Chapter Six
Pagkatapos ng ilang oras na pananatili sa parke ay bumalik na kami sa bahay. Naroon pa rin si Manang Malena.
"Kain kayo ng pansit. Pampahaba ito ng buhay," yaya agad nito sa amin. "Nagluto ako ng merienda. Lourdes, dumating iyong isang kahon. Nasa kwarto n'yo na. Ikaw na ang magbukas." Agad namang tumalima si ina. Pumasok ito sa kwarto at kami naman ay sa mesa lumapit at tinignan ang nakahain doon.
"Mukha pong masarap," nakakain na kami ng pansin pero hindi ganito ang itsura. Iyong sa amin ay may kaputlaan. Tapos hindi marami ang sahog. Itong luto ni Manang Malena ay maraming gulay at Karne.
Inabutan n'ya kami ng Plato kaya naman pumwesto na kami.
"Kayo ba'y may mga boyfriend na?" tanong ng ginang. Nagkatinginan kami ni Selsa.
"Boyfriend? Iyon po ba iyong kasintahan?" tumango ang ginang saka nito dinampot ang pitchel saka sinalinan ang baso na nakahanda para sa amin.
"Bata pa po kami---"
"Hindi na tayo bata, Manika. Kapag may manligaw at gusto ko ay sasagutin ko agad. Sayang naman ang ganda ko."
"Ikaw, Manika. Dapat mag-boyfriend ka na rin. Sayang ang ganda mo. Tiyak na makakasungkit ka ng mayaman."
"Malena," biglang sulpot ni ina. Agad namang natahimik ang ginang. "Anong sinasabi mo sa anak ko?" sita nito rito. "Huwag mong udyukan na magnobyo dahil bata pa iyan at marami pa akong pangarap sa kanya."
"Pasensya na, Lourdes. Nagkwekwentuhan lang naman. Alam ko namang marami kang pangarap dito sa bunso mo. Kahit ako'y gano'n din. Pangarap kong makita siya at ang kapatid niyang si Bok na namumuno sa pangkat." Sumenyas ito kay Selsa na manguha ng extrang plato. "Kumain ka na rin dito, Lourdes." Wala namang imik na naupo si ina.
Habang kumakain kami ay tahimik lang kami. Ramdam naming ni Selsa na hindi maganda ang timpla ni ina ngayon.
Kaya tahimik lang din kami nito. Mamaya ay lalambingin ko na lang para maging okay ito.
"Ina," tawag ko sa ina. "Ang pancit daw ay pampahaba ng buhay? Pwede ba nating lutuin ito para ipakain sa mga kasamahan nating may malubhang karamdaman?" nasamid si Selsa. Si ina naman ay napangangang napatitig sa akin. "Sabi ni Manang Malena pampahaba raw ng buhay ang pancit, ina."
"Manika, hindi iyon gano'n! Ginawa mo namang gamot ang pancit. Kasabihan lang iyon. Joke only." Akala ko pa naman hahaba na ang buhay ng mga may malulubhang karamdaman sa amin. Mali pala.
"Gusto n'yo bang manood ng palabas sa plaza mamaya? Mayroon ng kantahan at sayawan doon."
"Hindi ba kahina-hinala?"
"Hindi iyan. Pwedeng sabihin nila Manika na galing sila sa Maynila. Sabihin din na pamangkin ko sila at pinsan kita. Maranasan man lang ng mga bata ang gano'ng kasiyahan bago sila umakyat ng bundok." Ngumiti ako kay ina ng pagkatamis-tamis. Baka sakaling tumalab ang ngiti ko at pumayag ito.
"Sige na, Manika," sang-ayon nito. Napatayo ako at dali-daling yumakap dito.
"Salamat, ina!" humalik pa ako sa pisngi nito.
Binigyan kami ng idea ni Manang Malena sa mga magaganap sa plaza. Bukod sa mismong araw ng kapistahan ay may mga palabas pa pala bago ang piyesta. Kagaya sa magaganap ngayong gabi.
