KAYSA unti-unti siyang utasin ng nararamdamang tension, napagpasyahan ni Darrina na umalis na muna. Nagpunta siya sa bahay ng kaibigang si Pony at doon naisip na ilabas ang pressure na dala-dala niya mula pa kahapon nang mag-usap sila ni Cayel.
“Talaga?” bulalas ni Pony nang sabihin niya ditong inalok siya ni Cayel ng kasal. “Inaya kang magpakasal ni Cayel? As in Cayel Rodriguez?”
Napangiwi siya sa reaksiyon nito. “Sinabi ko na nga, di ba? Paulit-ulit?”
Manghang naupo ito sa katapat niyang upuan sa terrace ng bahay ng mga ito at tinitigan siya. “H’wag mong sabihing dahil pa rin ito sa kissing scene ninyo dun sa bar? Isang buwan nang mahigit na nangyari ‘yun, Darrina.”
“Hindi, Ponsettia! At h’wag mo nang mabanggit ang tungkol do’n! Walang kinalaman ‘yun sa alok niya!” nagdudumilat na sagot niya. “Makinig ka nga muna bago ka mag-react!”
“O, e, bakit nga? Sabihin mo na!”
Sandali muna siyang nanahimik bago ipinaliwanag kay Pony ang lahat. Sinimulan niya iyon dun sa gabing naging bisita nila si Don Marciano.
“Ibig sabihin, may taning ang buhay ni Senyor? Kaya ginagawa ito ni Cayel.”
“Kung maka-taning ka naman d’yan! May sakit lang at nagpapagamot. Ginagawa ito ni Cayel kasi ito ang hiling ni Don Marciano.”
Tumangu-tango ang kaibigan niya habang kunot-noong nakatingin sa kaniya. Humugot siya ng hangin.
“Ano bang gagawin ko, Pony?” tanong niya na ipinanlaki ng mga mata ng kaharap.
“Himala! Buong pahanon ng pagkakaibigan natin, ngayon ka lang nagkaproblema na nagtanong sa akin kung ano’ng gagawin mo. Mukhang big deal talaga ‘yan sa’yo, ah!”
“Oo naman! Ikaw nga ang yayaing magpakasal ng hindi mo naman boyfriend!”
“Kung si Cayel ang magyayaya aba, e papayag talaga ‘ko!” sagot nito. “Pero siyempre magkaiba naman tayo ng outlook, ano? Ano bang pakiramdam mo sa proposal niya?”
“Hindi ko alam. Basta ang iniisip ko lang, itong tungkol kay Don Marciano,” aniya at napahawak sa noo at hinimas iyon. “Malaki ang utang na loob ko sa kaniya, Pony. Halos ilagay ko nga sa dambana ang pangalan ng matandang ‘yon dahil sa tulong niya sa pamilya ko. At alam mo ‘yan. Madalas ko pang mabanggit sa’yo na sa graduation ko, iimbitahin ko talaga si Senyor. At kapag nagkatrabaho ako, bibigyan ko siya ng special na regalo.”
“Yun naman pala! E, di pumayag ka na. Kung para kay Senyor naman pala ang gagawin nyo ng apo niya.”
“Pero wala sa plano ko ang mag-asawa nang ganitong edad. At saka nag-aaral pa’ko, di ba?”
“Bakit, patitigilin ka ba ni Cayel sa pag-aaral kapag kasal na kayo? Ano ba ang usapan nyo?”
Tumingin siya sa kaibigan. “Sabi niya ako ang masusunod sa lahat.”
“O, ano pang inaalala mo? Na hindi mo naman dyowa si Cayel? Hindi mo siya gusto? Bakit siya, sinabi ba niyang gagawin niya ito dahil gusto ka niya?”
Parang nainis siya sa tanong na ‘yun n Pony. Nasaling ang hindi dapat masaling sa kaniya.
“Hindi ‘yon ang rason niya at wala akong pakialam kung hindi niya ako gusto! The feeling is mutual.” Palihim siyang umirap.
“See? Patas lang kayo. Gusto n’yo lang mapasaya si Senyor kaya nyo susuungin itong mundong hindi pa kayo handa pareho. Tinulungan ka ng Lolo ni Cayel, e, di ibalik mo ang tulong sa apo. Dahil para naman din ito sa matanda.”
Natahimik siya. Paminsan-minsan, may point din naman ang kaibigan niya.
“Saka ilang beses ko nang sinabi sa’yo, na hindi lahat ng bagay sa buhay mo, kailangang naka-plano. Sabi ng Lola ko, ang pag-aasawa kung minsan parang magnanakaw. Biglang dumarating sa panahong hindi ka nakahanda.”
“DARRINA! Hija!”
Napalundag siya sa tawag ng ama. Sinulyapan niya ang orasan sa night table at nakitang may sampung minuto na ang napalipas niya sa harap ng tokador. At wala siyang ibang ginawa doon kundi titigan ang sariling repleksiyon. Hindi siya makapaniwalang nasayang ang ilang minuto niya sa pag-iisip.
“Darrina!”
Kinatok na siya ni Ambo kaya tumayo siya at tinungo ang pinto ng silid. Bakit pakiramdam niya ay tinawag siya ng ama para ibalita ang oras ng kaniyang pagbitay?
“Nandiyan na ang hinihintay mo.”
Hindi niya sinadyang sapuhin ang dibdib. Pakiramdam kasi niya ay lulukso palabas ang puso mula doon at kailangan niyang pigilan kundi ay mamamatay siya ng wala sa oras.
Napatingin siya muli sa ama at bumungad sa kaniya ang maaliwalas na mukha nito. Kagabi pa lang ay nakapag-usap na sila. Kasunod ng balitang pinuntahan niya sa mansion nito si Don Marciano. Inamin naman sa kaniya ng ama na hindi nga ito ginigipit ng matanda.
Pero kilala niya ang ama. Kahit pa mukhang maayos na ang lahat, alam niyang hindi pa rin ito matatahimik. Importante para dito ang palabra de honor.
Kaya hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang bukas ng mukha ni Ambo. Oo, alam din nito ang tungkol sa pinag-usapan nila ni Cayel. Ang tungkol sa alok na kasal ni Cayel. Ang tungkol sa hindi pa maliwanag na kondisyon ni Don Marciano. Pero bakit ang tingin niya ay nakakasigurado na ito sa magiging sagot niya? Ganoon ba kalaki ang pag-asa ng ama? Ganoon ba kalaki ang pagsampalataya nito sa kaniya bilang anak nito? Na siya ang tutuldok ng agam-agam nito sa nabitiwang pangako kay Don Marciano? Talaga bang nakahanda na ang kaniyang ama na ipamigay siya alang-alang sa kasunduan na iyon?
Ibig sumama ng loob niya pero hindi niya iyon mapilit sa ngayon. May mas malaking issue siya na dapat pagtuunan ng pansin.
“Mukha namang nakahanda ka na, e, babain mo na ‘yung tao,” wika ni Ambo na umuntag sa kaniya. “Maiwan na kita. Sumunod ka kaagad, Hija.”
Pag-alis ni Ambo ay binalikan niya ang salamin at sinipat ang sarili. Walang kinalaman ang bisita niya sa kaniyang ikinikilos. Lagi talaga niyang tinitiyak na maayos siya kapag humaharap sa mga tao.
Pababa na siya ng hagdan nang madinig ang tawanan sa sala ng kanilang bahay.
“Mas pilyo pala ang kapatid mo kaysa sa’yo nung bata, Hijo. Samantalang kapag nakikita ko si Clyde sa mga okasyon dito sa atin ay parang hindi man lang ito marunong ngumiti.”
“Marunong po siyang ngumiti, Mr. Manaig. Kaya lang po kasi, nababawasan ang app-” Naputol ang sinasabi ni Cayel nang mamataan siya nito. Tumayo ang binata at ngumiti habang nagsimula namang kabugin nang matindi ang kaniyang dibdib.
“Hi,” bati nito pagkuwa’y yumukod. Yumukod para damputin ang bouquet na nasa tabi nito sa kinauupuang sofa. Muntik nang mapabuka ang bibig niya kundi pa niya napigilan ang reaksiyon.
Nakita niya ang paglapit nito sa kinatatayuan niya. Hindi siya nakagalaw agad kaya pinanood na lang niya ito.
“For you.”
Alam niya na masamang usok ang ibinubuga ng mga mata niya sa sandaling ‘yon. Pero bakit hindi man lang natitinag ang binata at nakangiti pa rin ito?
Imbes na kunin ang bouquet na inaalay nito ay matiim siyang tumingin sa binata bago binalingan ang mga magulang.
“Ama, Ina, aalis na po muna ako. Babalik din ako agad,” paalam niya at nakita ang bungkos ng violets na yakap-yakap ng ina. Natulala siya.
“Siyempre meron din ako!” ngingiti-ngiting sabi ni Karmela.
Lumipad ang mga mata niya kay Cayel at namangha. Kinukuha nito ang loob ng mga magulang niya!
“Lumakad na kayong dalawa, Darrina. Cayel, pakihatid mo na lang dito ang aming unica hija.”
“Wala pong problema, Mr. Manaig,” sagot ng binata bago muling humarap sa kaniya. “Let’s go?”
Hindi niya ito sinagot. Lumapit siya sa mga magulang at humalik sa mga ito. Nagpatiuna na rin siya palabas ng bahay nila diretso hanggang sa gate. Ni hindi niya nilingon ang nilalang sa kaniyang likuran. Tumunog ang magarang kotseng nakaparada sa tapat. Pinagbuksan siya ni Cayel ng pinto, pero hindi siya kaagad sumakay.
“Cayel, magkalinawan nga muna tayo," mahinahong sabi ni Darri nang harapin si Cayel.
Nawala ang ngiti ng binata nang mapansin ang tono niya. "May problema ba, Darri? Sinabi ko naman sa'yo na babalik ako rito, di ba?"
"Alam ko 'yun Cayel. Ang gusto kong linawin mo ay itong ginagawa mo.”
Maang na napatingin sa kaniya ang binata na hanggang doon ay hawak pa rin ang bouquet. “Ano’ng ginagawa ko?”
“Iyan!" aniya at inilahad kay Cayel ang bouquet na hawak pa rin nito. "Bakit may bulaklak? Pati nanay ko meron din? Cayel, gusto ko lang ipaintindi sa'yo na hindi mo ‘ko makukuha sa ganito.”
“Alam ko ‘yun, Darri. Naisip ko lang na haharap ako sa mga magulang mo. Gusto kong may bitbit man lang ako sa pagtapak ko sa tahanan nyo. Hindi ‘yung sarili ko lang ang dala ko samantalang hihiramin ko ang oras mo.”
Natahimik siya. Ganoon ba ‘yun? Maniniwala ba siya rito?
“At kung makatawa ka ha, parang wala kang problema sa Lolo mo?”
Napaawang ang mga bibig nito. “My God, Darri! Pati ba ‘yun pinapansin mo pa? Kahit sinong tao, tambakan mo man ng problema, may karapatan pa ring tumawa. Maiksi lang ang buhay ng tao sa mundo. Madalas pa, hindi natin gusto ang mga nangyayari sa buhay natin. Pero hindi naman ibig sabihin no’n na kailangang malungkot at magmukmok na lang tayo parati. Happiness is a choice, Darrina.”
Natahimik siya. Ang daming nalalaman! Pero aminado siya na totoo ang mga katagang sinabi ni Cayel. Marahil ay magkakaiba lang ang mga tao ng paraan sa pagharap sa mga problema. At obviously, magkaiba sila ni Cayel. Dahil kung tutuusin, ito dapat ang mas haggard dahil sa kondisyon ng Lolo nito, pero hindi. Mukha itong matinee idol na naligaw sa village nila.
“Here,” anitong iniaabot sa kaniya ang bungkos ng mga makukulay na bulaklak. “Tanggapin mo na. They’re for you, Darrina. Magtatampo ang mga ‘yan kapag inisnab mo lang.”
Ilang sandali muna niyang tinitigan ang mga bulaklak. Pakiwari niya ay kinakawayan siya ng mga dahon noon habang nag-aabang naman ang mga talulot sa pagdampi ng tungki ng kaniyang ilong.
Huminga siya nang malalim bago ikinilos ang mga kamay para abutin ang bouquet. “Salamat."
ILANG araw ang lumipas mula nang araw na sunduin siya ni Cayel at muling mag-usap. Binigay na niya rito ang desisyon at pilit pa niyang tinatagan ang sarili sa pagsabing hindi niya ito kayang tulungan.
Nakita niya nang araw na iyon ang sobrang pagkalumo ni Cayel. Mistula itong nabagsakan ng langit at lupa. Pilit ang ngiti na iginawad nito sa kaniya. Alam na alam niyang nabigo ito sa pag-asang mapaligaya ang abueo.
Gusto niya sanang bawiin ang isinagot, pero hindi niya alam kung bakit hindi niya nagawa. Pinigilan siya ng hiya at pride. Tanging konsolasyon na lang ay alam niya sa sarili na hangad niya ang paggaling ni Don Marciano mula sa anumang karamdaman nito.
Nagtungo ulit si Darrina sa opisina ng Marciano Rodriguez Foundation, Inc. dala ang mga photocopy ng utility bills na siyang kulang sa mga requirements niya. Sa ilang programa noon ay dalawa ang kabisado na niya ang proseso; ang educational at ang health care. First come, first served doon, at may numerong ibinibigay sa bawat pumapasok. Kumuha siya ng number sa nakatalagang guard at saka naupo sa waiting area. Napangiti sa kaniya ang isa sa mga staff na nasa counter at may inaasikasong aplikante.
“Saan daw na eskwelahan? Bakit natumba?”
“Sa Alipit Elementary School, habang namamahagi ng school supplies. Siguro ay dahil na rin sa pagod. Kagagaling lang din kasi ni Don Marciano sa isang charity event.”
Agad umangat ang tingin niya sa mga nag-uusap. Ang isa, senior staff ng foundation, kausap ang ilan pang beneficiaries na kakilala niya lang sa mukha.
“E, kumusta naman daw si Senyor? Saang ospital dinala? Sana naman ay hindi malala..”
“Ang sabi ni Miss Bridgette, maayos naman daw at nagpapahinga na lang. Nasa mansion lang daw at doon na lang pinupuntahan ng doctor niya.”
Hindi na siya nagdalawang-isip. Pagkatapos niyang maiabot sa staff ang kulang sa requirements at ma-interview nang sandali ay nagpaalam na agad siya at mabilis na lumabas ng building. Isang lugar lang ang nasa isip niyang pupuntahan habang sumasakay ng tricycle.
Hindi gaya noong una, walang masyadong itinanong sa kaniya ang mga bantay sa mansion ng mga Rodriguez. Pinapasok na siya ng mga ito at isa sa mga guards ang naghatid sa kaniya sa assistant ni Don Marciano. Halatang nagulat ang babae sa pagdating niya. Pero mas naroon ang tuwa nang sabihin niyang dinadalaw niya ang Don.
“May bisita po kayo, Senyor!” masayang balita ni Miss Bridgette sa matandang amo habang magkasunod silang pumapasok nito sa malamig at maluwang na silid.
