Point of view
- Amelia Sandoval -
Gaano nga ba kahirap ang magmahal sa taong malayo ang estado sa iyong pamumuhay? Gaano kahirap abutin ang isang pangarap na abot tanaw mo na, hindi mo naman makuha?
Simula noong college, tanging pangarap ko lang ay tanggapin ng mundong ginagalawan ko. Ilang beses akong nagpalipat lipat ng school dahil sa mga taong pinagtatawanan ako. Sa mga taong kumukutya sa aking hitsura na animoy walang tinatagong kapintasan sa katawan.
Ngunit nang aking makilala si Homer Monteverde, tila nagkaroon ako ng pag-asa sa aking sarili. Siya lang ang nag-iisang lalaki na lumapit sa akin. Siya lang ang nag-iisang tao na ninais akong maging kaibigan. Hindi siya nahihiya sa tuwing ako ay kanyang kasama, na kahit husgahan kami ng mundo, hindi niya ito pinapansin.
Si Homer ay isang lalaki na mahiyain sa tao. Noon ay madalas siyang mag-isa at hindi nakikihalubili. Ayaw niya ng nilalapitan siya lalo na ng mga babaeng nagtatapat sa kanya ng pag-ibig.
Kaya laking gulat ko na lang nang siya ay lumapit sa akin. Hindi ko akalain na siya ang unang makikipagusap sa aming dalawa dahil alam kong campus heartthrob siya. At dahil doon, sinimulan kong umiwas sa kanya.
Ngunit sadyang makulit si Homer at kahit anong gawin kong iwas, siya ang lumalapit. Hanggang sa ako na lang ang sumuko dahil sa kanyang kakulitan.
Dahil sa pagiging malapit namin sa isa't isa, madalas na akong pagtripan ng aking mga kaeskwela. Madalas na akong i-bully dahil naiinggit sila sa akin, bagay na hindi ko ninanais.
Ano ba ang dapat kainggitan sa isang gaya ko? Ako nga ang dapat mainggit sa mga gaya nila, sa gaya nilang pinagpala ng magandang mukha. Na binigyan ng karangyaan at pinanganak na may gintong kutsara sa bibig, kaya hindi ko mahanap ang dahilan na pilit nilang dinidiin sa akin.
Muli akong nagdesisyong lumayo kay Homer, para na rin sa katahimikan ng aking buhay. Ngunit hindi ko alam na dahil sa paglayo kong ito sa kanya, doon ko mapagtanto ang isang pagmamahal na hindi ko inakala. Ang isang pagmamahal na nabuo na pala sa aking puso para sa kanya.
Nais ko siyang makita araw-araw, nais kong marinig ang tinig niya na hindi ko malimutan. Kahit alam kong wala akong pag-asa na kanyang magustuhan at tanging pagtingin lang sa malayo ang aking magagawa.
Kahit ganoon, nais ko pa rin siyang maging kaibigan. Sa madaling sabi, hindi ko nagawang tuluyang lumayo sa kanya. Hanggang sa hindi ko akalain na darating ang isang araw sa aking buhay. Hindi ko akalain na may isang lalaki na magbibigay sa akin ng tunay na pagmamahal.
Nang sumapit ang araw ng graduation, pinagtapat sa akin ni Homer na gusto niya ako. Na sa kabila ng pangit kong mukha, mahal niya ako.
Noong una ay hindi ako naniwala, ngunit dahil sa kanyang pagpupursiging ipakita sa akin ang kanyang pagmamahal, tuluyan akong nahulog sa kanya. Sino nga ba ako upang tumanggi sa isang Homer Monteverde?
Tuluyan kaming pumasok sa isang relasyon. Kahit tutol ang kanyang pamilya at ang buong mundo sa aming dalawa, hindi kami nagpatinag sa mga sinasabi nila.
Ngunit hindi ko akalain na darating ang panahon na ang pagmamahal namin sa isa't isa ay masisira. Na ang lahat pala ng pinakita niya sa akin ay pawang kasinungalingan lang.
Isang gabi na bumisita ako sa kanyang condo. Hindi ko akalain na masasaksihan ko ang isang bagay na tuluyang dudurog sa aking puso.
Nahuli ko siya na may k*talik na iba, na mayroon siyang babae, isang magandang babae ang pinagpalit niya sa akin. At ito ang bagay na nag-iwan ng malalim na pilat sa aking puso.
Halos madurog ang aking pagkatao dahil sa kanyang pagtataksil at hindi ko na siya hinayaang magpaliwanag pa.
Tumatak sa aking isip na hindi na ako muling iibig pa, na hindi na ako magpapaloko pa sa mga taong kagaya niya. Ngunit sadyang hindi ko malimutan ang pagmamahal ko kay Homer. Tila siya na ang naging aking mundo, na siya na ang naging dahilan kung bakit ako nabubuhay.
Pinilit kong bumangon. Naghanap ako ng trabaho at nakakuha ng mataas na posisyon. Dahil sa malaking pera na aking naipon, nagawa kong iparetoke ang aking mukha, bagay na niregalo ko sa sarili at lubos kong kinasaya.
Tinanggap ako ng mga tao. Hinangaan nila ako. Tuluyan kong nilisan ang nakaraan at binaon ito sa limot. Nilimot ko ang dating mukha na nagbigay sa akin ng matinding pagdurusa. Ang dati kong mukha na nagdulot ng pighati sa aking puso simula pagkabata.
Tila mapaglaro naman ang tadhana, hindi ko akalain na ang magiging bagong may-ari ng kompanyang aking pinagtatrabahuhan ay si Homer Monteverde.
Hindi niya ako kilala, wala siyang ideya sa aking nakaraan at kung sino ang babaeng empleyado noon sa kanyang harapan.
Binago ko ang lahat sa akin, maliban lang sa aking pangalan. Pinanatili ko ang isang bagay na magpapaalala sa kanya ng tungkol sa akin.
Ngunit heto na naman ang aking puso, hindi ko na naman napigil ang aking kat*ngahan na muli siyang mahalin, kahit alam kong tanging ang magandang mukha ko lang ang kanyang ninanais.
Akala ko noon ay mapipigil ko ang aking sarili. Ngunit nagkamali ako, dahil muli na naman akong nagpabihag sa lalaking ito.
Mahal na mahal ko siya, ganoon katindi ang pagmamahal sa aking puso para sa kanya. At natatakot ako na kung malaman niya ang katotohanan sa kung sino ako, itaboy niya ako nang parang basura.
Lumipas ang ilang taon at tuluyan kaming kinasal. Ngunit hindi ko akalain na ang aming magiging supling ang bubuwag sa aming pagsasama bilang mag-asawa.
***
Point of view
- Angelica Sandoval -
Marahan kong hinawakan ang balikat ni mommy. Hindi pa rin tumitigil ang kanyang pagluha dahil sa nalaman niyang balita. Kanikanina lang ay umalis na rin ang head master ng pamilya Monteverde na nagparating sa amin ng masamang balita.
"Ma, tahan na," saad ko kay mommy na ngayon ay walang humpay na umiiyak.
"Hindi ko man lang siya nakita sa mga huling araw niya. Hindi ko man lang nasabi kung gaano ko siya kamahal. At hindi ko na masasabi pa ang bagay na iyon, Angel."
Kumunot ang aking noo at nabalutan ng pagtataka ang aking isip. Halohalong bagay ang nais kong itanong kay mommy ngunit hindi ko alam kung ito ba ang tamang araw na itanong ito sa kanya.
Labis ang paghihinagpis niya nang marinig ang balitang iyon, na animoy isang kamag-anak ang namatay sa amin.
"Makinig ka, Angel," saad ni mommy. Marahan niyang hinawakan ang aking balikat at diretsong tumingin sa aking mga mata. Nababakas pa rin ang lungkot at pangungulila sa mukha ng aking ina. Hanggang sa maya-maya lang, muli siyang nagsalita. "Si Homer Monteverde." Mariin akong napalunok nang banggitin niya ang pangalan na iyon. "Siya ang nagpapa-aral sa 'yo. Dahil... dahil... siya ang iyong ama."
Nanlaki ang aking mga mata sa sinabi niya.
Totoo ba ito?
Ang mga bagay na nangyayari ay tila hindi kayang tanggapin ng aking isip. Pakiramdam ko, masiyadong malaki ang rebelasyon na aking nalaman ngayon.
Hindi pa ako tuluyang nakalilimot sa sakit ng mga nangyari sa akin sa school at ngayon, heto naman ang isang bagay na muling susugat sa aking puso.
"M-Ma? sabihin mo, nagbibiro ka lang hindi ba?"
Mariing umiling si mommy. Nilagay niya ang palad sa kanyang mukha saka pinilit takpan ang mga luha niya.
Hindi ko maintindihan ang nais sabihin ni mommy. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng ama ko ang lalaking iyon. O totoo ba ang kanyang sinasabi?
Sa paglipas ng oras, nang tuluyang mahimasmasaan ang aking ina. Nagtungo siya sa aming silid at isang brown envelop ang kanyang kinuha.
Nakatitig lang ako sa envelope na iyon nang ilapag ito ni mommy sa lamesa, saka muling umupo sa sofa.
Mariin niyang pinahiran ang kanyang luha at pilit na pinakalma ang sarili.
"Angel, ito ang marriage certificate namin ng daddy mo. Ang totoo, hindi ko alam kung paano ko ito sasabihin sa 'yo dahil ayokong kamuhian mo siya. Ayokong isipin mo na masama siyang ama. Ngunit hindi ko akalain na hindi mo na rin pala siya makikilala pa."
Muli siyang umiyak nang iabot niya sa akin ang papeles na iyon.
Nang tingnan ko ang mga papeles, doon ko nalaman na totoo ang sinasabi ni mommy.
