Ember's POV
Marahas na itinulak ni Dean si Jarred dahilan para ito ay mapaatras sa mga kasamahan niya. Isang matalim na huling sulyap ang binigay niya kay Jarred bago ako lapitan.
Napaatras ako sa gulat nang hawakan niya ako sa isa kong braso at agawin ang isang aklat na hawak ko. Hinila niya ako para maglakad na.
Nilingon ko si Cara na malaki ang ngisi kay Jarred at malamang na inaasar na naman niya ang huli.
Ang dalawa niyang pinsan ay maangas na nilagpasan ang grupo nila Jarred at sumunod sa amin.
Napatingin ako sa braso kong hawak ni Dean bago siya sulyapan.
Seryoso at madilim ang aura niya na parang kahit sino ang umistorbo sa kanya ay masisigawan niya.
Tahimik na lamang akong nagpahila sa kanya hanggang sa makarating kami sa sasakyan niya. Si Cara ay kumaway nalang sakin bago sumakay sa sasakyan nila. Ang dalawang pinsan niya ay sa katabing sasakyan ni Dean sumakay at nauna na silang pinaandar iyon.
Pinagbuksan niya ako ng pinto ng sasakyan. Pumasok ako sa front seat at umayos ng upo, habang siya naman ay umikot sa kabilang side at pumasok sa driver seat.
Walang kumikibo sa amin hanggang sa makalabas kami sa school. Seryoso lamang siyang nagda-drive.
"Luluwas ako ng Manila pagkahatid ko sa 'yo." Bigla niyang sabi.
Napalingon ako sa kanya pero nasa daan ang mga mata niya.
Ang kaalamang aalis siya ay nagbigay lungkot sakin.
"G-ganoon ba? Mag-ingat ka sa biyahe," mahinang sabi ko at tumingin na sa labas ng bintana.
Napansin ko ang unti-unting pagpatak ng mga ulan hanggang sa bumuhos ito ng malakas.
"Kapag wala ako ay iwasan ko si Jarred Fernando." Napalingon ako sa kanya at napakagat-labi sa kaseryosohan niya.
Sumulyap siya sakin, mata sa mata bago bumaba ang tingin niya sa labi ko.
Mabilis siyang nag-iwas ng tingin sakin at mas binilisan pa ang patakbo ng sasakyan niya. Nakaramdam ako ng takot dahil basa ang kalsada at malakas pa ang buhos ng ulan.
"D-dean, dahan-dahan lang.." Nahihintakutan kong sabi habang tinitingnan ang dinaraanan namin.
Ang akala ko ay hindi siya makikinig sa akin pero unti-unti ay binagalan niya ang patakbo ng sasakyan niya.
"Don't bite your lips, it's tempting." Malamig niyang sabi.
Hindi ko pinansin ang sinabi niya dahil kinakalma ko ang dibdib mula sa kaba. Nakakatakot ang daan dito sa amin kaya ang mga motorista rito ay kalmado lang kung magpatakbo ng sasakyan nila. Itong si Dean ay sigurado akong kaskasero magpatakbo. Hindi siya maaaksidente noon kung mabagal lang ang pagtakbo niya ng sasakyan niya.
"Aalis lang ako ng ilang araw, Ember. Ayoko ng may mga lalaking umaaligid sa 'yo." Napalingon ako sa kanya at kumunot ang noo.
"Bakit?" Wala sa sariling tanong ko.
"Because, I like you. Ayokong may ibang lalaki ang nagkakagusto sa babaeng gusto ko." Diretsa niyang sagot sakin habang ang mga mata ay nasa daan pa rin.
Pakiramdam ko ay namumula ang mukha ko ngayon. Nag-iwas ako ng tingin sa kanya at binigyang atensyon ang labas ng bintana.
"Nagkakaintindihan ba tayo?" Seryoso niyang tanong.
Imbes na lingunin siya ay sumagot nalang ako, "O-okay."
Para akong tangang lutang at hindi makapaniwala sa mga akto niya. Nabibigla ako at hindi pa nasasanay.
Sinabi na niya na gusto niya ako pero naroon pa rin sa dibdib ko ang alanganin. At isa pa, parang ang bata ko para sa kanya.
"D-dean?" Tawag ko sa kanya ng hindi siya sinusulyapan.
"Hmm?" Sagot niya.
"Ilang taon kana?" Tanong ko.
"27." Sagot niya.
Saktong paglingon ko sa kanya ay ang paghinto ng sasakyan niya sa tapat ng bahay namin.
