Chapter 8

2216 Words
Point of view - Angelica Sandoval - Sorry, Mommy. Sorry kung ganito lang ako kadaling susuko, pero hindi ko na kasi kaya. Ayoko nang mahusgahan ng mundo. Sinimulan kong ihakbang ang aking mga paa. Ngunit nang gawin ko ito, nanlaki ang aking mga mata nang may biglang humawak sa aking baywang at niyakap ako mula sa likuran, saka ako hinatak pabalik, dahilan upang bumagsak ang aking katawan sa isang taong pumigil sa akin. "Aray!" pag-inda ng lalaki na aking nadaganan. "Nasisiraan ka na ba?!" sigaw niya sa akin. Mabilis akong tumayo at umalis mula sa pagkakadagan sa kanya. "Bakit ka ba nangingialam? Sino ka ba?!" galit kong sigaw, sabay sa pagbuhos ng aking luha. Nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo at ang galit na nababakas sa kanyang mukha. "Sige, tumalon ka! Hindi ka naman kawalan sa mundong ito. At hindi titigil ang buhay kung mawala ka! Sige! Magpakamatay ka! Ganyan naman kayo kadaling sumuko, eh! Hindi nyo man lang inisip ang mga taong maiiwan nyo!" galit na galit niyang sigaw sa akin. Hindi ko alam kung bakit, ngunit tila may kung anong bagay ang sumuntok sa aking puso nang sabihin niya iyon. Noon ko lang naisip ang mararamdaman ni mommy kapag nawala ako. Ang aking ina na nag-iisang nagmamahal sa akin. Dahan-dahang kumalma ang aking sarili. Unti-unti kong naisip ang mga bagay na ginawa ko. Paano ko naisip na wakasan ang aking buhay? B-Bakit ko binalak ang bagay na iyon? Bakit? "Tsk!" iritableng wika ng lalaking tumulong sa akin, saka padabog na tumayo at dinampot sa sahig ang kanyang headphone na tumilapon kanina nang iligtas niya ako. Hindi niya ako nilingon, diretso lang siyang lumakad patungo sa pinto ng rooftop na ito, saka akmang bubuksan ang pinto. Nanlaki ang kanyang mata. Ilang beses niyang hinila ang pinto at inikot ang doorknob ngunit hindi ito mabuksan. "Sh*t! Alas onse na pala," inis niyang wika. Malakas niyang kinalabog ang pinto. "Guard! May tao pa rito! Guard!" sigaw niya. Noon ko lang napagtanto na ni-lock na pala ni manong guard ang pinto at naiwan kami rito sa rooftop. Agad akong tumakbo patungo sa kanyang kinaroroonan. "Sir! May tao pa po rito!" sigaw ko sabay sa malalakas na pagkatok sa pinto. "Wala nang kwenta 'yan. Napagsaraduhan na tayo," wika ng lalaking kasama ko habang lumilingon sa paligid. Tinitigan kong mabuti ang kanyang mukha at tila pamilyar ang hitsura niya. Hanggang sa maalala ko kung saan ko siya nakita. "Sir, ikaw 'yong tumulong sa akin noong nakaraan hindi ba?" tanong ko. Lumapit ako sa kanyang kinaroroonan upang makumpirma at tama nga ako. Siya iyong lalaking nagbigay sa akin ng eco bag. Tinapunan niya ako ng masamang tingin, saka iritableng nilagay ang kanyang kamay sa bulsa. "Hindi ko alam," walang interest niyang tugon sa akin saka muling lumakad palayo. Lumingon-lingon siya sa paligid at may nakita siyang isang pinto. Sa tingin ko, ito ay ang bodega kung saan nilalagay ang mga panlinis sa gusaling ito. "Let's go," pag-aya niya sa akin. Agad akong lumapit. Mabuti na lang at hindi nakasara ang pinto na iyon at agad kaming nakapasok. Hindi malamig sa loob, sapat lang ang init dito. Ngunit talagang marumi at maraming agiw. "Tanggalin mo 'yang vest mo," wika niya. Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kanyang sinabi. Gamit ang aking kamay, agad kong tinakpan ang aking dibdib dahil sa takot na baka kung ano ang gawin niya sa akin. Nang ako ay kanyang tingnan, kumunot ang kanyang noo. "What are you doing?" tanong niya. "S-Sir, h'wag po," nauutal kong wika. Isang buntonghininga ang kanyang ginawa, saka marahang hinagod ang kanyang noo. Tinanggal niya ang jacket na suot. Nagulat na lang ako nang ibato niya ito sa akin, saka lumakad patungo sa ilalim ng bintana. Sumandal siya roon at humalukipkip saka pinikit ang mga mata na animoy walang pakialam sa paligid. Tiningnan ko naman ang jacket na hawak ko. Noon ko lang napagtanto ang nais niyang ipagawa sa akin. Hindi ko alam kung bakit, ngunit naramdaman ko ang kabaitan sa lalaking ito. Kahit na suplado at tahimik siya. Alam kong mabait ang kanyang kalooban. Ngunit hindi pa rin mawawala sa aking isip ang magduda sa kanya. Siguro, natuto na rin ako dahil sa mga taong nagpapakita ng anghel na ugali. Mga taong sa ligod ng magandang mukha, nakatago ang ugaling masama. Tulad ng sinabi niya, tinanggal ko ang suot kong vest at naiwan na lang ang long-sleeved blouse ko, saka ko sinuot ang jacket na kanyang binigay upang hindi ako malamigan. Umupo ako sa opposite side na kanyang kinaroroonan. Magkaharap kami ngunit malayo ang distansya. Hindi ko alam kung bakit, ngunit natitigan ko ang kanyang mukha. Kahit nakapikit, mahahalata ang kagandahang lalaki niya. Napapaisip tuloy ako sa mga dahilan kung bakit niya ako niligtas kanina at kung ano ang ibig sabihin ng mga bagay na sinigaw niya sa akin. Dahil hindi ako mapakali, sinubukan kong ibukas ang aking labi at magtatanong sana ako sa kanya. "Ah–" "Matutulog na ko. Ayoko ng maingay," wika niya na nagpaputol sa aking sasabihin. Nanatili lang siyang nakapikit. Ang nakabukas ko namang bibig ay unti-unti kong tinikom. Ang gwapo niya pero suplado, saad ko sa aking isip. Sa paglibot ng aking paningin dito sa loob ng bodega. Hindi ko masiyadong ma-aninag ang mga nilalaman nito dahil ang nagsisilbing ilaw lang ay ang liwanag ng buwan na sumisilip sa bintana. Hanggang sa hindi ko namalayan na nakatulog na ako. *** Kinabukasan, isang sunod-sunod na pagtapik sa balikat ang gumising sa aking diwa. Kahit ramdam ko pa rin ang pagkaantok, pinilit kong ibukas ang talukap ng aking mga mata. "Hija, anong ginagawa mo rito? Off limits ito, ah?" Pupungas-pungas pa ang aking mga mata nang tingnan ko ang taong gumising sa akin. Isa itong matandang lalaki na satingin ko ay isa sa mga tagapaglinis sa gusaling ito. Agad kong inayos ang aking sarili at tumayo. "S-Sorry po, na-lock po kasi kami kagabi," tugon ko, saka lumingon sa kinaroroonan ng bintana. "'Di ba?" muli kong wika. Ngunit napagtanto ko na wala na roon ang lalaking kasama ko kagabi. "Sino ang kausap mo, hija?" tanong ni manong. Muli akong tumingin sa kanya at tinuro ang lugar kung saan naroon iyong lalaki. "N-Nakita nyo po ba iyong lalaking kasama ko?" tanong ko. Hindi ko alam kung bakit, ngunit bigla na lang napangisi si manong at umiling-iling. Nagsimula siyang lumakad at kumuha ng map at balde sa loob. "Kayong mga kabataan talaga, masiyadong mapupusok," tugon niya sa akin. Kumunot naman ang aking noo dahil sa kanyang sinabi at tila hindi ko ito maintindihan. "Dito pa talaga kayo gagawa ng milagro, ha?" pabiro nitong wika sa akin saka lumabas sa bodega. Nagsimulang uminit ang