Chapter 12

1884 Words
TULUYANG nabura ang inihandang matamis na ngiti ni Sianna nang makilala ang lalaking nakaupo ng mga sandaling iyon sa swivel chair. Iyon ang lalaking naka-one night stand niya! Lihim siyang napalunok. Parang gusto niyang mag-walkout na lamang bigla. Pero hindi maaari na gawin niya iyon. Lalo na at gusto na niyang makaalis sa siyudad sa lalong madaling panahon. Ayaw rin niyang abutan ng kasal nina Wil at Rose sa Maynila. Hindi makapaniwala si Sianna na ang lalaking naka-one night stand niya ang may-ari ng malaking mansiyon na iyon. At ang nakatakdang bumili ng tripleng halaga ng kaniyang condo unit. Kung ganoon, mayaman ito? "Bakit parang nasurpresa ka sa nakita mo?" seryoso pa niyong wika na hindi rin kakikitaan ni katiting na ngiti sa guwapo niyong mukha. Sianna, business ang ipinunta mo sa lugar na 'yan. 'Wag mong kalilimutan. Kailangan mong ma-close ang deal kahit na anong mangyari! paalala pa kay Sianna ng kaniyang isipan. Saka lang siya nakabawi. Mabenta lang talaga niya ang kaniyang condo unit, hinding-hindi na niya makikita pa ang pagmumukha ng lalaking ito. Kung kailan ayaw na niya itong makita, saka naman ito panay ang sulpot sa kaniyang buhay. Isa pa, may pamilya ito. May anak. Iyon ang itinatak niya sa kaniyang isipan. A cheater! Bumalik ang ngitngit na nararamdaman niya para sa lalaking ito. Pero inisang-tabi na muna niya ang personal niyang feelings dahil sa deal na gusto niyang ma-i-close kaagad. "I-ikaw 'yong boss ni Mister Carlos?" ani Sianna nang mabawi ang tinig. "Duda ka ba?" May magara itong kotse noong makita niya ito sa tabi ng kalye. At isa pa, sa tindigan nito, halata naman na hindi ito pipitsuging tao lang. At ngayon nga, mas lalo niyang napatunayan ang bagay na iyon. Parang gusto niyang mahilo sa nalaman. Hindi na pinansin pa ni Sianna ang sinabing iyon ng lalaking kaharap niya. "Let's get down to business," sa halip ay wika niya na nagkusa ng maupo sa silyang nasa harapan ng table nito. "Ngayon naman, mukhang nagmamadali ka." "Pagpirma lang naman ho ng Deed of Sale ang ipinunta ko rito," ani Sianna na inilabas ang original copy ng Condominium Certificate of Title at inilapag niya sa harapan ng lalaking hindi pa rin niya alam kung ano ang pangalan. "Kung may iba pa ho kayong kailangan, sabihin na ninyo." Sandali lang tinapunan ng tingin ng lalaki ang title na ibinigay niya rito. Tumikhim pa si Sianna. "Hindi sa pag-aano," aniya na hindi na rin mapigilan ang kaniyang curiosity. "Malaki kasi itong bahay mo kung sa iyo nga ito." "Bakit parang duda ka na ako nga ang may-ari ng bahay na 'to?" "Hindi naman sa ganoon. Ang akin lang kasi, sa laki ng bahay mo, ano naman ang gagawin mo sa condo unit na mukhang mas malawak pa itong Study Room mo? At sa dinami-rami ng puwedeng bumili ng condo unit ko, ikaw pa talaga?" "Baka naman isipin mong ini-stalk kita?" Natigilan si Sianna sa sinabing iyon ng lalaki. Pero imposible naman. Baka nga, nagkataon lang. At sa hitsura nito, parang hindi ito iyong tipo ng lalaki na nakababad sa social media maghapon. "No," agad naman niyang tugon nang makabawi. "Balak mo bang magpatira ng babae mo sa condo unit ko? Kaya gusto mong bilhin? Triple price pa. Urgently needed?" sunod-sunod niyang tanong. "Ang dami mong sinasabi. Gusto mo bang ibenta o hindi na lang?" "Syempre, gusto," walang preno niyang tugon. Para makalayo na sa mga taong gusto niyang layuan. "Nasaan na 'yong Deed of Sale? Para mapirmahan ko na. Then, sa iyo na ang title na 'yan. Okay lang ba kung ikaw na rin ang bahala sa lahat? Katulad ng pagpapalipat ng title sa pangalan mo?" Dahil hindi na niya maaasikaso pa ang bagay na iyon oras na makaalis na siya sa Maynila. "Wala namang problema," anang lalaki na kinuha na ang Deed of Sale sa sulong ng table nito. Nakalagay iyon sa isang kulay puti na folder. "Lahat ng may pangalan mo, pirmahan mo lang. Pero bago 'yon, ano'ng prefer mo sa bayad? Cash, cheque or direct sa bank mo?" "Okay lang ba kung bank transfer na lang?" "Sure." Madali lang naman pala itong kausap kahit mukhang masungit dahil sa pagiging seryoso ng anyo nito. Kaagad niyang kinuha ang kaniyang passbook at ibinigay rito para direktang makita ang kaniyang account number at account name. "Mauuna ba ang bayad mo?" taka pa niyang tanong nang makitang nag-ta-type na ito sa cellphone nito. Mukhang mag-ta-transfer na ito ng milyones. "Dahil mukhang tamang duda ka," anito na hindi siya tinatapunan ng tingin. "Okay na." Nang mag-vibrate ang kaniyang cellphone ay kaagad niya iyong sinilip. Nag-notify sa kaniyang banking app na may pumasok na forty-five million pesos doon. Parang gusto niyang malula dahil totoo ngang seryoso ito sa pagbili ng kaniyang condo unit. Walang ligoy at walang maraming salita. Inuna rin nito ang pagbabayad para lamang hindi siya mukhang nagdududa sa kakayahan nito. Gusto niyang lumubog sa hiyang nararamdaman. Okay. Mukhang literal talaga ang pagiging mayaman nito at galit sa pera. At sa isang iglap, literal na instant millionaire na siya. Hindi pa rin siya makapaniwala. Baka nga, hindi rin siya makatulog mamayang gabi. "Hindi ka naman halatang galit sa pera?" ani Sianna nang tapunan ng tingin ang lalaki. "Barya lang 'yan," anito na inilapag na sa harapan niya ang folder. At isang ballpen na kulay itim ang tinta. "Lahat ng pangalan mo ay pirmahan mo. Saka diyan sa gilid." Oras na mapirmahan na niya ang Deed of Sale na iyon ay makakaalis na siya. Right. Kaya naman pinagpipirmahan na ni Sianna lahat ng mayroong pangalan niya at hindi na binasa pa ang mga nakasulat doon. Ilang kopya rin iyon ng Deed of Sale. Kahit wala na siyang kopya niyon ay ayos lang. Bayad na naman iyon. Ngunit sandali siyang napaisip dahil kataka-taka lang na hindi na siya tinawagan pa ng bank para sa malaking halaga na pumasok sa kaniyang bank account. Usually, tumatawag ang banko kapag may five hundred thousand pesos pataas na pumasok sa kaniyang bank account. Sana nga ay hindi na tumawag pa. Pero kung sakali man, kailangan pa rin pala niya ng kopya ng Deed of Sale na notaryado para in case na kailanganin niya ng supporting papers para sa pag-wi-withdraw niya ng malaking halaga ng pera ay mayroon siyang maiipakita sa bank. "Kailangan ko ng notaryadong copy ng Deed of Sale," aniya sa lalaki habang sige ang pirma. "Makukuha mo rin 'yon mamaya." "Done," aniya na isinara na ang folder at iniusog palapit dito. May tinawagan sa intercom ang lalaki. Hindi naman nagtagal at kaagad pumasok si Carlos. "Pakisabi kay Attorney, paki-notary na kaagad." "Masusunod po," ani Carlos na kaagad dinala sa labas ng Study Room ang folder. Kaunting hintay na lang, ani Sianna sa kaniyang isipan. Kulang na lamang ay hilahin niya ang oras. Daig pa niya ang para bang nakalutang sa ulap ng mga sandaling iyon. Nang ilibot niya ang tingin sa paligid ng Study Room ay naagaw pa ng isang box ang kaniyang tingin. "Box ko ba 'yon?" tanong niya na napatayo pa. Sinulyapan naman ng lalaki ang naturang box. "Yes," wala namang gatol nitong tugon. Hindi para ikaila pa. "Dadalhin ko 'yon sa pag-alis ko." "Ikaw ang bahala. Ikaw naman ang nag-iwan niyan sa kotse ko." Kung hindi lang niya ito ka-deal sa araw na iyon ay katakot-takot na ang maririnig nito sa kaniya. "Don't worry," ani Sianna kapagkuwan. "Kung kailangang-kailangan mo na 'yong condo unit para sa kung sino mang gagamit niyon, puwedeng-pwede na siyang tirhan kahit bukas na bukas din." "Mukhang may lilipatan ka na." Sandaling hindi nakapagsalita si Sianna. Nakatitig lamang siya sa mga matang iyon ng lalaki. Mayamaya ay umiling siya. "Wala pa. Pero madali namang maghanap. 'Yong mga gamit sa condo, hindi ko na dadalhin kaya kasama 'yon sa binayaran mo. Lahat naman ng gamit ko roon ay naalagaan kong mabuti kaya hindi mukhang luma. Maganda rin ang interior ng buong condo unit kaya sigurado ako na magugustuhan din 'yon ng titira doon. Overlooking din ang City kaya magandang tumunganga sa gabi sa may salas," inporma pa niya. Isa ang condo unit na iyon sa naipundar niya. Pinagtrabahuhan talaga niyang mabuti. Hindi rin isang pitik ng kamay ay napagawa niya ang magandang interior ng kaniyang condo. It takes time dahil nag-ipon pa siya ng pera. Kaya sa totoo lang, hindi madaling bitiwan ang lugar na iyon na saksi sa lahat ng kaniyang pinagdaanan sa buhay. Pero para sa bagong yugto ng kaniyang buhay, handa siyang bitiwan na iyon for good. Sana lang, maalagaan ng bagong titira doon ang bahay na iyon. "Gaano pa katagal bago ko makuha 'yong copy ng Deed of Sale?" "Nagmamadali ka masyado? Sabi naman ni Carlos, wala ka namang naka-schedule ngayong hapon." "Mister, hindi ako puwedeng magtagal dito sa pamamahay mo. Baka mamaya, biglang sumulpot ang asawa mo at makapagsalita ako ng hindi maganda patungkol sa iyo," seryoso niyang wika na tumiim pa ang mga labi nang maalala ang pagiging taksil nito sa pamilya. Mataman naman siyang pinagmasdan ng lalaki. Kung bakit naroon pa rin iyong tila ba nanunuot sa kaniyang buong pagkatao ang mga titig nitong iyon. "Hindi ko anak 'yong batang nakita mo sa kotse ko kahapon." "At wala rin akong pakialam kung itatanggi mo ang bagay na 'yon. Pero sana, maging loyal ka rin naman paminsan-minsan sa asawa mo. Hindi por que, nakalingat lang ang asawa ninyo, papatol na kaagad kayo sa iba. 'Wag mong idadahilan na may pangangailangan ka. Dahil 'yong mga ganiyang klase ng lalaki, ang sarap lang putulan ng kaligayahan," hindi napigilang wika ni Sianna na tumalim pa ang tinging ipinukol sa lalaking hindi pa rin niya alam ang pangalan. Hindi na rin kasi siya nag-abala pang magbasa ng Deed of Sale kanina. Basta pumirma lamang siya sa may tapat ng pangalan niya. Bago pa makasagot ang lalaki ay bumukas ang pinto ng Study Room at pumasok si Carlos dala ang kailangan niyang dokumento. "Okay na po, Sir Eliezer." Eliezer? ulit ni Sianna sa kaniyang isipan sa binanggit na pangalan ni Carlos. Well, his name suits him. Napatitig siyang muli sa lalaking kaharap. Kumuha ito ng isang kopya ng Deed of Sale at siyang ibinigay sa kaniya. "Your copy." "Thank you," aniya na kaagad iyong kinuha at inilagay sa kaniyang shoulder bag matapos bilugin. Muli niyang sinulyapan ang lalaking nagngangalan palang Eliezer. "Thank you ulit sa pagbili ng condo unit ko. It's all yours," ani Sianna na tumayo na at inilahad ang kamay sa harapan nito. For formality ng pagtatapos ng kanilang pag-uusap. Kahit paano, gusto niyang maging professional. Kahit sa huling pagkakataon. "Masyado kang nagmamadaling umalis," ani Eliezer na ni hindi pinansin ang kamay niyang nakalahad sa harapan nito. "Hindi ko pa na-di-discuss 'yong tungkol sa isang papel na pinirmahan mo." Isang papel na pinirmahan niya? "H-ha? Deed of Sale lang naman ang pinirmahan ko, 'di ba?" "May isa pa. 'Yong pinakahuling papel na pinirmahan mo." Naibaba na niya ang kamay at may pagtataka nang ilapag niya sa may ibabaw ng lamesa nito ang bag niya at kunin doon ang binilog niyang papel na buong akala niya ay Deed of Sale lamang. Saka lang niya nakita ang nakabukod na papel, sa may hulihang bahagi ng Deed of Sale ng kaniyang condo unit. Isa iyong contract. Napaawang pa ang kaniyang mga labi nang mabasa kung para saan iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD