Chapter 2
Kinaumagahan, maaga akong gumising para pumunta sa bayan. Sumakay ako sa lumang bisikleta habang bitbit ang lumang bag ko. Pagdating ko roon, halos malula ako sa haba ng pila sa isang covered court. Daan-daang babae mula sa iba't ibang karatig-bayan ang nagkakagulo. Lahat sila ay naka-ayos at suot ang pinakamagandang damit, umaasang matatanggap sa trabahong may napakalaking sahod para sa isang gabi. Rinig na rinig ko ang bulungan ng mga dalaga tungkol sa kung gaano kayaman ang pamilyang nag-oorganisa ng party. Para sa marami sa kanila, chance na ito para makita ang kaginhawaan at makarating ng siyudad na madalas lang nilang mapanood sa TV. Malamang, kasama na sa inaasam nila ang makabingwit ng mayaman para makaalis na sila sa kahirapan.
"Pila nang maayos! Ihanda ang mga ID niyo!" sigaw ng isang guard na naka-uniporme.
Dahan-dahang umusad ang pila. Ilang oras din akong nag-abang sa ilalim ng mainit na araw bago tuluyang nakapasok sa loob ng court. Sa dulo, may mahabang lamesa kung saan nakaupo ang mga nag-i-interview. Pero ang agaw-pansin sa lahat ay ang isang babaeng nakaupo sa pinakagitna na walang ginagawa kung hindi ang tumingin sa paligid.
Naka-formal black suit siya, maayos na nakapusod ang buhok, at napaka-sosyal ng tindig, pero ang pinaka-weird sa kanya ay ang mukha niya. Wala itong kahit anong emosyon. Hindi siya ngumingiti, hindi halos makitaan ng emosyon, at ang mga mata niya ay parang yelo sa lamig. Para siyang isang magandang estatwa na nabuhay lang para mag-obserba.
Nang ako ko na, lumapit ako sa lamesa habang kumakabog ang dibdib ko. Inilapag ko ang mga requirements ko sa harap niya.
"Name?" tanong ng lalaking katabi niya, habang nagsusulat sa logbook.
"Nessa po, Nessa del Valle,” mahina pero malinaw kong sagot.
Bago pa man makasagot ang lalaki, biglang tumahimik ang paligid. Ang babaeng walang emosyon ay dahan-dahang nag-angat ng tingin sa akin. Tinitigan niya ako nang mariin. Ang mga mata niya ay gumapang mula sa buhok ko, bumaba sa mukha ko, hanggang sa mga kamay kong nakapatong sa lamesa.
Pakiramdam ko ay sinusuri niya ang buong pagkatao ko sa pamamagitan lang ng titig niya. Parang binabasa niya ang bawat sikreto ko. Nakaramdam ako ng kilabot, parang noong nandoon ako sa Moonville Forest. Natigilan ako at halos hindi makahinga, natatakot na baka may dumi ako sa mukha o baka mahalata niyang may anak na ako.
Lumipas ang halos isang minuto ng nakakabinging pagtititigan. Wala talagang kahit anong emosyon sa mukha niya, pero may kung anong kislap sa mga mata niya na parang may kakaiba sa akin.
Bigla, ibinalik ng kaharap ko ang tingin niya sa mga papel ko at kumuha ng isang pulang stamp. Walang pag-aalinlangan niyang itinatatak ang salitang "APPROVED" sa application form ko.
"Tanggap ka," malamig niyang sinabi sa akin. Walang tono ang boses niya, parang robot na naka-program.
Nakahinga ako nang maluwag, kahit na kinilabutan ako nang kaunti. "S-Salamat po."
Inabot sa akin ng lalaking katabi niya ang isang puting sobre na naglalaman ng mga instruction.
"Makinig kayong mabuti," anunsyo ng lalaki sa akin at sa iba pang mga napiling babae na nasa gilid, "Bukas na bukas, eksaktong 5:00 ng umaga, dapat nandito na kayo sa tapat ng munisipyo. May darating na mga sundo na magdadala sa inyo diretso sa siyudad. Ang sinumang ma-late ay automatic na tatanggalin sa listahan. Malinaw ba?"
"Opo," sabay-sabay naming sagot saka ako napapikit. Nagpapasalamat ako nang sobra sa Diyos na kahit ang hirap ng buhay namin ay hindi mawawalan ng handa ang baby ko sa ikaapat niyang birthday.
Umuwi ako sa bahay na halo-halo ang nararamdaman. Sa isang banda, masaya ako dahil sigurado na ang 350 USD na gagamitin ko para sa pamilya ko. Pero sa kabilang banda, ang paraan ng pagtitig sa akin ng babaeng iyon ay nag-iwan ng malaking tanong sa isip ko. Bakit kaya niya ako tinitigan nang ganoon?
"Nay, natanggap ako!" Masayang bungad ko kay Nanay pagkapasok ko sa pinto. Inilapag ko ang dala kong bag sa ibabaw ng lamesa, “Kaya lang walang paunang bayad,” napasimangot ako.
Tumingin sa akin si Nanay, may bakas ng lungkot at pag-aalala sa mga mata niya pero nakikita ko na masaya rin siya, "Bukas na ba ang alis mo?"
"Opo, ‘Nay. Maaga ang sundo bukas sa bayan. Dadalhin kami sa siyudad para sa event. Nasaan po ang baby ko?”
Bago pa man makasagot si Nanay, napansin ko ang ulo ni Zarek na sumilip sa sofa kaya natawa ako.
“Nandiyan pala ang baby ko. Halika, sama ka kay Mama.”
Agad naman siyang tumalon mula sa sofa at nagpakarga sa akin.
"Huwag kayong mag-alala, ‘Nay, isang gabi lang naman ito. Pagkatapos ng party, babalik din ako agad para sa birthday ni Zarek."
Niyakap ko ang anak ko. Tumingala siya sa akin at ngumiti ang mga mata pero parang naiintindihan na agad niya dahil gumawa siya ng tunog na parang nalulungkot. Ang malalaki niyang mata ay parang nagtatanong kung saan ako pupunta.
"Magpapakabait ka kay Lola, ha? May dadalhin si Mama na masarap na pagkain pag-uwi para sa birthday mo," bulong ko sa kanya habang hinahalikan ang noo niya, “Sorry ha. Kailangan ka ni Mama iwan kasi wala tayong pera. Kulang kasi ang kita sa tinapay
Kinagabihan, hindi ako dinalaw ng antok. Nakadungaw ako sa bintana ng maliit kong kwarto, nakatitig sa kadiliman ng Moonville Forest. Ang mga puno ay sumasayaw sa ilalim ng malamig na hangin ng gabi, na parang nagbabala sa akin. Kinakabahan ako, hindi dahil papasok ako sa gubat, kundi dahil aalis ako sa comfort zone ko papunta sa isang lugar na hindi ko kabisado, isang lugar na puno ng mayayaman at makapangyarihang tao.
Tumingin ako sa anak ko para humugot ng lakas ng loob. Sila lang ni Nanay ang dahilan jaya gusto kong umasenso. Hindi naman ako pinalad na magkaroon ng magandang trabaho dahil hindi ako nakapagtapos, kaya dapat ay kunin ko ang mga ganitong pagkakataon. Habang hinahawakan ko ang ulo ni Zarek, naramdaman ko ulit ang kakaibang kaba. Ngayon lang kasi ako lalabas sa lugar na ito. Manang ako sa maikling salita. Mariin kong hinalikan si Zarek sa noo.
Sumapit ang alas-singko ng umaga. Nababalot pa ng makapal na hamog ang paligid at hindi pa tuluyang sumisikat ang araw. Nagkape lang ako at nagpaalam sa anak kong tulog at kay Nanay bago ako umalis, sakay ng bisikleta at may ilaw maliit na flashlight. Natatakot ako pero tinitiis ko pati na ang lamig ng madaling-araw.
Pagdating ko sa tapat ng building, nandoon na ang iba pang mga napiling babae. Lahat kami ay tahimik, bitbit ang aming mga bag. Iniwan ko sa labas ng tindahan ni Mang Roberto ang bisikleta ko. Maya-maya pa, narinig namin ang ugong ng malalaking makina mula sa malayo.
Dalawang malalaking itim na bus na may tinted na salamin ang dahan-dahang huminto sa tapat namin. Ang binatana ng mga iyon ay nagpapawis dahil sa aircon. Ang ganda at mukhang mamahalin ng mga bus, malayong-layo sa mga karaniwang sasakyan na bumibiyahe rito probinsya namin. Bumukas ang pinto ng unang bus at bumaba ang isang lalaking naka-suit.
"Ihanda ang mga slip niyo at sumakay nang maayos. Ang biyahe papunta sa siyudad ay mag-uumpisa na," utos niya.
Isa-isa kaming sumakay. Habang humahakbang ako pataas sa bus, lumingon ako sa huling pagkakataon sa direksyon ng bahay namin at sa bundok ng Moonville. Biglang bumigat ang dibdib ko.
Nagsimulang umandar ang bus, nilalagpasan ang mga pamilyar na tanawin ng probinsya ko, papunta sa isang maingay na siyudad kung saan naghihintay ang mga makapangyarihang tao.