Point of view - Emma Blair - "Kumusta? Ako nga pala si Emma. Ikaw, anong pangalan mo?" saad ko sa isang bata na nasa aking harapan. Nababatid ko ang takot sa kanyang mukha habang siya ay nakayuko sa isang maliit na aparador dito sa silid aralan. Alam kong tampulan siya ng katatawanan ng aming mga classmate at madalas ko siyang makitang pinagtritripan ng ibang bata, kaya naman noong may pagkakataon. Lumaban ako para sa kanya. Hindi ako nakarinig ng kahit anong tugon sa batang lalaki na nasa aking harapan, kitang-kita ko pa rin ang panginginig ng kanyang katawan habang nakayuko ang kanyang ulo at nakatakip ang nakayakap niyang braso sa kanyang mga tuhod. Naaawa talaga ako sa kanya, dahil lang sa chubby niyang katawan ay ganito na siya tratuhin ng aming mga kaeskwela.