Chapter 15

1447 Words
AT ANG MALL pa na pinagdalhan kay Sianna ni Carlos ay sa mall pa ng mga mayayaman. Tipong magdadalawang isip ka kung papasok ka pa ba sa loob ng mall o hindi na lang? Lalo na kung tama lang ang pera na dala mo. Palibhasa, wala sa lugar na iyon ang mga simple lang na brand na abot kaya ng mga simpleng tao. Puro luxury brand ang naroon. "Sa ganito rin ba pinapupunta ni Eliezer ang mga babae niya?" hindi napigilang itanong ni Sianna kay Carlos nang pumasok sila sa isang store. Mga presyo pa lamang doon ng damit ay iiyak tiyak ang bulsa mo. "Hindi. Ikaw pa lang ang nagkaroon ng privilege na pumunta rito na na-link kay Sir Eliezer. Wala siyang panahon ngayon sa mga babae." "Noon?" "Hindi rin." Ngayon pa lang? Pati ba ang pagbibigay ni Eliezer ng sarili nitong black card ay ngayon lang din nito ginawa sa buong buhay nito? "Take your time," wika pa ni Carlos na hinayaan na siyang mamili ng mga damit. Hindi naman napigilan ni Sianna na tingnan ang presyo ng isang dress na nakita niya. Maganda iyon, ngunit hindi ang presyo. Agad niyang binitiwan ang tag price nang makitang tumataginting na isang milyong piso ang naturang dress. Seriously? halos mawindang niyang bulalas sa kaniyang isipan. Hindi siya para gumastos sa ganoong klase ng damit. "Puwede bang doon tayo sa mumurahin lang?" tanong pa ni Sianna kay Carlos. "Lipat na lang kaya tayo ng mall?" Kahit may go signal siya mula kay Eliezer na bilhin ang kahit na ano, ayaw niyang samantalahin iyon. "Walang ganoon dito sa mall na pinuntahan natin, Miss Melendrez. Hindi rin tayo puwedeng lumipat sa ibang mall," ani Carlos na napilitan ng makisuyo sa isang sales clerk na ilabas ang lahat ng nababagay sa kaniyang kasuotan. Halos malula na lamang si Sianna nang ang pinakamagagandang design ang ilabas sa store na iyon. Maganda rin ang presyo. Aatakihin ka sa puso kahit na wala ka namang sakit doon. Kumpleto mula ulo hanggang paa ang mga inilabas na kasuotan para sa kaniya na akma sa kaniyang sukat. "Kukunin namin lahat," ani Carlos sa store manager na tumulong sa pag-aasikaso sa kanila. "Carlos, gusto mong mamulubi ang boss mo?" apila niya rito. Paladesisyon din ito. "Wala lang 'yan," paninigurado pa nito sa kaniya. Gustong malula ni Sianna nang makita ang halaga ng mga napamili nila sa luxury store na iyon. Lumipat pa sila ng ibang boutique dahil para bang hindi pa nakuntento si Carlos sa mga pinamili nila. Gusto niyang pigilan si Carlos sa pagiging paladesisyon nito sa mga bibilhin niya, pero para bang naka-program na ito na ang susundin lang nito ay ang utos dito ng amo nito. Ang ending, sobrang dami niyang gamit na lahat ay luxury brand. Sa overall nilang pinamili, nalampasan pa niyon ang halaga ng ibinayad ni Eliezer sa kaniyang condo unit. Literal na nalulula siya ng mga sandaling iyon. Ramdam na ramdam niya ang tayog ng lalaking naka-one night stand niya. Totoo nga na maraming babae ang gugustuhing pumalit sa kaniyang puwesto. "Punta lang ako sa restroom," paalam pa ni Sianna kay Carlos nang makakita ng restroom. Nang makapasok sa loob ng restroom ay saka lamang nakahinga nang maluwag si Sianna. Never niyang naranasan iyong ganito kalalang pag-sa-shopping. Para bang siya pa ang sasakit ang ulo. Paano kung magalit si Eliezer? Napakislot si Sianna nang makarinig ng pagtikhim. "Small world, huh?" Nang makita si Rose ay ganoon na lamang ang pagsama ng timplada ng kaniyang mukha. Sino ba ang gaganahang makita ang babaeng ito? Sa daming lugar, dito pa talaga niya ito makikita. Sianna, relax, marami kang pera sa bank account mo kaysa sa babaeng 'yan, paalala pa sa kaniya ng epal niyang isipan. Right. Hindi siya dapat magpaapekto sa isang babaeng mang-aagaw at ni hindi marunong magtrabaho at tumayo sa sariling paa. Tiningnan pa siya ni Rose mula ulo, pababa sa kaniyang paa. Bago bumalik sa kaniyang mukha ang tingin nito. "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong pa nito. "Ano naman ang pakialam mo?" aniya na nawalan na ng ganang magbawas ng panubigan. Akmang lalampasan niya si Rose nang hamigin pa nito ang braso niya. "Ano ang pakialam ko? Pakalat-kalat ka lang naman sa harapan ko," uyam pa nito sa kaniya. "I heard, wala ka ng trabaho." Lumabas din sa mismong bibig nito. Sabi nga, nahuhuli ang isda sa sariling bunganga ng taong involve sa isang partikular na insidente. At si Rose? Kusang nagpapahuli sa kaniya na may kinalaman nga ito sa pagkawala niya ng trabaho. "So what?" "Nakita ko rin na pinagbebenta mo na 'yong condo unit mo. Poor you, Sianna. Gusto mo bang umuwi na lang sa bahay? You can use my room. Tutal naman, sa malaking bahay na ni Wil ako tumitira ngayon. Wala ng tumutulog sa room ko. You can use it now." Hindi talaga ito titigil na galitin siya. Iyong bahay ni Wil, wala pa sa kalahati ng bahay ni Eliezer na siyang tutuluyan niya ngayon. Sa isip tuloy ay napairap si Sianna. "Bakit naman ako babalik sa mala-impiyernong bahay na 'yon? No thanks," ani Sianna na marahas binawi ang braso niyang hawak ni Rose. "At ang yabang mo na talaga ngayon. Concern lang naman ako sa iyo na baka isang araw, palaboy ka na lang sa lansangan. You know, anak ka pa rin ni Papa Juancho. Hindi ka na iba sa akin." Napaka-plastic talaga ng babaeng ito. Itinago na muna ni Sianna ang gigil niya kay Rose. Ayaw niyang matuwa ito dahil nanggigigil siya rito. "Bakit ba pinoproblema mo ang buhay ko? Mind your own business, Rose. Isa pa, ikakasal ka na. Dapat 'yon ang pagtuunan mo ng pansin. Baka kasi, last minute, hindi sumipot si Wil sa mismong araw ng kasal ninyo," ani Sianna na matamis pang nginitian si Rose. "Ingat." There, nakuha niya ang gustong reaksiyon ni Rose. Ang maunang mangigil sa kanilang dalawa. "Bakit? May balak ka na agawin sa akin si Wil?" she freaks out. Tumawa naman si Sianna. "Eeew, Rose. Hindi ko pupulutin 'yong taong walang kuwenta at masyadong mahina. Sa iyong sa iyo si Wil. Sabi ko naman sa iyo, itali mo sa baywang mo at baka biglang hindi um-attend sa araw ng kasal ninyo." "Sianna!" "What?" nakangiti pa rin niyang wika. Very satisfied siya sa galit na nakikita niya sa mukha ni Rose. "Kinakabahan ka na ba?" "Tingin mo, babalikan ka pa ni Wil?" halos manlisik ang mga mata ni Rose. "Nagpapatawa ka ba, Rose? Ano ba ang tingin mo? Si Wil lang ang lalaki sa mundo? Wake up, sis. Hinding-hindi ko pangangaraping balikan si Wil. Kahit sa panaginip o kabilang buhay pa o kahit sa second life. So, rest assured, hindi ako ang aagaw sa lalaking 'yon kung sakali man." "At 'wag kang magtatangka na kung ano man, Sianna. Hindi mo gugustuhin na galitin akong lalo." "Tingin mo, natatakot pa ako? Alam kong may kinalaman ka kung bakit nawalan ako ng trabaho, Rose. Masaya ka na?" Tumiim ang mga labi ni Rose. "'Wag mo akong pagbintangan." "Come on. 'Wag mo namang pagmukhaing tanga ang sarili mo sa harapan ko na kesyo wala kang alam. Bungad mo pa lang kanina sa akin, alam na alam ko na. Ang saya-saya mo siguro dahil inalis na ako sa trabaho ko. Sige lang. Pakasaya ka. Pero mahal ako ng Diyos," nakangiti pa niyang dagdag. "Hindi kasi niya ako pinababayaan. Kahit na ano pang kasamaan o kawalang-hiyaan ang ginagawa mo sa akin. Ikaw, kaysa aksayahin mo ang oras at panahon mo sa akin, mag-focus ka lang kay Wil at baka kapag nakalingat ka lang saglit, may ibang babaeng tinitira na 'yon. Hindi siya loyal. Siguro naman, aware na aware ka sa bagay na 'yon. Akala mo ba, nakabingwit ka na ng malaking isda? No." An evil grin flashes on Sianna's lips. Hindi na niya hinintay pa na makasagot si Rose. Umalis na siya sa restroom. Nahagip man ng tingin niya si Wil, na naghihintay sa labas ng restroom kay Rose, ni hindi niya ito tinapunan ng direktang tingin. Ramdam niya nang habulin pa siya nito ng tingin. "Bakit habol mo pa ng tingin ang babaeng 'yon?" hindi nakaligtas sa pandinig ni Sianna ang nanggagalaiting tinig ni Rose. Alam niyang si Wil ang sinabihan nito niyon. "Magsama kayong dalawa..." anas naman niya. Nang makalapit si Sianna kina Carlos ay nag-aya na siyang umuwi. Ang daming puwedeng makita sa lugar na iyon, si Rose pa talaga at si Wil? Ganito na ba talaga kaliit ang mundo ngayon? Iyong ayaw niyang makita, kusang bumabalandra sa kaniyang harapan. At kung bakit bigla niyang naisip si Eliezer na bigla ring sumulpot sa buhay niya kahit ang gusto na lang niyang gawin ay ang lumayo. Napabuntong-hininga si Sianna.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD