Chapter 14

1486 Words
KUNG GANOON, makakasama niya sa iisang bubong ang isang Eliezer Falcon? Napakurap-kurap ang mga mata ni Sianna nang siya ay makahuma. "Buong akala ko pa naman, genuine na gusto mong bilhin ang condo ko. Pero hindi ko alam na may iba ka palang modus." "Bayad na ang condo mo." "Ginawa mo lang front ang pagbili sa condo ko para makarating ako sa lugar na ito. Then, what? Ni hindi na ako makakalabas sa bakuran ng bahay mo dahil sa kasunduan na ni hindi ko naman talaga ginusto." "Pero pirmado mo ang kasunduan na 'yon." "Fine. It's my fault. Fault ko na gusto ko ng matapos ang ano mang transaction natin dahil gusto ko ng makaalis sa lugar na ito. Pero ang lupit mo masyado." "Ano bang malupit doon? Masama bang i-secure ang kapakanan ng anak ko kung sakali man?" "Paano ako?" "You can do whatever you want, Sianna. Puwede ka namang lumabas kung gusto mo, pero dito pa rin sa bahay ko ang uwi mo. 'Wag mo nga lang tatangkaing tumakas, dahil oras na umalis ka rito sa bahay, maraming tauhan ko ang nakasunod sa iyo. Hindi pa rin mangyayari ang gusto mo." Maraming tauhan nito? Daig pa niya iyong bantay sarado kung ganoon. "Hindi ka ba masaya o natutuwa man lang?" may pagtataka pang tanong ni Eliezer. "Mukha bang nakakatuwa itong ginawa mo sa akin?" "Maraming babae ang gustong makipag-agawan sa posisyon mo ngayon, Sianna. Maraming may gusto na tumira sa malaking mansiyon na ito. Mamuhay ng marangya at—" "Puwede ba?" apila niya dahil hindi naman siya natutuwa sa ganitong setup. Lalo na sa mga pinagsasabi ni Eliezer. "Hindi naman ako katulad ng mga babaeng nabanggit mo. Mas gugustuhin ko pang tumira sa maliit na bahay kaysa sa ganito kalaki. Oo nga, sobrang laki nitong bahay mo. Masaya ka naman ba?" Hindi nakapagsalita si Eliezer. Mukhang tinamaan ito sa sinabi niya. "Aanhin ko 'yong ganito kalaking mansiyon kung hindi naman ako masaya rito? Lahat ng nasa paligid mo, palamuti lang 'yan. Materyal lang 'yan. At 'yong kaligayahan na gusto ko, hindi nakukuha sa lahat ng materyal na bagay na nasa paligid ko ngayon, Mister Eliezer. 'Yong hitsura ko, hindi ko ikakaila na mukhang pang high maintenance ang ganda kong 'to. Pero hindi ako materialistic nak lase ng babae. Hindi naman siguro lingid sa kaalaman mo na independent akong tao, kaya 'yong mga perang pinaghirapan kong kitain, alam ko kung saan ko ilalaan. Hindi ako mag-aaksaya ng malaking halaga para sa mga mamahaling bag, damit o alahas." Lahat ng luxury bag niya, mga damit at alahas, lahat ng iyon ay regalo lang sa kaniya. Mula sa mga mamayamang nakaka-deal niya na binibigyan pa siya ng regalo. Sa mga boss niya kapag malaking pera ang naiipasok niya sa kompanya. At sa ex niyang si Wil. O 'di kaya naman ay mga occasionally gift. Basta regalo, hindi naman niya tinatanggihan. Masyado siyang kuripot pagdating sa sarili niya. Pinag-iisipan pa niya nang maraming beses kung may bibilhin siya. Ang mindset kasi niya, mag-ipon. Para sa hinaharap ay mayroon siyang dudukutin dahil wala naman siyang ibang aasahang pamilya na tutulong sa kaniya kung sakali man na magipit siya. "Kaya rest assured, hindi kita para gamitin sa pangsarili kong kagustuhan katulad ng mga babaeng gustong pumalit sa kinatatayuan ko ngayon. Na alam kong gustong makaranas ng karangyaan mula sa iyo. Isa pa," ani Sianna na nagawa pang ngumiti kay Eliezer. "Marami na akong pera na sabi mo nga, barya lang para sa iyo. Pero alam mo? 'Yong barya na 'yon para sa iyo, puwede na akong mabuhay ng hindi kailangang magtrabaho dahil buhay na buhay na ako noon." Tumiim ang tingin sa kaniya ni Eliezer. Kapagkuwan ay may kinuha ito sa wallet nito. Hinawakan ang kamay niya at inilagay sa mismong palad niya ang isang bagay. Nang bumaba ang tingin ni Sianna sa kaniyang kamay ay natigilan pa siya nang makita ang isang black card na nakapangalan mismo kay Eliezer. "Masyado mong ginagasgasan ang ego ko, Sianna. Baka gusto mong mag-shopping para naman maaliw ka?" Ibinalik ni Sianna sa kamay ni Eliezer ang black card nito. "Sorry, hindi ako magtatatalon dahil lang ipapagamit mo sa akin 'yan. At lahat ng yaman mo, safe and sound. Hindi ko pakikialamanan at hindi ko pag-iinteresan. Rest assured, hindi ako mabubuntis," animo siguradong-siguradong wika ni Sianna kay Eliezer. "Titingnan natin," ani Eliezer na nakipagtagisan pa ng titigan sa kaniya. Ni hindi nito inaalis ang tingin sa kaniya nang muli nitong ilagay sa kamay niya ang black card nito. "Hindi ko na ipakukuha ang mga gamit mo sa condo. Kaya mag-shopping ka ng mga personal na kailangan mo habang narito ka sa bahay ko." "S-sandali," apila ni Sianna dahil sa sinabing iyon ni Elieszer. "Bakit kailangan mong bawiin 'yong sinabi mo?" "May magagawa ka ba?" Natulala na lamang siya rito. "May kailangan pa akong puntahan. Kung lalabas ka, sasamahan ka ni Carlos at ng mga bodyguard ko. 'Wag mong tatangkaing takasan ako, Sianna." Seryoso talaga si Eliezer sa kontrata na iyon? Nahabol ni Sianna ng tingin si Eliezer nang maglakad na ito palabas sa Study Room. Sumunod naman dito si Sianna. Sa may labas ng pinto niya ito naabutan. "Sandali," pigil pa niya sa kamay nito. Nilingon naman siya ni Eliezer. "What?" "Seryoso ka talaga sa lahat ng mga sinabi mo? Pati 'yong kontrata na 'yon?" "Mukha ba akong nagbibiro?" Napalunok siya. Seryoso nga ang loko. "Mister Eliezer—" "Eliezer," pagtatama pa nito. "From now on, you can call me Eliezer." First name basis? Pero ito rin naman, tinatawag siya nito sa kaniyang pangalan na para bang sanay na sanay na itong banggitin iyon. Pero hindi rin naman sila close na dalawa. At saka, kung maaari nga lamang ay ayaw na niya itong makikita pa. Pero mukhang hindi ganoon ang gusto ng pagkakataon sa kanilang dalawa. Heto nga at hindi siya maaaring umalis sa poder ni Eliezer hanggat hindi natatapos ang kailangan nito sa kaniya. "Si Carlos na muna ang bahala iyo kung may kailangan ka," ani Eliezer. "I really need to go." Wala ng nagawa pa si Sianna nang magpatuloy na si Eliezer sa muli nitong paglalakad palayo. Napasandal siya sa may dingding. Kapagkuwan ay napabuntong-hininga. "Miss Melendrez," ani Carlos nang lapitan siya. Napatingin si Sianna rito. "Alam mo siguro 'yong plano ng amo mo," aniya sa tonong siguradong-sigurado sa kaniyang akusa. "Ang totoo niyan, Miss Melendrez, kanina ko lang din nalaman nang may papirmahan sa akin si Attorney." Totoo ba ang sinasabi nito? Pero kita naman kay Carlos na hindi ito nagsisinungaling. "Tingin mo, hindi na talaga magbabago ang isip ng amo mo? Masyado siyang tuso." "Sa bagay na 'yon, tingin ko ay seryoso talaga si Sir Eliezer." "Papa." Napatingin si Sianna sa batang nagtatakbo palapit kay Carlos. May dala pa iyong laruan. Nang makalapit ang bata kay Carlos ay kaagad iyong nagpabuhat dito. "Tara na po. Maglalaro." "Hindi pa puwede si Papa, anak. Si Yaya Dolly muna ang ayain mong maglaro. Sige na." Nakatitig lang si Sianna sa batang buhat ni Carlos. Ang bata na nakita niya sa kotse ni Eliezer kahapon. "Papa," wika pa ng bata kay Carlos. "Parang siya po 'yong kasama ni Daddy Ninong kahapon." Daddy Ninong? At natandaan pa siya nito? Ang talas naman ng memory ng batang ito. "A-anak mo ang batang 'yan?" hindi naman niya napigilang itanong. Tumango si Carlos. "Inaanak din siya ni Sir Eliezer," inporma pa sa kaniya ni Carlos. Kung ganoon, totoo nga ang sinabi ni Eliezer na wala pa itong anak. "At ang boss mo, wala talaga siyang asawa?" Umiling si Carlos. "Wala. Solo lang siya sa buhay. Ang mga magulang niya, sumakabilang buhay na. Masyado na rin kasing matanda ang mga magulang ni Sir Eliezer nang siya ay ipanganak. Menopausal baby kung tawagin si Sir." Hindi nga nagsisinungaling si Eliezer. At sa laki ng mansiyon nito, wala ito roong kasamang kapamilya nito. Kaya ba eager ito na masigurado kung magdadalang-tao siya o hindi? Dahil dito na rin nanggaling na nagbago na ang isip nito ngayon at gusto na nitong magkaroon ng anak. Kaya kung magdadalang tao man siya, kay Eliezer ang bata. Napatitig siya kay Migi, ang batang anak nga ni Carlos at hindi ni Eliezer. "Gusto mong bumili ng maraming toys?" tanong pa niya kay Migi. Umiling naman ang bata kaya nabura ang ngiti sa labi ni Sianna. "Bakit?" Tumikhim si Carlos. "May silid ho rito na punong-puno ng laruan para kay Migi." Wow, ani Sianna sa kaniyang isipan. Mukhang spoil ni Eliezer ang inaanak nito. "Sinabi ni Eliezer na hindi na niya ipapakuha sa condo ang mga personal kong gamit, mukhang seryoso rin siya sa bagay na 'yon." "Naulit ho ni Sir na sasamahan ko kayo sa pamimili ng mga personal ninyong gamit." Seryoso nga si Eliezer sa bagay na iyon. Ayaw naman niya na wala siyang pamalit man lang. Kaya naman wala na rin siyang nagawa kung 'di ang magpasama kay Carlos sa mall.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD