FAYE “Adi, sino ba ang mga humahabol sa atin?” kinakabahan kong tanong. “I don't know yet, pero hindi maganda ang kutob ko sa kanila, honey.” Nanlaki ang aking mga mata dahil ilang sasakyan ang nilampasan namin. Napakabilis ng takbo ng sasakyan ni Sir Adi at pakiramdam ko'y lumilipad na kami dahil humahagibis ito sa kalsada. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakaramdam ng matinding takot gaya nito. Hindi ko malaman kung anong gagawin ko habang si Sir Adi naman ay mahigpit na hawak ng kanyang mga kamay ang manibela at seryosong nagmamaneho. Wala akong magawa kundi humawak nang mahigpit sa aking upuan na para bang dito nakasalalay ang buhay ko. “Dammit!” Napatingin ako kay Sir Adi nang makarinig ng malakas na tunog mula sa aking likuran. “Ano ‘yon?” kinakabahan kong tanong sa kanya.