MAS maagang nagising si Michelle nang araw na iyon. Madilim pa ang paligid nang iwan niya ang nahihimbing na si Noah at pumunta sa dalampasigan. Ngayon ang huling araw nila sa resort. At gusto ng dalaga na bago sila bumalik sa siyudad ay malaman niya kung may kakayahan pa rin ba siyang magpagalaw ng tubig at apoy. Baka kasi katulad ng abilidad niyang magpagalaw ng ibang bagay ay pasulpot-sulpot lang din iyon. Malayo sa kabihasnan ang kanilang resort kaya panatag ang kaniyang loob na walang maliligaw doon nang ganoong oras at makakita sa ginagawa niya. Si Noah naman ay siguradong tanghali nang magigising dahil napuyat na naman ito sa masamang panaginip. Bangungot na hanggang ngayon ay hindi pa rin nililinaw sa kaniya ng nobyo. Creepy daw iyon kaya mas mabuti nang wala siyang alam. Dal