Baka Sakali
AiTenshi
Part 20
Alas 6 ng gabi, dinala ni tita Pat ang aking damit para sa gaganaping pista ng mga bituin. Isa itong native na long sleeve na gawa sa local na tela ng mga Igorot bilang pag sunod sa aming tradisyon. Mayaman ang aming kultura, mayaman rin ang aming paniniwala. At taon taon ay espesyal na ipinag diriwang ang pista bilang pasasalamat sa magandang ani, magandang pananawa sa buhay at sa aming taunang kaligtasan. "Mabuti pala at medyo fitted ang ibinili ko sa iyo Lino, mas tumangkad ka pa pala ngayon kaya hindi na bagay sa iyo ang masyadong maluwang," ang wika ni Tita Pat.
"Okay na ito tita, atleast medyo tumaba akong tingan sa damit kong medyo makapal. Tama lang na nag suot ako ng sando sa loob nito."
"O siya lumakad na tayong dalawa sa plaza. Hindi uso ang sumakay sa taxi dahil hindi natin maeenjoy yung ganda ng kalsada." ang wika ni Tita Pat habang nakatingala kami sa mga nakasabit na makukulay na ilaw sa bawat poste na parang mga pabitin.
"Ganitong ganito yung napanood kong anime, yung kila Mitsuha, Your name yata ang title noon, yung nagdiriwang rin sila ng festival doon sa bundok. Halos parehas lang din kami ng paniniwala at sana naman ay walang kometang bumagsak sa dito ngayon," ang natatawa kong bulong sa aking sarili.
"O Lino, eto ang pera, baka naman sabihin mo ay kuripot ako ngayong gabi. Yung mga kaibigan doon tutuloy mamaya. Mag papunta ka rin ng kaibigan mo para makakain sila. Pa thank you natin iyon dahil maganda ang negosyo natin ngayon taon. Sadyang ginagabayan tayo ng ating mga ninuno," wika ni tita Pat sabay abot ng 1k sa akin.
Agad akong pumasok sa bungad ng plaza dito ay nakita ko si Perla na nakasuot ng Japanese Yukata, naka getta pa at mayroon pang malaking unan sa likod, itinumbok ang buhok at nilagyan ng chopstick. "Konbanwa, moshi moshi ano ne, ano ne, moshi moshi ano ne, my fair lady!" ang entrada nito.
"Bakit ganyan ang itsura mo? Mukha kang mamasang!"
"Ano ka ba, ano si Mitsuha sa Kimi no nawa. Diba tayong dalawa pa nga nanood non, kaya pinagaya ko tong damit niya. Diba bagay na bagay sa akin!" ang wika nito habang umiikot sa aking harapan.
Habang nasa ganoong posisyon kami siya namang pag dating ni Stephen na naka suot ng long sleeve, may tali sa ulo at pantalong pang igorot, bitbit niya ang mga gamit sa pag seset up ng fireworks display. "Oy mga trolls manood kayo mamaya ha," naka ngiting wika nito.
"Ah e, Stephen, nag handa kami tita Pat sa bahay, kung gusto mong dumaan mamaya, kayo ni Perla doon nalang kayo kumain," ang alok ko naman.
"Wow, ayos iyan tol. Kanina pa nga ako nagugutom. Sabi mo na iyan ha," ang masayang wika nito at saka nag tatakbo patungo sa tito niya para tumulong. Habang ganoong posisyon kami ay nakaramdam na ako pag uga ng lupa. "Naku, parang yumayanig na yata, nandito na yung pinsan mo sa paligid," ang wika ko dahilan para matawa si Perla. "Naku kanina pa excited iyang si Silka, pinaghandaan niya ito," ang hirit ni Perla.
At sa di kalayuan ay nakita ko nga si Silka na nakausot ng mahabang gown. Naking center attraction na ito dahil literal siya malaki at mas lumaki pa siya sa kanyang suot. "Mag pinsan nga kayo, pareho kayong exagirated sa damit!" ang bulong ko naman.
"Lino my darling, sorry nalate ako ng dating. Kasi naman si papa gusto niya simple lang ang isuot ko kaya ganito ang tuloy ang ayos ko," pag mamaktol nito.
"Simple pa ba iyan? Para ka na ngang isasagala sa itsura mo," puna ko naman.
"Syempre gusto ko naman maging maganda ako sa paningin mo ngayon gabi! O Lino my darling!" ang wika nito at bigla akong himablot palapit sa kanya. Niyakap niya ako ng mahigpit dahilan para lumagutok ang aking buto.