aking mukha. Maging ang tainga ko ay tila isang kamatis sa sobrang pula nang mapagtanto ko ang kanyang sinabi. "Hala! Mali ang iniisip nyo, manong!" sigaw ko sa kanya, saka nagmadaling lumabas sa bodega. *** Nang tuluyan akong maka-alis sa gusaling iyon, pilit ko pa ring iniisip kung multo ba iyong nakasama ko kagabi o dala ng matinding depresyon, kung ano-ano na ang aking nakikita. Iniling-iling ko ang aking ulo habang naglalakad ngayon sa kalsada. Nanlaki ang aking mga mata nang mapansin kong hawak ko pa rin pala ang jacket ng lalaking iyon. "So hindi nga siya multo. At lalong hindi siya dala ng hallucinations ko," saad ko. Sinuri kong mabuti ang hawak kong jacket, hanggang sa makita ko ang isang logo na nakaburda rito. Wilson University? Kung ganoon, doon pala siya nag-aaral. Isa ang Wilson University sa matataas na paaralan sa pilipinas. Kung iisipin, madalas magkalaban ang Belmonte University at Wilson University. Ngunit ano naman kaya ang ginagawa ng lalaking iyon sa rooftop? Iniling-iling ko na lang ang aking ulo upang mawala ang mga agam-agam na aking iniisip, saka muling naglakad patungo sa aming bahay. Bahala na, ibabalik ko na lang sa kanya ang jacket na ito kapag nagkaroon ng pagkakataon, saad ko sa sarili. *** Kinabukasan, hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob na muling bumalik sa eskwela. Siguro, dahil na rin sa malaking tuition fee na binabayaran ni mommy kaya nakokonsensya akong hindi pumasok. Kahit na scholar ako, malaki pa rin ang kailangang ibayad sa school at hindi ko nais sayangin iyon. Ngunit sa pagkakataong ito, ramdam ko ang pagiging iba sa mga estudyante na nasa unibersidad. Sa bawat paghakbang ng aking paa sa hallway, sumusunod ang tingin nila sa akin. Tila pinandidirihan nila ako na animoy may ginawa akong masama. "Wow! Look who's here? May lakas pa pala siya ng loob na pumasok?" "Iba rin talaga kapag makapal ang mukha." "Ewan ko ba, saan kaya kumukuha ng lakas ng loob ang babaeng ito?" Mariin kong niyuko ang aking ulo, saka binilisan ang lakad ko. Ngunit dahil hindi ako nakatingin sa aking dinaraanan, malakas akong nabangga sa isang taong nakaharang sa aking daraanan, dahilan upang ako ay bumagsak sa sahig. "Oops! Sorry! Haharang-harang ka kasi," wika ng isang estudyanteng sa tingin ko ay sadya akong binunggo. Tinaas ko ang aking ulo at tumingin sa aking paligi. Nagsimula silang lumapit sa aking kinaroroonan at pinalibutan ako. "Hindi mo pa ba napapansin, ms. pangit? Hindi ka welcome sa school na ito. Kung ako sa 'yo, mag-quit ka na lang," saad sa akin ng isang estudyanteng babae. "Oo nga, nakakadungis lang ang kapangitan ko rito." "True!" pagsang-ayon ng lahat. Natanaw ko sa hindi kalayuan si Prince, kasama si Patty na ngayon ay naka-angkla ang kamay sa kanya. Sinulyapan niya lang ako at umiwas ng tingin na animoy walang nakita. Doon lang muling pumasok sa aking isip ang lahat. Noon ko lang muling naalala ang sakit na kanyang ginawa. Bakit nga ba pumasok pa akong muli? Kaya ko pa bang matapos kahit isang semester lang sa nararanasan ko ngayon? Sinubukan kong igalaw ang aking tuhod upang sana ay tumayo. Ngunit gagawin ko pa lamang ito, muli akong napaupo nang maramdaman ang isang malamig na tubig na ibinuhos sa akin. Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kanilang ginawa. Nabalot ng tawanan ang aking paligid. "Ayan, mukha ka nang basang sisiw!" hiyawan ng mga estudyante. "Dapat lang 'yan sa kanya kasi ambisyosa siya." Mariin kong naikuyom ang aking kamay, sabay na mabilis na pagtulo ng aking luha. Ang mga tawanan sa paligid ay tila isang martilyo na unti-unting naglulubog sa akin sa lupa. Unti-unti akong nanliliit dahil sa mga sinasabi nila. Hindi ko na rin alam kung paano ako nakauwi sa aming bahay, ang alam ko lang ay mabilis akong tumakbo palabas ng unibersidad at hindi na muling lumingon pa. *** Ilang araw ang nakalipas, tuluyan na akong hindi pumasok sa eskwela. Nalaman din ni mommy ang nangyari sa akin at ang dinanas ko sa unibersidad na iyon, kaya pinayagan niya akong tumigil sa pag-aaral. Tuluyan akong sumuko, tuluyan kong tinanggap na hindi ako nabibilang sa kanila, sa mga taong may magagandang mukha. "Anak, kain na," wika ni mommy nang makapasok siya sa aking silid. "Hindi pa po ako nagugutom, ma," tugon ko. Narinig ko ang marahan niyang pagsara sa pinto, saka lumapit sa kama na kinauupuan ko. Hinawakan niya ang aking balikat, saka marahan akong niyakap. "Patawad, anak. Hindi ko alam na ganoon na pala ang nangyayari sa 'yo. Patawarin mo si mommy dahil sa maling desisyon ko," wika ni mommy na lubos na nagpasugat sa aking puso. Marahan kong nilayo ang kanyang katawan sa akin, saka ako diretsong tumingin sa kanya. "Hindi, ma. Wala ka pong kasalanan. Gusto ko rin naman po iyon. Ginusto ko ring mag-aral sa ekwelahang iyon," wika ko. Muli niya akong niyakap nang mahigpit. "'Wag kang mag-alala, anak. Na-report ko na ang ginawa nila sa 'yo at simula ngayon, hindi ka na nila masasaktan," wika ni mommy na nagpagaan sa aking puso. Naramdaman ko pa ang paghagod niya sa aking likod, dahilan upang mas mapagaan ang aking pakiramdam. Ngunit maya-maya lang, nakarinig kami ng sunod-sunod na katok na nagmumula sa pintuan. "Sino kaya iyon? Gabi na, ah?" nagtatakang tanong ni mommy. Sabay kaming lumabas ni mommy sa aking silid at nagtungo sa pinto. "Sino 'yan?" tanong ni mommy. "Ako po ang head master ng Pamilya Monteverde. May nais po akong ibalita, madame," wika ng lalaki sa labas na tumawag kay mommy na madame. Kumunot ng aking noo na tila nagtataka. Ano naman ang kailangan ng mga Monteverde sa aking ina? Hindi pa ba tapos si Patty sa pagpapasakit sa akin? tanong ko sa sarili. Sinimulang buksan ni mommy ang pinto at pinaunlakan ang lalaking iyon na pumasok sa bahay. Nang ito ay makaupo sa aming sofa. "Hindi na po ako magpapaligoy-ligoy pa, madame. Nais ko pong ihatid sa inyo ang isang masamang balita." Nagsimulang bumilis ang t***k ng aking puso. Hindi ko alam kung bakit ngunit nakaramdam ako ng lungkot kahit wala pang sinisimulang sabihin ang lalaking ito. "A-Ano 'yon?" nanginginig at nauutal na wika ni mommy. "Pumanaw na po si Sir Homer Monteverde." Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang bagay na kanyang sinabi. "Ano?!" gulat na wika ni mommy sabay sa kanyang pagtayo. Kitang-kita ko ang panginginig ng kanyang kamay at ang sunod-sunod na pagpatak ng luha sa mga mata niya. Hindi ko maunawaan kung bakit ganoon ang reaksyon ni mommy sa nangyari. At hindi ko akalain na ang pagkamatay ng isa sa mayayamang tao sa pilipinas ang magbibigay ng malaking pagbabago sa aking buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD