Ember's POV
Siniko ako ni Cara nang makita niyang tahimik lamang ako habang kumakain kami. Kahit naman itago ko na hindi ako apektado ay alam kong alam niya at ramdam niya ako ngayon. Hindi ko siya magiging bestfriend kung hindi namin ganoon kakilala ang isa't isa.
Nilingon ko siya at matalim niya akong tiningnan. Kumunot ang noo ko sa kanya.
"Bakit?" Tanong ko.
"Huwag ka nga pa-apekto sa lalaking 'yon! Ang gawin mo, kapag bumalik siya ay wag mo siyang pansinin. Deadma to the max ang gawin mo sa kanya! Nang magtanda ang gago!" Iritado niyang sabi.
Huminga ako ng malalim at nag-iwas ng tingin sa kanya.
Apektado nga ako, may magagawa ba ko? Ni ayaw ko nga sa hindi ko maintindihan na nararamdaman kong ito, e. Hindi ako handa at pakiramdam ko ay hindi ko kayang dalhin.
"Hayaan nalang natin," sagot ko.
Napailing siya sakin at sumubo nalang ng isang kutsarang kanin.
Napatalon ako sa gulat nang may humampas sa likod ng upuan ko. Parehas kaming napatingin ni Cara sa likuran ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita siya.
"L-logan?" Sambit ko.
Habang si Cara, "Ahh! Logan! You're back?!" Excited nitong tili bago mabilis nakalapit kay Logan at niyakap ito ng mahigpit.
Natawa si Logan at niyakap din pabalik si Cara. Siya ang isa pa naming matatawag na bestfriend. Last year ay umalis siya kasama ang family niya para sa Canada niya ipagpatuloy ang pag-aaral niya. Ngayon ay kakauwi lang niya at hindi ko alam kung anong nangyari.
Tumayo na rin ako nang bitawan siya ni Cara. Nakangiti akong lumapit sa kanya at niyakap din siya.
"Welcome back!" Bulong ko sa kanya nang mayakap ko siya.
"Namiss ko kayo," sabi niya bago ako bitawan. "May mga manliligaw na ba kayo?" Natatawa niyang tanong habang paupo sa plastic na upuan na nasa tabi ko.
Naupo na rin ako, ganoon din si Cara na malawak ang ngiti.
"Ako wala, si Ember mayroon na pero mukhang sablay!" Tumatawang sabi ni Cara.
Inirapan ko siya at inilingan si Logan. Pati siya ay natawa.
Silang dalawa talaga ang malakas mang-bully at ako lagi ang target nila.
"Sablay yung manliligaw o sablay si Ember?" Pang-aasar niya.
Pinalo ko ang braso niya na ikina-hagalpak nila ng tawa.
"Bakit ka ba umuwi? Dapat doon kana lang sa Canada!" Kunwa'y inis kong sabi na ikinangisi niya.
"Dito na ako ulit. Masyadong boring doon sa Canada. Hindi tulad dito, may mga baliw akong kaibigan," sabi niya habang natatawa.
"At magaganda pa!" Dugtong ni Cara sabay hawi sa buhok niya.
"Nga pala, nag-enroll kana ulit dito?" Tanong ko kay Logan habang tinatapos ang pagkain ko dahil malapit na ang oras ng klase namin.
"Bukas pa ako mag-e-enroll. May klase pa kayo?"
"Yup! Dalawang subject nalang. Wait mo ba kami?" Si Cara na katatapos lang uminom ng tubig.
"Gusto ko kaso may lakad pa ako. Bukas nalang, samahan n'yo ko mag-enroll." Sabay kaming tumango ni Cara sa kanya.
Humiwalay ng daan sa amin si Logan dahil binisita lang daw niya kami muna bago siya tutulak sa isa pa niyang lakad.
Pumasok na kami ni Cara sa Math subject namin. Ang alam ko ngayon na ipapakilala ang substitute teacher ni Miss Venna. Sana lang ay hindi katulad niyang masungit.
Sabay kaming naupo ni Cara sa mga upuan namin..
"Sino kaya ang teacher natin ngayon? Sana lalaki tapos gwapo!" Excited na sabi niya.
"Kahit sino basta hindi masungit," sagot ko sa kanya at inayos ang bag ko sa gilid ng upuan ko.
Maingay pa ang ilang kaklase namin dahil wala pa ang teacher namin. Kahit siguro saang classroom, kapag wala pa ang teacher ay parang mga nakawala sa kural ang mga istudyante, katulad ng sa amin ngayon. May nag-aasaran, nagku-kwentuhan, naghahabulan, at may mga naglalaro pa jackstone sa sahig.
Tumahimik na lamang ako habang si Cara ay kadaldalan ang isa pa naming kaklase na babae. Si Rizza.
Bubuklatin ko sana ang libro kong nasa desk ko nang biglang kumalabog ang pinto ng classroom namin. Malakas iyong bumukas at natahimik lahat ng maiingay.
Dalawang tao ang pumasok sa classroom namin habang malalaki ang ngisi sa labi. Napanganga kami ni Cara sa nakikita.
"Magandang hapon mga bata!" Malakas at nakangising aso na bati ni Gustavo sa aming lahat. "Kami muna ang teacher n'yo ngayon habang wala pa si Venna," siniko siya ni Joaquin. Umubo siya kunwari at muling ngumisi. "Este, Miss Venna."
"Ako nga pala si Joaquin Mondego at ito ay si Gustavo Mondego. Pinsan kami ng may-ari ng school na ito at kami ang naatasan para bantayan kayo sa loob ng isang linggo. Ayos ba sa inyo 'yon?"
Nagtilian ang ilang babae naming kaklase habang ang mga lalaki ay sumagot lang ng yes.
Nagkatinginan kami ni Cara. Mukhang parehas kaming walang tiwala sa dalawang ito.
"At dahil ito ang unang araw namin bilang inyong gabay o guro ay hindi muna tayo magle-lesson ngayon. Kundi, doon tayong lahat sa gym para mang-hunting ng chix!" Natatawang sigaw ni Joaquin. Si Gustavo naman ang sumiko sa kanya ngayon at tila may sinesenyas. "I mean, hahanap tayo ng mga babaeng makakalaro ninyo para sa gagawin nating activity. Maglalaro tayo ng volleyball o kaya ay badminton. Okay ba sa inyo 'yon?"
Sumang-ayon agad ang mga mababait naming kaklase. Kami ni Cara ay napailing lang.
"Nasisira ba ang ulo ni Deangelo at itong dalawang ugok na 'to ang inatasan niyang magturo sa section natin?" Naiiritang bulong sakin ni Cara. "Ano ang ituturo nila sa mga kaklase nating lalaki? Mag-sight seeing ng mga babae? Ngayon palang unang araw nila ay nakikini-kinita ko na ang kapalpakan nila!" Naiiling na dagdag niya.
Tumango ako sa kanya bilang pagsang-ayon.
Ni hindi namin naisip na sila ang papalit kay Miss Venna. Sa kalokohan nilang 'yan? Wala talagang matututunan ang mga istudyante sa kanila. At isa pa, dapat talaga dalawa sila na maging teacher namin? Nakakaloka.
Napatayo na rin kami ni Cara nang sabay-sabay tumayo ang mga kaklase namin.
Nang tingnan ko ang mag-pinsan ay nagbubulungan ang mga ito at mukhang may tinitingnan na naman na babae sa kaklase namin. Siguradong kaya sa gym nila kami dadalhin ay dahil naroon ang mga tipo nilang babae. Napailing ako at isinukbit na ang bag ko.
"Hi, Ember at Cara!" Bati nila nang makita kaming palabas na ng pinto.
Ngumiti ako sa kanila habang si Cara ay tamad lang silang tiningnan.
"Hello!" Bati ko.
"Playing volleyball and badminton? Really? Baka playing with girls." Bulong ni Cara sa tabi ko pero nakaabot sa pandinig ng dalawa dahil sabay pa silang tumingin kay Cara.
Ang akala ko ay magagalit sila kay Cara pero ngumisi lamang ang mga ito bago kami lagpasan.
Tuluyan akong hinila ni Cara palabas ng classroom namin at sumunod na sa mga kaklase naming papunta na ng gym.
"Tambay nalang tayo sa gym, huwag na tayo sumali sa walang kwentang pa-activity ng dalawang 'yon. For sure puro mga magagandang babae ang kukunin ng mga 'yon." Irap niyang sabi na ikinatawa ko.
"Hayaan mo na sila. Wala tayong magagawa naman, e." Hinawi lang niya ang buhok niya sa inis at hindi na ako sinagot.
Dumating kami sa gym at may ilang higher level kaming kasabay na mukhang may activity din sa mga oras na ito. Napailing si Cara nang makita ang mag-pinsan na may kinakausap ng grupo nang mga babae sa hindi kalayuan.
"Told you!" Sabi niya sakin bago umirap sa mag-pinsan na walang alam na minu-murder na sila ni Cara sa isipan nito.
Nagkibit-balikat nalang ako at dumiretso sa mga upuan. Sa bandang sulok ako naupo para hindi matao, sumunod sakin si Cara at naupo din sa tabi ko.
"Pustahan tayo, sa isang buong linggo ganito lang ang gagawin natin," wika niya habang tinitingnan ang mukha niya sa salamin niyang hawak.
"Hindi naman siguro," sagot ko habang tinitingnan ang mga kaklase namin na kanya-kanya na ng mundo.
"Tingin mo may ituturo ang dalawa na 'yan sa atin? Wala, Ember. Wala. Walang aasahan sa mga 'yan, promise." Naiiling niyang sabi at tila dismayadong-dismayado sa dalawang mag-pinsan.
Sa maghapon na dumaan ay walang nangyari. Ang activity na sinasabi ng mag-pinsan ay sila lang ang nag-enjoy dahil sila ang nakipaglaro sa mga babaeng kinuha nila mula sa higher level. Ang mga kaklase namin ay natutuwa lang na pinanood sila habang ang iba ay naglaro nalang ng badminton.
Palabas na kami ng gate ng school ay hindi pa rin makapaniwala si Cara sa nangyari kanina.
"O-M-G talaga, Ember! Walang kwenta ang mag-pinsan na 'yan! Hindi sila mabuting ehemplo sa mga kabataang tulad natin at dinudungisan nila ang magandang pangalan ng mga guro!" Naiirita nitong himutok habang pinapaypayan ang sarili.
"Enjoy nalang natin kasi pagbalik ni Miss Venna wala ng ganyan. Alam naman natin kung gaano ka-strict 'yon," sabi ko habang inaayos ang bag ko sa pagkakasukbit sa balikat ko.
"Atleast kahit may sapak sa ulo 'yang si Miss Venna, may natututunan naman tayo sa kanya kasi nagle-lesson siya hindi katulad nung dalawa! Nakita mo ba kanina ang ginawa lang nila? Jusmiyo, Ember!"
Tuluyan na akong natawa sa kanya dahil mukhang na-stress siya sa mag-pinsan. Natigil lang ako sa pagtawa nang may humintong sasakyan sa harapan namin.
Bumukas ang pinto sa driver seat at natulala ako nang makita kung sino ang dumating.
"Mukhang hindi ka natiis ng prince charming mo ha! Huwag mong pansinin!" Bulong ni Cara pero alam ko namang kinikilig ang bruha.
Seryoso lang ang mukha ni Dean habang naglalakad. Sinulyapan niya kami ni Cara at dumiretso na sa pinto ng front seat. Binuksan niya iyon at parang may kung anong tumusok sa dibdib ko nang makita kung sino ang nakaupo doon.
Siniko ako ni Cara pero wala akong ganang harapin siya.
"Out." Pakinig kong utos ni Dean kay Miss Venna na ngayon ay nakasimangot sa kanya.
Nagdadabog na lumabas ng sasakyan si Miss Venna. Napalunok ako nang tingnan niya ako ng matalim bago irapan.
Hindi isinara ni Dean ang pinto sa front seat, lumapit siya sa amin ni Cara na ipinagtaka ko.
"Come with me, Ember. You can come with us too Cara, if you like," bungad niya sa amin.
"At saan mo naman kami dadalhin? May kasama kana, isasama mo pa kami." Pagtataray ni Cara.
"Sa isang resort lang, bukas din ang balik natin. Ako na bahala sa inyo. Galing pa akong Manila at pumunta ako dito para sunduin kayo. Please, Ember?" Tila pagod ang mga mata niyang naghihintay sa sagot namin.
Nagkatinginan kami ni Cara.
"Okay," biglang sagot ni Cara na ikinatitig ko sa kanya. "Bakit pinababa mo si Miss Venna? Ibig sabihin si Ember sa front seat?" Parinig ni Cara na hindi ko na naawat.
"Yeah. Let's go?" Yaya ni Dean.
"Deangelo!" Napalingon kami sa dalawang pinsan niya na kakaparada lang sa tabi ng sasakyan niya. "Tara na! Kasama sila?" Tanong ni Gustavo. Tumango lang sa kanila si Dean bago ibalik sa amin ang atensyon.
"Tara na, Ember! Babalik din daw niya tayo bukas." Excited na hila sakin ni Cara pero pinigilan ko siya.
"Akala ko ba huwag kong pansinin?" Kunot ang noo na sabi ko sa kanya.
Nasulyapan ko pa si Dean na kumunot din ang noo sa sinabi ko pero hindi ko siya pinansin.
"Syempre, ipinakita niya na wala siyang interes sa iba dyan kaya maging marupok kana ulit!" Tawa niya at hinila muli ako.
Nang makalapit kami sa sasakyan ni Dean ay nakatayo sa gilid si Miss Venna at tila nagpupuyos ang kalooban sa galit.
"Ember, dyan ka raw sa tabi ni Deangelo ha. Dito na ako sa back seat." Malakas ang boses na sabi ni Cara. Malamang na sinasadya niyang paringgan si Miss Venna na naman.
Napalingon ako kay Dean nang maramdaman ko ang paghawak niya sa isa kong kamay.
Malambot ang kanyang mga mata habang tinititigan ako pero nandoon pa rin ang pagod.
"Let's go. I'll take care of you, I promise."