"Ang tanda mo na pala." Bigla kong nasabi.
Ngumisi siya sakin.
"I'm not that old. Baby face pa nga ako sabi ng marami." Mayabang nyang sabi.
Natatawa ko siyang inirapan bago lumabas ng sasakyan niya. Ganoon din siya.
Mabilis akong lumakad sa pinto ng bahay namin dahil umuulan. Inilabas ko ang susi na nasa bulsa ng palda ko at binuksan ang pinto.
Nilingon ko si Dean na nagpapagpag ng sarili dahil sa ulan.
"Pumasok kana muna." Anyaya ko sa kanya.
Gulat siyang tumingin sakin pero nginitian ko lang siya.
Ibinaba ko ang bag ko sa isang sofa at dumiretso sa kwarto ko. Kumuha ako ng isang malinis na towel at muling pumunta sa sala. Inabot ko sa kanya ang towel na kinuha ko.
"Magpunas kana muna. Basa ka," sabi ko.
Kinuha niya iyon sakin bago ngumisi. Pupunta sana ako sa kusina para ipagtimpla siya ng kape pero hinila niya ang isa kong braso.
Nakaramdam na naman ako ng kakaiba nang maramdaman ko ang mainit niyang palad.
"B-bakit?" Kinakabahan kong tanong.
Ngumiti siya sakin bago inilapat ang towel sa katawan ko.
"Ikaw ang gumamit nito. Kaya ko ang sarili ko sa lamig pero hindi ko kayang labanan ang init kapag hindi ka nagtakip ng towel." Natatawa niyang sabi.
"Huh?" Lito kong sambit.
"Aalis na ako at baka magkasala pa ako ngayong gabi. Mag-ingat ka rito." Sabi niya bago hinila ako palapit sa kanya.
Napayuko ako ng bahagya nang ilapit niya ang mukha niya sakin.
Napapikit ako at tulad ng una ay dinampian niya ng marahan na halik ang noo ko. Ilang segundo ang itinagal ng labi niya roon bago ako bitawan.
Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa pinto namin. Siya na mismo ang nagsara ng pinto habang ako ay naiwan na tulala sa sala namin.
Nakaramdam ako ng kirot at lungkot sa pag-alis niya. Anong ibig sabihin nito? Gusto ko na ba siya?
Kinabukasan ay matamlay akong pumasok. Kagabi ko pa naiisip si Dean simula nung umalis siya. At pakiramdam ko ay hirap na hirap ako ngayon.
Naiinis kong ginulo ang buhok ko sa harap ng salamin na nasa kwarto ko. Nagbibihis na ako para pumasok.
Ember, bata ka pa. Mayaman 'yon, mahirap ka lang. Bawal siyang mahalin.
Kausap ko sa sarili ko.
Inayos ko ang uniform ko lalo ang buhok kong nagulo. Nagsuot ako ng medyas at black shoes bago kinuha ang bag pack ko at isinukbit sa balikat ko.
Maganda ka, Ember. May iba pa dyan na mas babagay sa 'yo. Turo ko sa sarili ko sa salamin bago tuluyang lumabas ng bahay namin. Ini-locked ko ang pinto at pumara na ng tricycle.
Nang makarating ako sa school ay wala pa si Cara. Dumiretso nalang ako sa classroom namin mag-isa.
Pagpasok ko sa classroom namin ay may ilan na akong classmate na naroon. Nandoon na rin si Miss Venna sa harapan na ikinagulat ko pa. Sobrang aga naman yata niya ngayon.
Nakayuko nalang ako pumunta sa table ko. Ramdam ko agad ang mga mata ng ilang classmate ko sakin. Nasanay na ako sa kanila pero hindi ngayon na mukhang pati si Miss Venna ay nasa akin ang mata.
Huminga ako ng malalim at binuklat nalang ang libro kong hawak para magbasa-basa. Hindi ko na sila tiningnan o nilingon man lang.
Sa paglipas ng bawat minuto ay unti-unti nang nagdadatingan ang iba pa naming kaklase. Napaangat lang ang mga mata ko nang may kumalabit sakin, si Cara na maluwang ang ngisi sakin. Tumango lang ako sa kanya at ibinalik na ang atensyon sa libro kong hawak.
"Ang aga yata ni Miss Venna ngayon?" Bulong sakin ni Cara nang makaupo siya sa katabing table ko.
