Chapter 10

2642 Words
Point of view - Angelica Sandoval - Para sa aking ina, mahirap ang desisyong binigay sa kanya ng aking ama. Hindi niya alam kung dapat ba naming tanggapin ang bagay na iyon o hayaan na lang sa mas karapatdapat. Tanggap ko kung ano man ang kanyang desisyon. At para sa akin, mas mabuti na ang hindi kami makialam. Ngunit ang lawyer ng aking ama ay mapilit. Ayon kay mommy, matagal na itong naglilingkod sa aking ama at noon pa man, ito na ang lawyer nila, kaya naman pinipilit nito na tanggapin namin ang huling habilin. Sa katunayan, binigyan niya pa kami ng isang buwan upang pag-isipan ang bagay na iyon. *** Isang bagong umaga, minulat ko ang aking mga mata dahil sa tunog ng alarm ng aking cell phone. Nalimutan ko pala itong tanggalin. Hindi na rin naman kasi ako pumapasok at tuluyan nang nag-drop out sa school, kaya wala na ring saysay ang paga-alarm ko. Habang nakahiga, tinaas ko ang aking kamay at inabot ang cell phone na nakapatong sa lamesa. Nang tuluyan kong ma-off ang alarm, nagsimula ako bumangon sa aking higaan at lumabas sa aking silid upang maglinis ng aking mukha at katawan. Ngunit sa paglabas ko ng washroom, narinig ko ang sunod-sunod na hikbi na nagmumula sa silid ni mommy. Unti-unting bumibigat ang aking puso sa tuwing naririnig ko ito. Hanggang ngayon, kahit ilang araw na ang lumipas, patuloy pa rin si mommy sa pagdadalamhati. Ramdam ko ang sakit na kanyang nararamdaman. Nagtungo ako sa kanyang silid at hindi ako nagkamali, naabutan ko siya roon na nakaupo sa kama at yakap niya ang wedding picture nila ni daddy. Hindi ko mapigilang hindi malungkot dahil sa aking nakikita. "Ma?" panimula ko, dahilan upang siya ay lumingon sa aking direksyon. Mariin niyang pinahiran ang kanyang luha at mapait na ngumiti sa akin. "Halika, Angel. May ipapakita ako," wika niya sa akin. Ngumiti ako kay mommy, saka sinimulang ihakbang ang aking mga paa patungo sa kanyang kinaroroonan. At saka ako umupo sa kanyang tabi. Binuksan ni mommy ang drawer na malapit sa amin, saka nilabas ang isang photo album. "Sorry kung huli na para ipakita ko sa 'yo ito. Sana pala noon palang ay pinakilala ko na sa 'yo si Homer," wika ni mommy. Tiningnan ko ang album na kanyang binuksan. Doon ko nakita ang mga ngiti sa mukha ni mommy na hindi ko pa noon nakita. Ang bata pa nila sa litrato at iba't ibang bansa ang kanilang pinuntahan. Doon ko rin nakita ang nakangiting labi ni Sir Homer, dahil sa tuwing nakikita ko siya sa TV o sa campus, madalas siyang seryoso at nakasimangot. Hindi ko tuloy alam kung masaya ba siya sa kanyang pamilya. Ngunit dahil sa mga litratong pinakita sa akin ni mommy, nalaman kong labis na nagmamahalan ang dalawa. "Mommy, ano po ito?" pagturo ko sa isang litrato na nakasingit at napapatungan ng isa pang litrato. Tila pilit itong tinatago ngunit napansin pa rin ng aking mata. "Ito ba?" wika ni mommy, saka kinuha ang litratong iyon. Nang mamasdan ko ito, nanlaki ang aking mga mata nang makita ang isang babaeng may hindi magandang mukha. "Ito ang totoo kong mukha, Angel. Tinago ko talaga ito para hindi ko malimutan kung ano ang hitsura ko noon," tugon ni mommy. Mariin akong napalunok nang kuhain ko ang litratong ito. Labis akong nabilib dahil magkamukhang magkamukha kami. Ilong, mata, labi, maging kutis at kilay ay kuhang-kuha ko. Natawa pa si mommy dahil sa ekspresyon ng aking mukha nang makita ko ito. "Alam mo na ngayon kung saan ka nagmana," wika niya, saka tumawa. "Ma, bakit ka po nagpabago ng mukha?" panimula kong tanong. Tila hindi naman na nagtaka pa si mommy sa aking sinabi. Isang buntonghininga lang ang kanyang ginawa, saka muling tumingin sa litratong hawak niya. "Tulad mo, tampulan din ako ng katatawanan. Madalas akong kantyawan sa school at kung ano-ano pa. Nang magpabago ako ng mukha, naramdaman ko ang pagtanggap sa akin ng mundo. Naramdaman ko ang pagmamahal na hindi ko naramdaman noon. Ngunit nang malaman ni Homer ang tungkol dito, doon ako nagsisi kung bakit binago ko ang aking sarili, na sana ay hindi ko na lang ito ginawa, na sana ay hindi ko na lang pinilit ang aking sarili sa kanya," sunod-sunod niyang paliwanag. "Siguro nga para sa lipunan, katatawanan lang ang ating mukha. Pero para sa atin, masakit ang mapagtawanan at makutya." Marahang hinagod ni mommy ang aking ligod, saka diretsong tumingin sa akin. "Kaya ikaw, 'wag mong kamuhian ang sarili mo. Nandito ako at kahit anong mangyari, susuportahan kita sa desisyon mo, Angel." Napakasarap pakinggan ng bagay na kanyang sinabi. Pakiramdam ko ay muling tumaas ang kompyansa ko sa sarili dahil sa sinabi ni mommy. Mahigpit ko siyang niyakap. "Salamat, ma. Ikaw lang talaga ang nag-iisang tao na masasandalan ko," saad ko. *** Nang matapos ang tanghalian, muli akong nagtungo sa aking silid upang maglinis sana. Ngunit isang bagay ang napansin ng aking mga mata – ang jacket ng lalaking nagligtas sa akin noong nasa rooftop ako. Noon ko lang naisip na matagal na pala ito sa akin at hindi ko pa naibabalik. Kinuha ko ito at nagpaalam kay mommy. Kailangan kong maibalik ang jacket na ito dahil baka importante sa kanya, saka gusto ko ring magpasalamat sa pagligtas niya sa akin. Ang lalaking iyon ay nag-aaral sa Wilson University. At bago makapunta sa Wilson University, kailangan kong sumakay sa MRT (Metro Rail Transit) kung saan maraming tao at kadalasan ay siksikan. Mabuti na lang at medyo tapos na ang rush-hour noong sumakay ako sa train at medyo maluwag. Agad akong humawak sa handrail ng train. Napansin ko pa ang madalas na tingin ng lalaki na nakaupo sa tapat ko, saka nagkukunwaring tulog. Huminga na lang ako nang malalim, dahil alam kong sa panahon ngayon, wala nang gentlemen. Nang makarating kami sa sumunod na station, isang babae ang sumakay. Maganda, maputi, at talagang kaakit-akit ang kanyang hitsura. Agad namang nagising ang lalaki na nasa aking harapan, saka inalok ang babaeng kararating lang na umupo sa kanyang kinauupuan kanina. Napa-ikot na lang ang aking mata dahil sa kanyang ginawa. Kapag maganda, may mga gentlemen pa rin pala. Sa pagdating ko sa aking patutunguhan, ilang hakbang lang ay nakarating na rin ako sa Wilson University. Tulad ng pinagmulan kong school, malaki rin ang unibersidad na ito at halos lahat ng estudyante ay nakakotse. Agad akong nagtungo sa gate at nagtanong sa guwardiya. Nagpa-iwan lang siya ng ID at pinag-log in doon, saka hinayaang makapasok sa loob. Ang totoo, hindi ko naman alam kung saan hahanapin ang lalaking iyon at kung ano ang kanyang pangalan, basta ang alam ko lang ay ang hitsura niya. Maaliwalas at tahimik ang school na ito, maraming puno ang malalakaran at bago ka makatungo sa loob ng unibersidad, may madadaanan kang malalaking soccer field. Mayroon ding gym kung saan maririnig mo ang mga nagba-basketball. At nandoon rin ang malaking parking lot na malapit sa bermuda grass. Nang tuluyan akong makarating sa loob, kaliwa't kanan ang aking paglingon, nagbabakasakaling makita ko siya. Ngunit sa aking paglingon, nakikita ko na naman ang mga estudyanteng sumusulyap sa akin mula ulo hanggang paa, dahilan upang makaramdam ako ng hiya at iyuko na lang ang aking ulo, saka nagmadaling lumakad. Hanggang sa makaramdam na lang ako ng pagod at umupo sa isang pabilog na bench kung saan may puno sa gitna. Uminom ako ng dala kong tubig at sinimulang iikot muli ang aking paningin. Napakaganda naman ng school na ito. Maaliwalas at komportable ang paligid. Nakakawala ng problema ang simoy ng hangin. Maya-maya lang, isang grupo ng kababaihan ang narinig kong nagtitilian sa hindi kalayuan. Nakuha nito ang aking atensyon dahil sa ingay na nagmumula sa labas ng canteen. "Lenard! Aahhh!" sabay-sabay nilang pagtili na animoy nakakita ng artista. May dalawang lalaki naman ang lumabas. Ang dalawa ay humaharang sa mga babaeng nagkakagulo at nagsasabing huwag magtulakan. Hanggang sa isa pang lalaki ang lumabas mula sa canteen na iyon. Nagsimulang lumakas ang hiyawan at halos mabingi ang paligid dahil sa tilian. Pinilit kong isilip ang aking mga mata sa nagkakagulong tao. At laking gulat ko nang makita ko ang lalaking lumabas doon. "Hala! Siya iyong hinahanap ko!" sigaw ko. Hindi ko alam kung sobrang lakas ba ng aking sinabi, dahil napatingin ang lalaking iyon sa aking kinaroroonan, dahilan upang kumunot ang kanyang noo nang makita niya ako. Agad naman akong umiwas at niyuko ang aking ulo. Ayokong madamay na naman sa gulo na ito. Hindi ko naman akalain na isa palang heartthrob ang lalaking hinahanap ko. Naku! Kung magkataon, patay na naman ako. Agad akong tumayo mula sa pagkakaupo, ngunit nang ako ay tumalikod at sinubukang ihakbang ang aking mga paa. "Ahh!" sigaw ko nang maramdamang mayroong kamay na humawak sa kwelyo na nasa aking batok. "Anong ginagawa mo rito?" rinig kong tinig ng isang lalaki. Kahit hindi ko gusto, marahan akong humarap sa kanya at halos ako ay manliit. Tama nga ako, siya nga iyong lalaking hinahanap ko. "Nandito ako para ibalik ito," nahihiya kong wika, sabay lahad ng jacket niya. Binitiwan naman niya ako saka kunot noong tiningnan ang hawak ko. "Pumunta ka rito, para lang diyan?" tanong niya. Tumango naman ako bilang tugon, saka umiwas ng tingin sa kanya. "If I know may gusto siya sa 'yo, Lenard." "Oo, nga! Sino ba siya? Mukha siyang hindi dito nag-aaral." Mga wika na naririnig ko. Naramdaman ko na naman ang panliliit at halos pagod na ang aking isip sa mga ganitong bagay. Walang gana akong tumalikod, saka akmang aalis na. Ngunit nanlaki ang aking mga mata nang maramdaman ko ang isang mainit na palad na humawak sa aking kamay. Nakita ko ang lalaking si Lenard. Tumakbo siya palayo habang hinihila ang aking kamay. "Oh my gosh!" sigawan ng mga babaeng nakasunod ng tingin sa amin. "Who is she?!" *** Sunod-sunod ang paghabol ko sa aking hininga nang makarating kami sa isang bakanteng lugar na tila isang flower farm. "Sabihin mo, ano bang kailangan mo?" hinihingal na tanong ni Lenard. "Bakit ba ayaw mong maniwala," tugon ko sabay sa paghabol sa aking hininga. "Ibabalik ko nga lang sa 'yo ito," muli kong wika. Nang pareho kaming makakuha ng sapat na hangin. Animoy, iritable niyang hinablot ang jacket sa kamay ko. "Nasisiraan ka na! Hindi mo alam ang pinasok mo," iritable niyang wika. "B-Bakit?" tanong ko. Halos tumayo ang balahibo sa aking leeg nang tapunan niya ako ng isang matalas na tingin. Dahilan upang makaramdam ako ng takot. "Sa Belmonte ka nag-aaral, hindi ba? Matinding kalaban ng school namin ang school nyo. At kung malaman ng mga estudyante dito ang tungkol sa 'yo, you're dead!" pananakot niya. Mariin naman akong napalunok dahil sa kanyang sinabi. Hindi ko alam ang tungkol dito at ngayon ko lang iyon napagtanto. "Ayos lang, hindi naman na ako nag-aaral," tugon ko. Hindi ko alam kung bakit, ngunit nakaramdam ako ng lungkot dahil sa aking sinabi. Nababakas din sa kanyang mukha ang gulat sa sinabi kong ito. "Hindi na rin naman ako magtatagal dito. Aalis na rin ako, gusto ko lang talagang magpasalamat sa 'yo." Nilahad ko ang aking kamay sa kanyang harapan, saka nagbigay ng matamis na ngiti. "Thank you. Ako nga pala si Angelica Sandoval," wika ko. Tiningnan naman niya ang aking kamay, saka bumalik sa aking mukha. "Lenard James Samonte," iyon lang ang kanyang sinabi, saka sinilid ang jacket sa kanyang bag. At lumakad palayo. "Huwag kang magpapahuli sa mga estudyante rito. Mag-iingat ka," wika niya saka tuluyang umalis. Binawi ko ang aking kamay na nanatiling nakalahad. Ngumiti na lang ako sa sarili nang mapagtanto ko ang magaspang niyang ugali. Kakaiba talaga ang lalaking iyon, wika ko sa sarili. *** Sa aking paglalakad sa campus ng Wilson University, hindi ko maiwasang hindi masulyapan ang mga babaeng nag-aayos ng sarili, kumukuha ng litrato, at masayang nakikipagkwentuhan sa kanilang classmate. Ang mga bagay na ito ay hindi ko kailanman naramdaman. Kahit kailan ay hindi ako naging masaya na kuhaan ang aking sarili sa camera. Kahit kailan ay hindi ko naranasan masabihang maganda. Kung hindi pangit, halimaw. Ganito kasama ang mundo. Ganito kalaki ang deskriminasyon ng mga tao. At sa tingin ko, hindi na ito mababago. Patuloy ka nilang lalaitin hanggang sa mabawasan ang self confidence mo. Patuloy ka nilang ilulubog hanggang sa hindi ka na makabangon. Hanggang sa pati ang iyong sarili ay kamuhian mo. Kapag maganda ka, tanggap ka nila. Kung pangit ka naman, pagtatawanan at kukutyain ka nila. Wala kang visual, so shut up ka na lang. Sana dumating ang pagkakataon na maranasan ko rin ang maging maganda. Sana maramdaman ko rin ang pagtanggap ng mga tao sa aking hitsura. Ngunit paano? Paano ko mararanasan ang bagay na iyon? Inabot na ako ng gabi sa aking paglalakad. Nang makasakay ako sa MRT, tinanggap ko na lang na wala ni isang tao ang magpapaupo sa akin, kaya nanatili na lang akong nakatayo. Sa paglibot ng aking paningin sa binabaybay na lugar ng tren na aking sinasakyan. Isang LED ang nakakuha ng aking atensyon. Isang cosmetic ads at sa tingin ko ay isa itong surgery. Nagmula sa isang hindi magandang mukha, hanggang sa siya ay gumanda at tanggapin ng madla. Mariin akong napalunok dahil sa mga bagay na aking iniisip. Mabilis kong iniling ang aking ulo dahil dito. Hindi, ayoko! P-Pero... pag-aalinlangan ko sa sarili. Nais kong gumanda. Ayoko nang matawag na halimaw. Nais kong ipamukha sa mga taong nang hamak sa akin kung paano ako lumaban. Kung paano ko ipadarama sa kanila kung gaano kasakit ang ginawa nila sa akin. *** Tulala ang aking mga mata nang makarating sa aming bahay, maging sa pagkain ay panay ang tanong ni mommy kung anong problema ngunit hindi ako makapagsalita. Nagtungo ako sa aking silid na may lungkot na nararamdaman. Hanggang sa lumapit sa akin si mommy at magsimulang magtanong. "May problema ba, anak?" Isang mapait na ngiti ang sumilay sa aking labi. Marinig ko palang ang tinig ng aking ina, pakiramdam ko ay nais ko nang bumigay at umiyak nang sobra. "W-Wala po, ma," pagsisinungalin ko. Marahang hinawakan ni mommy ang aking pisngi, saka hinarap ako sa kanya. "Kilala kita. May nangutya na naman ba sa 'yo? Pinagtawanan ka na naman ba? Sabihin mo." Nagsimulang sumikip ang aking puso at tuluyang hindi kinaya ang sakit. Naramdaman ko ang paggapang ng luha sa aking pisngi at tuluyang umiyak sa harapan ni mommy. Mahigpit ko siyang niyakap. "Ma, hindi ko na kaya. Bakit ganoon? Bakit may mga taong mapanghusga at sobra kung manglait ng kapwa? Bakit hindi ako matanggap ng mga tao at lalo na sa mga eskwelahan? Bakit, ma?" sunod-sunod kong hinagpis. "Nakakasawa nang masaktan. Nagsasawa na akong mapaglaruan. Ma, ayoko na! Ayoko na sa hitsura kong ito," hindi ko alam kung saan ko nakuha ang mga salitang iyon. Lahat ng aking saloobin ay tila lumabas na lang nang kusa sa aking bibig. Mahigpit akong niyakap ni mommy, saka hinagod ang aking likod. Ngunit kahit ganoon, hindi pa rin pumapanatag ang aking puso. "May alam akong paraan para maibsan ang nararamdaman mo, anak. Pero kapag ginawa natin iyon, hindi na natin maibabalik pa ang nakaraan." Kunot ang aking noo nang tingnan ko ang mukha ng aking ina. May pag-aalinlangan ang kanyang hitsura at tila alam ko na ang nais niyang sabihin. Nagsimulang bumilis ang t***k ng aking puso at nakaramdam ng kaba. Mariin akong napalunok dahil sa bagay na nais ipabatid ni mommy. Buo na ang desisyon ko. Natatakot ako ngunit nais kong iwan ang masakit na nakaraang ito. At kung tanging pag-ayos o pagbago sa aking mukha ang sagot, handa akong isugal ang lahat. "Mommy," seryoso kong saad sa aking ina, saka pinahiran nang mariin ang luha sa mata. "Pakiusap, mommy. Tulungan mo ako," wika ko. Ngumiti naman ang aking ina, saka marahang tumango. Sa muli kong pagbabalik, isang bagong Angelica Sandoval ang aking ihaharap. Isang bagong ako upang harapin ang bagong mundo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD