Chapter 3
Mahigit walong oras din ang itinagal ng biyahe namin sa loob ng bus mula sa liblib naming bayan. Habang pumasok kami sa puso ng Manhattan, New York, unti-unting nagbago ang tanawin sa labas ng bintana. Ang mga simpleng kalsada ay napalitan ng nagtataasang mga skyscraper, nagniningningang digital billboards, at ang walang katapusang pag-andar ng mga sasakyan.
Kahit umaga na, malamig pa rin ang panahon dito. Ang hamog ay humahalo sa usok ng siyudad, na parang laging may kung anong seryoso at madilim na aura ang lungsod na ito. Rinig ko ang excitement ng mga kasama ko sa loob ng bus habang nakatitig sa mararangyang tindahan sa Fifth Avenue pero ako, lalong bumibigat ang pakiramdam ko habang papalapit kami sa destinasyon namin.
Huminto ang bus sa tapat ng isang dambuhala at marangyang hotel—ang The Grand Arizmendi Plaza. Ito ay isang sikat at tanyag na hotel sa buong New York na pagmamay-ari ng isang misteryosong bilyonaryo.
Pumila kami nang maayos habang papasok sa back entrance ng hotel para sa mga staff. Dinala kami diretso sa isang malawak at pribadong locker room kung saan nakahanda na ang mga costume na gagamitin namin.
"Ipatatawag kayo ulit dahil hindi pa mamayang gabi ang gala," sabi ng isang pamilyar na boses mula sa unahan.
Nandito ulit ang babaeng walang emosyon na kaharap ko kahapon sa munisipyo. Naka-formal black suit siya at tuwid ang likod, habang ang mga mata niya ay kasing lamig pa rin ng yelo.
Anong hindi pa mamaya ang gala? Ibig sabihin ay hindi ako makakauwi sa anak ko bukas para sa birthday niya?
Para akong nanghina kaya yumuko ako.
“For safety purposes, no one knows the exact time of the gala. Ipatatawag na lang kayo ulit sa quarter niyo. Sumunod kayo kay Manager Hills,” sabi ng babae na agad na tumalikod.
Dinala kami sa isang quarter sa likod ng hotel. Ilang simentadong box type na tuluyan ang nakikita ko. Sampung babae ang nasa bawat isang kwarto. Tuwang-tuwa ang mga kasama ko dahil naka aircon kami pero ako ay hindi. Naupo ako sa isang upuan at kinuha ang cellphone kong de keypad. Nag-text ako kay Nanay.
Nanay, pakisabi po kay Zarek na naiba ang schedule ng gala. Hindi po ako makakauwi bukas para sa birthday niya. Pakisabi po na pag-uwi ko ay may cake ako.
Gusto kong umiyak pero inisip ko na lang ang pera. Kapag wala iyon, wala akong igagastos sa pangangailangan namin.
Libre ang pagkain sa loob ng quarter. Masarap ang pagkain pero ang utak ko ay napako sa pag-iisip kung anong kinakain ngayon ng nanay ko at ng anak ko habang ako ay nandito, masarap ang nasa harap ko.
“Kumain ka na, Nessa. Hindi mo ba like ‘yan?” Tanong ni Vivian sa akin na isa sa mga kasama ko sa kwartong ito.
“Hindi naman. Naalala ko kasi si Z—Nanay. Nasabi ko na bukas uuwi ako pero hindi pala,” malungkot kong sagot.
“Hindi ka sanay umalis no kaya naiwan ang utak mo doon sa inyo?” Anaman ni Jessa.
“Ako, gagastusin ko na iyong kita ko rito para maghanap ng bagong kinabukasan dito. Ang hirap na doon sa atin, hindi ka mabubuhay tapos lasenggo pa ang stepfather ko. Ayoko na. Kahit na magpaka p****k na lang ako rito basta kumita,” balewala na kwento ni Marie sa amin.
“Siguro mabait ang mga magulang ni Nessa kaya namimiss niya agad.”
“Nanay na lang ang meron ako saka…iyong anak ko.”
Napatingin sila lahat sa akin.
“Anak kong tuta, si Zarek.”
Nagkatawanan sila, “Loka ka. Ayusin mo ang salita mo. Baka may makarinig sa iyo isipin na niloko mo sila na hindi ka na pala dalaga,” sabi ni Bianca.
Ngumiti lang ako. Patawarin ako ng Diyos sa ginagawa kong pagtatago na single mom na ako pero kung magkakagipitan man, hinding-hindi ko itatanggi ang anak ko kahit ganoon siya. Kahit na isipin pa man ng lahat na nababaliw akong nanganak ng isang aso.
Dumating ang sandali ng party. Inipon kami ulit sa likod ng hotel, kaharap ang manager. May mga label ang mga paperbag na dala nila.
Inaabot niya ang mga iyon sa amin kung saan nakalagay ang mga gagamitin naming damit. Pumasok kami kaagad sa quarter at nagbihis.
Nang buksan ko ang bag ko, halos malaglag ang panga ko. Nanlaki ang mga mata ko at biglang uminit ang buong mukha ko sa halo-halong pakiramdam lalo na ang gulat.
"Ano 'to?!" mahina kong bulong sa sarili ko habang nanginginig ang mga kamay ko.
Ang akala kong disente at simpleng waiter uniform ay hindi pala t-shirt at pantalon o kaya ay skirt. Ang hawak ko ngayon ay isang bunny attire. Isang hapit na hapit na black corset bodysuit na parang panty lang ang hinhaba, kapares ng manipis na black stockings, isang puting collar necktie, at isang headband na may mahabang white bunny ears. May sapatos na kasama.