"Oy Silka, baka naman magalas ang buto ni Lino kapag humigpit pa ang yakap mo sa kanya," ang wika ni Perla.
"Sorry na-carried away lang ako, si Lino naman kasi sobrang cute," ang tugon ni Silka sabay bitiw sa akin. "Arekup, para akong nilingkis ako ng isang higanteng anacoda," ang bulong ko sa aking sarili.
“Ang mabuti pa ay mag date na tayong dalawa Lino, mahaba pa ang gabi kaya’t tiyak na marami pang mangyayari sa ating sumisidhing pag iibigan,” ang wika ni Silka sabay lingkis sa aking braso at kapwa kami lumakad sa plaza. Tuwang tuwa na ito na parang bata at lahat ng madaanan aming pagkain ay binibili niya, lagi kaming may stop over sa mga tindahan kaya naman halos maubos na ang allowance ko. Mukha hindi yata pinagdala ng tatay ng pera ito si Silka kahit alam niya super lakas kumain ng prinsesa niya.
“Lino baby, isakay mo ako doon!” ang wika nito sabay turo sa ferris wheel.
“HINDI PWEDE!!! Ah e ang ibig kong sabihin ay hindi pwede dahil takot ako sa matataas na lugar at isa pa ay baka hindi tayo kasya doon sa upuan,” ang naka ngiti kong sagot na nagtimpi lang talaga.
“Oo nga pinsan, delikado ang sumakay ngayon sa mga ganyan rides, ang mabuti pa mag lakad lakad pa tayo doon,” pagyaya ni Perla. “Napapagod na ako Lino, pasanin mo naman ako,” ang reklamo ni Silka sabay sampa sa aking likuran dahilan para matumba ako sa lupa at masadsad ng malakas. “Arekupp. Teka baka mabali ang back bone ko!” ang sigaw ko naman.
“Oy pinsan, ang payat payat ni Lino, wag kana pumas an sa kanya at baka mapilay pa iyan, halika na doon sa viewing area! Mag sstart na yung fireworks display!” ang excited na wika ni Perla sabay hila sa matabang pinsan.
Agad kaming nag tungo sa gawing bukid kung saan ipapalabas nag fireworks, kasama naming nakatayo ang mga tao sa paligid, at kasabay ng unang pag siklab ng paputok mula sa kampo nila Stephen ay ang pag tugtog ng banda muna sa entablado kaya naman halos nag enjoy ang mga taong nanonood.
Grabe ang makukulay na paputok sa langit, parang mga bulaklak at bumubuo ng iba’t ibang hugis depende sa bilis ng musika. “Ayos ba?” ang tanong ni Stephen sa aming likuran.
“O akala ko nandoon ka?” tanong ko naman.
“tinulungan ko lang sila tito na mag set up, sila na ang bahalang mag sindi doon. Ganda no?” ang naka ngiting wika ni Stephen pero si Silka naman ay naka nguso lang at parang umasim ang mukha noong makita ang binata. “Lino, bakit ba may pistang ganito? Kwento mo naman sa akin,” ang malanding tanong nito.
“Ang pista ng mga bituin ay matandang paniniwala ng mga ninuno naming, hindi lang dito sa aming lugar kundi pati na rin sa iba’t ibang sulok ng bansa. Dito sa amin ay fireworks ang ginagamit, sa iba naman ay mga sky lanterns. Ang pista ng mga bituin ay tumutukoy sa biyaya ng bayan, ukol sa kasaganahan at pagiging ligtas naming sa lahat ng mga trahedya at sakuna.
Dati daw mayroon isang makapangyarihang Diyos na umibig sa isang mortal, ngunit ito ay ipinagbabawal sa batas ng langit at lupa, pero hindi napigilan ang Diyos at patuloy siyang nagkagusto sa mortal. Naging maligaya ang pagsasama ng dalawang nilalang na iyon, ngunit dumating ang oras na hinukuman ang Diyos at pinarusahan, hindi na sila maaaring mag kita kailanman ng kanyang taong pinakamamahal.
Umalis ang Diyos na mabigat ang damdamin, ayaw niyang iwanan ang kanyang pinaka mamahal.
Ang magagandang araw na pinag samahan nilang dalawa ay hindi mapapantayan at araw araw niya itong binabalikan, ito ang mga bagay na nag papasaya sa kanya kahit na ang lahat ng iyon ay ala-ala na lamang at hindi na mauulit pa. Tuwing hapon, bago lumubog ang araw ay nag tutungo sya sa bundok para mag abang sa kanyang pinaka mamahal. Iyon ang naka gawian niya mag buhat noong siya ay bata hanggang sa mag karoon ng edad ay hindi pa rin siya bumibitiw sa kanyang pag mamahal sa nilalang na iyon..
Lumipas ang mga taon at tumanda na ang mortal pero hinintay pa rin nya ang pinaka minahal nya ng buong buhay. Nag punta ang matandang mortal sa isang mataas na parte ng bundok at nag sindi ito ng mag paputok, makukulay ang mga ito at talagang sumama sa alapaap, at humiling na sanay makita nya ulit ang babaeng kanyang minahal at hinintay ng buong buhay.
Ilang oras ding nag hintay ang matandang mortal ng mag liwanag ang kalangitan, bumaba ang isang napaka gandang Dyosa sa kalangitan, hindi nag bago ang anyo nito kahit sa mahabang panahon. Nakita nya ang mortal na inibig nya at muli ay nag kita silang dalawa. Umiiyak ang matandang mortal at nag pasalamat siya dahil natanggap nito ang mensahe nya at makasama siya sa huling sandali ng kanyang buhay.
Niyakap ang Diyos ang matanda at ilang sandali pa ay binawian ito ng buhay. Maligayang maligaya ito noong masilayan niya ang mukhang kanyang mahal, halos hindi nag bago ang anyo nito, matikas pa rin, gwapo at bata. Samantalang siya naman ay mahina na, kulubot na ang balat at kinakapos sa kanyang pag hinga.
Habang nasa ganoong posisyon ay marahang hinaplos ng matanda ang pisngi ng Diyos at doon ay binawian siya ng buhay. Tumangis at umiyak ang Diyos, dito ay ginamit nya ang kanyang kapangyarihan nag liwanag ang buong paligid. Mula sa katawan ng matandang mortal ay bumangon ang isang gwapo at matikas na binata. Iyon pala ay ang kaluluwa ng matandang mortal at naging bata na itong muli.
Dito ay kinalugdan na sila ng mga Diyos at hinayaan ang kanilang pag mamahalan na maging malaya.
Muli ay nag yakap ang dalawang nag iibigan at sabay silang umakyat sa kalangitan.
Mag buhat noon ang mga tao ay nag papaputok at kinukulayan ang madalim na alapaap upang alalahanin ang dalawang naiibigan at pina niniwalaan din nila na ang dalawang ito ang nag ligtas sa aming mga ninuno noong panahon ng walang hanggang tag-ulan. At sinasabi rin na ang mga paputok ay nag hahatid ng mensahe sa mga Diyos upang dinggin ang kanilang mga kahilingan,” ang salaysay ko habang nakatingala sa langit.
“At sinasabi rin na kapag daw hinalikan mo ang taong nagugutuhan mo sa ilalim ng mga makukulay na paputok ay kayong dalawa ang magkakatuluyan. Para malaman mong ito ay magkakatoo ay biglang may susulpot na kakaibang paputok na hugis pusong baligtad, galing daw iyon sa Diyos sa kalangitan.” ang wika naman ni Stephen habang nakangiti.
“Ah ganoon ba? Ayos! Ngayon Lino ito ang hinihintay nating sumpaan!” ang wika ni Silka sabay hila sa aking katawan buong gilas niya akong hinawakan sa pisngi at bigla akong hinalikan sa labi! Gulat na gulat sina Stephen at Perla sa ginagawa ng dalaga. Hiniwakan pa nito ang ulo ko at mas lalo pang idiniin sa kanyang nguso. “Ano mayroon na bang hugis pusong baligtad?” tanong ni Silka.
“Wala pinsan, naniwala ka naman doon,” ang sagot ni Perla.
Agad kong itinulak si Silka palayo sa akin, “Bakit mo ako tinulak ayaw mo ba yung halik ko? Hindi ka ba nasarapan?” ang tanong niya sa akin. “Amoy bawang, amoy fishball, amoy somai at kikyam yung bibig mo sa dami ng kinain mo kanina,” ang sagot ko naman na parang nahilong hindi ko maunawaan.
Maya maya ay nagpapalahaw ng iyak si Silka, “Dad, help meeee!” ang sigaw nito at wala pang segundo ay dumating na ang kanyang tatay na may hawak na shot gun. “Anak anong nangyari sa iyo?” ang tanong nito.
“Dad, hinalikan ako ni Lino! Pinagsamantalahan niya ang lips ko dito sa gitna ng maraming tao!” ang wika niya.
“Bakit ginawa mo iyon Lino? Kung ganoon dapat panagutan mo ang aking anak! Sasama ka sa akin sa Cabanatuan ngayon rin!” ang sigaw ng tatay niya sabay tutok kay Stephen ng baril. “Teka ho, hindi ako si Lino!” ang reklamo ni Stephen.
“Dad, hindi si Lino iyan! Ayan si Lino oh! Hinalikan niya ako sa lips! Ang sarap sarap kasi e!” ang pagmamaktol nito.
“Anak, ayaw mo ba ang isang ito? Mas matikas ito at mas matangkad pa, mas hindi mukhang sakitin, mukhang artista ito,” ang wika ng papa niya habang nakatingin kay Stephen. “Ayoko niyan dad, hindi ko yan type! Si Lino talaga ang gusto ko! Dapat panagutan niya ako, isasama na natin sya ngayong sa Nueva Ecija the rice pot of the Philippines and the life there is sad and its very poor!” ang wika ni Silka.
“Hindi ba Tondo yon? Saka alam mo pinsan hindi talaga pwede si Lino sa iyo kasi umamin na sa akin si Lino kahapon,” ang wika ni Perla.
“Na ano? Na gusto rin niya ako at pinag nanasahana niya ako?” tanong ni Silka.
“Hindi, umamin na si Lino na siya ay isang Bakla! Bading yang si Lino at iyang isa na iyan ay bading din (sabay turo kay Stephen) hindi ka nila papatulan pinsan kasi yang dalawang iyan ay mag shota, mag boyfriend at mag kasintahang bakla,” wika ni Perla.
“OO nga ho, shota ko si Lino kaya di ako papaya na makuha siya ni Princess Dumbo, este Silka pala,” ang pag suporta ni Stephen.
“Dad, hindi ako naniniwalang bakla si Lino, gumawa ka ng paraan dad!” ang iyak ni Silka. “Mag shota kayong dalawa? Patunayan niyo nga! Halikan niyo nga ang isa’t isa!” ang pang hahamon ng tatay niya.
“Yun lang pala e. Hoy lumba-lumba manood ka, ganito ang tamang pag halik kay Lino,” ang wika ni Stephen sabay hawak sa aking pisngi. Samantalang napamura naman ako dahil sa kaba, hindi ako alam ang gagawin niya at kung seryoso pa siya sa kanyang sinasabi. “Pumikit ka nalang, para sa iyo ito Lino, para sa ikatatahimik ng buhay mo,” bulong ni Stephen sabay sunggab sa aking labi.
Napahinga ako ng malalim, huminto ang aking mundo, ang aking puso parang huminto rin. Sa pag kakataong ito ay hinalikan ako ni Stephen sa labi, magkasugpong ang aming mga nguso. Natili si Perla at napasigaw naman si Silka.
Kasabay nito ang malakas na hiyawan ng mga tao sa paligid, namula ang kalangitan at biglang may sumulpot na hugis pusong baligtad na paputok na siyang ikinamangha at ikinagulat ng lahat! Patuloy pa rin kami sa pag kakasungpong ng nguso ni Stephen hanggang gumalaw ito at parang torrid na ang aming halikan dahilan para mas lalo akong madala, para akong mamatay na noong mga sandaling iyon.
Napasigaw ng malakas si Silka “Hindi ko kaya to! Mga baklaaaaa!” ang pag iyak niya sabay takbo palayo sa amin.
Noong wala na ang mag ama ay bumitiw si Stephen sa akin, ako naman ay hingal na hingal at putlang pula. “Hala, bakit ganyan ang itsura mo? Wala yung stalker mong si Hungry Pirena,” ang wika nito samantalang naiyak nalang ako napa upo sa lupa.
“Bakit umiiyak to? Masakit ba yung halik ko?” ang tanong niya.
“Wala masaya lang iyang si Lino,” ang wika ni Perla dahilan para matawa si Stephen. “Ano ka ba simpleng halik lang iyon para makatakas ka doon sa stalker mo, walang kahulugan iyon. halika na nga, umuwi na tayo sa inyo dahil nagugutom na ako.
“Hay nako mabuti pa nga, kakain talaga ako ng marami kila Lino hanggang maging mabusog ako ngayong gabi,” ang wika ni Perla at naglakad kaming tatlo palabas sa plaza.
Ito ang mga oras na hindi ko inaakalang mangyayari sa aking buhay, hanggang ngayon ay tumitibok pa rin ang aking puso dulot ng hindi maipaliwanag na pakiramdaman, pero gayon pa man ay tinitiyak kong ang araw na ito ay hindi ko malilimot.
Itutuloy..