Kung ano ang mga ganap doon, kung ano ang mga makikita namin doon.
Kaya nang nagtungo kami ng gabi ay may ideya na kami ni Selsa. Pero hindi pa rin maiwasang humanga sa mga nakikita namin.
"Ina," kinalabit ko ito. "Gusto ko po no'n." Turo ko sa lobong may desenyong manika.
"Para sa bata lang iyon, Manika," maging anas nito. "Pero gusto mo ba?" agad naman akong tumango.
"Gusto ko po, ina. May pera po ba tayong pambili?" agad itong dumukot at iniabot sa akin. Naturuan na n'ya ako kung paano bumili kaya naman ako na ang lumapit.
"Pabili pong lobo. Magkano po?"
"Isang daan isa, ineng. Anong design ba?" ano ang design? Hindi ko alam. Halatang salitang English.
"Design po?" tumingala pa ako para pagmasdan ang mga iyon.
"Oo. Pumili ka." Nang sabihin niya iyon ay nauunawaan ko naman. Itinuro ko ang manika. Manika ang tawag ko sa gano'ng desenyo dahil may gano'n akong manika dati. Dala ni ama para sa akin na naiwan lang sa dati naming Kubo.
Nang iabot niya iyon sa akin ay tuwang-tuwa ako. Parang nagtaka pa ito kung bakit ang saya-saya ko.
"First time mo lang magkalobo, ineng? Para sa 'yo ba ang lobo na iyan?" takang-taka na tanong nito.
"Opo. Ito po ang unang pagkakataon. Ang ganda po, manong."
"Ignorante," narinig ko iyon kahit halos pabulong lang na sinabi ni manong. Umalis na rin ito at nagpatuloy sa pagtitinda. Nanulis ang nguso ko. Pagbalik ko'y gano'n pa rin ang itsura ko.
"Bakit?" seryosong tanong ni ina.
"Sabi po ng tindero ay ignorante... tiyak po na ako ang sinasabihan n'ya no'n, ina. Masama po bang bumili ng lobo ang katulad ko?" tanong ko rito.
"Hindi, Manika. Ayos lang iyan." Saka ito lumingon sa matandang lalaki. Palayo na ng palayo.
"Dito lang kayo ni Selsa. Selsa, huwag kayong maghihiwalay ni Manika," bilin ni ina sa amin. Agad namang kumapit sa braso ko si Selsa.
"Saan ka pupunta, ina?" agad kong tanong.
"Bibili lang ng inumin. Dito lang kayo. Dito ko kayo babalikan," pareho kaming tumango ni Selsa saka ibinalik ang tingin sa stage. May nagsasayaw roon. Magaling sila. Maganda ang kanilang mga suot. Natutuwa ako sa nakikita ko. Nagsasaya lang ang lahat. Hindi katulad sa bundok na seryoso ang mga tao na nagsasanay.
"Ang saya rito, Selsa!" hindi ko napigilang bulalas.
"Manika, sa tingin mo kailan ako dapat umalis?" agad ko itong nilingon dahil seryoso ang tanong na binitiwan nito.
"Kapag may pagkakataon na, Selsa. Pero sa tingin ko ay mas mabuti kapag abala na ang lahat ng kasapi. Kasi kung ngayon ay may oras pa sila para hanapin ka." Tumango-tango naman ito.
"Sige. Sa araw na lang ng kapistahan." Hindi na ako kumibo. Dahil ang atensyon namin ay nasa mga nagsasayaw ay hindi na namin napansin kung gaano katagal bumalik si ina.
Nang bumalik naman ito ay may dala na itong merienda.
Habang nanonood kami ay kinakain namin iyon. Saglit na pinutol ang mga nagsasayaw. Umakyat sa entablado ang gobernador.
Makisig talaga ito. Maganda ang tindig at pati na rin ang kutis.
"Ina, napakagwapo po niya," bulong ko kay ina na pasimpleng binungo ako.
"Magtigil," saway pa nito sa akin. Napahagikhik naman ako. Si ina ay masama ang naging tingin kaya agad din akong tumigil.
Nang pakinggan ko ang sinasabi ni Governor Claude Dela Marco ay hindi ko maiwasang mapatanong. Kung pakikinggan kasi ito ay parang ang galing-galing nitong gobernador. Ibang-iba sa mga naririnig ko sa mga kasama ko. May mga plano itong binanggit na tiyak malaking tulong sa mamamayang nasasakupan niya. Sumasang-ayon ako sa mga ideya nito.
Maganda ang mga binanggit nitong plano. Pero hindi ko maibulalas iyon sa tabi ni ina at Selsa.
Nagpapalakpakan ang mga tao.
"Ina, naiihi po ako," bulong ko sa ina dahil maraming tao sa paligid namin.
"Tara't maghanap tayo ng banyo---" agad akong umiling.
"Dito ka na lang po. Si Selsa na lang po ang isasama ko." Ipinasa ko rito ang pagkain na hindi ko pa naubos.
"Mag-iingat. Huwag lalayo." Bilin iyon ni ina sa akin. Tumango naman ako.
Nakuha sa pagtatanong kaya nakarating kami sa banyo.
"Dito... babae rito." Hinila ako ni Selsa papasok. Wala namang tao roon kaya nakuha naming umihi nang maayos.
Sa totoo lang ay dito lang namin sa kapatagan naranasan gumamit ng banyo. Itinuro naman ni Manang Malena kanina. Iyong banyo namin sa bundok ay kung saan-saan lang. Minsan kapag hindi makalabas ay pina-plastic at ibinabato na lang. Dito ay maayos at may tubig pa.
Pagkatapos kong maghugas ay inayos ko na ang sarili ko. Paglabas ko'y kinatok ko ang kabilang pinto.
"Selsa?" ani ko. Yumuko ako para sumilip. Wala si Selsa roon. Baka una na itong lumabas kaya lumabas na rin ako. Pero paglabas ko ay wala naman ito. "Selsa? Selsa?" impossible na bumalik na ito sa pwesto namin nila ina.
Sinubukan kong tanawin si ina. Abot tanaw naman ito pero wala roon si Selsa. Kinabahan ako. Ginawa na ba nito ang plano niya? Sinubukan kong hanapin si Selsa. Palinga-linga ako. Nagpunta pa ako sa likod ng gusali baka naroon ito. Mga sasakyan lang naman ang nakita ko. "Selsa?" tawag ko rito. Nang nakarinig ako ng kaluskos sa isang sasakyan ay natakot ako. Napatakbo at aksidenteng bumangga sa matigas na pader... parang pader pero tao iyon.
"Aray ko!" reklamo ko habang hawak ang noo.
"Are you okay, miss?" agad namilog ang mata ko at napatingin sa nagsalita. Si Governor Claude Dela Marco iyon.
"Hala! May kalbo," tuwang ani ko sabay abot sa buhok nito at hinaplos iyon. Napahagikhik pa ako nang nakaramdam ng kiliti. "What the f**k are you doing?" english 'yong sinabi niya. Hindi ko naintindihan iyon. Napatitig ako rito. Kumurap-kurap. "I'm asking you."
"English po... Tagalog lang po." Natigilan ang lalaki. Napatitig ito sa mukha ko.
"Tsk." Nilagpasan ako nito. Pero sumunod ang tingin ko rito.
"Governor Kalbo," tawag ko. Agad itong huminto at napalingon sa akin. "Maganda ang sinabi mo sa entablado. Kaya mo bang gawin ang mga binitiwan mong salita roon?" tanong ko rito. Kumunot ang kanyang noo. "Mabuti ka bang gobernador?"