Austeja Para akong nakalutang sa ere nang maupo ako sa couch kung saan ako pinapaupo si Zigger. Tumabi naman si Adin sa kanya saka inabot ang cell phone—na sa tingin ko ay para makita nang maayos ni Zigger ang larawan. Sinuri iyong mabuti ni Zigger. At kung kanina ay tamad lang ang ekspresiyon na nakapaskil sa mukha niya, ngayon naman ay parang kung puwede lang niyang dukutin si Ronin mula sa cell phone para muling barilin, gano'n ang gagawin niya. Kitang-kita ko rin ang pamumula ng pisngi niya. Bakat na bakat ang palad ko sa maputi niyang balat dahil na rin sa napakaliwanag dito sa living area ng bahay ni Adin. Pati nga ang namamagang parte bibig niya ay visible sa paningin ko. Mayroon pang konting pagdurugo roon kaya panay ang pahid ni Zigger gamit ang thumb o ang index finger niya.