Mhina Nagising akong mag-isa na lamang sa kama. Bigla akong napabalikwas at napalinga sa buong paligid. Malinis na ang mesa. Wala na doon ang mga pinagkainan namin ni Daemon kagabi. Kaagad akong bumaling sa crib nang mapansin kong napakatahimik doon. Wala na rin sa loob niyon ang mga anak ko. Baka inilabas na sila ni Ana. Gawain na namin 'yon tuwing umaga para painitan ang kambal at palakarin sila sa labas. Pero mukhang mataas na rin ang araw sa labas. Masyado ng mainit. Tanghali na pala ako nagising! Kaagad na akong bumaba ng kama habang sapo ang humihilab ko pa ring sikmura. Nagtungo muna ako sa loob ng banyo. Nakita ko pa rin sa ibabaw ng countertop ang pinaghubaran naming mga damit ni Daemon kagabi. Wala sa sarili akong napangiti. Naalala ko ang nagdaang magdamag sa aming dalawa.