Maingat na inilapag ni Atlas ang bulaklak sa puntod ng unang babaeng minahal nito. Simula nang makaalala ito ay ngayon pa lang ito naglakas nang loob na tunguhin ang puntod. Alagang-alaga naman sa linis ang lugar, kahit na nasa lumang simenteryo ang mga puntod. Sunod nitong inilapag ang isa pang bungkos ng bulaklak sa puntod ng anak n'yang si Princess. Kasama no'n ang isang maliit na stuffed toy. Humakbang ako paatras. Gusto kong bigyan ng oras ang lalaki sa harap ng mag-ina n'ya. Sa totoo lang, kanina bago kami magtungo rito ay nag-aalangan pa si Atlas. Pero kinumbinsi ko ito, sa tingin ko kasi ito na iyong perfect time para puntahan nito at bisitahin ang dalawang taong may malaking parte sa puso nito. May bench naman. Kaya naupo ako. Ilang hakbang lang naman iyon mula sa lalaki.