NAWINDANG si Camia. Paano nalaman ni Remus ang buong pangalan niya? Hindi naman siya nag-iwan ng buong pangalan sa security at hindi nga nito pinagkainteresang basahin ang pinakita niyang ID. Tumayo ang lalaki saka siya iginiya sa mini sala set sa likuran ng office table nito. May nakita siyang dalawang pinto sa likod ng sala set. Lumuklok siya sa sofa sa tapat nito. Iginala niya ang kanyang paningin sa paligid. Wala siyang nakikitang kahit maliit na salamin o bagay na maaring makasagap ng repleka. Nang ibalik niya ang tingin sa lalaki ay natigilan siya nang mapansin na seryoso ang titig nito sa kanya. Hindi siya nakatiis, tinitigan din niya ito taas-baba. Nakasuot ito ng white suit at fresh na fresh tingnan. Nasasamyo niya ang katamtamang tapang na masculine perfume na ginamit nito. May ilang sandaling nagtititigan lang sila. Nawala ata ang confident niya.
“Don’t just stare at me from head to foot. Parang gusto mo akong hubaran ng tingin mo,” simpatikong sabi ni Remus.
Nilinis niya ang nakabara sa kanyang lalamunan. Tinapangan niya ang kanyang anyo. “Nakatitig ka rin kasi,” ganti niya.
Nasilayan niya ang killer smile nito. “Saan ba ako dapat tumingin? Sa likod mo? Tayong dalawa lang ang narito,” sarkastikong tanong nito.
Paulit-ulit siyang bumuntong-hininga. “Ayaw kong tumagal ang usapang ito. May nalakap akong impormasyon tungkol sa kaso ni Cole. Gusto kong makita ang kuha ng CCTV kung saan nakitang sumama si Cole sa hindi matukoy na lalaki. Kung wala kayong balak paimbestigahan ang video, humihingi ako ng permiso na ako ang gagawa ng imbestigasyon. I’m one of St. Bernard Intelligence Agency staff and agent. May koneksiyon din ako sa pulisya at NBI. Hinihingi ko lang ang kooperasyon ninyo para sa kaso,” aniya sa propesyonal na pakikipag-usap.
Naglalaro ang tingin ng lalaki sa kanyang kabuoan. “Alright. Ayaw kong isipin mo na may mali sa operasyon ng kumpanya ko kaya pinagbigyan kita sa ikalawang pagkakataon na makausap ako pero pagkatapos nito, hindi ka na ulit maaring umapak sa opisina ko. Makukuha mo ang gusto mo pero hindi ako papayag na ipapalabas mo mula sa kumpanya ko ang video since personal ang ginagawa mong imbestigasyon. You can do your own investigation here not outside the company. Hanggang dito lang ako makiki-cooperate sa ‘yo.”
Tumawa siya nang pagak. “Masyado naman atang ma-privacy ang kumpanya mo. Nagdududa ka ba sa kakayahan ko? Meron akong system na kayang bigyang linaw ang malabong videos at pictures. Kung nahirapan kayong ma-identify ang lalaking kasama ni Cole sa video, hayaan ninyong ipasok ko ang video sa system,” aniya.
“You should bring gadget you use for your system here,” sabi nito.
“Wala kang tiwala sa akin, gano’n?”
“Bigyan mo ako ng matibay na rason para pagkatiwalaan kita.”
“Kung wala kang ginagawang mali, hindi mo kailangang magduda sa akin. Ginagawa ko ito para sa boyfriend ko. Wala akong intensiyong guluhin ang business mo.”
“Sorry, hindi lang talaga ako madaling magtiwala sa ibang tao.”
Ngumisi siya. “Ang taong katulad mo na mailap sa ibang tao ay maraming itinatagong sekreto. Of course, you have to stay humble and quite to avoid some risk,” pilyang sabi niya.
Hindi nakaligtas sa paningin niya ang pagkunot ng noo ng binata at ang pagtigas ng muscles nito sa panga. Bahagya ring naningkit ang mga mata nito. Curious pa rin siya sa nakita niyang litrato nito kung saan wala itong repleksiyon sa salamin. Gusto niyang makatiyak na normal na tao ang kaharap niya. Pasimpleng nilalaro niya ang kanyang cellphone para makanakaw ng sandali na makita niya sa salamin ng cellphone ang repleka ng binata. Subalit bigla itong tumayo at palakad-lakad sa harapan niya.
“Fine. You can copy the video but you need to give me details about your investigation,” sabi nito pagkuwan.
Tumayo rin siya. Inilabas niya sa kanyang bag ang kanyang flash drive. Sumunod naman siya sa binata palabas ng opisina nito. Nagtungo sila sa surveillance room. Inutusan nito ang staff na bigyan siya ng kopya ng video tungkol kay Cole.
Nang makuha ang gusto ay nagpaalam siya kay Remus pero hindi niya inaasahan nang pigilan siya nito at inalok siyang magmeryenda sa personal nitong dinning room na naroon lang sa fifth floor. May sarili raw itong cook na naroon sa gusali.
Tumitig si Camia sa pagkaing nakahain sa round table na may pulang table cloth. Maluwag ang dining area at may sarili itong mini bar counter kung saan may naka-display na mamahaling wine. Kumuha ng isang bote ng red wine si Remus saka nito sinalinan ang dalawang kopita. Nakaluklok lang siya sa silyang mayroong pulang seat cover.
“Imported from France ang red wine na ito. Gawa ito sa purong itim na ubas,” wika nito habang ipinapakilala ang wine. Lumuklok na ito sa silyang katapat niya.
“What about the food?” sigurestang untag niya.
Matamang tumitig sa kanya ang binata saka ito ngumiti nang pilyo. “This one called seafood muffin and this one was my favorite, I called this, cassava cream cake, not so sweet so you don’t have to worry about your sugar level,” pakilala nito sa mga pagkain.
Naka-platting na ang mga pagkain. Tig-isa sila ng seafood muffin at isang hiwa ng dilaw na cake na tinawag nitong cassava cream cake. Unique para sa kanya ang mga pagkain.
“Let’s eat,” pagkuwan ay sabi nito.
Tinikman niya una ang cake. Masarap at hindi masyadong matamis. Lasang-lasa niya ang cassava.
“Ilang taon na kayong magkarelasyon ni Cole?” mamaya ay tanong ni Remus.
Sinipat niya ito. “One year na kaming magkarelasyon,” sagot niya.
Napansin niya ang pagtikwas ng isang kilay ng binata. “One year, akala ko naman mga three to five years. Para kasing napakalaki na ng investment mo sa relasyon ninyo kaya handa kang gawin ang lahat para sa kanya,” komento nito.
“Hindi nasusukat ng panahon ang pagmamahal. I just love him the way how much I love myself. He’s everything to me. He’s the only guy I love in my entire life,” matatag na sabi niya.
“Ouch!” daing nito na tila nasaktan.
Napatingin siya sa kaliwang kamay nito na nahiwa ng matalim ng bread knife ang hintuturo nito. Kitang-hita niya ang dumugong sugat na pinahid nito ng tissue paper.
“Napakatalim naman ng knife na ‘to,” anito.
“Bakit kasi kailangan mo pang hawakan ang muffin at hiniwa?” apila niya.
“It’s my business. Kumain ka lang diyan,” supladong sagot nito.
Sumubo siya ng cake. Hindi siya nakatiis, sinulyapan niya ang sugat nito. Napamata siya nang mapansing biglang nawala ang sugat sa hintuturo nito. Wala nang dugo. Mabilis namang itinago ni Remus ang kaliwang kamay nito. Gumamit na ito ng tinidor sa pagkain ng muffin.
Bumuntong-hininga siya. Naging uneasy siya nang mapansin niya ang malagkit na titig sa kanya ng binata. Ibinalik niya ang tingin sa kanyang pagkain.
“What if hindi na babalik si Cole? Hindi ka na ba maghahanap ng ibang lalaki?” tanong ni Remus matapos ang ilang sandaling katahimikan.
“Babalik siya, alam ko,” mariing sagot niya pero hindi niya tiningnan ang kaharap.
“You’re just obsessed. Honestly, I don’t believe in true love and everlasting love. I know there’s always a boundary and limitations. No forever in love,” pahayag nito.
“Of course you can say that because you never fall in love.”
Ngumiti ito. “How did you know?” usig nito.
“It’s obvious. People never care about love and do not understand things related in love, they’re nobody. And a person who doesn’t know about love is called alien.”
Tumawa nang pagak si Remus. “So, I’m an alien. Ganito ba ang hitsura ng isang alien?” anito saka itinuro ang sarili.
Umangat ang sulok ng labi niya. Hindi siya makakatagal na kausap ito. Nakakapraning. Inisang lagok niya ang isang baso ng wine saka niya isinukbit sa balikat ang kanyang shoulder bag.
“I have to go. Thanks for the food,” paalam niya rito.
“Hindi mo ba muna ako patatapusin kumain? Just seat and let’s talk,” pigil nito.
“Ano pa ba ang dapat nating pag-usapan?”
“Anything under the sun,” sarkastikong sagot nito.
“Wala akong panahong makipagkuwentuhan. Babalik ako kapag may progress sa investigation ko,” aniya at hindi na nagpapigil.
“Ipapahatid na kita sa driver ko,” apila nito.
“No thanks. Kaya kong umuwi mag-isa.” Nakarating na siya sa pinto nang marinig niya ang binata.
“Ma-pride ka pero halatang mapusok ka,” wika nito.
Huminto siya saka ito hinarap. Nakatayo na ito. “Busy kang tao ‘di ba? Bakit may panahon kang makiusyoso sa pagkatao ng iba?” aniya.
“You caught my attention so you can’t blame me. Take care and see you when I see you,” anito.
Hindi na siya kumibo. Pagkuwan ay nagmamadali siyang lumabas.
PAGDATING ni Camia sa bahay niya ay kaagad niyang naipasok sa system niya ang video ni Cole na nakuha niya sa surveillance team ni Remus. Nai-craft niya ang caption ng lalaking kasama ni Cole. Nailipat niya ito sa photo at nai-scan sa automated system kung saan mabibigyang linaw ang mukha ng tao. Naka-side view ang lalaki na natatakpan ng hood ng jacket nito ang ulo pero naaninag ang side view ng mukha. Pinalaki niya ang litrato hanggang sa unti-unting lumilinaw ang mukha. Nai-scan niya ito ulit sa identity section pero blanko ang pagkakilanlan nito pero nakita niya ang tattoo sa kanang kamay ng lalaki. Nai-zoom niya ang picture at nag-focus sa kamay ng lalaki. Nai-craft niya ang tattoo at kinopya sa magkahiwalay na litrato. Ang tattoo ay naglalarawan sa pyramid na mayroong mata sa gitna at ang pyramid ay tinusok ng espada.
Pamilyar sa kanya ang hitsura ng tattoo. May hawig iyon sa kanyang kuwintas. In-print niya ang litrato ng tattoo. Ang pagkakaalam niya’y karaniwang ginagamit ang pyramid sa mga paranormal na gawain o isa itong simbolo. Nang matapos siya sa kanyang ginagawa ay naalala na naman niya si Remus at ang nakamamanghang nasaksihan niya ang mabilis na paghilom ng sugat nito. Lalo lamang siyang nagduda sa pagkatao ng lalaki. Nainggayo siyang mag-research tungkol sa mga bampira.
Kinabukasan pagpasok ni Camia sa station nila ay bumungad sa kanya ang balita tungkol na naman sa kaso ng pagpatay na hindi pa rin matukoy kung ano o sino ang salarin. Usap-usapan sa opisina nila ang krimen.
“Lumabas na raw ang autopsy report ng unang biktima. Mamaya may update si boss,” sabi ni Camilla.
Pinapanood ng mga ito ang balita sa Youtube. Mamaya ay pumasok ang boss niya, na si General Lucio Gamboa.
“Agents, maging aware kayo. Kailangan nating maki-cooperate sa pulisya para matukoy itong mysterious killer na ito. Dumadami na ang biktima,” wika ng heneral.
“Sir, may result na ba ang autopsy?” tanong ni Tanya.
“Oo. Malinaw na hindi ordinaryong tao ang killer at hindi rin isang uri ng hayop. Hinihinalang isa itong bampira,” sagot ng heneral.
“OMG! Nag-e-exist ba talaga ang bampira?” hindi makapaniwalang komento ni Camilla.
“Sir, baka puwedeng mga pulis na ang bahala sa kanila. Hindi ba ang mga target lang natin ay mga sindikato at mga most wanted criminals?” kinakabahang sabi ni Tanya.
“Mga kriminal din ang pumapatay. Seryosong kaso ito. Kailangan pa rin ng mga secret agents para mas mabilis at hindi obvious na tinutukoy ang mga kriminal.” Lumapit ang heneral kay Camia.
Abala siya sa pagtipa sa keyboard ng computer. Nakikinig lang siya at nakikilakap ng impormasyon na maaring makatulong sa ginagawa niyang lihim na imbestigasyon. Malakas ang kutob niya na maaring biktima rin si Cole ng mysterious killer.
“Camia, bumuo ka ng grupo para magsiyasat tungkol sa mesteryosong killer. Sabi ng mga pulis, posibleng gumagala lang sa bansa ang mga killer at maaring malayang nakikisalamuha sa mga tao,” utos sa kanya ng heneral.
“Yes, sir,” sagot lang niya.
Pagsapit ng alas-kuwatro ng hapon ay nagtungo si Camia sa CLC corporation para bigyan ng update si Remus tungkol sa natuklasan niya sa nakuhang video. Katulad ng dati, hinatid siya ng secretary sa ikalimang palapag ng gusali.
Pagpasok niya sa opisina ni Remus ay naabutan niya itong kausap ang personal assistant nito.
“Take your seat, first, Camia,” sabi ni Remus.
Lumapit naman siya sa silyang katapat ng mesa ng binata. Nakaupo sa katapat niyang silya si Torio. Uupo sana siya nang nasulyapan niya ang kaliwang kamay ng lalaki kung saan may nakita siyang pamilyar na tattoo. Natigilan siya. Katulad iyon ng tattoo na nakita niya sa lalaking kasama ni Cole sa video pero wala lamang iyong nakatusok na espada. Ganoon na lamang ang kabog ng dibdib niya. Hindi siya tumuloy sa pag-upo.
“Uh, mukhang busy pa kayo. Babalik na lang siguro ako next time,” apila niya.
Biglang tumayo si Torio. “Stay here, please. Aalis na ako,” sabi ni Torio.
Sinundan niya ng tingin ang papaalis na lalaki. Hindi siya mapalagay. Tumibay pa ang kanyang pagdududa.
“Let’s talk in my lobby, Camia,” sabi ni Remus saka ito tumayo.
Nagdadalawang-isip siya kung itutuloy pa niya ang plano. Pero naisip niya si Cole. Malapit na siya sa katotohanan kaya hindi puwedeng kaagad siyang susuko. Nakapagdesisyon siya na hindi na muna babanggitin kay Remus ang tungkol sa tattoo. Naisip niya, personal assistant nito si Torio kaya malamang si Torio lang ang nakakaalam ng lahat sa buhay ni Remus. At ang sugat nito sa daliri, hindi na talaga visible kahit titigan niya ang kamay nito.
Iniwan siya ni Remus sa lobby ng opisina. Pumasok ito sa isang pinto. Inilapag naman niya sa center table ang kanyang netbook. Hindi talaga siya matatahimik. Hindi lang tungkol sa kaso ni Cole ang pakay niya kundi ang imbestigahan mismo ang pagkatao ng boss nito. Naniniwala siya na maaring may malaking konesksiyon si Remus sa pagkawala ng boyfriend niya.