Tumingin ako sa paligid. Ang ibang mga babae ay gulat din, pero ang marami sa kanila ay mabilis na nagpalit para hindi matanggal sa trabaho. Ang 350 USD na kabayaran ay hindi biro para sa mga tulad naming nangangailangan ng pera. Naalala ko ang mukha ng anak kong si Zarek at ang mga pagkain na kailangan namin nina Nanay. Napalunok ako. Wala akong choice. Para sa pamilya ko, titiisin ko ito.
Nanginginig kong isinuot ang bunny headband. Sobrang ikli nito at halos lumuwa ang singit ko, pero pinilit kong tatagan ang loob ko. Isinuot ko ang sapatos na de takong.
Naging sobrang busy ang mga sumunod na oras. Ang malaking ballroom ng hotel ay parang isang palasyo ng mga hari. Ang tugtog ng violin at piano ay umaalingawngaw sa buong paligid. Ang mga lalaking dumadalo, mga sikat na bilyonaryo, pulitiko, at mga negosyante sa New York ay may kakaibang kisig at awtoridad. Ang mga babae naman ay nakasuot ng mga nagniningningang gown.
Kahit anong pilit kong mag-focus sa pagbubuhat ng tray ng champagne, hindi ko maiwasang makaramdam ng takot. Ramdam ko ang malalagkit at mapanuring tingin ng mga mayayamang bisita sa aming mga naka-bunny suit. Nakikita ko ang ilang pagnanasa ng mga mayayamang lalaki na mukhang kinapon na mga Buddha.
"Nessa, dalhin mo itong tray ng pinakamahal na champagne doon sa VIP lounge sa pinakataas na palapag. Siguraduhin mo na siya ang makakatanggap niyan at ang iinom. That is a gift from one of his visitors. Matthew Arizmendi,” utos ng isang senior manager sa akin, "Bilisan mo, kadarating lang ng may-ari ng hotel. Huwag na huwag kang magkakamali."
"O-Opo," sagot ko.
Binuhat ko ang tray at sumakay sa private elevator papunta sa penthouse at VIP lounge ng hotel kahit na mas kinabahan ako dahil parang hari ang haharapin ko. Bakit ako? Dapat maging masaya ako na ako ang napag-utusan. Kaya lang ay natatakot ako dahil hindi ako sanay na humarap sa ganitong mga kaimportanteng tao.
Pagkarating ko sa pinakataas na palapag, napansin kong mas tahimik dito kumpara sa maingay na ballroom sa ibaba. Ang pasilyo ay nababalot ng mahinang liwanag, at ang malalaking salamin ay nagpapakita ng magandang tanawin ng gabi sa New York. Malayong-malayo ito sa lugar na pinanggalingan ko na kapag may umiilaw sa paligid, baka mata ng mga lobo o ng mga kung anong masamang nilalang sa kagubatan.
Habang naglakad ako papunta sa pinto ng VIP room ay palinga-linga ako. I saw a door. May isang digital scanner sa gilid. Sa itaas ay may nakasulat doon na pangalan. Alam kong iyon ang sadya ko. Biglang bumukas ang pinto ng private elevator sa dulo ng pasilyo. Isang lalaki ang lumabas, napapaligiran ng apat na naglalakihang bodyguard.
Siya ang pinakamakapangyarihan at pinakamayamang businessman sa buong New York, ang may-ari ng hotel si Matthew Arizmendi.
Matangkad siya, may malalapad na balikat, at nakasuot ng isang napakamahal na black suit. Ang kanyang itim at wavy na buhok ay bahagyang magulo, at ang kanyang panga ay napakatatalas. Sa unang tingin, mukha lang siyang isang tipikal na ruthless billionaire ng Manhattan, pero ang totoo, lihim niyang pinamumunuan ang buong siyudad na ito. Napalunok ako ng laway.
Bata pa pala siya. Bakit parang kilala ko siya? Malamang kilala ko talaga siya. Lumalabas siya sa magazines at diyaryo. Hindi ko lang inakala na ganito siya kagandang lalaki. Paiba-iba ang kanyang buhok, may pagkakataon na sobrang kulot. Baka nagpapa-keratin siya.
Yumuko ako agad para magbigay-galang, habang nanginginig ang mga kamay ko sa hawak kong tray. Hindi ko siya kilala. Para sa akin, isa lang siyang makapangyarihang bilyonaryo na may-ari ng pinagtatrabahuhan ko ngayon.
Habang naglalakad si Matthew sa pasilyo, biglang huminto ang kanyang mga hakbang sa tapat ko.
Tumingin siya sa akin. Tumingin din ako at ngumiti nang kaunti. Kahit ang taas ng takong ng sapatos ay hindi pa rin ako halos pumantay sa tangkad niya. Tinitigan niya ako sa aking white bunny ears na suot, bumaba sa suot kong hapit na corset suit, hanggang sa bumalik sa mukha ko.
Biglang nagbago ang expression niya. Ang kanyang mga kamao ay lihim na nakakuyom sa matinding galit at pagkabigla habang mariin siyang napatingin sa akin. Ang kanyang panga ay umigting sa hindi ko maipaliwanag na dahilan.
"Who..." ang baritono at malalim niyang boses ay bumasag sa katahimikan ng pasilyo, "...gave you the permission to wear that kind of trash inside my building?”
Napakunot ang noo ko sa narinig ko. Nagtataka ako at hindi ko maintindihan kung bakit galit na galit ang bilyonaryong si Matthew Arizmendi sa suot ko.
Bakit parang kasalanan ko pa?
Isang simpleng waitress lang ako na sumusunod sa orders ng management para kumita ng pera. Hindi ko naman alam na bawal pala ang ganitong damit sa paningin niya. Sila naman ang may bigay nito at hindi naman ako ang pumili.