“Darrina!” The old man looked surprised when he saw her. Nakaupo ito sa gilid ng kama at pinagsisilbihan sa pagkain ng dalawang katulong.
Alanganing ngiti ang gumuhit sa mga labi niya. “Good afternoon po, Don Marciano!” Sandali niyang iginala ang tingin sa kabuuan nang malaking silid. Kahit yata pagsamahin ang kusina at salas ng bahay nila ay mas malaki pa ring di hamak ang silid ni Don Marciano. Even his bed was huge. One-forth lang yata sa kabuuang sukat ng kama nito ang sukat ng kama niya.
“I’m glad to see you here, Darrina, Hija! Tuloy ka!” anyaya nito at dinampot ang table napkin saka nagpahid sa bibig. Sinenyasan nito ang mga katulong. Hinila naman ng mga iyon palayo ang overbed table. “Please, sit down. Ano ang sadya mo, Hija?” tanong nito at itinuro sa kaniya ang sofa.
Umiling siya. “Hindi po ako magtatagal, Don Marciano. Dumaan lang po ako para kumustahin kayo,” wika niya at sandaling natigilan nang makita ang pagdami ng guhit sa noo ng matanda. “U-uh… g-galing po kasi ako sa opisina ng foundation. N-narinig ko po sa isang staff… ang nangyari sa inyo sa school sa Alipit,” paliwanag niya.
Masuyong ngiti ang iginawad sa kaniya ng kaharap, pagkuwa’y tumayo ito at lumakad palapit sa kinatatayuan niya.
“I’m fine, Hija. Nahilo lang ako dahil sa pagod. Isa pa’y mainit sa open field kung saan kami namahagi ng school supplies. Hindi pa kasi natatapos ang ipinagagawa roong covered court.”
Pinagmasdan niyang mabuti si Don Marciano. Ilang araw na mula nang huli silang magkita at sa tingin niya ay nabawasan ang sigla sa anyo nito.
“Lolo…”
Her heart bounced when she heard that voice. Alam niya kung kanino ang boses na iyon, pero hindi niya alam kung bakit tila nayayanig ang kaniyang dibdib. Nilingon niya ang gawi ng pintuan at nakita ang pagpasok doon ni Cayel. Nakita niya rin ang pagbaha ng sorpresa sa mukha nito nang matagpuan siya roon.
“Darri?”
She nodded at him. Wala na siyang ibang sinabi bagkus ay bumaling na lang muli sa matanda. “Magpapaalam na po ako, Senyor.”
“Why don’t you stay for lunch, Hija?” anyaya ni Don Marciano. “Sabayan mo si Bridgette. Bababa rin ako para masamahan kayo.”
“Hindi na po,” mabilis na tanggi niya. “Magpahinga na lang po kayo dito sa kwarto n’yo. Isa pa, baka naghihintay na rin sa akin sina Ina sa bahay. Salamat na lang po.”
Tumango ang matanda. Nilingon niya ang assistant at nagpasalamat dito. Minsan pa siyang nagpaalam na aalis bago tuluyang tumalikod.
“Darri…”
Sinulyapan niya si Cayel. “A-aalis na’ko…” aniya at humakbang na palabas ng silid hanggang sa may pasilyo.
“Bridgette, samahan mo hanggang sa paglabas si Darrina.” Narinig niyang utos ni Don Marciano.
“Ako na lang, Bridgette,” tinig ni Cayel bago siya tuluyang nakalayo.
Maya-maya ay naramdaman na niya ang pagsunod ni Cayel. She just continued walking with her heart pumping so hard. Gusto na nga niyang liparin ang palabas ng mansion dahil pakiwari niya ay kakapusin na siya ng hangin.
“Darri…”
Bahagya niyang nilingon si Cayel at nakita niya itong sinasabayan siya.
“You really surprised me. Sa lahat ng tao, ikaw ang huli kong inaasahang makikita rito.”
“N-nagpunta lang ako para kumustahin si Don Marciano. Hindi ko rin inaasahang makita ka ngayon.”
“Umuwi lang ako para i-check si Lolo. Pabalik na rin ako ng restaurant. Ikaw? Pauwi ka na ba n’yan? Ihahatid na kita.”
“Cayel…” Nasa may patio na sila nang bigla siyang huminto.
Tumigil din si Cayel at pinagmasdan siya. “Yes, Darri?”
She looked at him for a while. “May gusto sana akong linawin tungkol sa pinag-usapan natin noong isang araw.”
Kumunot ang noo nito. “What about it?”
She wrapped her arms around her body. Humugot siya ng hangin at saka muling tumingin dito. “Ang sabi mo matagal mo nang alam na may sakit ang Lolo mo. And you’re worrying about his condition, right?”
Ilang sandaling hindi nakakibo si Cayel, nakatingin lang ito sa kaniya. Hindi niya alam kung may balak itong sagutin ang tanong niya, pero nagpatuloy siya sa sinasabi.
“Kung totoong nag-aalala ka kay Don Marciano, bakit gan’yan ka, Cayel? Bakit gumagawa ka ng mga bagay na pwedeng makapagpalala sa kondisyon niya?”
“Ano bang ginagawa ko ang tinutukoy mo, Darri? Can you get straight to the point?”
“You know what I’m talking about, Cayel. Ayoko mang aminin ito, pero sa lahat ng pagkakataon na nakikita kita, tinitingnan ko rin kung sino ang babaeng kasama mo. It’s always a different girl, Cayel. I guess you never dated a similar woman twice. Kaya nga bagay kang tawagin na Casanova…”
He stared at her, his brows furrowed. “Casanova? Is that how you label me? Darri, sila ang kusang lumalapit sa akin.”
“Na hindi mo tinatanggihan. Cayel, ganun na rin ‘yun.”
“‘Yan ba ang gusto mong linawin sa’kin, Darri? Gusto mong malaman kung ilang babae na ang dumaan sa buhay ko? You already have sentenced me. Pero ano bang kinalaman nito sa Lolo? ”
“Dahil sa’yo mismo nanggaling na tradisyon sa pamilya n’yo ang arranged marriage,” sagot niya. “If you know about the tradition and you worry about Don Marciano’s condition, then why are you womanizing? Is that how you think about your grandfather’s health?”
Natigilan na naman ito. A tinge of guilt flashed in his eyes. Then she suddenly realized that she was being harsh on questioning him. Sigurado naman kasing nag-aalala talaga ito para sa sariling abuelo.
She sighed. “C-Cayel, pasensiya ka na sa mga tanong ko. N-naguguluhan pa rin kasi ako, e. Pinag-isipan ko nang maraming beses ang hinihingi mong tulong sa akin, pero kahit saan ko tingnan talagang malabo, e.”
Nakakaunawang tango ang ibinigay ni Cayel. “I know it’s not that easy. And I’m sorry if tried to change your mind.”
“Tama ka, Cayel. Hindi talaga madali. Hindi rin biro kung sakali. Malabo. Pero isang bagay lang ang malinaw sa akin at mas naging malinaw sa akin mula nang mabalitaan ko ang nangyari kay Don Marciano sa eskwelahan…” Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila pagkatapos ng sinabi niyang iyon.
“Ano ‘yon, Darri? Pwede ko bang malaman?”
She looked at him and met his eyes. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang tumango. Hindi niya mailarawan ang halu-halong emosyon na naaaninag niya sa mga mata ni Cayel. Samantalang tila naman siya magkakaroon ng heart attack sa sobra-sobrang kaba.
“Y-you mean..?”
“Yes, Cayel. Tinatanggap ko na ang alok mo. Gawin na natin kung anong hinihingi ni Don Marciano. Let’s get married, but we will do it in my terms.”