Ngunit kahit napatunayan ko na si Sir Homer Monteverde ang aking ama, tila hindi pa rin ito pumapasok sa aking isip.
***
Sa paglipas ng mga araw, tanging sa live coverage ng television lang kami nakipaglibing sa kanya. Hindi nais ni mommy na magpakita sa bagong pamilya ng aking ama at ayaw na rin niya ng gulo sa aming buhay. Mabuti nang tahimik na lang kaming dalawa. Malayo sa gulo ng pamilyang iyon. At isa pa, hindi ko rin kakayanin kung malalaman ni Patty ang tungkol sa akin – si Patty na kapatid ko pala sa ama.
Kung minsan, napapansin ko pa rin ang lihim na pag-iyak ni mommy. Pilit niya lang itong tinatago sa akin. Noon ko nalaman na labis niyang minamahal ang aking ama, na kahit anong sakit at pagtaboy sa kanya nito noon, mahal na mahal pa rin niya ito.
Kung sa akin naman, unti-unti ko na ring napagtatanto ang lahat simula nang tuluyang ipagtapat sa akin ng aking ina ang buong katotohanan.
Nalaman ko ang dahilan kung bakit nagparetoke si mommy ng mukha noon. Nais niyang matanggap ng tao. Matanggap ng mundo. Halos pareho lang pala kami ng kalagayan noon, tampulan ng katatawanan sa eskwela. Pinili niyang iparetoke noon ang kanyang mukha dahil na rin sa pagmamahal niya sa aking ama. Ngunit nang ako ay pinanganak, doon nalaman ng aking ama ang tungkol sa pagiging retokada niya na matagal niyang nilihim at galit na galit ito sa kanya, dahilan upang kami ay palayasin sa mansion.
Ang totoo, halong galit at lungkot ang aking nararamdaman. Galit ako dahil katulad lang ng ibang tao ang aking ama, mapanghusga at tanging panlabas na anyo lang ang mahalaga sa kanya. Ngunit sa kabilang banda, nakararamdam ako ng lungkot dahil hindi ko man lang naranasan at naramdaman ang magkaroon ng isang ama na nandiyan para sa akin. Nalaman ko na lang ang tungkol sa kanya kung kailang huli na ang lahat.
Minsan, hinihiling ko rin na sana ay noon ko pa siya nayakap. Na kahit sa huling sandali ay nakapagpasalamat ako dahil pinaaral niya ako sa Belmonte University.
***
Kinagabihan, habang kami ay tahimik na kumakain ni mommy, sunod-sunod na katok ang narinig namin mula sa pinto.
"Sino na naman kaya ito?" wika ni mommy, saka tumayo mula sa hapagkainan.
Ilang minuto pa ang nakalipas ngunit hindi pa bumabalik si mommg sa dining area, kaya nagdesisyon akong sundan siya.
At sa aking paglabas mula sa dining area, nanlaki ang aking mga mata nang makita ang limang nakaputing lalaki na nasa loob ng aming sala. Tila mga body guard ang kanilang hitsura.
Nakita ko naman ang nakaupong lalaki na nakasuot ng formal attire sa aming sofa katapat ni mommy.
Muling kumunot ang aking noo at sinimulang ihakbang ang aking mga paa.
"Ma, sino po sila?" tanong ko.
Agad namang napalingon sa akin ang mga taong iyon at maging si mommy ay tumingin sa aking kinaroroonan.
"Kayo po siguro si Ms. Angelica Sandoval?" tanong ng lalaking kausap ni mommy.
Nasulyapan ko ang mga papeles na kanyang hawak.
Para saan kaya iyon? tanong ko sa sarili, saka tuluyang umupo sa sofa sa tabi ni mommy.
"Opo, ako nga po," tugon ko sa lalaki.
"Nandito ka na rin naman, hindi na po ako magpapaligoy-ligoy pa, madame," saad ng lalaking iyon. "Ako po ang lawyer ni Mr. Monteverde at nais ko pong iparating sa inyo ang nakasaad sa last will and testament niya." Kumunot ang aking noo dahil sa mga bagay na sinasabi ng lalaking ito.
Ano naman ang pakialam namin sa will niya?
"Ma'am Amelia Sandoval Montemayor, nais ko pong sabihin sa inyo na ayon sa nilalaman ng dokumentong ito, si Angelica Sandoval ang magiging tagapagmana ng lahat ng pag-aaring naiwan ni Homer Monteverde. At ang nais niya, sa oras na siya ay mawala, muli kayong babalik sa mansion at doon na tuluyang maninirahan."
Naramdaman ko ang mahigpit na paghawak sa aking kamay ni mommy.
Nanlalaki naman ang aking mata sa gulat dahil sa mga bagay na sinaad sa amin ng lawyer na ito. Mabilis ang t***k ng aking puso dahil sa kaba at animoy panaginip lang ang mga bagay na aming narinig.
Sandali, totoo ba ang mga ito? Isa akong tagapagmana? Isang heredera?