"HIJA, anong…" Lumapit sa kanya si Mrs. Vasquez at gaya niya ay sinilip din ang loob ng silid. "Oh my God!" bulalas nito sabay tutop sa bibig habang ang mga mata ay namimilog. "Ma…" nanghihinang napahawak siya sa pinto dahil pakiramdam niya ay matutumba siya kapag hindi niya iyon ginawa. Kapagdaka naman ay dinaluhan siya ng ginang. Sa kama ay naroon nga ang fiance niyang si Arnie katabi si Dennise. Nakapayakap pa ito sa babae habang nakahiga naman si Dennise sa dibdib nito. Balot ng kumot ang katawan ng dalawa habang nagkalat sa sahig ang mga nahubad na damit. Para siyang pinatay ng mga oras na iyon. Unti-unti ay simisikip ang dibdib niya habang tuluyang nanlabo ang mga mata. Ito marahil ang dahilan kung bakit matagal ng hindi umuuwi ang binata. Sumasakit ang puso niya sa isiping iyon.