baby? Pero salamat kay Mommy, at saved by the bell ako.
Napakamot uli si Josh sa ulo niya at saka ngumiti.
"Sige po, Ninang. Uuwi na po," nahihiyang sabi nito.
Tumayo na si Josh, bitbit iyong bowl ng ramen.
“Oh, saan mo dadalhin ‘yan? May laman pa, ah!” sita ni Mommy sa kanya.
"Uubusin ko ‘Nang, habang naglalakad. Una na ko, ba-Blaire. Pahinga ka na," sagot ni Josh, at sabay baling sa akin.
Bahagya akong tumango. Nagmano ito kay Mommy bago lumabas ng kuwarto.
"So...." umpisang pagka-usap sa akin ni Mommy.
Nakaramdam ako ng kaba.
"Iinom ka na ba ng gamot?" tanong nito na tila nananantiya, habang naglalakad papunta sa akin.
"Mommy... hindi po totoong masakit ang ulo ko..." pag-amin ko.
Nakita kong tumaas ang isang kilay ni Mommy. Napayuko ako. Ano bang sasabihin ko?
Naupo si Mommy sa gilid ng kama ko paharap sa akin. Nag-angat uli ako ng tingin, at nakita kong nakatingin pa rin sa akin si Mommy. "Iniwasan ko lang pong makausap si Josh...."
"Why?" simpleng tanong ni Mommy.
Napailing lang ako. I don't know how to tell it. Hindi ko alam kung saan ko uumpisahan. What if sabihin ni Mommy na totoo ang hinala ko? Na naga-assume lang ako na may espesyal na pagtingin sa akin si Josh...
"Okay. I trust you and Josh. Just enjoy while you are young. And focus on your studies first. Okay?" sabi na lang nito.
Tipid lang akong ngumiti sabay tango. Niyakap ko si Mommy.
"I love you, Mommy..."
"Love you too, Hyacinth..."
Tumayo na ito, at saka naglakad papunta sa pintuan.
"By the way, ipinagpaalam ka ng Ninang mo. May practice daw kayo bukas ng sayaw para sa debut ng Ate Cassandra mo," at saka ito dumerecho na ng labas.
AS USUAL, magkakasama na naman kami sa isang sasakyan. Si Jett, Josh at ako. Pero nagtaka ako kung bakit hindi iyung usual na kotse na ginagamit namin sa school ang dala namin ngayon. Mas malaki ang dala naming sasakyan ngayon.
At as usual uli, nasa back seat kami ni Josh at nasa unahan si Jett. Pero pagkadating namin sa bahay nila Athena, pati si Josh ay bumaba sa sasakyan na usually naman ay hindi niya ginagawa.
Ibinaba niya ang sandalan ng isang upuan dito sa likod para siguro makadaan si Athena papunta sa likod. Pero nagulat na lang ako nang tawagin ako nito.
"Tara, baby. Sa likod ka na," sabi nito.
Nagtataka man ay sumunod naman ako sa kanya. Hmp! Ako pala ang uupo sa likod.
Pero nagulat ako nang pagkaupo ko sa likod ay sumunod siya sa akin. Nakangiti itong tumingin sa akin. Mayamaya lang ay dumating na si Athena at Jett, at saka nila inokupa ang upuan namin ni Josh kanina.
Umusod si Josh palapit sa akin nang nag-umpisa na kaming bumiyahe at saka ipinatong ang ulo niya sa balikat ko. Nahigit ko ang aking paghinga. Bumilis ang t***k ng puso ko. Ayoko ng ganito kalapit si Josh sa akin dahil nagiging ganito ang kabog ng dibdib ko. Pero ayoko rin naman siyang ganito kalapit sa ibang babae.
Possesive ka, Hyacinth...
Nang bigla niyang itinaas ang kamay niya at pinisil ang ilong ko.
"Huy! Huminga ka naman!"
Hindi ko alam kung dahil sa napahiya ay hinampas ko ang braso niyang nakataas.
"Aw! Nagiging sadista ka na sa akin, baby ha..."
"Sigurado ba kayong hindi kayo? Ang sweet-sweet n’yo kaya..." tukso ni Athena.
"Tsk! Sweet ka dyan...eh, panay ang bugbog sa akin nito!" sabi ni Josh.
Nagtawanan naman iyung dalawa.
Nang makarating kami sa hotel na isa sa pag-aari ni Tito Chad, at kung saan gaganapin ang praktis at ang debut na rin ni Ate Cassandra ay agad kami nitong sinalubong sa lobby.
"Oh! Ang tagal n’yo? Akala ko nag-double date pa kayo, eh! Tara na. Kayo na lang ang hinihintay. Naku... masesermunan pa ako nila Daddy at Ninong nito, eh!" sabi ni Ate Cass.
"Ate... trapik..." lakas-loob na sagot ni Jett.
"Sige na, sige na. Bibilhin ko na 'yung reason na 'yan. Tara na," sagot na lang ni Ate Cassandra.
Sumakay kami ng elevator at dinala sa isang malaking kuwarto.
"Ay, salamat... dumating na ang mga bata...." sabi ng isang bakla na nasa pinaka-gitna ng kuwartong iyon na tila kaming apat ang tinutukoy.
"Oh, kayo... puwesto na!" turo nito sa ibang naroroon sabay palakpak nito ng tatlong beses.
Sinalubong kami nito. “Si Bubbles, siya ang magtuturo sa atin,” pakilala sa kamya ni Ate Cass.
"Sino ang magka-partner?" tanong nito kay Ate Cass.
"Josh and Hyacinth..." sabay turo ni Ate Cass sa aming dalawa ni Josh.
Hinawakan naman nung Bubbles ang tig-isang kamay naman ni Josh, at saka kami iginiya sa magiging puwesto namin.
Pagkatapos ay binalikan niya si Jett at Athena, at saka ganun din ang ginawa niya.
"Okay, Cassandra... puwesto na kayo ng partner mo sa gitna!" sigaw nito.
Ang partner ni Ate Cass ay ang anak ni Tito Klarence na si Kuya Yoseph. Bawal pa kasing mag-boyfriend, o tumanggap ng manliligaw si Ate. Sobrang higpit ni Ninong Judd kay Ate Cass. I wonder kung magiging ganun din si Daddy sa akin.
"Okay! Boys and girls!” malakas na sabi ni Bubbles, kaya naagaw ang atensiyon naming lahat.
“Watch! This is the first step..." at saka ito humakbang-hakbang.
Wala namang naging problema, at smooth lang ang practice namin. Maliban nung pinagharap na ang magpa-partner. Ang isang kamay ng lalaki ay nakahawak sa beywang naming mga babae at ang isa naman ay kamay sa kamay. Kaming mga babae naman ay nakahawak ang isang kamay sa balikat ng mga lalaki.
Hindi na naman ako makahinga sa sobrang lapit ni Josh sa akin. Hindi nagkakalayo ang height naming dalawa kaya ramdam na ramdam ko ang mainit na hininga nito sa may leeg ko.
Nagkunwari akong kinokopya ang steps ng katabi namin. Kasi naman, aware akong nakatingin siya sa mukha ko at sobra akong naiilang. Iyon nga lang ganito na kami kalapit, hindi na ako mapakali, iyon pa kayang tinititigan pa niya ko?
"Look at your partners!!" sigaw ng tagapagturo namin.
Patay!!
Napilitan tuloy akong tingnan si Josh. Pero isa iyong malaking pagkakamali. Dahil sa sandaling tiningnan ko siya, tila ako na-magnet ng mga mata niya. Pakiramdam ko ay nasa ibang mundo kami, at kami lang dalawa. Tila ba may gusto siyang ipahiwatig sa akin, at ang mga mata lang namin ang nag-uusap.
"Baby..." mahinang sabi ni Josh.
Hindi ako sumagot. Nakatingin lang ako sa kaniya, at naghihintay ng sasabihin pa niya.
"Just promise me... sa debut mo..."
Lalo lang ako nae-excite sa pambibitin ni Josh sa sasabihin niya.
"No matter what happens... ako lang ang magiging ika-eighteenth dance mo."
"H-Ha??"
"Just promise me, baby," mariin nitong sabi.
Pinilit kong tumawa nang bahagya, para alisin ang pagka-ilang ko.
"Ang tagal pa nun!" sabi ko, sabay iwas ng tingin sa kanya.
"Baby, please..." pakiusap pa nito.
"Okay, fine..."
"Thanks, baby!" nakangiting sabi nito, at saka ako kinindatan.
Pa-hard-to-get ka pa, Hyacinth Blaire... Gusto mo naman talaga!
Iniiwas ko ang mukha ko kay Josh. Hindi ko na kasi mapigil ang ngiting kanina pa gustong kumawala sa mga labi ko.
"Baby... kinikilig ka na naman..."
Napaawang ang mga labi ko, sabay tingin uli kay Josh.
"Concentrate, baby... kanina mo pa ko natatapakan. Isang tapak mo pa sa paa ko, hahalikan na kita."
***