Kinuha niya ang face powder niya sa bag na mayroong salamin. Sa pamamagitan ng salamin ay mapapatunayan niya kung totoong walang repleka sa salamin si Remus. Kapag totoo, doon na siya maninindigan na hindi ito ordinaryong tao. Kapag nagkataon ay iisipin niya na may kinalaman ito sa sunod-sunod na mysterious killing sa lugar nila.
Iginala niya ang paningin sa paligid. Napansin niya na walang nakakalusot na liwanag mula sa labas. Mayroong bintana pero natatakpan ito ng makapal na pulang kurtina. Kung walang ilaw ay madilim sa loob.
May biyente minutong naghintay si Camia bago bumalik si Remus. May dala na itong isang baso ng red juice at slice ng chocolate cake. Napansin niya na nagpalit ito ng damit. Puting polo at pantalong maong na lang ang suot nito. Inilapag nito ang meryenda niya sa mesa.
“Pasensiya ka na, tapos na ang office hour kaya kailangan kong magpalit ng damit para hindi na ako matuksong magtrabaho. Perfect timing ka. May update na ba tungkol sa imbestigasyon mo?” anito. Hindi ito umupo.
“Uh… meron,” sagot niya habang kunwari’y naglalagay ng face powder.
Malikot si Remus kaya hindi ito mahagip ng munting salamin niya. Palakad-lakad ito sa harapan niya.
“That’s enough, mas maganda kang tingnan kung wala masyadong makeup,” puna nito.
Natigilan siya. Inilapag niya sa kanyang hita ang bilog na case ng powder pero nanatiling nakabukas. Uminom siya ng juice at sumubo ng kaunting cake. Saka lamang umupo sa katapat niyang couch si Remus.
“Ano ang nadiskobre mo sa video?” pagkuwan ay tanong nito.
“Uhm… namukhaan ko ang lalaking kasama ni Cole pero hindi matukoy ng system ang identity niya,” aniya.
“So, it’s not clear yet. Iyon lang ba ang sasabihin mo?”
Naalala niya ang tattoo. Iyon dapat ang sasabihin niya pero dahil nakita niya sa kamay ng assistant nito ang kapareho ng tattoo ay naalarma siya. Nag-iisip siya ng iba pang dahilan.
“Kuwan, uh… nabanggit sa akin ni Cole noon na napalapit siya sa ‘yo. Nabigyan mo siya ng financial support noong nagkasakit ang Mama niya. Sinabi niya na magaan ang loob niya sa ‘yo. Naisip ko lang na baka may mga naikuwento si Cole sa ‘yo na hindi niya nasabi sa akin,” bigla’y nanulas sa bibig niya.
Hindi nakaligtas sa kanya ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha ni Remus. Naging seryoso ito.
“Yes, that’s right. Sa lahat kasi ng empleyado ko rito ay si Cole lang ang may lakas ng loob na kausapin ako kapag mayroon siyang problema rito sa kumpanya,” sagot nito.
“Pero obvious na hindi sa lahat ng empleyado ay ganoon ka. May nalakap akong impormasyon na hindi ka basta nakikipagkita o nakikipag-usap sa mga empleyado mo. Naisip ko lang na baka may espesyal kang pagtrato kay Cole,” walang pakundangang sabi niya.
Ngumisi si Remus. “You know, you’re brave. Pero mukhang lumagpas ka na sa limitasyon mo. Ini-interrogate mo na ako,” reklamo nito.
“Sorry but it’s part of investigation. Napakalapit sa akin ng subject at alam ko’ng malapit ka rin kay Cole. Makakatulong ang statement mo para mas mapabilis ang imbestigasyon. Hindi sa inaakusahan kita. Sinusunod ko lang ang proseso. Kung magpapakita ka ng guilt o pag-iwas sa mga tanong ko, iisipin ko na may itinatago kang sekreto na maaring may kinalaman kay Cole,” matapang na buwelta niya.
Nasaksihan niya ang paninigas ng panga ng binata. Tumalim ang pagkakatitig nito sa kanya. Taas-noo namang nakipagtitigan siya rito.