Nagkibit-balikat ako sa kanya dahil ako din mismo ay walang alam kung ano ang trip ni Miss Venna ngayon.
"Magandang umaga sa lahat. Ngayong kumpleto na kayo ay sasabihin ko na sa inyo kung bakit maaga akong pumasok ngayon," umpisa ni Miss Venna. Isinara ko ang librong binabasa at nilipat ang atensyon sa kanya. "Kaya maaga ako ngayong pumasok ay dahil magpapaalam ako sa inyo na mawawala ako ng isang buong linggo. May teacher naman sakin na papalit pansamantala. Makikilala ninyo siya mamayang hapon."
"Ma'am, bakit ka po magli-leave ng one week? May sakit po ba kayo?" Tanong ng isa naming kaklase.
Napangiti si Miss Venna ay umiling, "Wala akong sakit. Naimbitahan ako ng kababata kong si Mr. Deangelo Mondego sa isang vacation trip kasama ang buong family niya."
Napalingon sakin ang ilang kaklase namin. Ang iba ay kinikilig at naghihiyawan dahil sa tuwa para kay Miss Venna. Habang ako ay hindi maintindihan ang nararamdaman pero isa lang ang alam ko, masakit.
Siniko ako ni Cara kaya napatingin ako sa kanya.
"Nasaan si Dean?" Tanong niya.
"N-nagpaalam siya sakin kagabi na luluwas siya ng Manila," sabi ko at pinilit ipakita sa kanya na ayos lang ako.
"So, ibig sabihin nagsasabi ng totoo si Miss Venna?" Iritable niyang bulong.
Nagkibit-balikat ako at hindi nalang kumibo. Biglang sumama ang pakiramdam ko at para akong nawala sa mood.
"Aalis na ako ngayon, class. Bibilhan ko nalang kayo ng pasalubong." Pakinig kong sabi ni Miss Venna. "Miss Nobleza.." Napatalon ako sa gulat nang tawagin niya ako. Napaangat ang tingin ko sa kanya. "Anong gusto mong pasalubong?" Matamis ang ngiti niya pero alam kong hindi totoo 'yon.
Umiling ako sa kanya, "Wala po, Ma'am. S-salamat po."
Narinig ko ang ilang tawanan ng ibang kaklase namin. Hindi ko nalang pinansin dahil pakiramdam ko ay mas lalong bumibigat ang dibdib ko ngayon.
"Bye, class!" Malakas na sabi ni Miss Venna sa amin.
"Bye po, Ma'am! Pasalubong po!" Sabi ng ilan sa kanila.
Hinigit ni Cara ang braso ko. Napatanga ako sa kanya nang makitang badtrip siya ngayon.
"Wala yatang klase, tara na!" Tumango ako sa kanya at tuluyang nagpahila.
Habang naglalakad kami ay sige ang talak ni Cara. Sumasakit na ang tainga ko.
"Anong ginagawa ni Dean?! Gusto ka niya pero bakit si Miss Venna ang niyaya niya para sa vacation trip kasama ang family niya?! Naku ha! Makita ko lang yang si Dean mo, ilalampaso ko 'yan sa sahig! Nanggigigil ako sa kanya!" Talak niya pa.
"Ano ka ba, Cara? Wala namang namamagitan sa amin ni Dean kaya bakit ako ang yayayain niya sa vacation trip na 'yun? Isa pa, kababata niya si Miss Venna kaya walang masama kung iyon ang yayain niya." Paliwanag ko kahit ako mismo ay alam sa sarili kong may kirot sa dibdib ko.
Inirapan niya ako bago hawiin ang buhok niya.
"Sana hindi niya pinaramdam sa 'yo na gusto ka niya kung ganito ang gagawin niya! At 'yang Venna na 'yan, namumuro na 'yan sakin! Pasalamat siya at teacher siya sa paaralan na 'to, kung istudyante din siyang katulad natin, malamang na may kinalagyan na siya sakin!" Nakasimangot nitong sabi.
"Hayaan mo na, Cara." Tanging nasabi ko.
Sa pagkakaalam ko ay mayaman si Miss Venna. Maganda, sopistikada, at mataas ang natapos sa pag-aaral. Siya ang higit na nababagay kay Dean at hindi ako.
Lilipas din siguro ang kung ano man 'tong nararamdaman ko. At ang bata ko pa para dito kaya imposible na magtatagal ito. Baka crush ko lang si Dean kaya ako nagkakaganito.
Oo, crush lang ito. Isang paghanga na kukupas din.